Share

Chapter Three: Let's End This

              MAY naramdaman akong mainit na katawan na yumakap sa akin na naging dahilan ng aking paggising.

              “Baby, I'm sorry. Gising na.” Iminulat ko ang aking mga mata at nakita ko si Mageline. Nakita ko na naman ang napakaganda niyang mukha.

              “Baby.” I hugged her. Miss na miss ko na siya nang sobra. Napangiti ako dahil tila napakaganda ng umaga lalo't ang mukha ni Mageline ang bumungad sa akin.

              “Puwedeng makahingi ng kaunting pera? Kasi kailangan na ni mama ng gamot, hindi pa kasi ako sumisuweldo,” pagpapaliwanag niya. Tiningnan ko siya sa mga mata at nginitian. 

              Ayos lang sa akin kahit na gaano pa kalaking halaga ang hingiin niya. Madali lang kitain ang pera at isa pa, para naman ito sa ina ni Mageline.

              “Oo naman,” saad ko. Napangiti siya nang malawak nang marinig niya ang sagot ko. Hinalikan niya ako at niyakap niya pa ako lalo nang mas mahigpit.

              “Thank you!” Tumayo siya sa higaan at hinawakan ang aking kamay. Hinatak niya ako pababa sa hapag-kainan at nagulat ako sapagkat napakaraming pagkain ang nakahanda at puro paborito ko ang mga 'yon. 

              Labis na tuwa ang aking naramdaman dahil sa inaasta ni Mageline sa akin. 

              “Sino ang naghanda ng mga 'to?” tanong ko sa kaniya ngunit ngiti lang ang isinagot niya sa akin. Nilagyan niya ako ng mga pagkain sa pinggan bago siya umupo at naglagay rin ng mga pagkain sa pinggan niya.

              Natakam ako nang sobra dahil sa amoy ng mga pagkaing nakahain sa lamesa ngunit agad ding napawi ang pagkatakam ko nang matikman ko na ang adobo.

              “Baby? Sino ang nagluto nito?” tanong ko sa kaniya. Tiningnan niya ako nang kakaiba na para bang may hinala na siya na hindi ko nagustuhan ang pagkaing inihain niya.

              “Ako, why? Is there something wrong?” Umiling lang ako at tiniis ko ang pagkain na ginawa niya. Kinain ko ang lahat ng nasa pinggan ko na para bang sarap na sarap kahit kabaliktaran ang nalalasahan ko.

              “Heto pa. Kain ka lang.” Dinagdagan niya pa lalo ang pagkain sa pinggan ko kaya todo tiis ako at nilulunok ko na lang 'yon nang diretso, iniiwasan ko ang malasahan iyon. Gawa niya ang lahat ng ito kaya kailangan kong ubusin.

              Hindi talaga siya marunong magluto pero nakapagtataka na kinakain niya rin ang sarili niyang gawa na talaga nga namang hindi kaaya-aya ang lasa. 

              “Pangit ba?” she asked me. Sumimangot siya at akmang aalis na sana mabuti na lang at mabilisan kong hinawakan ang kamay niya. 

              “No, ang sarap,” pagkukunwari ko sa kaniya pero sa totoo lang, hindi ko malaman ang lasa ng mga pagkain na 'to. 

              Nang matapos na kami ay may tumawag sa kaniya. Palihim akong sumilip sa screen, nakita ko ang pangalan na Zayra. Napanatag ako dahil babaeng pangalan ang nabasa ko sa cellphone niya.

              Tumayo siya at lumabas, iniwanan niya akong mag-isa na kumakain. Mayamaya ay pumasok na siyang muli at sa pagpasok niya ay may kasama na siyang isang babae. Nabigla ako nang makita ko kung sino ang babaeng kasama niya. Ang babaeng iyon, siya 'yong muntik ko nang masagasaan. Nakapagtataka dahil nakaitim na naman siya. Paborito niya bang talaga ang itim?

              Lumapit sila sa akin. Halos mailang ako dahil sa ginagawang pagtitig ng babaeng kasama ni Zayra sa akin.

              “Boyfriend ko, Zayra,” pagpapakilala sa akin ni Mageline. Ngumiti lang siya at pinaupo naman siya ni Mageline. 

              Kumuha si Mageline ng isa pang pinggan kaya naiwan kaming dalawa. 

              “Ikaw 'yon,” sabi niya sa akin habang nakatitig sa mga mata ko. Napahanga ako nang mapansin ko ang maganda niyang mga mata, kulay asul ang mga ito. 

              “Ang alin?” sagot ko naman sa kaniya. Nakalulunod ang mga titigan niya at hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin, tila kinabahan akong bigla.

              “Muntik mo na akong mabangga.” Malamig ang boses niya nakapagpapatayo iyon ng balahibo. Kakaiba siyang babae, 'yong datingin niya ay 'yon bang tipong pang-horror. Halos wala akong makitang liwanag sa kaniya dahil puro kadiliman ang nakabalot sa katawan niya. Puro itim ang suot niya.

              “Sorry pala,” paghingi ko ng tawad. Hindi siya sumagot hanggang sa dumating na si Mageline at inilapag niya ang dalang pinggan para kay Zayra. 

              “Kain ka lang, Zay. Matagal din kitang hindi nakita,” sambit ni Mageline kay Zayra. 

              “Kauuwi ko lang galing Japan, sorry,” sagot naman ni Zayra sa kaniya. Pinakinggan ko lang sila habang nagkukuwentuhan nang biglang nag-ring ang cellphone ko kaya agad ko 'yong sinagot. 

