“REALITY KISS”

KINAGABIHAN nang araw ring iyon matapos ang kanilang team building seminar ay sa restaurant ng resort sila kumain ng hapunan.

“Oh Lana, bakit ang tahimik mo naman yata?” si Rodge nang mapuna ang pananahimik niya. “simula kaninang lunch ganiyan ka na. Bakit, hindi mo ba gusto iyong cottage mo?” anitong hinaluan ng pabirong tono ang huling tanong.

Magkakasunod na umiling si Lana saka pagkatapos ay inabot ang baso ng orange juice at uminom. “H-Hindi ate, pagod lang ako. Wala pa kasing tulog,” pagdadahilan niya.

Tumango-tango si Rodge saka inubos ang pagkain sa plato nito. “Babalik na ako sa cottage ko. Magpapahinga na ako. Sabay ka na?” tanong nito sa kanya pagkuwan.

Sandaling nag-isip si Lana saka pilit ang mga ngiting magkakasunod na umiling. “Okay lang ako te, sige lang,” aniya.

Sa labas ng restaurant sila naghiwalay ni Rodge kasama ang iba pa nilang kasamahan sa trabaho.

Si Lana ay nakangiting kinawayan lang ang mga ito saka pagkatapos ay sinimulan ang paglalakad-lakad.

Hindi niya maintindihan ang kaba na nararamdaman niya simula pa kaninang nalaman niyang magkatabi ang cottage nila ni Andrew.

Natawa ng mahina doon ang dalaga. Kung tutuusin, dapat ay masaya siya. Dapat sana ay excited siya katulad ng normal na reaksyon ng isang fangirl. Pero iba ang nararamdaman niya at iyon ang totoong dahilan ng pananahimik niya simula pa kanina.

Ilang minuto narin siyang nalibang sa paglalakad-lakad nang mamataan ng dalaga ang isang pamilyar na coffee shop.

Napangiti doon si Lana. Bilang tagahanga, alam niyang pag-aari ni Andrew at ng kapatid nitong si Samantha ang Scott’s Cafe. 

Hindi niya maitatanggi na isa siya sa maraming tumatangkilik sa coffee shop na iyon. Hindi iyon dahil sa iniidolo niya ang may-ari kundi gawa narin ng totoong masarap ang kape nila.

Paborito niya ang brewed coffee nila na para sa kanya ay mas masarap kung pa-partner-an ng Special Scott’s Kababayan.

Sa kaisipang iyon, isama pa ang aroma ng kape na naaamoy niya ay parang may sariling isip ang mga paa ni Lana na pumasok sa loob ng coffee shop.

Ilang sandali na rin siyang nakaupo roon at kasalukuyang ine-enjoy ang kape niya nang lapitan siya ng isa sa mga lalaking empleyado ng coffee shop.

“Excuse Ma’am,” anito sa kanya na nakangiti.

“Yes?” aniyang pinaglipat-lipat ang paningin sa hawak nitong sliced lemon cake at pagkatapos ay sa nameplate nito kung saan nakasulat ang posisyon nito sa store bilang Branch Manager kasama ang pangalan nito. “hindi ako umorder ng lemon cake,” ang mabait niyang sagot.

Magkakasunod na umiling ang lalaki. “Regalo po ito,” anito.

Nagsalubong ang magagandang kilay ng dalaga. “Regalo?”

“Galing po sa boss ko,” anito inilapag na sa mesa niya ang platito.

Hindi nakapagsalita sa narinig na iyon si Lana. Kahit nang iwan siya ng lalaki ay tumango lang siya saka parang wala sa sariling iginala ang paningin sa paligid na parang may hinahanap.

Awtomatiko siyang napasinghap nang mamataan sa may dulo ng counter ang alam niyang sinasabi ng branch manager na boss nito.

Walang iba kundi si Andrew.

Magkakahalong emosyon ang mabilis na naramdaman ni Lana dahil doon. Hindi siya makapaniwala na pinagkaabalahan siyang regaluhan ni Andrew.

