Share

Chapter 3

MASAYA ako na hindi umuwi para kumain ng hapunan si Sir Lance.

Tumawag lang ito kanina para kumustahin kung nandito na ba ako sa mansion.

Sana ganito palagi. Aalis siya nang maaga at uuwi kapag tulog na ang lahat.

Ang sabi ni Manang Meldred marami raw ang nag-aanyaya rito para makasabay sa hapunan. May iilang para sa negosyo ang iba naman mga bigating pulitiko sa lugar namin.

Pagkatapos ng kanya-kanyang mga gawain pwede na kaming magpahinga.

Kanina pa ako nakaakyat ng kwarto pero mailap ang antok sa akin.

Maghahating-gabi na dilat pa rin ang aking mata. Hindi nagtagal may narinig akong tunog ng sasakyan. Hindi na ako magtataka kung sino ang dumating, walang iba kung hindi ang aming butihing amo.

Dahil sobrang tahimik na ng gabi pati tunog ng kanyang sapatos sa bawat paghakbang ay naririnig ko. Pero wala akong narinig na pintong bumukas. Ibig sabihin hindi pa siya pumapasok sa kanyang kwarto.

Palakas ng palakas ang mga hakbang niya. Iisa lang ang ibig sabihin nito, palapit siya ng palapit at huminto mismo sa pintoan ng aking kwarto.

Dahil sa sobrang kaba nagtalukbong ako ng kumot. Ang dami-dami kong naiisip. Kakatok ba siya? Uutosan pa ba niya ako? Ano pa ang iuutos niya sa akin ng ganitong oras?

Gabutil ng pawis ang nasa noo ko . Naghihintay lang kung kailan siya kakatok pero hindi naman niya ginawa.

Nakahinga ako ng malalim nang marinig ko ang mga papalayo niyang yabag. Nagbukas-sarado rin ang pinto ng kanyang kwarto. Mas lalo pa yatang hindi ako makakatulog ngayong gabi.

Dahil walang maayos na tulog, masakit ang ulo ko pagkagising. Naabutan ko sila sa kusina na parang hindi mapakali.

"Ayos lang kaya ang lasa ng kape?" si Nina na parang hindi sigurado sa tinitimplang kape.

"Baka hindi niya magustuhan ang lasa ng mga pagkain. Diyos ko mahabaging langit," si Joan sabay tingala.

"Basta ako ayokong pumasok sa opisina niya para maghatid ng kanyang agahan," puno ng kasiguraduhang sabi ni Nina.

Sabay silang napalingon sa akin.

"Ikaw na ang magdala nito sa opisina ni Sir," si Joan sabay bigay sa akin ng food tray.

"Teka, bakit ako?" tanong ko naman.

"Wala sina Manang Meldred at Manang Susan kasi maagang nagpunta ng palengke hanggang ngayon hindi pa rin nakakabalik. Nagpahatid na kasi ng pagkain si Lion King kaya kami na lang ang naghanda."

"Sige na Sab ihahatid mo lang naman tapos lalabas ka na kaagad," pakiusap ni Nina.

"Bakit ako?" 'yon lang ang paulit-ulit kong tanong.

"Nakaharap mo kasi siya kahapon at nakausap ng sarilinan kaya malamang sisiw na 'yan sa'yo," wika ni Kate na parang inuuto ako.

Dahil tatlo sila at mag-isa lang ako kaya nahatak nila ako papunta sa opisina ng lalaki nang walang kahirap-hirap.

Hinawakan kong mabuti ang tray dahil baka mabitawan ito at sermon pa ang abutin naming apat.

Wala na akong nagawa nang kinatok ni Joan ang pinto. Narinig namin ang boses niya na pwede ng pumasok.

"Magandang umaga po Sir. Nandito na po ang pagkain niyo," sa likod ng pagbating iyon ay ang hindi mailarawang kaba.

"Ilagay mo lang diyan sa mesang malapit sa sofa," sagot niya saka pa lang nag-angat ng tingin sa'kin.

Hindi ko na hinintay na magkasalubong ang mga mata namin at nilagay ko na ang tray ng pagkain sa mesang itinuro niya.

"May ginagawa ka pa ba sa labas?" tanong niya.

"Wala na po Sir," kiming sagot ko.

"Pakisulat ang mga ito. Record lang 'yan ng mga trabahador ipapalipat ko dito sa logbook. Dito ka na maupo." Sabay tayo sa kanyang swivel chair. Napilitan akong lumapit doon.

Bakit kahit late na siyang natulog kagabi ang gwapo pa rin niya ngayon? Effortless din ang bango niya.

"Kung may tanong ka nandito lang ako."

Sobrang tahimik namin sa loob. Tanging tunog ng kutsara at tinidor ang lumilikha ng ingay.

Sinusulyapan ko siya paminsan-minsan. Pangatlong sulyap ko na 'yon ng magtagpo ang aming mga mata. Naghintay ako ng bulyaw o sigaw mula sa kanya pero wala naman siyang imik.

