Share

CHAPTER 5

-KATHERINE MAE-

Hindi ako halos nakatulog ng maayos dahil sa kakaisip ng kalagayan nina Angel, Mariza, Red, at Jared. Saktong 7 am ng bumangon ako sa higaan ko at maligo. Simpleng shirt at pants lang at sinuot ko. Pagbaba ko ay nakita ko sina Ana, Cheche, John, at Ryan. Halos manakbo na ako makalapit lang agad sa kanila. Napatingin silang lahat sa akin. 

"Kumusta na sila? Okay na ba sila?" nagpa-panic na tanong ko. Nilapitan ako ni Ryan saka pinakalma. 

"Maupo ka muna," wika ni Ryan. Umupo ako sa tabi niya. Makikitang halos hindi rin nakatulog ang mga kaibigan ko. 

"Pumunta kami kanina kina Angel. Ang sabi ng mama niya ay nagpapahinga pa raw. Hayaan daw muna natin siya," malungkot na wika ni Ana. 

"Hindi ko inaasahang mangyayari ang lahat ng ito sa atin. Maayos naman noon. Masaya tayong lahat. B-Bakit kailangang mangyari ito?" umiiyak na wika ni Cheche. Feeling ko ay ubos na ang mga luha ko at naiiyak ko na lahat kahapon. 

"Lahat ay may dahilan. Kaibigan natin sila kaya dapat tayo ang mas nakakakilala sa kanila. May reason sila kung bakit nila iyon ginawa. Pakinggan natin sila," seryosong wika ko sa kanila. Tumango-tango sila bago huminga ng malalim. 

"Bisitahin natin si Mariza. Nasa Georgina Hospital siya ngayon," wala pa sa wisyong wika ni Ana. Sumang-ayon naman kami sa sinabi niya. Nagpaalam lang kami kay Mama bago umalis. Tahimik kami ni Ryan sa biyahe. Sila naman ay nakahiwalay sa amin. Magkasama sina Cheche, at Ana sa kotse ni John. Nang makarating sa ospital ay nagtanong agad si Ana sa nurse na nasa reception area. Pinuntahan namin ang kuwartong sinabi ng nurse. Pagpasok namin ay nakita agad namin ang mommy at daddy ni Mariza. Malungkot na napatingin sila sa amin. 

"T-Tita, kumusta na po si Mariza?" nag-aalalang tanong ko. 

"Maupo muna kayo," wika niya sa amin. Naupo naman kami sa sofa na nasa gilid. 

"Natanggal na ang bala sa likuran niya. Stable na ang lagay niya sa ngayon. Titingnan siyang muli ng doktor kapag nagising na siya. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa simbahan. Humihingi ako ng tawad sa nagawa ng anak ko," mangiyak-ngiyak na wika ni Tita. 

"Wala po kayong kasalanan, Tita. May dahilan po si Mariza kung bakit niya iyon nagawa. Saka dapat po ay kina Angel at Jared po siya humingi ng tawad," wika ni Ana. Hindi na muling umimik pa si Tita. Si Tito naman ay tahimik lang at hindi man lang nagsalita. Umalis na rin kami agad dahil kailangan pa naming puntahan si Red. 

Pagkarating namin sa police station ay agad kaming kinausap ng Chief nila. Lahat kami ay nakaupo at hinihintay ang sasabihin niya. 

"He is Willian Sky Lim at nakatira siya sa Hong Kong. Wala na siyang mga magulang kaya siya ang naiwan na mangangalaga sa kompanya ng daddy niya. May mga illegal na gawain ang iba pang business ng daddy niya at pinagpatuloy niya iyon. Iniimbestigahan pa namin ang iba. Sa ngayon ay wala rito si William," paliwanag niya. Nagtaka naman kami sa sinabi niya. 

"Nasaan po siya?" tanong ko. 

"Nasa Mental hospital. Sinusuri pa siya ng mga doktor. Babalitaan na lang namin kayo kapag may mga impormasyon ng ibinigay." Nagulat kami sa sinabi niya. Mental hospital? You mean... 

