Share

Chapter 3

ANGELA POV

NANGINGINIG si Angela, habang iniinom ang tubig sa baso. Matapos siyang magsisigaw ay nagising ang halos lahat ng tao sa bahay na iyon kaya lahat ay sinaklolohan siya. Dinala siya ng mga ito sa kusina at pinainom ng tubig. Nanginginig pa siya sa sobrang takot dahil sa kakilakilabot na nasaksihan niya sa lugar na iyon.

"Ano bang nangyari sa'yo, Gela? Bakit sumigaw ka?" nag-aalalang tanong sa kanya ni Andross.

"K-kanina kasi nang bumaba ako para uminom ay may-may narinig akong bumubulong."

"Bumubulong?" nagtatakang tanong ni Colt.

"Oo, sinundan ko. Kasi akala ko isa lang sa inyo, eh. Hanggang sa makarating ako doon sa may pinto at nang binuksan ko ito ay may hagdaan doon."

"Sa basement iyon. Paano mo nabuksan 'yon, matagal ng naka-lock iyon at hindi na nabubuksan dahil hindi namin alam kung saan nailagay ni Lola, o naitapon na 'ata ang susi n'on," sabi ni Andross.

"Bukas iyon. Nang pinihit ko ang door knob ay bukas iyon! Nakita ko pa nga na may hagdan doon eh, pababa at may pinto sa dulo ng hagdan."

"Nabuksan niyo na ba Manang ang pintong 'yon?" tanong ni Andross sa asawa ng care taker.

"Hindi pa, iho. Wala na nga kasi ang susi doon saka ayaw naman ng Daddy mo ipasira ang pinto  dahil iyon ang kabilin-bilinan ng lola mo bago mamatay 'di ba, na 'wag na 'wag pakikealaman ang basement," tugon ni Manang Cora.

"Wow! Mukhang may lihim sa lugar na iyon, ha! Exciting!" bulalas ni Colt.

"Bukas iyon Dross, maniwala ka sa akin. Bukas iyon! Pero nang pababa na ako ay may bumulong sa akin na tumigil daw ako kaya hinanap ko kung sino iyon. Pagharap ko isang naaagnas na babae ang sumigaw sa akin na tumigil daw ako." Naiiyak na siya sa sobrang takot nanginginig pa ang buong katawan niya.

"Huminahon ka, Gela," alo sa kanya ni Joni at niyakap siya.

"Nakakatakot siya."

"Seryoso may naagnas na babae doon?" natatawang tanong ni Viena.

"Shut up, Viena!" sita sa kanya ni Markus.

"Paano unbelievable naman kasi ang sinasabi ng babaeng ito. Bumubulong na hindi nakikita? At naaagnas na babae? Is she crazy?" ngingisi-ngisi ring tanong ni Camilla.

"Ikaw ang baliw, bwesit kang babae ka!" sigaw na ni Joni kay Camilla. Galit na ito at humiwalay sa kanya para harapin si Camilla.

"Wow! Tignan mo nga kung sino ang parang nababaliw rito ipa-mental mo na 'yang kaibigan mo-

"Shut up, Camilla!" sigaw na ni Andross. Hindi magawang magsalita ni Angela dahil hanggang ngayon ay takot na takot siya at nanginginig pa rin ang buong katawan niya sa sobrang takot. "Wala kayong matinong sasabihin ay manahimik na lang kayo!" galit pa rin sabi ni Andross.

"I think Angela needs to rest. Para kumalma na rin siya," suhestiyon ni Froilan sa pinsan.

"Oo nga. I have sleeping pills bibigyan ko si Angela, para makatulog agad," sabi naman ni Levi.

"Tara na, Gela. Pahinga na tayo," yaya sa kanya ni Joni. Hinila siya nito kaya nagpaubaya naman siya. Nang makarating sila sa kwarto ay hawak na ni Andross ang sleeping pills na galing kay Mia at pinainom ito sa kanya.

"Matulog ka na Gela, ha," bilin sa kanya ni Andross.

"Iniisip mo rin ba na nababaliw ako?" tanong niya sa binata. Umiling ito at hinawakan ang kamay niya.

"Alam kong nagsasabi ka ng totoo." Hinalikan siya nito sa noo. Napangiti siya at masaya siya, na kahit paano ay may naniniwala sa kanya at si Andross iyon, hanggang sa nagdilim na ang paningin niya at hinila na siya ng antok.

JONI POV

"MAIIWAN KO na kayo. Ikaw na bahala kay Gela," bilin ni Andross kay Joni.

"Oo Dross, don't worry," tugon niya sa binata na halata ang pag-aalala sa mukha. "Bakit mo sinabi na naniniwala ka kay Gela? Bakit may multo ba talaga rito?" Napatitig sa kanya si Andross.

"Hindi ko alam dahil hindi naman ako tumira rito, eh. Tanging ang lolo at lola ko lang ang nanirahan dito nang magsipag-asawahan na ang mga anak nila at mag-retired na si lolo noon. Matagal na ang bahay na ito at sa kanununuan ko pa ito, na ipinapamana sa mga panganay na anak. Pero nang mamatay si Lola, wala ng tumanggap sa bahay na ito kaya ginawa na lang rest house kaso ako pa lang ang unang gumamit nito ngayon."