              “Nasaan ka na? Ready na lahat,” bungad ni Bliz. Tiningnan ko si Mageline at tumingin din siya sa akin. Agad kong ibinaba ang tawag dahil ayaw kong malaman niya ang nakahandang surpresa para sa kaniya.

              “Magbihis ka Mageline. May pupuntahan tayo,” I said to her at tinitigan niya lang ako. 

              “Dalian mo na.” Sinunod niya naman ako at isinama niya si Zayra. Ako naman ay naghanda na at sinigurado kong maayos ang itsura ko. 

              Ang araw na pinakahihintay ko. Ito na 'yon. Kailangan ay mapasagot ko siya. 

              “Okay na,” sambit ni Mageline habang pababa sa hagdanan. Ang ganda niya. Nakasuot siya ng red dress na bagay na bagay sa kaniya. Ang simple niya pero para siyang isang bulaklak. 

              Hindi siya pumalyang pahangain ako sa kagandahan niya. Sa tuwing nakikita ko siya ay hindi pa rin nagbabago ang pagtingin ko sa kaniya at mas lalo pa iyong lumalalim.

              Ngumiti ako sa kaniya at pinasunod ko sila sa kotse. Nagmaneho ako at hindi ko pinansin ang mga tanong niya. Hindi na ako makapaghintay na maging akin siya. 

              “Malapit na ba?” Mageline asked me at tumango ako. Hininto ko ang kotse nang marating na namin ang lugar. Bumaba ako at pinagbuksan ko sila ng pinto.

              “Anong ginagawa natin dito?” tanong niya ulit. Nandito kami ngayon sa park at dito ko pinlano ang lahat. 

              Habang naglalakad kami ay may nag-aabot sa kaniya ng pulang rosas. Bawat pulang rosas ay may nakasulat na isang letra. 

              Kinukuha n'ya 'yon isa-isa at inipon niya iyon pati na rin ang mga papel na maliliit na may nakasulat na isang letra. Tiningnan niya 'yon isa-isa at ang nakasulat do'n kapag pinagdugtong ay, ‘Will you marry’ at na sa akin naman ang salitang, ‘me?’

              Nang makumpleto na 'yon ay lumuhod ako sa kaniya at pinalibutan kami ng mga tao. Hinubad ko ang suot ko at naiwan 'yong t-shirt na kung saan nakasulat ang dalawang letra. Inilabas ko ang singsing at nagulat siya dahil sa ginawa ko. 

              “Will you marry me?” I asked her pero kumunot ang noo niya. Hindi ko inasahan na magiging ganoon na lamang ang reaksyon niya.

              “Anong ginagawa mo?! Tumayo ka nga!” she said to me. Pilit niya akong itinatayo pero hindi ako pumayag. Labis akong nabigla sa inasta niya at hindi ko alam kung ano ang gagawin.

              “Please?” pagmamakaawa ko pero sumimangot lang siya lalo. 

              “I have to go,” sambit niya. Papaalis na sana siya ngunit hinawakan ko nang mabilisan ang braso niya. 

              “Why? Hindi mo ba nagustuhan?” tanong ko sa kaniya at tumingin siya sa mga taong nakapaligid sa amin na para bang hiyang-hiya.

              “Let's end this.” Lumaki ang mata ko dahil sa pagkagulat sa sinabi niya at tila nasemento ako dahil hindi ako makagalaw sa puwesto ko.

              “No,” mahinahong sabi ko sa kaniya. Hinawakan ko ang kamay niya ngunit pilit niya itong binabawi sa akin. 

              “Alam kong alam mo na may iba ako. Hindi ko na gustong mahirapan ka pa pero hindi talaga kita kayang mahalin at wala akong balak na mahalin ka. Tama ka sa mga naririnig mo tungkol sa akin. Pera lang ang habol ko sa 'yo.” Nagulat ang mga taong nakapaligid sa amin at pilit ko siyang pinapatigil sa mga sinasabi niya dahil ayaw ko siyang mapahiya sa harapan ng maraming tao. 

              “Please, tama na. Hindi ka gano'n. Okay?” Umiling lang siya at hinatak niya ang kaibigan niya at isinama niya sa pag-alis. 

              Habang ako ay naiwang nakatulala at hindi maipinta ang mukha.

              “Bro, I told you,” Bliz said. Hindi ko siya pinakinggan at hinabol ko si Mageline. 

              “Mageline! Wait!” Hinawakan ko ang braso niya at gusto kong marinig ang kasinungalingan niya kaysa sa nakamamatay na katotohanan.

              “What? Sinabi ko na lahat Zach. I don't love you.” Unti-unting winawasak ang puso ko pero hindi ako nagpapatinag. Pilit kong nilalabanan ang lahat. Hindi puwedeng hayaan ko na lamang na bumuhos ang mga luha ko.

              “Pakasalan mo ako. Ibibigay ko sa 'yo ang lahat.” Nagulat siya sa sinabi ko, gano'n na rin si Zayra. 

              “Stupid. Hindi na kita kailangan, tigilan mo na ako.” Hinawakan ko ulit siya pero itinulak niya ako at naglakad siya palayo. 

              Naiwan akong nag-iisa at ang pagtitig lamang sa kaniya ang tangi kong nagawa. 

              Kahit gaano ko pa pinigilan ang pagluha ko, wala akong nagawa dahil bumuhos na ito ng tuluyan.

              Hindi ko inakalang matatapos ang lahat sa ganitong paraan. Ang sakit, sobrang sakit.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status