Nasa labas na kami ng Police Station at hanggang ngayon ay hindi pa rin kami makapaniwala sa nalaman namin. 

"Guys, lets take a break. Umuwi na tayo. Ipagdasal na lang natin ang lahat," seryosong wika ni Cheche. Hindi na kami kumibo at kanya-kanya na kaming alis. 

---

Halos araw-araw kaming pumupunta kina Angel kaya lang ay hindi pa rin niya kami hinaharap. Mukhang nahihirapan pa rin siyang tanggapin ang lahat. 

Si Mariza naman ay nasa maayos na kalagayan na. Ang sabi ng mama niya ay nang magising si Mariza ay nandoon sila. Kinakausap daw siya ng doktor pero hindi siya sumasagot. Nakatulala lang siya na parang wala sa sarili hanggang sa magwala na lang ito. Wala silang nagawa kung 'di turukan ito ng pampatulog. Noong muling magising ito ay doktor na lang ang kasama niya. Kinausap ito ng doktor at paminsan-minsan ay sumasagot. Doon nila nalaman na nakararanas ng depression si Mariza, simula pa man noon. Mag-isa lang siya sa buhay. Buhay pa nga ang mama at papa niya pero hindi naman niya nararamdaman ang pagmamahal ng mga ito. Lagi lang din mag-isa si Mariza sa bahay. Sobrang nagsisi sina Tita at Tito. Doon nila na-realize lahat ng pagkakamali at pagkukulang nila kay Mariza. Sa ngayon ay maayos na si Mariza dahil bumabawi na sina Tita at Tito sa kaniya. 

Si William naman ay kasalukuyan pa ring nasa Mental hospital pero nahuli na ang lahat ng mga illegal na gawain nila sa Hong Kong. Napag-alamang wala ng mga kamag-anak na nag-aalaga kay William at naiwan na lang sa kaniya ang mga business ng daddy niya. Itinuloy niyang lahat iyon kahit alam niyang mali. Dahil mag-isa lang sa buhay ay halos mabaliw siya sa dami ng trabaho niya. Naapektuhan na rin ang isip niya. Hindi na niya alam ang takbo ng utak niya kaya nakagagawa siya ng mga bagay na hindi maganda.

Naaawa kami sa sinapit at naranasan nilang dalawa. Tama nga si Mama, may dahilan ang lahat. Hangad naming magkakaibigan ang paghilom ng mga sugat sa puso nila. Sana rin ay maranasan nilang mahalin at alagaan ng mga magulang. Alam kong patatawarin sila nina Angel at Jared. Mauunawaan nila ang kalagayan ng dalawa. 

Ngayon ang araw ng pag-alis nina Angel at Jared. Sa America na sila magtatrabaho dahil kinuha sila ni Mr. Jemarey para maging teacher sa school nito sa ibang bansa. Gagamitin din nila iyong pagkakataon para hilumin ang mga puso nila sa mga nangyari. Nagkausap na sina Mariza, Angel, at Jared bago sila umalis. Hangad ko na sa pagbabalik nila ay magaling na si William. 

"Mag-ingat kayong dalawa! Video chat na lang!" nakangiting wika ko sa kanila. 

"Sure!" nakangiting sagot ni Angel. 

"Mami-miss namin kayo! Walang limutan!" wika naman ni Ana. 

Nagpaalam na rin ang mga magulang ni Angel. Maging ang tito, tita, at ni Ate Jelly kay Jared. Kumaway-kaway kami sa kanila. 

"See you again!" wika ni Cheche. 

"Bye!" sabay-sabay na wika naming lahat. Tumalikod na silang dalawa at naglakad paalis. 

Nagpaalam na ang mga kamag-anak nina Angel at Jared na mauuna na sila kaya kami na lang ang naiwan. Napatingin ako sa mga kasama ko. 

