Share

CHAPTER 4

-KATHERINE MAE-

Pagkarating ko sa mall ay nakita ko agad si Ryan sa entrance. Pinagtitinginan siya ng mga babaeng napapadaan. Iba talaga kapag guwapo! Matinik sa chicks! Nilapitan ko naman siya. 

"Feeling model ka, Friend! Nahakot ka yata ng chicks dito!" pang-aasar ko sa kaniya. Napatingin naman agad siya sa akin. 

"Wala kang magagawa. Guwapo ang kaibigan mo!" mayabang na wika niya. Napaismid naman ako.

"Saan banda? Sa kuko?" Inakbayan niya ako bago hinatak papasok sa loob ng mall. 

"Aaminin mo lang na guwapo ako hindi mo pa magawa! Pabebe ka pa!" pang-iinis niya. 

"Pabebe your face! Maangas ako hindi pabebe!" wika ko sabay siko sa tiyan niya. Abs pala! 

"Oo nga pala! Maangas na sexy!" ngiting-ngiting wika niya. 

"Ikaw nagbigay ng meaning ng Katty tapos nakalimutan mo agad!" 

"Hindi kaya! Oo nga pala, saan ka galing?" 

"Pumunta ako kina Mariza. Kaya pala gusto niyang pag-usapan ang tungkol sa kasal noong pumunta tayo sa Tagaytay ay dahil may plano pa lang mag-propose si Red kay Angel."

"Masyado naman yatang maaga? Ga-graduate pa lang kayo 'di ba?" 

"Yeah, pero huwag ka! Mayaman 'yon si Red! May sariling kompanya!" 

"May sarili rin naman akong business pero hindi pa ako nagpapakasal."

"Bakit may pakakasalan ka ba?!" pambabara ko sa kaniya. Napasimangot naman siya. 

"Wala. Akala mo siya meron!"

"Wala pa naman sa plano kong magpakasal! Bahay muna!" 

"Tama! Tama! Kapag ready na ay saka lang magpakasal."

"Saka kapag may papakasalan na!" 

"Oo na! Paulit-ulit?!" Natawa naman ako sa mukha niyang naiinis na. 

"Ano pa lang gagawin mo rito?" tanong niya ng mawala ang inis. 

"Bibili ako ng dress para sa graduation!" excited na wika ko. 

"Oo nga pala! Libre ko na ang dress na bibilhin mo ngayon!" Nagningning naman ang mga mata ko sa sinabi niya. 

"Sure 'yan?! Walang bawian?!" 

"Oo nga! Tara na!" Excited naman akong sumunod sa kaniya. Mabuti na lang pala ay pinapunta ko siya rito! Nakalibre pa ako! 

Binili niya ako ng dalawang dress para may pagpilian daw ako. Binilhan niya rin ako ng heels na ipapares doon. Ang nakakatuwa pa ay binilhan niya rin sina Mama at Papa ng isusuot nila sa graduation ko. Hindi na ako nahiya dahil hindi rin naman siya magpapapigil. Pagkatapos mamili ay nanood kami ng sine, kumain, saka umuwi. 

---

Graduation na namin ngayon! Naghahalo ang saya at kabang nararamdaman ko! Kasalukuyan na akong inaayusan ng stylish na kinuha ni Ryan. Libre niya raw ulit. Sasama siya sa graduation ko pero hindi raw siya magtatagal dahil may importante siyang pupuntahan. Okay lang naman sa akin. Ang mahalaga ay pumunta siya. 

Tapos na kaming lahat sa pag-aayos at nagpi-picture taking na lang kami. Nang ma-satisfied sa dami ng picture ay saka kami umalis. Pagkarating namin ay napakarami na ng mga tao at makikita ang saya sa kanilang mga mukha. Ang saya sa pakiramdam na magtagumpay! Sulit lahat ng pinaghirapan namin! Nakakalungkot man dahil magkakahiwa-hiwalay na kami.

