Share

Kabanata 8

KABANATA 8

HINDI ko lubos maisip na magagawa nila sa akin iyon. Pinagkatiwalaan ko silang dalawa pero palihim pala nila akong ginagago. Hindi ko matanggap na matagal na silang nagkabalikan. Hindi ko matanggap na matagal na nila akong niloloko!

“Mga hayop kayo!” malakas na sigaw ko at unti-unting napaupo. Nahihirapan na akong huminga. Kaya pala nanlalamig na si Randolf sa akin dahil may bago nang pinag-iinitan. 

Tangina. 

Iyong mahigit isang taon na relasyon namin, tinapos lang ni Randolf sa anim na salita. “Ayoko na. Hindi na kita mahal.” Ganoon lang kadali sa kan’ya na sabihin ang mga iyon. Marami akong gustong itanong, ngunit ayaw lumabas ng boses ko. Bigla akong napipi. 

Ayaw tanggapin ng puso at isip ko ang mga sinabi niya. Umaasa ako na sana isang malaking biro lang ang lahat ng iyon. Na sana, nananaginip lang ako. Mahal na mahal ko si Randolf. Pero ang masakit, totoo ang lahat. 

“Gano’n ba ako kadaling kalimutan? Gano’n ba ako kadaling ipagpalit sa iba? Saan ba ako nagkulang? Naging mabuting nobya naman ako sa ‘yo. Lahat naman ibinigay ko. Minahal naman kita nang higit pa sa sarili ko. Hindi pa ba sapat ‘yon, Randolf? Ano ba’ng nagawa ko para lokohin mo ako nang ganito?” 

Hindi man lang sinagot kung bakit!

Wala nang tigil sa pagpatak ang luha ko. Itinago ko ang mukha ko sa mga palad ko at umiyak. Ngayong wala na siya, hindi ko alam kung saan magsisimula. Para akong napilayan ng paa. Pakiramdam ko, naglalakad ako sa dilim nang mag-isa. Walang kasama. Natatakot ako. Hindi ko kaya. Natatakot ako. 

Bakit ba nangyari ang lahat ng ito? Bakit sa lahat ng tao, siya pa? Palagi na lang akong inuulan ako ng sunod-sunod na problema. Tinanggalan ako ng pag-asa. Pag-asang ipagpatuloy ang walang kuwentang buhay na ito.

Tumungo ako sa aparador at hinanap ang isang bagay na tatapos sa lahat ng problema ko. Kinuha ko ang isang maliit na bote na naglalaman ng mataas na dosage ng gamot. Inilagay ko ang mahigit sa sampung tableta sa kamay ko. 

Patawad, Roan, pero buo na ang desisyon ko. Gusto kong mawala na lang nang parang bula kasabay ng sakit na nararamdan ko.

Pumikit ako nang mariin at isinubo ang mga gamot. Baka magbago ang lahat kapag tinapos ko ang buhay ko. Baka maging ayos na ang lahat kapag wala na ako. Baka sakaling matapos na lahat ng problema ko.

Bumukas ang pinto at iniluwa niyon si Roan. Mas mabilis pa sa alas-kwatro na lumapit siya sa akin. Mababakas ang pagkatakot sa mukha niya. “Elyne, huwag!” Pilit niyang binuksan ang bibig ko at ilang tablet ang nagsilaglagan sa sahig. “Iluwa mo ‘yan, pakiusap!”

Isinuka ko ang mga gamot. “Ano pa ba ang ginagawa mo rito? Umalis ka na! Pabayaan mo na ako!” 

“Hindi, Elyne. Hindi ako aalis dito kahit ipagtabuyan mo pa ako,” sabi ni Roan habang hinahabol ang hininga. “Huwag mong gawin ‘yan sa sarili mo. Pakiusap.”

Umiling ako. “Tama na, Roan. Ayoko na. Hindi ko na talaga kaya.” Kinuha ko ang maliit na bote at nilagyan ulit ng gamot ang kamay ko, ngunit hinablot iyon ni Roan at tinapik ang kamay ko. Tumapon ang mga gamot sa sahig. “Ibalik mo ‘yan sa ‘kin, Roan! Gusto ko nang mamatay!” 

“Tigilan mo na ‘yan!” Namaos na ang boses ni Roan. “Tumigil ka na!” Ibinato niya ang bote sa may bintana.

“Bakit mo ginawa ‘yon?” naluluhang tanong ko. “Bakit ba hindi na lang ako mamatay? Ano pa ba’ng ginagawa ko sa mundo na ‘to? Wala nang rason para mabuhay ako. Wala na!” 

Lumuhod si Roan sa harap ko. Nangingilid ang luha sa kanyang mga mata. “Ilang beses mo nang pinagtangkaang kitilin ang buhay mo, pero alam mo ba kung bakit hindi ‘yon natutuloy? Dahil pinipigilan ka ng Diyos. Binibigyan ka niya nang maraming pagkakataon para ayusin ang buhay mo. Hindi mo ba alam na napakaraming tao na may malubhang sakit ang gusto pang mabuhay sa mundo pero hindi na nabibigyan ng pagkakataon? Pagkatapos ikaw, dahil lang sa isang lalake, magpapakamatay ka? Hindi siya ang buhay mo, Elyne!” 