"Bakit naman?" tanong niya.

"Ayaw ng mga Tita at Tito ko. Gusto na ngang ipagiba ito eh, pero dahil si Mommy ang panganay at sa kanya ipinama ang bahay na ito ay tinutulan niya dahil rin sa habilin ni Lola. Ayaw ni Lola, ipagiba ang bahay na ito sabi ni Mommy at noon pa raw na mga bata pa sila kahit hindi sila rito itinira ni Lola at Lolo ay laging ekene-kwento ni Lola, na may misteryo raw sa bahay na ito at meron silang ininingatan dito. Kaya bawal na bawal na mawala ang bahay na ito."

Nakadama ng kilabot si Joni. Hindi kaya may misteryong naganap dito noon at iyon ang iniingatan na lihim ng pamilya nila Andross. 

"Baka naman may mga inilibing dito sa mansion niyo na maraming tao. Kaya ayaw pagiba ng lola mo, dahil malalantad ang tinatago-tago ng pamilya niyo."

"Hindi ko alam. Kahit sina Mommy ay walang alam, eh."

"Sabagay! Kung may alam man ang parents mo ay tiyak na nalaman ko rin 'yan. Paano wala naman nililihim 'yang Mommy mo sa Mama ko, eh."

"Kaya nga! Kaya kung alam nila Mommy at Daddy ay kahit kayo malalaman niyo." 

Mag best-friend kasi ang Mama niya at Mama ni Andross, halos kababata na rin niya si Andross pero hindi sila ganoong ka-close ni Andross noon dahil halos sa States ito nag-aral at pabalik-balik lang sa Pilipinas kapag bakasyon. Saka lang ito talagang nag-stay sa Pilipinas, nang nag-College na ito at parati nang nagkakasakit ang lola nito. Doon niya talagang naging kaibigan si Andross at kahit si Angela, na bestfriend niya ay naging kaibigan nito na hindi naglaon ay nagkagustuhan at nagkaroon ng relasyon.

"Good night. Matutulog na ako," paalam na nito sa kanya.

"Sige."

Iniwan na siya ni Andross sa kwarto kaya nahiga na rin siya sa tabi ni Angela.

" 'Wag mong hahayaang magising siya." Napaupo si Joni at napatingin kay Angela. Nagsasalita ito habang natutulog.

"Gela? Gising ka pa ba?" tanong niya rito.

" 'Wag mong hahayaang mangyari iyon? Pigilan mo sila," sabi parin nito.

"Ang alin, Gela?"tanong na niya ulit dito.

"Na magising siya. 'Wag mong hahayaan," sabi pa rin nito na nakapikit naman. Hinawakan niya sa balikat si Angela at niyugyog.

"Gela, gising ka ba? 'Wag ka naman mantrip ng ganyan natatakot ako, eh." Nagulat siya nang hawakan siya sa balikat ni Angela ng mahigpit. Nakadilat ang mga mata nito at puro puti ang makikita sa mata nito na ikinatakot niya.

"A-Angela, anong nangyayari sa'yo?" natatakot na tanong niya rito.

"Pigilan mo sila. Pigilan mo sila," anas nito na may nakakakilabot na boses.

"Ang alin? Alin ang pipigilan ko." Bumitaw si Angela, sa isa niyang balikat at hinawakan ang ulo niya. Bigla siyang nangisay at nawalan ng malay.

"Nasaan ako?" tanong ni Joni sa sarili nang mapansin na wala na siya sa kwarto. 

Pamilyar sa kanya ang lugar na ito at nang isipin niyang maigi ay saka niya na-realize na ito pa rin ang bahay ni Andross. Nasa sala siya pero ibang-iba ito sa naaalala niyang sala na meron sa bahay nila Andross. Dahil ang mga kagamitan dito ay puro kawayan. Kawayan na upuan, kawayan na lamesita at may mga paintings na hindi niya kilala kong sino dahil iba ang mga itsura na nandoon at may makalumang suot. Napatingin siya sa tumutogtog na isang kagamitan.

"Isang makalumang radio 'yan. Kaya lalo siyang nagtaka sa nakikita niya sa bahay na ito. Nagulat si Joni nang may humawak sa balikat niya at iniharap siya nito.

"S-sino ka? Magandang babae ito at pamilyar sa kanya ang mukha nito. Seryoso ang namumutawi sa mukha nito at mahigpit ang pagkakahawak sa balikat niya.

"Kanina ka pa namin inaantay. Nandoon siya sa kwarto niya," sabi ng babae. Hinila siya nito kaya nagpaubaya naman siya at sumama sa babaeng humihila sa kanya. Sa isang kwarto sila pumasok na may dalawang tao na nandoon. Isang babae at lalaki, mukhang may kaya naman sa buhay ang mga ito pero mga mukha silang pagod at puyat. May namumuong itim sa paligid ng mga mata ng mga ito.