Actually hindi ang regalo ang dahilan kung bakit siya nakakaramdam ng ganito ngayon. Iyon ay ang kaisipang napansin siya ng binata kaya siya naisipang bigyan ng simpleng regalo.

Ginantihan niya ng ngiti ang lalaking napansin niyang nanatiling nakatitig sa kanya. Hindi man niya aminin pero nakakabalisa ang mga titig nito at binibigyan siya ng kakaibang pakiramdam na parang hinihigop nito ang pagkatao niya.

Nang makita niya itong kumilos ay lalong nagtumindi ang kaba na nararamdaman ni Lana. Alam niyang lalapitan siya nito.

Hindi siya ganito, kilala niya ang sarili niya. Palagi siyang dignified kung kumilos. Hindi siya mahiyain at hindi rin naman makapal ang kaniyang mukha.

Lihim na natawa ang dalaga sa huling naisip. Pero ngayon, with Andrew? Actually kanina pa siya nagtataka sa sarili niya. Kinawayan lang siya ng lalaki kaninang makita niya ito sa may veranda ay para siyang dagang nagtago sa loob ng kaniyang lungga.

Habang papalapit ang lalaki ay naroroon na naman ang pakiramdam niyang iyon kanina. Pero alam niyang hindi magiging magandang tingnan kung tatakbo siya palabas ng cafe kaya pinilit ni Lana ang manatili roon kasabay narin ng pagpupumilit niyang i-retain ang kaniyang composure na alam niyang unti-unti nang parang gumuguho.

“I hope you don’t mind,” si Andrew na ang tinutukoy ay ang katapat niyang bakanteng silya.

Umiling siya saka humigop ng kape para kahit papaano ay takpan ang matinding nerbiyos na nararamdaman. “Salamat sa cake,” pinilit niyang gawing normal ang tono ng kanyang boses at nagtagumpay naman siya doon.

Ngumiti lang si Andrew na nanatiling nakatitig sa kanya. “By the way,” anitong inilahad ang kamay sa kaniya. “ako nga pala si Andrew Scott,” pagpapakilala ng binata ng nakangiti.

Mabilis na gumana ang isip ni Lana. Nang mga sandaling iyon totoong ramdam na ramdam niyang pinagpapala siya. Pero hindi parin nawawala ang matinding kaba sa dibdib niya.

Parang unti-unting nawawala ang utak niya na alam kung  ano ang dapat gawin o kung ano ang tama. Kaya naman bago pa man siya tuluyang kainin ng kakaibang magic spell ng charm ni Andrew ay tinanggap niya ang pakikipag kamay nito sa kanya.

“Lana, Lana Montes,” sagot niyang nginitian ang lalaki.

Umangat ang sulok ng labi ni Andrew saka itinaas ang kamay niya at hinalikan. At dahil nga hindi niya iyon inasahan, hindi napigilan ni Lana ang bahagyang mapasinghap na umabot naman sa pandinig ng lalaki.

Matinding amusement ang nakita niya sa mga mata ni Andrew nang magsalita ito. “Maganda ang pangalan mo, pwedeng screen name,” compliment pa nitong pinanatili ang pagkakahawak sa kamay niya.

Naramdaman ni Lana ang matinding pag-iinit ng magkabila niyang pisngi sa sinabing iyon ni Andrew. Pagkatapos ay pasimpleng binawi ang kamay niyang hawak nito saka ito nginitian.

“Salamat, pasensya ka na pero kailangan ko narin ang magpahinga,” sa huli, gawa ng matinding discomfort na nararamdaman niya ay minabuti ni Lana na magpaalam nalang.

Kahit ang totoo sa kalooban niya, gusto niyang kausapin pa ng matagal ang binata.

“Okay, ihahatid na kita,” offer pa ni Andrew pero maagap ang naging pagtanggi niya.