Isa-isa kaming nag-marcha papasok sa hall kasama ng mga magulang namin. Nang matapos lahat sa pagma-marcha ay dumiretso na sa program. Halos hindi na kami nakikinig sa mga nagsasalita at nangyayari sa paligid dahil mas busy kami sa pagkukuwentuhan. Hindi pa man tapos ang graduation ay nami-miss na agad namin ang isa't isa. Nang dumako na sa pagbibigay ng award ay nakinig na kami dahil halos lahat kaming magkakaibigan ay mayroon. Masaya na ako na nakapagtapos ako at ang mga kaibigan ko. Nag-procceed kami sa pagbibigay ng diploma at pagsasalita ni Angel sa unahan. Hindi ko napigilang hindi umiyak. Mabuti na lang talaga ay water proof ang make-up na nilagay sa akin. Yayamanin! Natapos ang graduation ng matiwasay at masaya. Hindi muna kami umuwi dahil nag-picture-picture pa kami ng mga kaibigan ko. Binigay ko na rin ang graduation gift ko sa kanila. Maya-maya ay nag-iiyakan na rin kami. 

"Tigilan ninyo nga! Magkikita-kita pa naman tayo! Masisira ang make-up ko!" umiiyak na wika ko sa kanila. Nagtawanan naman sila sa sinabi ko. 

"Ang mag-seen sa group chat tanggal na! Ang hindi sumama sa gala ay hindi na kilala! Kaya umayos kayo! Huwag kayong pa-famous! Mami-miss ko kayo!" umiiyak na ring wika ni Ana. 

"Congratulation sa atin! See you again!" wika ni Cheche ng ayain na siyang umuwi ng mga magulang niya. 

"See you again!" Nagpaalam na kami sa isa't isa. Hindi na namin kasama si Ryan dahil nagpaalam na siya agad kanina. 

"Ma, Pa, kakain po ba tayo sa labas?" tanong ko sa kanila. 

"Plano namin ng mama mo na sa bahay na lang dahil maraming tao ngayon ang kakain sa labas. Sabay-sabay pa naman ang graduation ngayon," paliwanag ni Papa. 

"Sa bagay, tama po kayo. Pag-uwi po natin ay magpalit lang tayo ng damit pagkatapos ay mamili na po tayo." Sumang-ayon naman sila sa sinabi ko. 

Nasa tapat na kami ng pinto ng bahay namin. Hinahanap pa ni Mama ang susi ng bahay sa bag niya. Naalala kong dala ko nga pala ang kopya ng susi ng bahay namin. 

"Ma, huwag mo na pong hanapin. Dala ko po 'yong akin," pagkasabi ko noon ay pinakita ko sa kanila ang susi ko. Tinanguan naman nila ako kaya sinusian ko na ang pinto. Pagbukas na pagbukas ko ng pinto ay bumukas ang ilaw at may sumabog na confetti.

"Congratulations, Katty!" sabay-sabay na bati nila. Nakita ko sina lola, lolo, tita, at... Ryan. Pinigilan ko ang maiyak dahil ayokong tuluyan ng mabura ang make-up ko. Kaloka talaga sila! 

"Katty, sabi ko sa'yo ay gagalingan ko sa susunod ang surprise ko. Tingnan mo, effective!" tuwang-tuwang wika niya. Natawa naman kami sa sinabi niya. 

"Oo na! Effective na!" Lumapit siya sa akin saka ako niyakap. 

"Congratulations, Katty! I'm so proud of you!" Napangiti naman ako sa sinabi niya. 

"Thank you so much, Ryan!" 

Sama-sama naming pinagsaluhan ang mga handa na binili ni Ryan para sa amin. 

---

Nabigla kaming lahat ng sabihin ni Angel na mapapaaga ang kasal. Bakit parang masyado silang nagmamadali? Si Jared naman ay hindi pupunta sa kasal ni Angel. Bahala na nga sila. Malalaki na naman sila. Susuportahan na lang namin sila. Natanggap na namin ni Ryan ang susuotin namin sa kasal ni Angel at bukas na iyon magaganap. Sa amin matutulog si Ryan para raw hindi na siya mahirapan bukas. Siya kasi ang ka-partner ko.

