Share

Chapter 7.1: Ang Pag-Amin

CHAPTER seven

“ANG PAG-AMIN”

"ANO? Pinainom mo siya ng dugo mo kaya siya tuluyang gumaling?" Gulat na gulat si Tiana nang sinabi niya rito kung ano ang ginawa niya para lamang maisalba ang buhay ni Lana.

"Mukhang tama nga ang hinala mo. Mukhang iniibig ko nga ang babaeng iyon. Alam mo, kasalanan mo ito, e. Kung hindi mo ako binigyan ng idea, hindi ko maiisip na baka posibleng gano'n nga ang narararamdaman ko para sa walang kwentang 'yon!" galit na sabi niya.

"Kahit na hindi kita binigyan ng idea ay marerealize mo rin 'yan pagdating ng panahon. At ngayong nalaman mo na ang totoo, siguro naman ay hindi na matutuloy ang kasal natin?"  tanong ni Tiana.

"Iniisip mo ba na magbabago ang isip ko na magpakasal sa 'yo nang dahil lang sa babaeng iyon? Wala siyang maitutulong para sa ikayayaman pa lalo ng mga palasyo natin. At gusto mo ba na pagtawanan ako ng mga kapwa nating bampira kapag nalaman nila na umiibig ako sa isang hamak na tao lang?"

Sarkastikong napatawa si Tiana dahil sa sinabi niya. "Halos mamatay si Lana dahil sa kagagawan ng mga 'kaibigan' mo. Muntikan na siyang mawala sa 'yo pero hanggang ngayon ay ganyan ka pa ring magsalita? Huwag mong sabihin na hindi man lang magbabago ang pakikitungo mo sa kanya? Huwag mong sabihin na tatratuhin mo pa rin siyang parang isang basura?" Hindi makapaniwalang tanong ni Tiana.

"Hindi ako makapaniwala na nanggagaling sa bibig mo ang mga salitang iyan. Alam kong pusong mamon ka pero ngayon ka lang nagkaroon ng pakialam sa pakikitungo ko sa kahit na sinong naging alipin ko."

"Dahil naiiba si Lana sa kanila. Hindi lang siya isang pangkaraniwang alipin dahil iniibig mo siya, hindi ba? Naniniwala ako na mapagbabago ka niya!"

Siya naman ang natawa sa sinabi nito. Tumayo na siya mula sa kinauupuang sofa.

"Huwag mo akong mamaliitin, Tiana. Mas mahalaga sa akin ang kaharian kaysa sa pag-ibig na nararamdaman ko para sa babaeng iyon. Hindi ako kasing hina ninyo ni Stefan at mas lalong wala akong planong maging katulad ninyo. Nakukuha ko naman ang gusto ko kay Lana kahit pa hindi niya malaman o ninuman na iniibig ko siya. Sa ayaw at sa gusto niya ay akin siya kaya hindi na mahalaga ang opinyon niya tungkol sa akin," nakangising sabi niya.

Binuksan na niya ang pinto para umalis pero bago pa man niya maisara iyon ay muling tinawag ni Tiana ang pangalan niya.

"Huwag mong hayaang dumating ang panahon na magsisi ka sa lahat ng mga masasamang bagay na plano mo pang gawin kay Lana. Masyado mo na siyang pinahirapan at inabuso, ngayong inamin mo na sa sarili mo na mahal mo siya, sa tingin ko ay mas makabubuti para sa 'yo na bumawi sa lahat ng mga nagawa mo na sa kanya. Huwag mo nang dagdagan pa ang mga kasalanan mo dahil kapag ginawa mo pa iyon, baka kahit na kailan ay hindi ka na niya mapatawad pa..." sabi pa nito na nagpatigil sa kanya pero maya-maya ay umalis na rin siya sa guest room.

Isang malaking kalokohan. Pagmamay-ari ko si Lana kaya magalit man siya sa akin o hindi ay makakasama ko pa rin siya at mananatili siya sa tabi ko hanggang gusto ko. Hindi niya kailangang malaman na mahal ko siya. Para saan pa? Gayong ako naman ang nagmamay-ari sa kanya?

Iyon ang tumatakbo sa isipan ni Wayne. Alam niya na mas makabubuti rin naman para kay Lana na hindi nito malaman ang totoo nang sa gano'n ay hindi ito mapag-initan ng hari at ng iba pang mga bampira sa society nila. Maaari niyang itago ang feelings para kay Lana sa pamamagitan ng pagpapakasal kay Tiana. Kahit ano namang mangyari ay makakasama pa rin naman niya ito kahit pa magkaasawa na siya.

Malapit na siya sa kwarto niya nang mapansin niya na nakaabang si Prince Stefan. Ang nakakatanda niyang kapatid na halatang naghahantay sa kanya sa ituktok ng hagdan.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status