"Back to normal na tayo! Kailangan na nating maghanap ng work para sa pag-unlad ng ekonomiya!" Nagtawanan naman sila sa sinabi ko. 

"Fighting!" sigaw ni Cheche bago tinaas ang kamay. 

"Work! Work! Work!" sigaw pa ni Ana. 

Pagkalabas sa airport ay nagkanya-kanya na kaming alis. Nasa sasakyan ako ngayon ni Ryan. Natutuwa ako dahil hindi niya ako iniwan nitong mga nagdaang araw. 

"Ryan, salamat dahil hindi mo ako iniwan noong mga panahong nahihirapan ako," sincere na wika ko sa kaniya. 

"Siyempre naman! Sino pa ba ang magtutulungan? Tayo lang naman. Kaibigan kita kaya hindi kita iiwan," nakangiting wika niya habang nagmamaneho. 

"Yeah! Masuwerte ako dahil naging kaibigan kita!" 

"Me too! Na-miss ko nga 'yong maangas at sexy na Katty, nitong mga nakaraang araw. Nakabalik na kaya siya?" nakangiting wika niya. 

"Oo, nakabalik na raw!" natatawang wika ko. 

"Mabuti naman! By the way, anong plano mo?" tanong niya bigla. Napaisip naman ako. 

"Gusto ko sanang mag-take ng LET ngayong September. Kapag nakapasa ay magpapa-rank na ako sa darating na January para makapagturo ako sa public. Pero kapag hindi ako nakapasa ay magtatrabaho muna ako sa private school. Sa ngayon ay magre-review ako. Aral na naman!" paliwanag ko sa kaniya.

"Susuportahan kita! Kaya mo 'yan! Alam ko namang maipapasa mo iyan!" wika niya na ikinangiti ko. 

"Lagi mo na lang akong binobola!" nakangusong wika ko. 

"Hindi kaya! Pinapalakas ko ang loob mo. Ano'ng gusto mong sabihin ko?" 

"Iyong totoo! Siyempre!"

"Totoo 'yon. Wala ka kasing bilib at tiwala sa sarili mo," seryosong wika niya. 

"Meron naman... hindi lang ganoon kalaki."

"May tiwala ako sa'yo! Alam kong kaya mo 'yan! Lagi mo 'yang tatandaan!" Napangiti na lang ako. 

---

Anim na buwan na akong nagre-review ng iba't ibang reviewer. Si Ryan ang nagbibigay sa akin ng mga nire-review ko. Ewan ko kung saan niya nakukuha ang mga iyon. Basta kung ano ang ibigay niya ay pinag-aaralan ko. Minsan naman ay tinutulungan niya ako kapag hindi ko maintindihan. 

Pansamantala akong tumutulong sa gawaing bahay dahil wala pa akong trabaho. Pagkatapos kong maglinis ng bahay, magluto, at maghugas ay saka lang ako magre-review. 

Ngayon nga ay nagre-relax ako dahil bukas ay exam na namin. Nandito ngayon sa bahay si Ryan dahil siya ang maghahatid sa akin bukas ng umaga. Kinakabahan ako pero ang sabi nga ni Ryan ay dapat maniwala at magtiwala ako sa sarili ko. Kaya ko 'to! 

"Katty! Kakain na!" malakas na tawag sa akin ni Ryan galing silid-kainan. Mukhang tapos na silang magluto ni Mama. Naglakad ako papunta sa silid-kainan at nakasabay ko si Papa. 

"Huwag kang kabahan, Katty! Ipagdarasal ka namin," sincere na wika ni Papa. 

"Salamat po, Papa!" wika ko bago kami tuluyang pumasok sa loob ng silid-kainan. 

"Mabuti naman at magkasama na kayo!" wika ni Mama ng makita kami. 

"Oo. Narinig ko kasing tinawag ni Ryan si Katty kaya nalaman kong kakain na," wika ni Papa. 

"Sorry po, Tito dahil hindi ko po kayo natawag," namumulang wika ni Ryan. 

"Okay lang. Maliit na bagay." Umupo na kaming lahat.

