Share

Chapter Six: She Lied to Me

              DALA-DALA ko ang itim na bulaklak na ito habang nakatayo pa rin ako hanggang ngayon sa harapan ng bahay nina Mageline. Paulit-ulit kong tinatawag ang pangalan niya at halos isang oras na akong nakatayo rito pero wala pa ring nagbubukas ng pinto.

              Sinubukan ko na rin na tawagan ang number niya pero walang sumasagot. 

              “Mageline! Mageline, please may ibibigay lang ako. Mageline,” paulit-ulit na tawag at sigaw ko sa kaniya. Naghintay pa ako ng ilang oras at tinatawagan din ako ni Bliz pero hindi ko 'yon sinasagot. Isinantabi ko si Bliz dahil mas mahalaga si Mageline.

              Mayamaya pa ay may nagbukas na ng pinto nila at sa wakas hindi na ako maghihintay nang ilang oras pa rito. Pagkalapit na pagkalapit ko pa lang ay nakita ko na kaagad si Mageline. 

              “Ano bang ginagawa mo rito?!” sumisigaw na bungad niya habang lumalapit sa akin. 

              “Gusto ko lang sana ibigay sa'yo 'to.” Iniabot ko ang mga bulaklak at nagulat ako dahil sa naging reaksyon niya. 

              “Mukha na ba akong mamatay?! Umalis ka na nga rito! Alis!” Tinulak-tulak niya ako at hindi ko maintindihan, akala ko ba ay gusto niya ang mga bulaklak na ito? 

              “Akala ko gusto mo ng itim na bulaklak?” tanong ko sa kaniya pero mas lalong kumunot ang noo niya. 

              “Huwag na huwag ka nang babalik dito, tapos na tayo.” Pumasok ulit siya sa bahay nila. Hindi ko na siya magawang tawagin pa dahil sa binalot na ako ng hiya.

              Labis akong nairita dahil mas lalong nagalit sa akin si Mageline kaya tinawagan ko si Zayra. 

              Wala pang ilang segundo nang sagutin niya ang tawag ko. 

              “Ano bang ginawa mo?! Sabi mo gusto niya ng mga itim na rosas?!” Imbes na humingi ng tawag ay narinig ko pa ang malakas na pagtawa niya. 

              “Gusto niya ng itim na rosas baka hindi niya lang gusto 'yong nagbigay.” Binato ko ang mga rosas na hawak-hawak ko at pinagtatapak-tapakan ang lahat ng iyon.

              “Galit ka?” Isang malakas na tawa ang isinagot ko sa kaniya. Mukha bang matutuwa ako sa nangyari? Malamang, galit ako!

              “Sorry, galit ka ba?” tanong niyang muli.

              “To be honest, I'm a little bit angry pero ayos lang. Masarap ba manloko?” Narinig ko ang malalim na pagbuntong-hininga niya. 

              “Okay, I'm sorry pero sinabi ko lang ang totoo. Gusto niya ang itim na rosas.” Pinatay ko na ang tawag dahil wala rin namang kuwenta ang sasabihin niya. Isa lang ang ibig niyang ipalabas, na kahit ano pa ang gawin ko ay hindi ko na muling mababawi si Mageline dahil ayaw niya sa akin.

              Pumasok ako sa kotse ko at mabilis akong nagmaneho. Hindi ko alam ang gagawin ko kaya pinuntahan ko na lang si Bliz. 

              Pagkarating na pagkarating ko pa lang ay ngiti niya agad ang bumungad sa akin. 

              “Bro, nahanap mo na ba kung sino 'yon?” I asked him pero umiwas siya ng tingin. 

              “Sorry, bro. Ang hirap mahanap,” sambit niya kaya bumuntong hininga na lamang ako. 

              “Magaling talagang magtago. Hanapin mo 'yong lalaking 'yon, pakiusap.” Lumakad ako patungo sa sofa nila at sumunod naman siya sa akin. Umupo kaming pareho at tinawag niya ang katulong niya para magpahanda ng juice. 

              “Pero, paano kung kakilala mo 'yong lalaki? Ano ang gagawin mo?” Nabigla naman ako sa katanungan niya kaya nagsalubong ang kilay ko. 

              “Papatayin ko siya,” walang alinlangang sambit ko. Hindi na siya umimik pa at nanahimik na lang. 

              Hindi ko alam pero kung kakilala ko ang dahilan ng lahat, ang dahilan kung bakit hindi ako ang pinili ni Mageline, hindi ko 'yon mapapatawad, hindi ko siya mapapatawad. 

              May biglang tumawag sa kaniya at hindi ko nabasa kung sino 'yon dahil agad niya itong pinatay. 