“Hindi mo ‘ko naiintindihan dahil wala ka sa posisyon ko! Hindi mo dinaranas ang problema ko! Hindi mo nararamdaman ang sakit na nararamdaman ko!” sigaw ko. “Si Randolf na lang ang mayroon ako, Roan. Si Randolf na lang. Pero bakit siya, iniwan din ako? Bakit ba lahat ng taong gusto kong manatili sa buhay ko, umaalis?”

Umiling si Roan at hinawakan ang magkabilang balikat ko. “Mali ka, Elyne. Hindi lang si Randolf dahil nandito pa ako. Nandiyan pa ang Mama mo. Mahal ka namin at hindi ka namin iiwan.” Pinunasan niya ang luha ko. “’Pag pinatay mo ang sarili mo, parang pinatay mo na rin ‘yong mga taong nagmamahal sa ‘yo. Parang pinatay mo na rin kami.”

Mas lalong bumuhos ang luha ko. Tama si Roan. Tatapusin ko nga ang problema ko sa mundo, iiwanan ko naman sila ng panibagong problema. 

Hinawakan niya ang mga kamay ko at tiningnan ang mga sugat ko. Nag-angat siya ng tingin at nakita ko ang matinding lungkot sa mga mata niya. “Nasasaktan ako, Elyne.” Tuluyan nang bumuhos ang mga luha na kanina pa niya pinipigilan. “Nasasaktan ako kasi nakikita kitang nahihirapan. Nasasaktan ako kasi pakiramdam ko, hindi kita matulungan.” Tinakpan niya ang mukha gamit ang mga kamay at humikbi.

“Wala kang kasalanan. Bagay lang naman sa 'kin ang lahat ng sugat na ibinibigay ko sa sarili ko.” Tinapik ko ang likod niya. “Puro sakit na lang ng ulo ang ibinibigay ko sa inyo. Kailan ko ba matatakbuhan ang impyernong buhay na ‘to? Kailan ba matatapos ang lahat?” 

“Ang pagtakbo sa problema mo ay isang karera na kailanma’y hindi ka mananalo,” garalgal ang boses na sabi ni Roan. “Oo, simple lang ang buhay pero hindi ito madali. Kailangan mong matutunan at subukan na tanggapin kung ano man ang nakatadhanang mangyari. Resolbahin mo ang problema mo. Hindi ‘yong palagi ka na lang tatakbo.”

“Pagod na akong sumubok. Pagod na akong umasa. Pagod na akong huminga. Pagod na akong mabuhay. Pagod na ako. Gusto ko nang ipikit ang mata ko at ‘wag nang idilat pa. Bakit ba palagi na lang ganito?”

“Hindi naman maiiwasan na mapagod tayo dahil minsan sa buhay natin, may mga bagay na paulit-ulit na nangyayari. Iyon bang akala natin ay wala nang katapusan. Pero ang hindi natin alam, may mga aral iyon na itinuturo sa atin. May dahilan kung bakit nangyayari ang lahat ng ‘yon,” wika ni Roan. “Ang pagpapakamatay ay permanenteng solusyon sa panandalian mong problema, Elyne.”

Natahimik ako at unti-unting napayuko. Parang mga patalim na sumaksak sa puso ko ang mga huli niyang sinabi. Hindi ko matanggap sa sarili ko na tama siya. Tama ang mga sinabi niya. Pero panandalian nga lang ba ang mga problema na ‘to? Bakit pakiramdam ko ay permanente na?

“Kapag gusto mo nang sumuko, humanap ka nang isang libong dahilan para ipagpatuloy pa ang buhay mo.” Malungkot na ngumiti si Roan.

“Sa totoo lang, hindi ko naman talaga gustong tapusin ang buhay ko. Gusto ko lang tapusin ‘yong sakit na nararamdaman ko.” 

Napatakip ako ng mukha. Gusto kong mamatay. Pero natatakot ako sa ideya ng kamatayan. Natatakot ako dahil hindi ko alam kung sa langit o sa impyerno ba ako mapupunta. Natatakot ako dahil baka magsisisi ako kung kailan huli na.

“Isuot mo ito.” 

Isang bracelet na ang kinuha ni Roan mula sa bulsa. Isinuot niya iyon sa akin at kahit medyo nanlalabo pa ang mga mata ko, malinaw kong nakikita ang apat na letrang nakaukit sa isang parisukat na metal.

Hold On Pain Ends

Pag-asa. Isang malungkot na ngiti ang kumurba sa aking mga labi at niyakap siya nang mahigpit. “Salamat. Salamat, Roan…” 

“Huwag mong hayaang kunin ka ng dilim. Lumaban ka, Elyne. May liwanag pang darating.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status