Share

Kabanata 2

"KUMUSTA na raw po si Miko?" bungad na tanong ni Anne kay Tanya pagdating nito sa ospital na pinagdalhan sa kapatid.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya maitago ang takot at panginginig ng mga kamay. Hindi niya magawang umiyak dahil baka makita siya ng kapatid na pinanghihinaan ng loob. 

Mabuti na lang at mabilis siyang nakahingi ng tulong kanina kaya agad nadala ang kapatid niya sa pinakamalapit na ospital. 

Kasalukuyang inaasikaso ang kapatid sa loob, ayaw niya ring makita ang hitsura nito dahil natatakot siya. Para bang sirang plaka na paulit-ulit na lang ang mga nasasaksihan niyang nangyayari sa kaniyang pamilya.

Ganitong-ganito rin nang isugod nila noon ang ina sa ospital subalit huli na at agad din itong binawian ng buhay dahil sa sakit. Ang sumunod nama'y ang ama niyang namatay apat na taon na ang nakararaan, biktima ito ng hit and run. Kung naging madali lang sa kaniya na lumuwas mula rito hanggang Manila baka nakita pa niya ang ama na buhay. Pero wala siyang ganoong pera kaya nagkasya na lang siyang hintayin ang balita kung okay na ba ito. Ngunit tila pinagsakloban siya ng langit at lupa dahil imbes na magandang balita, isang envelope ang kaniyang natanggap na naglalaman ng death certificate at ilan pang papeles sa ama.

Naiyukom niya ang mga kamay at nakagat ang ibabang labi. Pakiramdam niya ano mang oras ay bibigay na ang sarili niya. Impit na nais niyang umiyak pero wala ng lugar para malungkot siya. Lahat ng iyon ay tapos na, ang kailangan na lang niya ngayon isipin ay ang kapatid na si Miko.

Sabay pa silang napatayo ni Anne nang lumabas ang isang doktor mula sa silid kung saan naroon ang kapatid. Nilakasan niya ang loob na huwag iiyak o magpapakita ng kahinaan.

"Are you his sister?" bungad na tanong ng doktor at nagtanggal ng suot na face mask.

Tumango siya. "Opo, kapatid niya po ako," agad niyang sagot.

"Your brother has leukemia. Kailangan na niyang sumailalim sa lalong madaling panahon ng bone marrow transplant," anito.

Leukemia? Kung hindi siya nagkakamali may ganoon din ang kaniyang ina subalit inilihim nito kaya nalaman lang nila noong lumabas ang resulta ng pagkamatay nito.

Naglihim ba sa kaniya si Miko?

Mariing napapikit siya. Wala na siyang oras para isipin pa ang mga bagay na iyon.

Hindi na siya umimik nang iginaya siya ng isang nurse at kuhanan ng iba't ibang impormasyon tungkol sa kaniya. Ni hindi niya naramdaman ang pagtusok ng karayom sa kaniya, namanhid na ang buong katawan niya. 

***

"ATE Tanya," narinig niyang tawag sa kaniya ni Anne.

Huminto siya sa paglalakad hawak ang ibinigay sa kaniyang hospital bill. Hindi pa niya iyon nakikita dahil pabalik na sana siya sa labas ng silid ng kapatid.

"Bakit hindi ka pa umuuwi sa inyo?" tanong niya kay Anne. Naiwan niya ito kanina matapos siyang sumama sa isang nurse.

"Ate naman, alam kong kailangan mo ako ngayon. Tinawagan ko na si Dan na hindi ako makakauwi ng bahay."

"Nakauwi na ang mag-ama mo?"

"Opo, kanina lang. At saka napainom ko na rin si Angelo ng gatas at naipagtabi kung sakaling magutom siya habang wala ako."

Naupo siya sa tabi nito. Wala siyang ideya kung ano'ng oras na ngunit kahit papaano ay natutuwa siya sa simpleng effort ng kaibigan. "Salamat Ane," mahinang usal niya.

Naramdaman niya ang pag-alo ng kaibigan sa kaniyang likod. "Ano ka ba naman Ate Tanya, sabi ko naman sa inyo nandito lang ako."

Tumango-tango siya. Saka niya naalala ang hawak pa ring papel na hanggang ngayon ay hindi pa tinitingnan. 

Nanginig ng buong katawan niya nang makita ang hospital bill para sa ngayong araw pa lang at hindi pa ginagawa ang transplant na sinabi kanina ng doktor. 

Rinig na rinig niya ang malalim na pagsinghap ni Anne sa kaniyang tabi. Nagsimulang mangilid ang mga luha nito. "Ate!" 

Kahit siya ay gusto na ring maiyak pero walang maitutulong ang pagiging negatibo niya. "Ayos lang, makakahanap din ako ng pera bukas."

"Ate, saan niyo naman po kukunin ang ganiyang kalaking halaga ng pera?!" 

Hindi rin niya alam. 

Mapait na napangiti siya at sandaling sinulyapan ang kapatid sa loob ng intensive care unit na ngayon ay wala pa ring malay. 

Ipinapangako niya sa sariling hinding-hindi siya iiyak ano man ang mangyari. Magiging malakas siya para sa kapatid. 