"Ikaw lang ang makakatulong sa amin, Juanita. Parang-awa mo na tulungan mo kami," pakiusap sa kanya ng babaeng may namumuong itim sa ilalim ng mga mata.

"A-anong magagawa ko?" naguguluhang tanong niya.

"Patayin mo ang anak namin. Bago pa mahuli ang lahat at ikaw lang ang makakagawa niyon." Nanlaki ang mga mata niya. 

Anong palagay ng mga ito sa kanya ay mamatay tao? Saka bakit pinapapatay ng mga ito ang sarili nilang anak, nababaliw na ba ang mga ito? 

"Demonyo siya! Hindi dapat nabuhay pa ang tulad niya sa mundo," sabi pa nito.

"Nababaliw na kayo! Sarili niyong anak papatayin niyo? Hindi ako ang makakatulong sa inyo! Isa pa, hindi ako si Juanita! Mabilis niyang iniwan ang mga ito at lumabas ng kwarto.

Naglakad siya nang naglakad ng mapatili siya dahil nagkaroon ng butas sa nilalakaran niya at nalaglag siya sa napakalalim na butas. Bumagsak siya sa iba na namang lugar at mukha iyong kwarto na may luma na ring kagamitan at isang kama sa gitna pero hindi iyon ang kumuha ng atensiyon niya. May nakahiga sa kama at isa itong magandang babae. Ito na 'ata ang pinakamagandang babae na nakita niya sa balat ng lupa. Napalapit siya sa babaeng nakahiga sa kama, nakapikit ang mga mata nito at mukhang mahimbing ang pagkakatulog. Napaatras siya ng unti-unting gumalaw ang talukap ng mga mata nito at napatingin sa kanya.

"Juanita?" tanong nito. Napalingon siya sa likod niya pero walang tao doon.

"Hindi ako-

"Ahhhh!" malakas na sigaw ng babae sa kanya at nagsibasag ang mga kagamitan doon. Agad niyang tinakpan ang tenga niya at napaupo. "Bakit mo ginawa sa akin ito, Juanita? Bakit? Traydor kaaaahh!" puno ng galit na sigaw nito. Nanlaki ang mga mata niya nang makita niyang nakalutang na ito sa kama, "traydor ka! Traydor ka!" sigaw nito at nanlilisik ang magandang mukha nito na nakatingin sa kanya.

Nakatayo na ito pero nakalutang pa rin ito at palapit sa kanya. 

"Hindi. Ako. Si. Juanita!" sigaw na rin niya. Nagulat siya nang tumalsik ito at humampas sa ding-ding. Napatayo siya at matamang nakatitig sa babaeng tumalsik.

"Hindi ka mabubuhay ulit! Hindi ako papayag! Hindi! Napalingon si Joni sa nagsalita. Nanlaki ang mga mata niya dahil may katabi na siyang babae na may makalumang suot.

"S-sino ka?" Tumingin ito sa kanya.

"Pigilan mo sila. Pigilan mo sila."

"Juanita, maawa ka," umiiyak na sabi ng magandang babae, "wala akong ginagawang masama." Napatingin siya sa umiiyak na babae na may maamong mukha at kaawa-awa itong tignan. Nagulat siya nang hawakan ni Juanita, ang balikat niya at iharap siya nito.

"Hindi awa ang makakapagligtas sa inyo. Kailangan mong maging matigas! Kailangan mo silang pigilan! Joni, pigilan mo sila! Nanlaki na naman ang mata niya. 

Paano nito nalaman ang pangalan niya?

Napabalikwas siya ng bangon at pawis na pawis siya.

"Panaginip! Panaginip lang ang lahat!" bulalas niya sa sarili.

"Oh, buti gising ka na? Tanghali na tumayo ka na diyan!" utos sa kanya ni Angela. Napatingin siya rito. Nakangiti ito at parang walang nangyari kagabi, na kinatakutan nito, "makatingin, ha! Wala akong utang sa'yo!"

"Anong nangyari sa'yo? Ayos ka na ba?" Bumalatay ang pagtataka sa mukha nito.

"Bakit may nangyari ba?" takang tanong nito.

"Kagabi lang takot na takot ka. Sabi mo, may nakita kang babae doon sa basement nila Dross, tapos ngayon ang saya-saya mo. Ayos ka lang ba talaga?" nag-aalalang tanong niya sa kaibigan.

"Anong pinagsasabi mo?" natatawa nitong sabi, "ang sarap nga ng tulog ko kagabi, eh. Dire- diretso at hindi ako tumayo. Kaya paano ako mapupunta sa basement nila Dross?" Nagulat siyang napatitig kay Angela at mukhang nagsasabi ito ng totoo, "tumayo ka na nga diyan baka gutom lang 'yan."

"Paanong wala na siyang matandaan sa nangyari sa kanya kagabi? Panaginip ko rin ba iyon?" naguguluhan niyang tanong sa isip. Umupo na siya sa kama at hindi pa rin makapaniwalang napatingin sa paalis na si Angela. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status