“Thanks but I’m good,” aniyang tumayo. “nice meeting you Andrew. By the way, I should tell you that, I’m a fan,” minabuti na rin niyang aminin dito ang totoo bago ito iniwan.

KALALABAS lang ng banyo ni Lana at suot na ang pajama at cotton shirt nang makarinig ng magkakasunod na katok sa kanyang pinto.

Agad na nagsalubong ang mga kilay niya. Pero dahil sa pag-iisip na baka isa lang sa mga kasamahan niya sa trabaho ang kumakatok ay hindi na nag-abala pa ang dalaga na gamitin ang peep hole bago buksan ang pinto.

“Hi!” ang masayang bati sa kanya ni Andrew.

Literal na natigilan si Lana na nanatiling nakatingala sa binatang nakatayo sa labas ng pintuan ng cottage niya. “A-Andrew!” bulalas niya nang makabawi.

“I just came to give you this,” anitong iniabot sa kaniya ang isang paperbag.

“A-Ano ito?” takang tanong niya.

“Lemon cake, hindi mo kasi nagalaw, kakaiwas mo sa akin kanina,” nasa tono nito ang panunukso na sinundan pa nito ng mahinang tawa.

Mabilis na umangat ang isang kilay ni Lana sa narinig. “Hey! What made you think---?”

Hindi na naituloy pa ni Lana ang planong pagtataray sa lalaki dahil bigla nalang siya nitong niyuko saka hinalikan sa mga labi.

Nanlaki ang mga mata ng dalaga kasabay ang pagtutumindi ng kabog sa kanyang dibdib. Isama mo pa ang napakasarap na sensasyong parang boltahe ng kuryenteng mabilis na kumalat sa kabuuan niya.

Kaya naman nakaramdam siya ng matinding kawalan sa kanyang pagkatao nang pakawalan ni Andrew ang mga labi niya.

“Hey,” untag ni Andrew sa kaniya makalipas ang ilang sandali at nanatili parin siyang nakatingala lang dito.

Sa narinig ay agad namang natauhan si Lana.

Kaya naman kasunod na niyon ay ang mabilis na pag-igkas ng kamay niyang dumapo sa kaliwang pisngi ni Andrew.

“Bastos! Akala mo ba porke idol kita at porke artista ka papayagan ko nalang ang ginawa mo?” ang galit na galit niyang sabi saka dinuro ang binata.

Hindi sumagot si Andrew at sa halip ay pinakatitigan lang siya. Nasa mga mata nito ang magkahalong amusement at matinding paghahangad para sa kanya.

“I’ll see you around. Good night,” ang sa halip ay isinagot ng binata at sa ikalawang pagkakataon ay muli siyang niyuko saka mariing hinalikan sa mga labi. At sa pagkakataong iyon ay kusa nang napapikit si Lana. “ituloy natin ang halikan sa mga susunod na araw” bulong pa nito nang marinig ang hindi sinasadyang ungol ng pagtutol na kumawala sa mga labi niya.

Mabilis na nag-init ang mukha ni Lana sa sinabing iyon ni Andrew. Sa totoo lang, hindi siya makapaniwala sa sobrang bilis ng mga pangyayari. Parang kahapon lang iyon napanaginipan niya si Andrew na hinahalikan siya. At ngayon, nangyari na nga. Dito sa mala-paraisong isla ng Palawan.

At ang halik nito. Katulad ng kung papaanong paraan siya hinalikan ng lalaki sa panaginip niya. Pati narin ang klase ng pakiramdam na ibinigay nito sa kanya.

Sa huli ay nagbuntong hininga nalang ang dalaga saka isinara ang pinto. May mga bagay na alam niyang kailangang isa-pribado, at isa na roon ang nangyari sa kanila ni Andrew.

At bakit parang may pakiramdam siyang hindi pa iyon ang huli?

Dahil ang totoo, malakas ang pakiramdam niya sa mas maraming posibleng sumunod pa. Sa huling naisip ay mabilis na ipinilig nalang ni Lana ang ulo niya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status