Share

Chapter Eight: I Feel Safe

              HINANDA ko na ang aking gitara at inayos kong mabuti ang sarili ko. Ngayon na ang araw na haharanahin ko si Mageline kaya labis akong kinakabahan. Sana sa pagkakataong ito ay mabawi ko na siyang muli. 

              Tumayo ako at tumingin ako sa salamin. Tinititigan kong mabuti ang sarili ko. Sinigurado kong prensintable ang itsura ko at nang makita ko ang hibla ng buhok ko na hindi nakaayos ay agad ko itong sinuklay. 

              Nang matapos na ako ay sakto namang tumawag si Zayra sa akin. Dinampot ko ang cellphone ko bago sagutin ang tawag niya.

              “Nasaan ka na? Nandito ako sa harap ng gate ng bahay mo, bumaba ka na. Bilisan mo!” bungad niya kaya nagmadali akong naglakad pababa sa hagdanan. 

              Pagkalabas na pagkalabas ko pa lang ay nakita ko siyang nakatayo. Nakasuot siya ng kulay itim na short at itim na t-shirt. 

              Lumapit siya sa akin at hinawakan niya ako sa kamay. Nagulat ako nang hatakin niya ako at napatakbo na rin ako dahil tumakbo siyang bigla. 

              Hindi ko alam kung anong ginagawa niya pero may kakaiba akong nararamdaman. Hindi ko maipaliwanag. Simula nang yakapin niya ako ng araw na iyon ay hindi ko na siya magawang titigan sa mata. 

              Huminto kami sa tabi ng isang kalye at nagtataka ako kung bakit niya pinapara ang bawat jeep na nagdaraan.

              “May kotse naman ako, bakit kailangan pang mag jeep?” tanong ko sa kaniya. Lumingon siya sa akin nang saglit bago ituong muli ang pansin sa kalsada.

              “Mas okay kung susubok ka ng iba pang mga bagay-bagay,” aniya. 

              Halos mainip na ako nang may humintong jeep sa harapan namin kaya agad siyang sumakay. Puno ang jeep kaya wala akong nagawa kun'di ang sumabit. Ito ang unang beses na sumakay ako sa jeep at nakasabit pa. 

              Tinitigan ko si Zayra at nakangiti lang siya sa akin habang ako'y asar na asar dahil may kotse naman ako pero kailangan ko pang mausukan at makipagsiksikan sa jeep na ito.

              Mayamaya pa ay huminto ang jeep at dalawang tao ang bumaba. May dalawang tao rin ang sumakay at humabol ang isang matanda ngunit wala na siyang maupuan. 

              Walang may gustong magpaupo sa kaniya kaya nagulat ako nang biglang umalis si Zayra sa kinakaupuan niya at pinaupo niya ro'n ang matanda. 

              “Dito ka na lang, ate,” sambit ng isang pasaherong lalaki. 

              Inirapan niya 'yong lalaki bago magsalita, “Dapat kanina mo 'yan ginawa nang si lola pa 'yong walang maupuan.”

              Hindi umimik ang lalaki dahil na rin siguro sa hiya. 

              Magkatabi na kami ngayon ni Zayra, pareho kaming nakasabit. Hindi ko maiwasang isipin na kakaibang babae talaga si Zayra, siya 'yong tipo ng taong sobrang astig. Labis na akong napapahanga sa mga ginagawa niya.

              Biglang huminto ang jeep kaya muntik nang mahulog si Zayra, mabuti na lang at nahawakan ko siya sa likod. Nakaramdam ako nang takot sa hindi malaman na dahilan.

              Bumaba kaming pareho dahil pumara na si Zayra at nang titigan ko ang lugar na aming pinagbabaan, lugar ito nina Mageline.

              Naglakad kami nang naglakad hanggang sa marating na namin ang bahay nina Mageline. 

              “Nandito na tayo, are you ready?” tanong ni Zayra at nginitian ko lang siya. 

              Inilabas ko ang gitara ko sa lalagyanan at nagsimula na akong kalabitin iyon. 