---

Kinabukasan ay maaga kaming gumising. Lahat kami ay imbitado kaya lahat kami ay aayusan. Dalawa lang naman ang binigay ni Red na mag-aayos sa amin kaya dapat maaga kaming gumising. Nakakahiya naman kung late kami. 

Royal blue ang kulay ng motif nila kaya iyon din ang kulay ng suot namin. Tapos na kaming maligo ni Mama kaya kami ang unang inayusan. Saka wala naman aayusin sa mga lalaki. Buhok lang at kaunting foundation sa mukha. Sa amin ni Mama ay make-up at buhok. 

Pagkatapos kaming ayusan ay agad naming sinuot ang mga gown namin. Pababa na ako ng hagdan ng makita ko silang lahat sa baba. Sabay-sabay ailang tumingin sa akin. Nailang naman ako sa kanila at dahil doon ay rumampa ako pababa ng hagdan. 

"Titig na titig kayo! Ang ganda ko talaga!" sigaw ko na ikinatawa nila. 

"Feel na feel mo naman! Ano'ng akala mo, debut mo ngayon?" pang-aasar ni Ryan. 

"Pakialam mo?! Ang panget mo naman!" 

"Tama na ang asaran! Baka mahuli na tayo!" saway ni Papa sa amin. Lumapit naman ako kay Papa saka ako kumapit sa braso niya. 

"Pa, ikaw na lang partner ko. Mas guwapo ka naman sa isa diyan!" pagpaparinig ko. 

"Tita, ikaw na lang po partner ko. Ang guwapo ko po kasi." 

"Ang kapal ng mukha!" Inalis bigla ni Papa ang kamay ko sa braso niya bago hinila si Mama palabas. Iniwan nila kami sa loob ng bahay. Mukhang narindi na sa amin si Papa. Sinamaan ko naman ng tingin si Ryan. 

"Kasalanan mo!" paninisi ko sa kaniya. 

"Oo na! Sorry na! Maganda ka naman talaga! Tara na! Bati na tayo!" wika niya bago ilagay ang kamay ko sa braso niya. 

"Ang panget mo pa rin!" wika ko sa kaniya. Napapailing at natatawa na lang siya sa sinabi ko. Naglakad na kami palabas. Nauna na sina Mama at Papa. Doon sila sumakay sa kotseng pinadala ni Red. Kami naman ay sa kotse ni Ryan. Pinagbuksan niya ako ng pinto at inalalayang makasakay pagkatapos ay sumakay na rin siya.

"Hindi pa rin ako makapaniwala na meron na akong kaibigan na ikakasal. Halos katatapos lang ng graduation namin." Saglit siyang napatingin sa akin bago nagsalita. 

"Ganoon talaga. May mga bagay na hindi talaga natin inaasahang mangyayari," wika niya. 

"Tama ka at doon pa mangyayari sa taong hindi mo inaasahan. Sa aming magkakaibigan, si Angel ang pinakaseryoso sa pag-aaral at walang time sa mga lalaki. Tapos ngayon ay siya pa ang unang ikakasal sa aming magkakaibigan." Napapangiti na lang ako habang inaalala ang mga pinagsamahan namin. 

"Baka sa susunod ay ikaw na ang ikasal ng hindi mo inaasahan," pagbibiro niya. 

"Asa ka pa! Kailangan ko munang makahanap ng trabaho, mapaayos ang bahay namin, at magkaroon ng sariling business. Gusto ko ay stable na kami bago ako lumagay sa tahimik," seryosong wika ko. 

"Alam kong mangyayari ang lahat ng mga 'yan. Ikaw pa ba?! Si Katty ka kaya!" Napangiti naman ako sa sinabi niya. 

"Magdilang anghel ka sana! Salamat dahil naniniwala kang kaya ko!" Nginitian niya lang ako saka nagpatuloy sa pagmamaneho. 