"Ikaw naman kasi, Ryan! Si Katty na lang lagi ang inuuna mo!" pang-aasar ni Mama. Nahihiya namang napakamot sa ulo si Ryan. 

"Ma, tigilan mo na po si Ryan. Kumain na po tayo." Natawa na lang sila sa hitsura ni Ryan. Nagsimula na rin kaming kumain. 

---

Kinabukasan ay nanginginig ako, hindi sa kaba kung 'di dahil sa malamig na tubig. Ngayon na lang ulit ako naligo ng ganito kaaga. Pagkatapos kong maligo ay bumaba na ako. Naabutan ko silang tatlo sa sala. Ihahatid nila akong lahat. Masyado silang supportive sa akin kaya mas lalo kong gagalingan.

"Tara na po!" aya ko sa kanila. Nakakain na ako kanina at may pabaon pa si Mama. Nagtayuan naman silang tatlo. Mukhang inaantok pa sila. 

Habang nasa sasakyan ay panay sila cheer up sa akin. Ang suwerte ko talaga dahil sila ang naging magulang ko at si Ryan ang naging bestfriend ko. Pagkarating namin ay hindi ko na sila pinababa dahil alam kong gustong-gusto na nilang matulog. 

Hinanap ko ang klasrum na naka-assign sa akin. Nang makita ko ito ay marami na ring tao sa labas. Hinihintay pa namin ang magbabantay sa amin. Maya-maya ay may babaeng dumating at inayos ang pagkakasunod-sunod namin sa upuan. Nagdasal lang kami at kaunting paliwanag ng instruction pagkatapos ay nagsimula na kami. Natutuwa ako dahil nandito ang ilan sa mga ni-review ko. Buong maghapon kaming nag-exam at halos manlambot ako. Ang sakit pala sa ulo at sa puwet! Sinundo ako ni Ryan dahil hindi ko na kayang mag-commute. Natulog lang ako sa biyahe pauwi. 

---

Pagkagising ko ay nasa kama na ako. Mukhang hindi na nila ako ginising pa. Naligo lang ako saglit bago bumaba. Nakita kong nagkukuwentuhan sina Mama, Papa, at Ryan. Pagkalapit ko sa kanila ay sabay-sabay silang napatingin sa akin. 

"Good morning po!" bati ko sa kanila. 

"Good morning din! Gutom ka ba? Ipaghahain na kita," wika ni Mama. 

"Huwag na po! Ako na lang po!" wika ko bago pumunta sa kusina para kumuha ng pagkain. Dinala ko ang pagkain ko sa sala para makapagkuwentuhan kami. Naupo ako sa tabi ni Ryan. 

"Umuwi ka ba kahapon?" tanong ko kay Ryan. 

"Oo, umuwi ako noong tanghali at pagkahatid ko sa'yo rito." Tumango-tango naman ako sa sinabi niya. 

"Kumain na po ba kayo?" 

"Oo, nauna na kami. Hindi ka na namin ginising dahil alam naming pagod ka pa," sagot ni Papa sa akin. 

"Kumusta ang exam?" tanong bigla ni Ryan na ikinangiti ko. 

"May part na madali at may part na mahirap pero tiwala naman akong pasado ako!" proud na wika ko. 

"Mabuti pa ay mag-celebrate kayong dalawa!" suhestiyon ni Mama. 

"Dapat po ay tayong lahat!" sagot ko sa kanila. 

"Kayo munang dalawa pagkatapos ay kami naman bukas. Gusto namin na solo ka lang namin." Napangiti naman ako sa sinabi ni Mama. 

"Okay po!" Binilisan ko na ang pagkain ko pagkatapos ay nagpalit lang ako ng damit at nagsepilyo bago bumaba. 

"Aalis na po kami!" paalam ko sa kanila. 

"Mag-ingat kayo!" sabay na wika nila bago pa kami makapasok sa loob ng sasakyan. 

Nasa biyahe na kami at hindi pa namin alam kung saan kami pupunta. 

