Share

CHAPTER 2

KASALUKUYANG tinatalakay nina Jenny at Annabelle ang paksang ipipresenta sa klase. Nakaupo sila sa pang-apatang bilog na mesa ng students’ park.

“Good afternoon, girls!” bati sa kanila ni Fred, ang masugid na manliligaw ni Annabelle. Nagsa-sunbathing siguro ito noong nagsabog ng mahabang pasensiya ang Panginoon dahil kahit ilang beses na niyang inayawan ay sige pa rin sa pagsuyo.

Estudyante rin ito ng eskuwelahang iyon pero hindi sila magkaklase. Kagaya nila, nasa ikatlong taon na rin ito ng kolehiyo. Anak ito ng konsehal ng bayan na nagkataong kumpadre din ng ama ni Annabelle. Maituturing na rin niya itong kababata. May itsura naman si Fred, mabait. Iyon nga lang ay payat at hindi kataasan. Nasa one inch lang ang agwat ng taas nila. Hindi niya masyadong type ang ganoon. Mas tipo niya ang matatangkad at may katamtamang muscles. Iyong nagtataglay ng mahahaba at malalakas na brasong kaya siyang yapusin at ipagtanggol sa kung sino mang manakit sa kaniya.

‘Kaparis ng morenong sundalo.’ Pinilig ng dalaga ang ulo sa isiping iyon. Bakit ba ang taong iyon agad ang pumasok sa isip niya?

Naalala niya kung paano bumilis ang pintig ng  kaniyang puso noong una nilang pagkikita, lalo na noong lumapit ito sa kanila. Naalala niya kung paano niya nahigit ang hininga kaya nauutal siyang nakipag-usap kay Manong Ben.

“Hoy, Anna!” nakangiting untag ni Fred.

“Pasensiya ka na, may iniisip lang ako. Ano ulit ang sinasabi mo?”

“Nangungumusta lang naman ako. Mukhang busy yata kayo sa reports n’yo, aalis na din ako. May meeting din kami ng . . .” tumingin ito sa relo nito, “alas-singko. Mauna na ako, mag-iingat kayo,” paalam nito.

“Sige, mag-iingat ka din,” ganti ni Jenny.

Pagkatapos nilang mag-discuss ay umuwi na rin sila ni Jenny. Naglalakad ang magkaibigan sa gilid ng daan nang may marinig na boses ng lalaking nagsalita sa ’di kalayuan.

“Hi, mga miss!” Sa nakangiting maputing sundalo ang narinig nilang boses. Kasama nito ang sundalong moreno. Kung noon ay naka-gray na T-shirt ang huli, ngayon naman ay nakaitim na pinaresan ng green na walking shorts. Nakasombrero ito na green din at nakaitim na running shoes. Sa tingin ni Annabelle ay parte iyon ng uniporme ng mga ito.

Mataman lang itong nakatingin sa kanila. Nakaramdam ng pagkaasiwa si Annabelle kaya umiwas siya ng tingin.

“Hi daw, oh,” siko ni Jenny. “Sagutin mo.”

Dili ko! (Ayoko nga!)” piksi ng dalaga at nagpatuloy sa paglalakad.

“Pauwi na ba kayo? Hatid na namin kayo,” dagdag ng maputing sundalo.

“Anna, kausapin natin. Tulungan mo ’ko, tagalog, e. Baka maubusan ako.”

“Bahala ka, kausapin mo kung gusto mo.” At walang lingon-likod na iniwan niya si Jenny.

Narinig niyang sinagot ng kaibigan ang mga ito. “Opo, Sir, pauwi na kami, salamat po pero huwag na lang. Kaya naman namin. Iniwan na po ako ng kasama ko, ba-bye!” Pagkatapos ay humabol sa kaniya.

 

LUNES ng umaga, break time. Naglalakad si Annabelle sa hallway ng eskuwelahan patungong office ng amang principal. Nakalimutan siyang bigyan ni Teofilo ng baon na pera pambili ng meryenda. E, nagutom siya kaya sisingilin niya ito.

Pagkapasok niya ng main door ay napansin niyang wala ang sekretarya ng ama sa mesa. Ang mesa nito ay nakapuwesto sa labas ng pintuan ng private principal’s office.

‘Baka pumunta ng banyo?’

