Share

CHAPTER 4

NAKAPILA sila ni Jenny sa cafeteria. Lunch break nila iyon kaya mahaba-haba ang linya. Naabutan sila ni Fred doon.

“Anna, Jen, makikisabay na ako sa inyo. Nakakawalang ganang kumain kapag nag-iisa. Ayos lang ba?”

“Oo naman. Libre naman maki-join, e,” sagot ni Jenny.

“Siya nga pala, pupunta ba kayo sa disco ngayong linggo? Bago daw ang gagamiting sound system ni Kapitan kaya siguradong maganda ang tunog. Magdadagsaan na naman ang mga taga-kabilang bayan. Siguradong enjoy ’yon,” anito.

Biglang nabuhayan ng loob si Jenny. Yamot na ito sa mahabang pila. “Ay, oo! Punta tayo, sis. Ang boring na ng life natin lately, bahay-eskuwelahan na lang lagi.”

“A, titingnan ko. Si Papa kasi, e . . .” Siguradong hindi siya papayagan niyon. May pagka-conservative kasi ang pamilya niya.

“Ay, ano ba ’yan. Ang killjoy! Puwede namang hanapan ng paraan ’yan. ’Ika nga, ‘enjoy life and have some fun!’ ‘Life is short’ just like you!” turo ni  Jenny sa kaniya at saka humalakhak.

Ngali-ngaling batukan niya ito. Harap-harapan ba naman siyang laitin sa presensiya pa ni Fred? Mas biniyayaan kasi ito ng one inch na katangkaran kompara sa kaniya kaya ganoon na lang ito makapanlait.

Nakitawa naman si Fred.

“Titingnan ko. Ikaw ba, Fred, pupunta ka?” baling niya sa lalaki.

“Oo, pupunta ako. Wala namang problema kina Papa. Sana makapunta ka din, Anna.” Ngumiti ang binata.

Natapos din ang linya sa kanilang unahan. “Hay, pagkahaba-haba man ng linya, sa pagkain pa rin ang tuloy. Salamat at makakakain na,” ani Jenny at um-order na.

 

ALAS-ONSE ng gabi. Kasalukuyang nakaupo si Annabelle sa sulok ng madilim na covered court. Doon ginaganap ang disco buwan-buwan, lahat ay puwedeng pumasok. May nakikita siyang teenagers, mayroon ding mga matatanda.

Pinanonood niya ang mga taong masayang nagsasayaw sa gitna. Naengganyo ang dalaga na pumuslit ng bahay nang gabing iyon para sumama kay Jenny. Tiniyak muna niyang natutulog na ang mga magulang nang umalis siya ng bahay. Para itong mga mantikang nalamigan kapag natulog—mahirap gisingin.

Si Fred, sa kaniyang pagtataka ay hindi niya makita.

‘Baka hindi din pinayagan.’

Naiwan siyang mag-isa sa mesa, hindi na rin niya makita si Jenny. Ang alam niya ay nakatagpo ito ng kakilala. Nagpaalam itong aalis saglit, may kukunin lang daw. Tawagin man siyang killjoy pero okay na talaga sa kaniya ang panood-nood lang.

Ilang sandali pa’y dumating si Jenny, may bitbit na dalawang baso. “Sis, oh, juice. Pineapple flavor,” abot nito sa isang baso kay Annabelle. “Ano na? Uupo na lang ba tayo dito? Gusto kong sumayaw. Sayaw tayo!” hila ni Jenny sa kamay niya.

“Ayoko,” pigil niya. “Ayos lang ako dito, promise. Sumayaw ka na doon, mag-enjoy ka. Huwag ka lang masyadong lumayo, a. Balikan mo ’ko dito.”

“Oo naman. Sige, doon lang ako malapit kina Mercy.” Itinuro nito ang kinaroroonan ng grupo ng kababaihan. “Oy, kung maubos ’yan, tawagin mo lang ako, ikukuha kita ulit, ha?”

“Okay, salamat.”

“Sigurado ka bang ayaw mong sumama?” tanong ulit nito.

“Hindi nga. Sige na,” taboy niya.

Tuluyan na nga itong nawala sa paningin niya.

Sinimulang inumin ni Annabelle ang pineapple juice. Nalukot ang mukha niya nang may malasahang pait doon.

 ‘Ano bang brand itong tinimpla nila? Mumurahin yata.’ Ngunit dahil maalinsangan ang paligid, dahil na rin siguro sa dami ng tao, sinaid niya ang laman niyon. ‘Kakaiba pero masarap naman pala.’

“Miss, nag-iisa ka yata? Sayaw naman tayo.” Lumapit ang lalaking kasing edad lang niya.

“Hindi ako sumasayaw.”

“E, bakit ka nandito? Disco ito, e. ’Lika na. Expert ako sa sayaw, e, oh.” Gumiling-giling  pa ito sa harap niya. Sa basa niya ay lasing na ang lalaki.

Naiirita na si Annabelle rito kaya tumayo siya at tumalikod para umiwas.