"Saan mo gusto?" tanong ni Ryan. 

"Sa mall na lang tayo. Tanghali na baka magtagal tayo kung sa malayo pa tayo pupunta," sagot ko sa kaniya. Tumango-tango naman siya. 

Pagkarating namin sa mall ay dumiretso kami sa sinehan. Tumingin kami ng magandang panoorin.

"Katty!" Nilapitan ko siya dahil may tinuturo siya.

"Train to Busan 2: Peninsula," basa ko sa tinuturo niya. 

"Iyan na lang panoorin natin!" suhestiyon niya.

"Sige! Sige! Anong oras iyan?" 

"Mamaya pang alas-dos. Mag-ikot-ikot muna tayo." 

"Sa Play Zone muna tayo!" excited na wika ko. Natawa naman siya sa akin. 

"Para kang bata! Teacher ka ba talaga?" 

"Pag teacher hindi na puwedeng maglaro doon?! Nasaan ang hustisya?" 

"Sabi ko nga puwede! Tara na!"

"Bumili muna tayo ng ticket. Baka maubusan tayo," pigil ko sa kaniya. 

"Ako na lang ang bibili," wika niya bago tumakbo papunta sa bilihan ng ticket. Hinintay ko na lang siyang makabalik. 

Nang makabili ay agad niya akong hinila papuntang Play Zone. Dumiretso kami sa bilihan ng token. Tig-100 kami ng token. Una naming nilaro ang basketball. 

"Pataasan ng score!" panghahamon ni Ryan. 

"Sige! Kapag natalo ay kakanta roon sa videoke kaharap ang mga tao!" Namutla naman agad siya. 

"Lugi naman ako. Hindi naman maganda ang boses ko!" nakasimangot na wika niya. 

"Bakit sigurado ka bang mananalo ako?" tanong ko sa kaniya. Bigla naman siyang ngumiti ng malapad. 

"Game!" wika niya bago naghulog ng tatlong token. Naghulog na rin ako ng tatlong token at sinimulan ko nang mag-shoot. Nang matapos ang oras ay napatingin ako sa score ko. Nagulat ako ng makitang 25000 ito. Malaki-laki rin! Tiningnan ko naman ang score ni Ryan. 

"Paano ba 'yan?! 35000 ang score ko!" mayabang na wika niya. 

"Pinagbigyan lang kita! Kawawa kasi 'yong mga taong makakarinig ng basag mong boses!" Napasimangot naman siya sa sinabi ko. 

"Tara na nga! Doon tayo sa barilan!" aya niya sa akin. 

Inubos namin ang mga token na binili namin kaya lang ay marami pa ring natira. Babalik na lang ulit kami sa susunod. Kailangan na kasi naming pumunta sa sinehan. Bumili lang kami ng popcorn at coke bago pumuwesto sa pinakagitnang bahagi. Saglit lang kami naghintay dahil nagsimula na ito agad. Nakakagulat at nakaka-excite ang pinapanood namin. Ang angas din! Minsan ay nahahampas ko Ryan kapag nagugulat at naiinis ako. Kulang na lang ay iwan na niya ako sa sinehan. Satisfied naman kami sa katapusan. Paglabas namin ay nakita ko agad na nakasimangot si Ryan. 

"Anong problema mo?" tanong ko sa kaniya.

"Tingnan mo kaya ang braso ko. Sobrang pula na sa kapapalo at kahahampas mo!" reklamo niya. Tiningnan ko naman ang braso niya at napangiwi na lang ako sa nakita ko. Mukha siyang minaltrato sa hitsura ng braso niya. 

"Sorry, Ryan!" wika ko bago ko siya niyakap.

"Tama na! Ang dami ng nakatingin sa atin. Gusto mo bang mag-viral?" Napabitaw naman agad ako sa kaniya. Pagtingin ko sa paligid ay may mga nakatingin nga sa amin. Mga chismosa at chismoso! 