Dumiretso siya sa pintuan ng opisina at binuksan iyon nang hindi kumakatok. Nasorpresa siya nang makitang may bisita pala ang ama pero napapatda nang mapagtanto kung sino iyon.

“Annabelle?” nagtatakang sambit ni Tiofilo.

Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Hindi niya inakalang magkikita sila ng binata nang umagang iyon at sa opisina pa talaga ng ama. Naging abnormal na naman ang salsal ng kaniyang puso. Napakatikas nito sa suot na berdeng camouflage. May nakapaloob din doon na berdeng undershirt na nasisilip niya sa bandang dibdib. Sa paa ay itim na boots. Nakaupo ito sa silyang katapat ng mesa ng ama.

Narinig niyang tumikhim ang binata kaya napapahiyang ibinaba niya ang tingin. Ramdam ni Annabelle ang pag-iinit ng kaniyang mukha. Na-i-imagine niyang nagkukulay makopa na ang mga pisngi niya, lalo na ang mga tainga. Nahuli siya nitong pinag-aaralan ang itsura nito! Napaisip tuloy siya kung aalis na lang ba nang hindi nakakahingi ng pera. Manghihiram na lang muna siya kay Jenny.

Subalit naunahan na siya ng ama. “Annabelle, ano’ng ginagawa mo rito?”

“Ahm, Papa, hihingi lang po sana ako ng . . . baon,” halos pabulong niyang sabi dahil nako-concious siya.

Nakita niyang may dumaang amusement sa mga mata ng binata sa narinig. Mas lalo siyang nakaramdam ng hiya at inis dito.

“Siya nga pala, Miguel, siya si Annabelle, ang bunso at unica hija ko. Third year na siya. Hija, magbigay galang ka kay Lt. Luis Miguel Saavedra. Siya ang isa sa mga officer ng sundalo sa kampo.”

“Good morning po, Sir,” mahinang sabi ng dalaga.

Hindi niya inasahan ang pagtayo ng sundalo at paglahad ng 

isang kamay sa harap para sa isang lamano. Napatitig siya ng ilang sandali roon bago niya ito inabot. Naghatid ng bolta-boltaheng kuryente ang pagkakadaop ng kamay nila. Dumaloy iyon sa kaniyang braso at katawan dahilan upang bigla siyang bumitaw na tila napaso.

“Good morning. Nice to meet you, Annabelle,” nakangiting sagot ng binata at tumuwid ng tayo. Ang sarap sa pandinig ng baritono nitong boses na naghatid na naman ng kakaibang damdamin sa kaniya. Mas lalo siyang na-tense kaya mabilis niyang hiningi ang sadya at saka nagmamadaling lumabas.

 

“SIS! May chismis ako sa iyo. Mainit pa! Kasing init ng kinakain mong fishballs,” tili ni Jenny. Kasalukuyan silang nasa labas ng gate ng eskuwelahan. Natakam si Annabelle sa mga bagong lutong fishball kaya bumili siya.

“Hmn, ano na naman?” Hindi talaga nahuhuli sa balita itong best friend niya kaya gustuhin  man ni Annabelle o hindi ay updated din siya sa mga pangyayari.

“Guess what?” pagsisimula ni Jenny.

“What?”

“Tutulong ang mga poging soldier natin sa security management ng eskuwelahan. So ibig sabihin, makikita at makakasama natin sila. Live na, araw-araw pa! Healthy ’yon sa mata,” tili na naman nito na may palundag-lundag pang nalalaman.

Marahil ay iyon ang pinag-usapan ng lalaki at ng papa niya kanina sa opisina.

“Ang popogi nila, ’di ba, sis? Type ko ’yong maputi. Sana kasama siya sa pupunta dito,” ani Jenny.

Pinandilatan niya ito habang nginunguya ang fishballs.

“Bakit ba? Don’t tell me hindi ka naku-cute-an sa kanila? Kahit isa sa kanila?”

“Tandaan mo ang sinabi ko, Jen.” Kinagat ni Annabelle ang huling fishball at naunang pumasok ng eskuwelahan.

“Sungit nito,” habol ni Jenny.

Noong hapon ngang iyon, pagkatapos ng flag ceremony, ay tumulong ang mga sundalo sa pag-neutralize ng traffic sa harap ng eskuwelahan. Ang iba naman ay inaalalayang makasakay ng traysikel ang mga bata.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status