              Paulit-ulit pa na tumawag sa kaniya 'yong taong 'yon pero ayaw niyang sagutin na para bang may itinatago siya sa akin na isang malaking sikreto. Nararamdaman ko na may kakaiba.

              “Aalis na ako, sagutin mo na 'yan.” Lumakad ako palayo at bumalik na sa kotse ko. 

              Nakapagtataka ang ikinikilos ni Bliz. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa kaniya pero kung may kinalaman siya na ayaw niyang sabihin sa akin. Hindi ko siya patatawarin. 

              Kaibigan ko na siya simula nang bata pa lang kami kaya naniniwala rin akong hindi niya magagawa sa akin ang mga bagay na 'yon. Malaki ang tiwala ko sa kaniya dahil sa lahat ng tao, siya lang pinagkakatiwalaan ko.

              Isang malakas na tunog ang nanggagaling sa cellphone ko. May tumatawag sa akin kaya sinagot ko 'yon.

              “Bakit, Zayra?” bungad na tanong ko kaagad sa kaniya.

              “Magkita tayo,” sabi niya bago ibinaba ang tawag. 

              Itinext niya sa akin ang lugar kaya nagmaneho ako papunta ro'n. 

              Kahit galit ako sa kaniya ay hindi ko magawang hindi siya siputin. Paano na lang kung may mangyari sa kaniyang masama, edi ako pa ang magiging dahilan n'on.

              Ilang minuto pa ay nakarating na ako. Bumaba ako ng sasakyan at umupo sa duyan habang hinihintay siya. 

              Mayamaya ay nagulat ako dahil may nagtakip ng mata ko at pagkatanggal ko ay si Zayra 'yon. Tinitigan ko siya kaya natahimik siyang bigla. Hindi ako sanay na tinatakpan ang mga mata ko pero bakit tila natuwa ako?

              “Sorry.” Sumimangot siya at natawa naman ako dahil sa inasta niya. 

              “Huwag mo na ulitin 'yon, hindi ka na bata,” sabi ko sa kaniya kaya lumapit siya sa likod ko at itinulak ang duyan nang sobrang lakas. 

              Halos malula ako dahil sa ginawa niya. Sinusubukan kong pahintuin siya pero ayaw niyang huminto. 

              “Ihinto mo na!” sigaw ko sa kaniya pero tawa lang siya nang tawa. 

              “Ang duwag mo naman.” Ihininto niya na ang pagtulak sa duyan at pumunta siya sa harapan ko. 

              “Ang guwapo mo rin pala,” sambit niya habang nakatingin sa mga mata ko kaya umiwas ako. Hindi ako makatingin nang maayos dahil sa ginawa niya.

              “Pinagsasabi mo?” nagmamaang-maangan na tanong ko sa kaniya.

              Tumayo ako at tinitigan ang mga batang naglalaro. Ang sasaya nila, hindi ko naranasan maglaro sa labas noong bata pa ako kaya labis akong naiinggit kapag nakakakita ako ng mga batang naglalaro sa kalsada. 

              “Hindi ko naranasan maging bata,” sabi niya na naging dahilan ng pagtingin ko sa kaniya.

              “Simula noong bata ako puro pagpapasakit na lang ang naranasan ko sa mundong 'to, hanggang ngayon,” dugtong niya pa kaya nginitian ko siya at pinaupo ko siya sa duyan. Unang beses kong makita na ganito siya, na sobrang lungkot ng itsura niya. 

              “Upo ka, ako naman ang magtutulak sa 'yo para ma-try mo.” Sinunod niya naman ako at itinulak ko ang duyan nang sobrang lakas pero parang wala lang sa kaniya dahil ang emosyon niya ay gano'n pa rin, walang pagbabago.

              “Hindi ka ba natatakot?” tanong ko sa kaniya pero tumawa lamang siya nang malakas.

              “Ako? Matatakot? Halos lagi akong nilalambitin at pinapaikot ng nanay ko.” Nabigla ako sa sinabi niya kaya hininto ko ang pagtulak sa duyan. 

              “What do you mean?” Tinitigan ko siya at nakita ko ang mata niya na hindi mahinuha kung masaya ba o hindi, kumbaga walang emosyon ang makikita sa kaniya. 

              “Wala,” sambit niya bago tumayo at inaya akong umuwi. 

              Tila nakaramdam ako ng kakaiba na hindi ko magawang maipaliwanag. Nalungkot ako dahil sa mga sinabi niya sa akin at para bang gusto kong hamakin ang mundo niya nang biglaan. 

              Ngunit...

              Alam kong mali ang isipin ito dahil hindi ko ugaling mangialam ng buhay ng mga tao. Wala akong pakialam sa kanila dahil ang tanging buhay ko lang ay si Mageline.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status