Nang makarating sa simbahan ay halos nandoon na ang lahat. Muntik pa yata kaming mahuli. Pinarada lang niya ang kotse bago ako inalalayang bumaba. Naglakad kami palapit kina Cheche at Ana. 

"Ang dami namang diyosa rito!" wika ko sa dalawa kong kaibigan. 

"Isa ka ring diyosa sa iyong kaharian!" natatawang wika ni Ana. 

"Dumating na pala ang isa pang sanggre!" natatawang wika ni Cheche. 

"Apat lang 'yon! Lima kaya tayo!" Napakamot naman sa ulo si Cheche. 

"Ganoon ba?! Ikaw na lang si Imaw!" pang-iinis ni Cheche sa akin. Tumawa naman nang malakas ang katabi ko. Agad ko siyang sinamaan ng tingin. 

"Mabilaukan ka sana!" wika ko bago ko siya hinampas sa tiyan. Napaubo naman siya sa ginawa ko. Humarap na ako kay Cheche. 

"Mas magkamukha kayo ni Imaw kaysa sa akin. Parehas kasi kayong maliit!" pang-aasar ko. Tumawa naman nang malakas si Leo na kararating lang. Siniko naman siya ni Cheche sa tiyan.

"Masakit naman, Cheche!" reklamo ni Leo habang hawak-hawak ang nasaktang tiyan. 

"Tama lang 'yan sa'yo!" pikon na wika ni Cheche. 

"Bakit ang bubrutal ninyong mga babae? Lagi na lang may hampas, siko, suntok, kutos, palo, sampal, sipa, at iba pa!" reklamo ni Leo. 

"Wala kang pakialam! Bakit ka ba nandito?" inis pa ring wika ni Cheche. 

"Oo nga pala! Si Mariza raw ay wala pa hanggang ngayon. Hindi rin daw makontak," seryosong wika ni Leo. Nag-alala naman kami. Humarap ako kay Ryan. 

"Akin na ang phone ko." Agad naman niyang kinuha ang phone ko sa loob ng pouch na dala niya. Pinabitbit ko sa kaniya 'yon at hindi naman siya nagreklamo. Agad kong tinawagan si Mariza kaya lang ay out of coverage area. Ano kayang nangyari sa kaniya?! Bakit nakapatay ang phone niya?! 

"Guys, nakontak na ba ninyo?" nag-aalalang tanong ko sa kanila. Sabay-sabay naman silang umiling. Napatingin kami sa bagong dating na kotse. Mukhang nandito na si Angel. 

"Everyone! Umayos na kayo ng position! Magsisimula na tayo!" wika ni Sir Pj. 

"Sir, wala pa po si Mariza," wika ko sa kaniya. 

"Sorry, Miss pero ang sabi ni Mr. Red ay mag-umpisa na tayo. Baka naipit lang iyon sa trapik. Makakahabol din iyon," sagot niya. Tumango-tango na lang ako sa sinabi niya. 

"Sana nga ay natrapik lang," wika ko sa kanila. Umayos na kaming lahat at maya-maya ay nagsimula ng maglakad ang mga abay. Nang kami na ang naglalakad sa red carpet ay ngumiti ako ng todo. Minsan lang 'to! Naghiwalay na kami ni Ryan pagdating sa unahan. Magkakatabi na kami ngayon nina Cheche at Ana. Hinintay naming pumasok si Angel. 

Pagbukas ng malaking pinto ay umalingawngaw ang isang magandang musika. Nakita naming pumapasok na si Angel. Napakaganda niya talaga! Tumingin siya sa paligid. Nang matapat sa amin ang kanyang tingin ay agad niya kaming nginitian. Pagkatapos noon ay pinagpatuloy na niya ang paglalakad. Sinalubong niya sina Tito at Tita ng makarating siya sa gitnang bahagi. Muli niyang tinuloy ang paglalakad kasama sila. Nag-usap lang sila saglit bago naupo sa harapan ng pastor. Nag-umpisa na ang seremonya. 