Batid niyang hindi siya puwedeng manatili pa roon, kailangan niyang makahanap agad ng pera.

***

HINDI na nagawang matulog ni Tanya nang makauwi siya kasama si Anne. Pero hindi rin nagtagal ang kaibigan matapos magkape ay nagpaalam na rin ito sa kaniya.

Sinulyapan niya ang orasan na nakasabit sa dingding. Habang tumatagal na hindi agad siya nakahahanap ng pera ay batid niyang nalalagay sa panganib ang buhay ng kapatid.

Bagsak pareho ang balikat niya nang lumabas ng pawnshop at isanla ang mga naiwang kwintas at singsing ng mga magulang. Laking dismaya niya ng malamang maliit lamang ang halaga ng mga iyon. Mas malaki pa ang pera na naitabi niya sa tuwing kumikita ang karinderya niya.

Malalim na napabuntong-hininga siya. Marami pa siyang dalang maibebenta kaya hindi siya dapat panghinaan ng loob. Nasa loob ng backpack niya ang laptop na binili para sa kapatid ngunit aanhin naman niya iyon kung mas higit na kailangan ng kapatid ang pera. Bibili na lang siya ng bago kapag nakaipon muli at nakalabas na ng ospital ito.

Pauwi na siya nang makita sa labas ng bahay ang kapitbahay na si Harold. "Mabuti at nakauwi ka na Tanya," bungad na sabi nito sa kaniya. Mayamaya ay may inabot itong dalawang libo. "Heto nga pala ang bayad sa TV," anito.

Bahagyang napangiti siya. "Salamat talaga Harold," aniya.

"Naku, Tanya. Hindi ko naman talaga tatanggapin iyon kung hindi lang din nangulit si Inang na gusto niya ng TV sa kaniyang maliit na tindahan," malungkot na amin nito.

"Okay lang, ano ka ba? At saka hindi naman din akong mahilig manood at maging si Miko."

Lalong bumakas ang matinding pag-aalala sa mukha ng kaibigan. "Pasensya na talaga kung hindi kita matutulungan, gipit din kami ngayon."

Kailan lamang nang makilala niya ito na kaibigan at nakatatandang kapatid ng kaklase ni Miko. Natutuwa na siyang malaman na sinubukan nitong makatulong sa kaniya.

Nagpaalam din ang binatang uuwi na kaya nagpasya siyang pumasok na ng bahay. Tulad ng inaasahan niya hindi naging sapat ang lahat ng pera. Ni hindi man lang iyon mababayaran ang unang araw na bill nila sa ospital.

Nagsimulang mangilid ang luha niya ngunit agad niyang pinunasan iyon gamit ang likod ng kamay.

"Ano ba Tanya?! Wala kang oras umiyak!" saway niya sa sarili.

Nang balak na niyang ilagay sa loob ng isang maliit na bag ang pera saka naman niya narinig ang yabag ng mga paa na pumasok ng kaniyang bahay. 

"Ate Tanya!" sigaw ni Anne habang hinihingal pa itong lumapit sa kaniya.

Nag-aalalang tiningnan niya ang tumutulo pa nitong pawis marahil sa pagtakbo patungo sa kaniyang bahay.

"Bakit?" pagtataka niyang tanong.

"Narinig ko kay Tatay na nagtatrabaho ngayon sa malaking mansyon sa kabayanan na puwede raw mangutang ng pera sa matandang senyora na nakatira roon," wika nito.

Kumunot naman ang noo niya. "Sigurado ka ba?"

"Oo, hindi ako gumagawa lang ng kuwento. Narinig ko sina Tatay kanina na nag-uusap tungkol sa kakilala niyang nangutang ng kalahating milyon at hindi man lang daw nag-alinlangan ang senyora na pautangin 'yon!"

Hindi niya maiwasang kutoban sa mga naririnig. May tao pa bang magpapautang ng ganoong kalaking pera sa isang simpleng nagtatrabaho lang dito?

"Naku, Ane. ‘Wag na, at saka hindi ko rin naman kilala 'yong tinutukoy mo malay ko ba ano ang ugali niyon."

"Ate naman, hindi ba't kailangan mo ng pera? Sasamahan kita. Hindi naman ito para sa atin, para naman iyon kay Miko. Maaatim mo bang paghintayin siya sa ospital?"

Gusto niya tuloy kaltukan si Anne sa mga sinasabi nito. Pakiramdam niya sinasabihan siya nitong mataas ang pride niya kaya ayaw iyon gawin. Hindi naman iyon dahil doon, natatakot lang siyang baka hindi makapagbayad lalo't hindi biro ang halagang kailangan niya at uutangin sa senyora.

Iniwan din siya agad ng kaibigan matapos itong makatanggap ng text sa asawang na gutom na ang anak nito.

Saka niya naalala ang sinabi sa kaniya ng kaibigan. Hindi naman para sa kaniya ang pera kung hindi sa kay Miko, ayaw niyang oras na magising ito ay agad bubungad ang malaking bayarin sa ospital.

***

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Charmz1394
sabi na eh maysakit si miko kaya sya may mga pasa sa buong katawan nia
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status