Share

Chapter 6.1: Lana's Weakness

CHAPTER six

“LANA’S WEAKNESS”

NAGISING si Lana na tumatama sa kanya ang sikat ng araw na nagmumula sa nakaawang na bintana.

Napabalikwas siya ng bangon nang mapansin na nasa kwarto siya ni Prince Wayne. Pagkatapos niyon ay pinakiramdaman niya ang sarili at nagbalik sa kanya ang mga nangyari kahapon bago siya mawalan ng ulirat.

Natatandaan na niya. Sa sobrang sakit na nararamdaman niya dahil tatlong bampira ang sabay-sabay na kumakagat sa kanya ay nahimatay siya. Damang-dama niya ang pagkaubos ng dugo niya kahapon pero bakit ngayon ay parang wala man lang siyang nararamdaman na sakit ni katiting? Kinapa niya ang parte ng katawan kung saan siya kinagat ng mga bampira pero wala na rin siyang makapang sugat ni katiting. Paanong nangyari iyon? Nananaginip lang ba siya? At bakit nandito siya sa kwarto ni Prince Wayne?

Lumabas siya sa kwarto ni Prince Wayne pagkalipas ng isang oras na hindi pa rin ito dumarating. Agad siyang pumunta sa secret garden na kinaroroonan ni Stefan at kinuwento rito ang lahat ng mga nangyari.

"Sumosobra na talaga si Wayne sa mga pinaggagawa niya sa 'yo. Pinagsasamantalahan at sinasaktan ka na nga niya ay hinayaan pa niya na abusuhin ka rin ng mga kaibigan niya."

Natigilan siya nang mapagmasdan kung ano ang naging reaksyon ni Stefan. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkwento siya rito tungkol sa pang-aabuso na nararanasan niya dahil ayaw niya na makunsensya lang ito na wala itong magawa para sa kanya. Hindi niya akalain na hindi pagkakunsensya kundi parang matinding galit pa ang nararamdaman nito ngayon. Sa nakikita niya ay parang gusto pa nitong manakit. Bagay na hindi niya akalain na capable ito dahil mukha itong anghel kung titingnan.

"Huwag mo nang isipin iyon, Stefan. Ayos na naman ako. Sanay na ako na nakakaranas ng ganito bilang alipin. Nagpapasalamat na lang ako na hanggang ngayon ay buhay pa rin ako," sabi na lang niya.

Siya naman ngayon ang pinakatitigan nito.

"Sabihin mo nga sa akin, Lana. Ilang taon ka ng nabubuhay bilang isang alipin?" tanong nito.

"Halos mag-aapat na taon na rin. At sa tagal ng panahon na iyon ay ilang bampira na rin ang mga pinagdaanan ko. Ang masasabi ko lang, wala ni isa man sa kanila ang tumrato sa akin ng mabuti. Ang iba ay pinagtrabaho ako na halos wala ng pahinga. Ang iba ay ginutom ako, sinasaktan para lamang sa ikasisiya nila at ang iba naman ay pinagsamantalahan din ako katulad ng ginawa sa akin ni Wayne. Kung susumahin, apat na ngayon ang naging amo kong bampira. Ang una ay namatay dahil pinatay ng isa ring bampira. Ang pangalawa naman ay binalik ako sa Slavery District dahil nagustuhan ako ng nobyo niya. Ang pangatlo ay binalik din ako sa hindi ko malaman na dahilan at naging pang-apat na nga si Master Wayne," pagke-kwento niya rito.

"Sa dami ng mga napagdaanan mong hirap at pinagdaraanan pa rin hanggang ngayon, isang malaking palaisipan para sa akin kung bakit pinipilit mo pa rin na manatiling buhay. Bakit patuloy ka pa rin na lumalaban para mabuhay kung ganyan naman palang hirap ang pinagdaraanan mo?" seryosong tanong nito.

Bumuntong-hininga siya. "Palagi kong sinasabi sa sarili ko na wala ng pag-asa na makaalis ako sa pagdurusang kinalalagyan ko ngayon. Pero siguro, kahit iyon ang sinasabi ng utak ko ay palihim pa rin na umaasa ang puso ko na balang araw ay makakabalik din ako sa pamilya ko. Na darating pa iyong panahon na magkakasama kami ulit. Nang makita kita, Stefan ay kahit papaano, nabuhayan ako ng pag-asa. Nakilala ko rin si Princess Tiana at nakita ko na mabait din siya. Doon ko narealize na hindi naman pala talaga lahat ng bampira ay masasama," sabi niya.

"Umaasa ka rin ba na magbabago pa ang kapatid ko? Iniisip mo ba na darating pa ang araw na pakikitaan ka niya ng maganda?"

Umiling siya. "Alam kong wala nang pag-asa si Master Wayne. Sa ilang buwan na kasama ko siya ay hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko ay may masidhi siyang galit para sa mga tao. Para bang may pinaghuhugutan ang galit niya at hindi lang basta katulad ng ibang bampira na nasisiyahan lang na makapanakit ng tao. Pero kung anuman ang pinaghuhugutan niya ay hindi ko alam. Sa tingin ko, isang himala na lang ang magpapabago ng tingin niya sa aming mga tao. Umaasa na lang ako na balang araw ay magsawa na lang siya sa akin katulad ng nangyari sa huli kong naging master at ibalik din niya ako sa Slavery District. Kapag nangyari iyon, makakakita ulit ako ng bagong pag-asa na sana ay mabuti na ang bagong bampira na bibili sa akin," sabi pa niya.

"Hindi man lang ba pumasok sa isip mo na tumakas sa mga bampira na naging amo mo at maging kay Wayne? Alam ko na mahirap pero hindi ba at mas maganda iyon kaysa ang wala kang gawing kahit ano?" tanong nito.

"Sinubukan ko na iyon noon pero alam ko na naging isang malaking katangahan ang ginawa kong iyon dahil nagmista iyon sa buhay ng isang walang kamalay-malay na tao." Biglang lumungkot ang mukha niya. Nagbalik sa kanya ang pait ng nakaraan.

"Ano'ng ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong nito.

Muli siyang pinaligiran ng luha. "Noong napunta ako sa unang bampira na pinagsilbihan ko ay tinangka ko na tumakas. Pero isa pa lang katangahan ang ginawa ko dahil kahit nagawa naming tumakas ng pamilya ko sa ahensya ng buong Slavery District ay nabalitaan na lang namin na isang batang katribo ko ang walang awa nilang pinatay. Isang bata na ni walang kinalaman sa pamilya namin ang dinamay nila. Gusto ng Slavery District na bigyan ako ng babala na maaaring mas masahol pa sa sinapit ng batang iyon ang gawin nila sa sarili kong pamilya. Binalaan pa nila ako na papatayin maging ang buong baryo namin kung hindi ako babalik kaya wala na akong nagawa noon. Kahit nakatakas ako ay kusa ko ring sinuko ang sarili ko dahil alam ko na hindi ko maaaring dalhin ang buong baryo sa akin. Ayokong may madamay pa ulit na ibang tao sa gulong ginawa ko." Doon na siya napahagulgol ng iyak nang magbalik sa isipan niya ang isang bata na nakita na na lamang niya na wala ng ulo.

Nang makita ang luha niya ay agad siyang niyakap ni Stefan.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status