"Nagugutom na ako! Kain na tayo!" aya ko sa kaniya. 

"Saan tayo kakain?" tanong niya.

"Ikaw na ang bahala. Kung saan mo gusto," sagot ko sa kaniya. Guilty much ako! 

"Sa Chowking na lang. Ako na ang mag-o-order. Hanap ka ng upuan natin." Tumango naman ako sa sinabi niya. Hinanap namin kung nasaan ang Chowking nang makita ay naghiwalay na kami ng way. Naghanap ako ng magandang puwesto. Pinili ko ang nasa left side na pandalawahang upuan. 

Habang hinihintay si Ryan ay kinuha ko muna ang phone ko. Baka nag-text si Mama. Pagtingin ko ay nakita kong may nag-miss call. Sino naman kaya ito? Binuksan ko ang lock nito saka ko tiningnan ang tumawag. Number lang ito at walang pangalan. Sinubukan ko itong tawagan kaya lang ay nakapatay na ito. Binalewala ko na lang at binuksan ang mga text ko. Nag-text sina Ana at Cheche sa akin pero ang nakakuha ng atensiyon ko ay ang number ng nag-miss call. Binuksan ko ito saka binasa.

"Mag-ingat ka sa mga taong nakilala mo lang kung saan," basa ko sa text ng hindi kilalang number. Kinabahan ako bigla. Sakto naman na dumating si Ryan. 

"Ano'ng nangyari sa'yo? Bakit namumutla ka?" tanong ni Ryan sa akin habang binababa ang mga pagkain namin. 

"W-Wala. Nagugutom na kasi ako," pagdadahilan ko sa kaniya. Ayokong sabihin sa kaniya dahil mag-aalala lang siya. Mukha namang prank call at text lang iyon. Hindi na dapat pinapansin. 

"Ganoon ba?! Sige na kumain na tayo," aya niya sa akin. 

"Pagkatapos nating kumain ay bumalik tayo sa Play Zone. Kakanta ako baka sabihin mo ay hindi ako tumutupad sa usapan," wika ko sa kaniya. Napaisip naman siya bigla. 

"Parang mas gusto ko na ako lang ang makarinig ng boses mo."

"Bakit naman?! Hindi naman panget ang boses ko para hindi iparinig sa lahat!" nakasimangot na wika ko. 

"Mas gusto kong kantahan mo ako sa birthday ko. Birthday gift mo na lang," nakangiting wika niya. Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ko nga pala alam kung kailan ang birthday niya. 

"Kailan birthday mo?" gulat pa ring tanong ko. 

"Tapos na kasi ang birthday ko noong magkakilala tayo kaya hindi mo alam. Sa October 3 kaya lang ay nasa Singapore ako noon. Pag-uwi ko na lang. Okay lang ba?"

"Sure! Sure! Mahihindian ba naman kita?! Basta huwag mong kalimutan ang pasalubong ko!" natatawang wika ko. 

"Oo na! Hindi mo ako matatanggihan dahil guwapo ako!" 

"Saan banda?! Sa talampakan?" pambabara ko sa kaniya. 

"Sa lahat!"

"Yabang!" Nagtawanan na lang kaming dalawa sa kalokohan namin. 

Pagkatapos naming kumain ay nag-ikot-ikot pa kami saglit. Binilhan niya rin ng pasalubong sina Papa at Mama. Dinaig pa niya ang galing sa ibang bansa. Nang dumilim na ay umuwi na rin kami. 

Isa na namang masayang araw kasama ang aking bestfriend ang natapos. Sana ay mas tumagal pa ang pagkakaibigan namin. 

Mga Comments (6)
goodnovel comment avatar
Pinky Villorente Asiong
next please
goodnovel comment avatar
Nerissa D. Olivo
Next please...
goodnovel comment avatar
Analiza Silos
Ang ganda po excited akong malaman Kung anong mangyayari sa pagkakaibigan Nila at kung ano Ang ibig sabihin nong nagtext Kay katty... maraming2 salamat po next chapter po please
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status