“Teka lang!” Hinablot nito ang braso niya kaya halos mapasubsob siya sa mesa. Hindi pansin ng mga tao sa paligid ang nangyayari sa kanila dahil sa lakas ng tugtog. “Akala mo kung sino ka, a! Porke maputi ka!”

“Bitiwan mo ’ko!” pagpupumiglas ng dalaga ngunit ’di hamak na mas malakas ang hawak nito.

Ngumisi ang lalaki na parang isang manyak ngunit bigla itong natahimik nang may kung sinong humablot sa kuwelyo nito mula sa likod.

“Ano’ng atraso sa iyo ng bata, pare?” tanong ng dumating niyang tagapagtanggol. Nasorpresa siya nang mapagsino iyon—si Miguel.

Nabitawan siya ng lalaki dahil parang nasasakal na ito ng sariling kuwelyo sa pagkakahila ni Miguel.

“W-wala po, Sir! Nagkakatuwaan lang po kami dito,” pautal-utal nitong sagot.

“Wala akong nakitang nakakatuwa.”

“Pasensiya na po, Sir. B-bitawan n’yo na po ako. Aalis na po ako,” pagmamakaawa nito kaya binitiwan na rin ni Miguel. Nagkukumahog ang lalaking tumakbo palayo.

“Salamat po,” usal niya nang maiwan silang dalawa.

“Annabelle, alam ba ng mga magulang mo na nandito ka?” kunot-noo nitong tanong. Hindi siya sumagot at nakatungo lang sa lupa.

Nagpakawala ito ng buntonghininga. “Tara, ihahatid na kita.”

Nang akmang hahawakan ng binata ang braso niya ay umiwas siya. “Ayoko! Dito na muna ako.”

“Annabelle, alas-dose na ng gabi. Ang mga matitinong babae ay mahimbing nang natutulog sa ganitong oras.”

“Huwag mo ’kong itratong parang bata!” Tumaas ang boses niya.

“Pero b—”

“Dalaga na ako, ’no! Nineteen na ako, akala mo,” ismid na putol ni Annabelle sa akmang sasabihin ni Miguel. Ngunit nang ma-realize ng dalaga ang sinabi, nanlaki ang mga mata niyang tumingin sa lalaki. Muli, nakita niya ang amused na tingin sa guwapo nitong mukha. Iiling-iling itong hindi makapaniwala sa inakto niya.

Sobra na ang naramdaman niyang kahihiyan. Parang gusto na niyang magdasal na sana’y bumuka na lang ang lupa at lamunin siya nang buo.

“Ihahatid na kita,” pinal na sabi ni Miguel at inabot ang kamay niya para igiya palabas. Hindi na nakatutol pa si Annabelle.

Lumayo sila sa maingay na disco. Hindi pa rin binibitiwan ng binata ang kamay niya. Medyo nahihilo siya kaya binawi niya ang kamay mula rito, ngunit nasorpresa si Miguel nang siya mismo ang kumapit. Ramdam ng dalaga ang tensiyon ng katabi dahil sa paninigas at paggalaw ng kalamnan nito. Nagpatuloy sila sa paglalakad sa ganoong ayos, walang nagsasalita sa kanila.

Hindi malaman ng dalaga ngunit may kakaibang epekto sa kaniya ang ininom na juice. Noong malapit na sila sa gate ng bahay ay tumigil ang binata at tumunghay sa kaniya. “Lasing ka ba, Annabelle?” kunot-noo nitong tanong.

“Hmm?” Namumungay ang mga matang tumingala ang dalaga rito. “Pineapple juice lang naman ang ininom ko.”

Narinig niya ang pabulong nitong pagmura. “Hindi makabubuti sa iyo ang pumapasok sa ganoong klaseng lugar. Hindi mo alam pero maraming mga nangyayaring mali doon,” matigas nitong pangaral. Pinili na lang niyang manahimik dahil nahihilo na naman siya.

Ilang sandali pa’y nasa bungad na sila ng gate.

“Salamat ulit sa paghatid, Sir.”

Tumango ito bilang sagot. “Annabelle, gusto kong sunduin ka araw-araw sa eskuwelahan,” diretsong sabi nito. “Kung walang problema sa iyo.”

Ilang sandali ang lumipas bago rumehistro sa isip niya ang sinabi nito. Tumango siya pagkuwan at ngumiti.

“Simula bukas,” anito at ngumiti. “Pumasok ka na. Hihintayin kita hanggang sa makapasok ka.”

“Salamat.” Tumalikod na ang dalaga.

Pabaling-baling si Annabelle sa higaan. Naging mailap sa kaniya ang antok. Hindi niya maiwasang hindi isipin kung paano pakikiharapan si Miguel bukas. Lumalakas ang tibok ng kaniyang puso sa isiping araw-araw silang magkakasama ng binata. Aminado siyang crush na crush niya ito. Kahit wala pa siyang naging nobyo simula noon, marami rin namang nagkakainteres at nanliligaw sa kaniya pero ni minsan ay hindi siya nagkagusto ng ganoon.

Pareho kaya sila ng nararamdaman? Darating kaya ang panahong manliligaw ito? Paano niya pakikitunguhan ang binata kung mangyayari nga iyon?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status