              Magsisimula na sana akong kumanta nang lumabas si Mageline sa bahay nila. Ang sama ng tingin niya sa akin kaya halos kabahan ako, alam kong hindi niya gusto ang makita pa akong muli pero hindi ko mapigilan na huwag nang magpakita sa kaniya.

              “How many times do I have to tell you na ayaw ko na!” sigaw niya sa akin. Lumapit ako sa kaniya at niyakap ko siya nang mahigpit. Hindi ko na kaya pang tiisin ang pagkaulila ko sa kaniya. 

              Kumakawala siya sa akin ngunit mas lalo pang humihigpit ang yakap ko sa kaniya, ayaw ko na siyang pakawalan pa.

              “Zayra! Umalis na kayo. Ayaw ko na kayong makita!” sambit niya kay Zayra at itinulak niya ako nang malakas.

              Hinawakan ko ang kamay niya at lumuhod ako sa harapan niya. 

              “Please, accept me again. I love you,” pagmamakaawa ko sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit ko 'to ginagawa pero para sa kaniya, gagawin ko ang lahat kahit na magmukha pa akong desperado at bobo. 

              “Tumayo ka. Gumising ka na, ayaw ko na.” Tumalikod siya sa akin. Pilit ko siyang hinahabol pero kahit anong gawin kong pigil sa kaniya ay hindi siya nagpapatinag. Lumakad siya palayo sa akin.

              Hinabol ko siya at hinawakan kong muli ang mga kamay niya. At sa puntong ito ay tuluyan nang pumatak ang mga luha ko. Hindi ko na kaya pang pigilan sapagkat sobrang sakit na, sa sobrang sakit ay gusto ko nang sumabog.

              “Minahal mo ba ako?” Tumitig siya sa akin at nakita ko ang mga mata niya, mga matang kinababaliwan ko nang sobra.

              “Sorry pero hindi.” Pagkasabi niya n'on ay nabitiwan ko na ang kamay niya. Nawalan ako ng lakas at nanghina akong bigla. 

              Nilapitan ko si Zayra habang lumong-lumo. Ngayon alam ko na, alam na alam ko na. Kahit na ano pa ang gawin ko ay wala pa rin ako para sa kaniya, wala na akong magagawa. Hindi niya talaga ako kayang mahalin. Ang bobo ko nang isipin ko na kaya ko pa ang lahat pero mali dahil pagod na ako, hindi ko na kaya.

              Hinatak ko si Zayra palayo kay Mageline. Nagtuloy-tuloy lang ako sa paglalakad at hindi ko siya pinansin. Bumuhos nang sobra-sobra ang mga luha ko, sumabay pa ang ulan na ito.

              Napaupo na lang ako nang biglaan sa kalsada. Para akong binagsakan ng langit at lupa. 

              “Tara na, alis na tayo,” sambit ni Zayra kaya napalingon ako sa kaniya. 

              “Hindi ba ako kamahal-mahal?! Sabihin mo nga?!” Hinawakan ko ang balikat niya at mukhang nasaktan siya sa ginawa ko ngunit imbes na lumayo sa akin ay niyakap niya ako nang mahigpit.

              “Sapat ka, sobra ka pa nga, e.” Lalo pang humigpit ang mga yakap niya. Ngunit hindi ko inasahan na mapapagaan niyang bigla ang kalooban ko. Nagtataka ako kung bakit lagi niya na lang akong napapaamo at napapahinto sa pag-iyak. Wala akong makitang rason ang alam ko lang ay palagi siyang nandiyan kapag lumuluha na ako. Palagi niya akong niyayakap kapag hinang-hina na ako. 

              “E, bakit nangyayari sa akin 'to?” tanong ko sa kaniya. Kumawala siya sa pagkakayap sa akin at ipinagtapat niya ang aming mga mukha.

              “Pagsubok lang 'to.” Binigyan niya ako ng isang matamis na ngiti na mas lalong nagpatigil sa akin sa pag-iyak.

              Tumayo ako at inalalayan niya ako, naglakad lang kami nang naglakad. Walang direksyon, walang patutunguhan pero piling ko ay ligtas ako kapag kasama ko siya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status