Share

Chapter 1

Napaka-payapa ng buong probinsiya ng El Cumano. Makikita rito ang mga puno't halaman na sagana sa bunga at mga ibon na bumababa sa sanga mula sa malayang paglipad sa himpapawid. Ang mga huni nito'y mistulang awit sa umaga na nagiging harana sa pagsapit ng gabi.

Sa bawat gilid ng daanan ay masisilayan ang maliliit na bahay na gawa sa pawid at kahoy. Ang sahig ay gawa sa kawayan na kung sasapit ang hapon ay nagbibigay ng maligamgam na pakiramdam.

Ang mga mamamayan ay nagsisimula nang magsibak ng kahoy na kanilang pang-gatong bilang paghahanda sa kakainin.

Samantala, sa bakuran ay makikita ang mga luntian'g halaman kasama ang mga puno ng saging na hitik sa bunga.

Sa gitnang parte nito'y mapapansin ang puno ng Narra na napaka-ganda. At tulad ng ibang mga probinsiya'y napaka-ganda rin ng El Cumano. Kaya naman maraming tao ang nais na bumisita rito o 'di kaya nama'y mag-bakasyon.

Ngunit hindi pala ganito ka-payapa ang probinsiya. Dahil maririnig sa buong kabahayan ang malakas na boses ni Emilito habang pinapalo nang malakas si Eleonor. Mula sa mga kamay na mahigpit na naka-hawak sa sinturon ay malakas nitong hinampas sa likod ang dalaga.

Nang maramdaman ang hapdi ay agad nitong kinagat ang pang-ibabang labi upang pigilan ang sigaw. Impit na hikbi lamang ang kumawala rito habang nanginginig ang mga balikat.

Walang sino man ang nagtatangkang tumulong sa kawawang dalaga dahil bukod sa malayo ang pagitan ng kanilang mga tahanan ay batid din nila ang maaaring gawin ni Emilito — lahat ay takot humarang sa kaniyang daraanan kaya kahit gaano nila ka-gusto'ng tumulong ay wala silang magawa.

Mistulang mga tinanggalan ng labi at pandinig at ang tanging magagawa na lamang nila ay ang pikit-matang saksihan ang kalupitan ni Emilito sa kaniyang sariling anak.

Suot ni Eleonor ang puting bestida at ramdam na ramdam niya ang lagkit ng pag-dikit nito sa kaniyang likod kasabay ng malakas na hampas ng sinturon.

Sinundan pa ito ng pangalawa na labis n'yang ikina-nginig hanggang sa maramdaman na niya ang labis na pang-hihina.

Nakatalikod siya sa kaniyang ama habang nakaharap sa malaking puno. Dito siya naka-kapit nang mahigpit habang iniinda ang bawat sakit.

Ilang saglit pa'y naramdaman niyang may tumutulong likido sa parte ng kaniyang likod pababa sa kaniyang hita.

"D-Dugo.." Kinabahan siya sa nasaksihan at wala siyang magawa kun'di ang matakot.

"O siya. Pumasok ka na sa loob. Tama na muna 'to sa ngayon. Ayusin mo 'yang likod mo ah. Ayokong may makitang kumakalat na dugo sa bahay." Inayos na nito ang kaniyang sinturon habang matamang tinititigan ang kawawang si Eleonor. Kung hindi pa magdurugo ang likod nito'y hindi pa siya makukontento sa pananakit sa sariling anak.

Ganito lagi ang sinasapit ng dalaga. Wala naman siyang magawa kun'di hayaan na lamang ang ama dahil wala naman siyang kakayahang lumaban at magsumbong. Hindi niya pa kaya.

Dahan-dahan niyang inihakbang ang nanghihinang mga paa. Nakararamdam na siya ng hilo at tila mawawalan siya ng balanse dahil sa dami ng dugo na nawala sa kaniya ngunit pinilit pa rin niya ang maglakad nang maayos. Dahil kailangan niya pa'ng akyatin ang hagdan na kahoy papasok sa kanilang tahanan kaya kailangan na niyang magmadali dahil siguradong magagalit na naman ang kaniyang ama.

"Konting hakbang pa, Eleonor!" Hanggang sa kaunting hakbang na lang ay nasa harap na siya ng kanilang tahanan.

"Linisin mo na 'yang sugat mo." Walang emosyong sambit ni Emilito habang komportableng naka-upo sa matigas na upuan.

Agad naman niyang tinungo ang palikuran at nang mai-hubad ang bestida'y bumungad sa kaniya ang hapdi na hindi niya naramdaman noong pinapalo pa lang siya sa labas. Sobrang sakit nito ngunit mas masakit ang reyalidad na patuloy na sumasampal sa kaniya.

Kahit ano'ng gawin niya'y hindi na kailanman maibabalik pa ang payapang buhay na kaniyang minahal. Ang kompleto at masayang pamilya na hindi na babalik pa sa dati. Noon, akala niya'y mabubuhay siya nang normal at masaya. Ngunit napatunayan niya, sa kaniyang paglaki, na ang lahat ay nagbabago. Kahit ang pinaka-mamahal mo'y maaaring maging demonyo.

Sinimulan na niya'ng buksan ang gripo upang hugasan ang kaniyang mga sugat. Nang matapos sa paghugas ay binalot niya ang kaniyang likod ng makapal na tela upang maibsan ang pagdurugo.

"Sobrang sakit..." Tahimik niyang sambit habang pinupunasan ang luhang namumuo sa kaniyang mga mata. Segundo lamang ang lumipas hanggang sa siya'y tahimik na natulala at hindi na niya mapigilan ang humagulhol.

Muli niyang binuksan ang gripo at sinabayan ang ingay nito. "Ang sakit!"

Umiyak siya nang umiyak hanggang sa mapagod na ang kaniyang mga mata at ang tanging magagawa na lamang niya ay ang yakapin ang sarili at matulala sa lungkot.

Sa kaniyang pag-yuko ay bumungad sa kaniyang ala-ala ang bawat maligayang pagkakataon na kasama niya ang kompleto niyang pamilya — ang kaniyang Ina, ang kaniyang kuya Romualdo at ang kaniyang Ama. Masaya silang kumakain sa loob ng isang fast food chain na kanilang paborito.

Labis naman ang ngiting gumuguhit sa manipis na labi ng batang si Eleonor. Nasa gitna siya ng kaniyang kuya Romualdo at ng kaniyang Ama. Habang nasa harap naman nila ang kaniyang Ina na hindi na rin mapigilan ang malawak na ngiti.

"Maligayang kaarawan, Eleonor!" Masayang bati sa kaniya ng kaniyang pamilya. Ika-pitong kaarawan niya ngayon kaya naman lalo siyang napa-ngiti. At ang isipin na kasama niya ang kaniyang mga mahal sa buhay ay mas lalong nagpa-saya sa kaniyang puso.

Kahit pa siya'y pitong-taong gulang pa lamang, batid na niya ang kahalagahan ng isang pamilya. Tunay nga na wala na siyang ibang hihilingin pa kun'di ang makasama pa sila nang matagal.

Maliit na bagay man kung ituturing ng iba, ngunit para sa kaniya'y isa itong regalo na hindi matutumbasan ng kahit sino.

Ngunit sa paglipas ng taon, sa kaniyang pagda-dalaga'y isang pangyayari ang nagbigay sa kaniya ng marka.

Nag-umpisa nang bahiran ng karumihan ang imahe na akala niya'y malinis, lumisan ang tao'ng akala niya'y mananatili't dinumihan ang kaniyang ka-inosentehan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status