Nasa kalagitnaan na kami ng pakikinig ng biglang bumukas ang pinto at nanlaki ang mga mata namin ng makita namin si Mariza. Nakasuot siya ng pambahay na damit at gulo-gulo ang buhok. Tumigil rin ang pastor sa pagsasalita. Napasinghap kami ng maglabas ng baril si Mariza at itinutok ito kay Angel. Nagtayuan na kaming lahat at natakot sa puwedeng mangyari. Sabay lumingon sina Angel at Red kay Mariza. Napatayo silang dalawa sa nakita. 

"Ma-Mariza, ano'ng nangyari sa iyo? Ba-bakit ganyan ang hitsura mo? Bakit ma-may hawak kang ba-baril?" kinakabahang tanong ni Angel kay Mariza. 

"Hindi ka dapat sumaya!" malakas at galit na galit na wika ni Mariza kay Angel.

"Ana, ano ba'ng nangyayari kay Mariza?" takot na tanong ko. Nakayakap na kaming tatlo sa isa't isa. 

"Hi-Hindi ko rin alam. Sa-Sana ay walang masaktan," kinakabahang sagot ni Ana sa akin. Muli naming tiningnan sina Angel at Red. 

"Ma-may nagawa ba ako sa'yo?" kinakabahan tanong ni Angel. 

"Ibaba mo 'yan, Mariza! Baka may masaktan!" sigaw ni Red kay Mariza. 

"Wala kayong karapatang sumaya! Pare-parehas tayong magdurusa!" parang baliw na sigaw ni Mariza. Nagulat na lang kami ng mag-agawan ng baril sina Red at Mariza. Nagsigawan at nag-panic ang mga tao sa paligid at maging kaming tatlo. Naramdaman ko na lang na may humila sa akin at niyakap ako. Pagtingin ko ay bumungad sa akin ang nag-aalalang mukha ni Ryan. 

"Lumabas na tayo, Katty. Baka mapahamak ka rito," seryosong wika niya. Umiling ako sa kaniya. 

"I'm sorry, Ryan pero hindi ko kayang iwan ang mga kaibigan ko," mangiyak-ngiyak na wika ko. 

"Paano kung ikaw ang mapahamak? Paano kung ikaw ang ma--" natatakot na tanong niya sa akin. 

"Hindi mangyayari 'yon," mariing wika ko sa kaniya. 

"Kung hindi ka aalis ay sasamahan na lang kita rito," wika niya bago niya ako hinila paupo saka niyakap. Nakita kong hindi rin umalis sina Ana at Cheche. Hindi namin kayang iwan ang mga kaibigan namin. 

Nakita naming nilapitan nina Tito at Tita si Angel. Napatingin kami sa taong tumawag sa pangalan ni Angel. Nakita namin si Jared kasama ang isang lalaki na sa palagay ko ay daddy niya. Lumapit silang dalawa kay Angel. Biglaan yata ang pagsulpot ni Jared? Ano ba talagang nangyayari? 

"Angel, umalis na kayo rito baka mapahamak kayo," hinihingal na wika ni Jared. 

"Hindi! Hindi ko sila puwedeng iwan! Hindi ko alam kung bakit nagkakaganyan si Mariza!" mangiyak-ngiyak na wika ni Angel kay Jared. 

"Nakipaghiwalay ako sa kanya kaya siya nagagalit," sagot ni Jared na ikinagulat naming lahat. 

"Bakit mo ginawa iyon? Tingnan mo ang nangyari!" galit na sigaw ni Angel.

"Dahil nagsinungaling sila sa atin! Ginamit nila ang katauhan nating dalawa!" Kumunot ang noo ko sa sinabi niya.

"Ano ba'ng sinasabi mo? Hindi kita maintindihan!" nalilitong wika ni Angel. 

"Ako ang totoong kababata mo. Nagpanggap lang sila," sagot ni Jared na ikinagulat naming lahat. Ano? Totoo ba ang sinasabi niya? 

"A-ano? Hindi! Hindi nila magagawa 'yon!" hindi makapaniwalang wika ni Angel. Diyos ko po.  Bakit nangyayari sa aming magkakaibigan ito? 