Pinanood ko lang siya habang seryosong kumakain. Pati paghawak ng kutsara't tinidor walang kapintasan. Kahit kumakain ang gwapo pa rin niya.

Hindi ko napansin na dahil sa pagsuri sa kanya napatitig na pala ako ng matagal.

"Is there something wrong?" tanong niya na pumukaw sa akin. Ibinaba niya ang kubyertos.

"Wa-wala po Sir," nauutal kong sagot.

Pagagalitan na ba ako? Bakit kasi ang tanga-tanga ko?Dapat nagsulat na lang talaga ako at hindi na dapat naglilikot ang mata. Natukso tuloy akong tingnan siya ng matagal.

"Sabrina are you listening?"

"Po?" parang nagulat pa ako sa tanong niya.

"Did you already eat your breakfast?"

"Hindi pa po," nakayukong sagot ko.

"That's why your spacing out. Pwede ka ng lumabas para kumain ng breakfast."

Nahihiya akong lumabas ng kanyang opisina.

Naabotan ko pa ang aking mga kasama na kumakain. Sunod-sunod naman ang tanong nila Joan nang makita ako. Kung nagustuhan ba ng lalaki ang handa nila. Si Manang Meldred na kadarating lang ang nagpatigil sa kanila at hinayaan akong kumain.

Pagkatapos naming mag-agahan kinausap kami ni Manang Meldred.

Ang daily routine ni Sir Lance simula alas-kuwatro ng madaling araw naglilibot ito sa iilang bahagi ng hacienda.

Bandang ala-sais, nagpapahatid na ito ng agahan sa kanyang opisina at nananatili doon hanggang alas-diyes. Pagkatapos ng mga ginagawa niya sa opisina naglilibot na naman ito. Madalas hindi ito nagtatanghalian sa mansiyon. Tuwing hapon nagpapahinga ito sa kanyang kwarto mula ala-una hanggang alas-tres. Pagkagising maglilibot na naman ito sa hacienda. Minsan sa mansiyon ito naghahapunan, madalas hindi.

Alam na namin kung kailan kami pwedeng lumabas at maglinis nang hindi niya nakikita o nakakasalubong.

Pero ang pinakahuling sinabi ni Manang ang pinagtatakhan namin. Bawal pag-usapan ang pamilya ni Sir. Ayaw na ayaw nito na marinig na binabanggit ang kanyang pamilya. Hindi rin sinabi ni Manang ang dahilan.

Hanggang natapos kaming naghapunan hindi iyon nawala sa isipan namin.

"Sa tingin niyo bakit bawal pag-usapan ang pamilya ni Sir?" tanong ni Joan sa mahinang boses habang naghuhugas ng mga plato.

"May koneksyon kaya 'yon sa pagiging Lion King niya?" dugtong naman ni Kate na nagpupunas sa mga nahugasang gamit.

"Baka may itinatago ang pamilyang 'to at natatakot siya na malaman ng mga tao kaya bawal pag-usapan?" si Nina naman habang nag-aayos ng mga plato sa lagayan.

"Huwag kayong maingay. Baka may makarinig sa inyo," saway ko sa kanila.

Sabay pa naming nilingon ang pintoan baka may biglang pumasok.

Pero nagulat kaming apat ng biglang iniluwa doon si Sir Lance.

Parang tinakasan ako ng katinuan. Paano kung narinig niya ang pinag-usapan namin?

"Ma-mag-magandang gabi po Sir." Si Joan ang unang nakabawi mula sa pagkagulat.

"Tapos na kayo sa mga ginagawa ninyo?" tanong niya na hindi inaalis ang titig sa akin.

"Opo," sabay sabay naming sagot.

"Pwede na kayong magpahinga. Except you Sabrina. Follow me in my office. May pag-uusapan tayo." At lumabas na ito.

Hindi agad kami nakagalaw. 

"Follow daw." Bahagya pa akong siniko ni Joan.

"Sa opisina niya raw," si Kate na tulala pa ring naka tingin sa pintong nilabasan ni Sir.

"Mag-uusap daw kayo," tanging nasabi ni Nina.

Wala akong nagawa kung hindi sumunod sa among lalaki sa kanyang opisina. Kung ano man ang pag-uusapan namin, wala akong ideya. Hindi rin maganda ang kutob.

Abot-abot na naman ang matinding kaba sa along dibdib. Hindi na siguro ako masasanay sa ganito. Kahit ilang beses pa kaming magkakaharap hinding-hindi na mawawala ang kaba at pagkailang ko sa kanya. Hindi lang dahil sa takot. Kahit ang simpleng titig niya nagkakabuhol-buhol na ang paghinga ko.

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Jenifer Padallan Mendoza
parang mabait naman ah si sir Lance
goodnovel comment avatar
coalchamber13
natawa ako sa lion king🤣🤣🤣
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status