Share

CHAPTER 5

KINABUKASAN ng hapon ay nakaabang na si Miguel sa labas ng gate ng eskuwelahan. Nakasuot ito ng puting T-shirt na pinatungan ng black leather jacket at hapit na kupasing maong, prente itong nakaupo sa itim na motorsiklo. Nakapatong ang kanan nitong paa sa footrest ng motorsiklo at ang kaliwa naman ay nakatukod sa lupa. Ngumiti ito nang makita sila.

Parang gustong pulutin ni Annabelle ang puso niyang nahulog sa lupa nang mapagmasdan ang guwapo nitong mukha.

“Whoa, Annabelle! Tama ba ang nakikita ko? Si ano ’yan, ’di ba?” usisa ni Jenny.

“Si Miguel,” pagkumpirma niya at gumanti ng ngiti sa binata.

Mataman siyang tinitigan ni Jenny. “Ba’t parang may naalala akong sangkatutak na paalala at babala tungkol sa mga taga-Maynila? Sino nga ba’ng nagsabi niyon?”

“Tigilan mo nga ako. Nagmamagandang loob lang ’yong tao. Baka may babaeng nakababatang kapatid, na-mi-miss lang kaya mabait sa akin.”

“Asus! Iba, e! Iba. Tingnan mo nga ’yang ngiting ’yan,” anito na sinulyapan ang binata. “Ngiting tagumpay!”

“Shhh! Baka marinig ka. Nakakahiya. Baka isipin niya kinikilig ako.”

“Bakit? Hindi nga ba? Naku! Tigilan mo nga ako, Annabelle,” sabay sundot sa tagiliran niya. “O sige, magta-traysikel na lang ako. Ayoko namang maging chaperone.”

“Sigurado ka? Puwede naman tayong dalawa sa motor niya, e,” nag-aalala niyang tanong dito.

“Ay, huwag na, oy! Three is a crowd. Marami naman akong kilalang driver d’yan,” anito.

“Pasensiya ka na, sis, a?”

“Ayos lang ’yon. Puwede naman akong sumabay kay Papa o mag-traysikel. Mabuti nga at may progress na ’yang love life mo. Hindi puro pag-aaral lang ang inaatupag mo. Sige na, babush na! Mag-iingat kayo, ha?”

“Mag-iingat ka rin,” paalam ni Annabelle at lumapit kay Miguel.

“Good afternoon, Sir.”

“Good afternoon. Saan na nagpunta ang kaibigan mo? Hindi ba siya sasabay?”

“Hindi na daw po.”

Tumango ito. “Nagugutom ka ba? Meryenda muna tayo. Maaga pa naman.” Sumulyap ito sa relo.

“Ikaw po ang bahala,” nahihiya niyang sagot.

“Marunong ka bang umangkas dito?”

“Medyo po. May motor kasi ang tito ko.” Ang totoo’y dalawang beses lang siyang nakasakay sa ganoon. Hindi niya alam kung naaalala niya pa kung paano.

“Halika.” Nakatagilid itong humarap sa kaniya para tulungan siyang makaangkas. Kinuha nito ang bag ng dalaga at sinabit sa kaliwang manibela. Napakislot si Annabelle nang hawakan nito ang binti niya para iapak sa footrest.

Ramdam niya ang init ng mga palad ni Miguel nang dumaiti sa balat niya.

“Sorry. Basta huwag mong likutan ang mga paa mo. Apak ka lang d’yan. At kumapit ka nang maigi sa akin. Mahirap na, baka kung saan ka pulutin,” nakangising sabi nito.

Nang paandarin ng binata ang motorsiklo, napayapos si Annabelle sa baywang nito sa takot na baka kung saan na nga siya pulutin. Ang sarap hawakan ng tiyan nito, flat and firm. Naisip niya kung ano kaya ang pakiramdam ng hubad nitong katawan. Mga matitigas na brasong nakayakap sa kaniya habang bumubulong ng mga salitang masarap sa tainga.

“Annabelle?” untag nito sa kaniya.

“H-ha? Bakit po?”

“Okay ka lang ba d’yan?”

“A-ayos lang po, Sir.” Nahihiya siya sa sarili. Ang landi ng isip niya! Pagpantasyahan ba naman si Sir? Nagpokus na lang siya sa pagkakahawak sa baywang nito.

 

NAGING routine na nila iyon araw-araw. Mas nagiging close na rin sila. Nakilala na niya ito nang maigi at nalaman niyang palabiro din pala ito. Taliwas sa akala niyang napakaseryoso.

Nakilala rin ni Annabelle ang malapit nitong kaibigan na kasamahan din sa trabaho, si Rudy. Ito ang maputing sundalo na type ni Jenny. Sumama itong magmeryenda isang hapon. Mapagbiro ito, madaldal, at palakuwento, iyong tipong hindi nauubusan ng paksa.

Umalis sandali si Miguel para magpagasolina kaya naiwan sila ni Rudy.

“Alam mo, magaling na sundalo ’yang kaibigan ko. Kapag may bakbakan, siya lagi ang nasa frontline,” pag-uumpisa nito.

“Ano pong frontline?” Interesadong nakinig si Annabelle.

“Frontline, ’yan ang tawag sa mga sundalong nasa first line. Sila ang pinakamalapit sa lugar kung saan may barilan. Sila ang unang humaharap sa mga kalaban.”

Napasinghap siya sa narinig. “Pero masyadong delikado ’yon, ’di ba?”

“Oo naman. Pero bilib ako d’yan sa kaibigan ko. Hindi pa ’yan napuruhan kahit kailan. Parang kinakain niya lang ’yong mga bala ng kalaban. Kaya nga kahit bata pa, naging officer na,” pagmamalaki nito.

Hindi niya maiwasang makaramdam ng paghanga at higit sa lahat ay pag-aalala kay Miguel. Kahit sabihing magaling ang lalaki, hindi ibig sabihin ay lagi itong ligtas sa panganib.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
JerEliz Sumbillo Parcon
ang Ganda ng kwento Sana wala ng unlock please
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status