"Iyon din ang akala ko pero nagawa na nila! Pinaniwala nila tayo!" galit na wika ni Jared. Nanlalambot ako sa mga nalalaman ko. Napatingin kami kina Red at Mariza. Nagulat kami ng si Red na ngayon ang may hawak ng baril. Mas lalo kaming nagulat ng makitang nakatutok ito kay Angel.

"Jah..." 

"Akin ka lang, Angel! Kung hindi rin kita makukuha ay mamatay ka na lang!" baliw na wika ni Red.

"Jah, pag-usapan natin 'to! Ibaba mo 'yang baril!" kinakabahang wika ni Angel. 

"Tigilan ninyo na ito, William! Marami ng nahihirapan at nasasaktan na mga tao!" wika ni Jared kay Red. 

"Hindi! Hindi! Mamamatay kayong lahat!" Napasigaw ako ng marinig ko ang pagputok ng baril. Niyakap ako ng mahigpit ni Ryan. Hindi ko na alam ang nangyayari sa paligid. Sana ay walang nasaktan. Napatingin ako sa pinto ng pumasok ang mga pulis. Muli kong tiningnan kung nasaan sila at napatayo na lang ako ng makita kong nakahiga na sa sahig si Mariza at dumadaloy ang masasaganang dugo. Muntik na akong mabuwal sa kinatatayuan ko. Mabuti na lang ay nahawakan agad ako ni Ryan. Tuloy-tuloy ang pagdaloy ng mga luha ko. Kinuha na ng mga pulis si Red. Nakita kong tumakbo si Angel palapit kay Mariza. 

"Mariza! Mariza!" 

"No! Mariza! Wake up! Best friend! Huwag mo akong iwan!" umiiyak na sigaw ni Angel. Hindi ko magawang lumapit sa kanila. 

"Angel, tama na. Sila na ang bahala kay Mariza," wika ni Jared habang nilalayo si Angel kay Mariza. May kumuhang mga tao kay Mariza at sinakay sa ambulansiya. 

"Bakit nangyayari ang lahat ng ito? Ano ba'ng nagawa kong mali para maranasan ang lahat ng ito?" humahagulgol na sigaw ni Angel.

"Wala kang kasalanan, Angel! Wala!" wika ni Jared bago niyakap si Angel. Nagulat na lang kami ng biglang himatayin si Angel. 

"Angel! / Princess!" sabay-sabay na sigaw namin. Lalapit sana ako kay Angel ng pigilan ako ni Ryan. 

"Ryan, si Angel! Si Mariza! Ang mga kaibigan ko! Bakit? Bakit kailangan nilang maranasan ito?" humahagulgol na wika ko. 

"Tahan na. Umuwi na tayo. Magpahinga ka muna. Masyado ng marami ang nangyari. Baka paano ka." Gusto ko mang malaman ang mga kalagayan nila ay kailangan ko pa ring magpahinga. Baka kami na ang magkasakit. Lumapit sa amin sina Mama at Papa. 

"Katty, umuwi na tayo. Magiging maayos din ang mga kaibigan mo. Ipagdarasal natin sila," nag-aalalang wika ni Mama. Tumango naman ako sa kanila. Inalalayan ako ni Ryan dahil halos hindi ako makalakad ng maayos. 

Pagkasakay namin sa loob ng sasakyan ay patuloy pa rin ang pagdaloy ng mga luha ko. Niyakap naman ako ni Mama. 

"Mama..."

"Magiging maayos din ang lahat," bulong niya sa akin. 

"B-Bakit po kailangan pa nilang gamitin ang katauhan ng iba? B-Bakit po kailangan nilang manloko? Hindi ko po maintindihan!" galit na sigaw ko. 

"May dahilan ang lahat. May dahilan sila kung bakit nila iyon ginawa. Kailangan mo lang silang pakinggan at unawain. Tandaan mo na hindi galit ang laging pinapairal. Pagmamahal dapat. Pagmamahal ng isang kaibigan."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status