Share

Chapter 6

Maiingay na tilaok ng manok ang nagpa-gising sa bawat mamamayan ng El Cumano. Lahat ay nag-umpisa nang kumilos upang simulan ang panibagong araw para sa panibagong pagbabanat ng buto. Pinakain ng mga tao ang kanilang mga alagang manok, nag-ayos ng mga tanim na halaman sa kanilang bakuran at nag-sibak ng kahoy para sa mga lulutuin na kanilang ihahanda.

Samantala, sa tahanan na kung saan ay malayo ang mga kapit-bahay, mapapansin ang malaking katawan ni Emilito na nakadapa sa sahig. Ang malakas na hilik nito'y hindi nakatakas sa pandinig ng dalaga.

Naisip na lang niya na ituloy ang pagliligpit kaya nagtungo siya sa likod ng kanilang bahay upang kunin ang walis tambo. Inisa-isa niya ang bawat sulok ng kanilang tahanan at mga natirang kalat ng kaniyang ama. At nang maramdama'ng tumatama sa kaniyang mga mata ang ilang hibla ng kaniyang mahaba at itim na buhok ay maayos niya 'tong itinali. Sunod na ginawa niya ay naghugas ng mga pinggan, pinunasan niya ang lamesa at sahig. Ilang sandali pa'y binuksan na niya ang kanilang bintana kaya tumama ang katamtama'ng sinag ng araw. Saglit niya itong dinama at napapikit.

Gusto niya'ng lumabas muna para naman makapag-isip siya nang maayos lalo na sa gagawin niyang desisyon, kaya naman tinungo niya nang mabilis ang kaniyang silid. At doon, sa ilalim ng kaniyang kama ay kinuha niya sa marumi at malaking lagayan ng sapatos ang nag-iisang pocketbook na iniregalo sa kaniya noon ng kaniyang ina. Dati ay palagi niya itong binabasa ngunit ngayon ay madalang na lamang dahil palagi na siyang abala sa mga walang katapusang utos ng kaniyang ama.

Nang makalabas sa silid ay tumungo muna siya sa kusina upang mag-init ng tubig para may magamit na pantimpla ang kaniyang ama. Siguradong sisigaw na naman kasi ito kapag hindi nito naabutan ang mainit na tubig. Alam na alam na ni Eleonor ang ganitong pag-uugali ni Emilito. Minsan pa nga'y papasukin siya nito sa sarili niyang silid, pipilitin siyang palabasin at sasampalin ang kaniyang magkabilang pisngi upang maibsan ang nag-uumapaw niyang galit. Ngunit madalas ay iba ang ginagawa sa kaniya. Madalas ay ginagawa nito sa kaniya ang mga bagay na hindi naman dapat. Nakapangingilabot na wala siya'ng magawa kun'di ang hayaan na lamang ang poot na maghari sa kaniyang puso't isip.

Nang sa tingin niya'y nagawa na niya ang lahat ng trabaho sa kanilang tahanan ay dahan-dahan na niyang tinungo ang pinto upang lumabas. Mahigpit niyang hinahawakan ang nag-iisang pocketbook at kagat labing kinakabahan sa bawat kilos na kaniyang ginagawa. Natatakot siya na baka biglang magising si Emilito at magsisi-sigaw sa labas dahil ayaw nitong nadadatnan na walang tao sa bahay. Dapat palagi siyang nasa loob.

Napangiti siya nang malawak nang isang tingkayad na lang ay tuluyan na siyang makakalabas ng kanilang tahanan. At nang mai-apak niya ang mga paa sa lupa'y hindi niya maiwasan na lalong mapa-ngiti sa tuwa. Masayang masaya siya dahil minsan lang naman siya makalabas nang ganito. Iyong walang pumipigil sa kaniya, 'yong hindi siya nagmamadali at natataranta. Napaka-sarap nga talagang lasapin ang sariwang simoy ng hangin. Ang marahang pagtama nito sa kaniyang buhok at sa kaniyang balat. Mistulan siyang hinahaplos ng isang ina.

Ngunit agad siyang napahinto dahil sa pamilyar na boses na kaniyang narinig. Medyo malayo ang pwesto nito sa kaniya kaya pinakinggan niyang mabuti ang tinig nito. Napaka-sarap pakinggan na tila humehele sa sanggol niyang puso, pinatatahan ang maingay na tibok nito sa tuwing siya'y natatakot at pinakakalma ang kadilima'ng bumabalot sa kaniyang kaibuturan. Lumapit siya nang lumapit at sa pagkakataong ito'y wala na siyang pakealam kung mapalayo man siya sa kaniyang ama.

🎶 Kung hindi ngayon ang panahon

Na para sa iyo.

'Wag maiinip dahil ganiyan ang buhay sa mundo.

'Wag mawawalan ng pag-asa, darating din ang ligaya.

Ang isipin mo'y may bukas pa na mayroo'ng saya.. 🎶

Humakbang pa siya nang humakbang upang makasiguro'ng tama ang kaniyang naririnig.

🎶 Kabigua'y hindi hadlang upang tumakas ka.

'Wag kang iiwas 'pang nabibigo, dapat na lumaban ka...🎶

Wala sa sarili'ng napahawak si Eleonor sa kaniyang dibdib. Ang manipis at maputlang labi ay bahagyang bumuka. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang naririnig. Lalo na sa mismong kumakanta nito. Para bang inilalagay niya ang puso sa bawat liriko. Sa bawat mahinang pag-bigkas nito ng mga salita'y naririnig niya ang pinaka-mahina'ng bulong ng mga emosyong pilit na ikinukubli. Mistulan siyang natuod sa kinatatayuan.

🎶 Ang kailangan mo'y tibay ng loob kung mayro'ng pagsubok man. Ang liwanag ay 'di magtatagal at muling mamamasdan..

Ikot ng mundo ay hindi lagi'ng pighati't kasawian.

Ang pangarap mo ay makakamtan...

Basta't maghintay ka lamang 🎶

Huminto siya sa paghakbang kasabay ng pag-hinto ng malamyos na tinig. Ang boses nitong malambing ay unti-unting gumaralgal. Nagpakawala siya ng isang mahinang hikbi. 'Yong tipong sinisigurado niya'ng walang makaririnig. Tinatakpan ng mga kamay nito ang kaniyang labi upang hindi kumawala ang isang maingay at nakaiistorbong panaghoy.

Alam niya'ng kilala niya itong babaeng umiiyak na nakaupo at nakatalikod sa kaniya. Sa maikling buhok pa lang nito'y alam na niya'ng si Matilda 'yon. Si Matilda ang may-ari ng napaka-gandang tinig na ngayon niya lang narinig.

Hindi umimik si Eleonor, bagkus ay pinanood niya lamang kung paano'ng ang isang tao na gustong-gusto niyang tularan at kapitan upang maging lakas, ay may lihim din pala'ng tinatago na tulad sa kaniya. Lihim na lungkot.

Magaling nga siguro'ng magsinungaling ang mga tao pagdating sa sariling nararamdaman. Dahil kahit wasak at hinang-hina na ay patuloy pa ri'ng humahakbang pasulong, isinasantabi ang mga palahaw na gusto'ng umurong. Pilit na pinapalitan ng inimbento'ng lakas ang panghihina na unti-unting dumadaloy sa kanilang puso. At kapag mag-isa'y unti-unti ri'ng dadaloy pababa sa pisngi ang mga pighati at lungkot.

"Eleonor...ikaw pala 'yan." Agad nitong pinahid ang mga luha sa kaniyang pisngi nang makita'ng tahimik na nakatayo ang dalaga.

"Kung ano man ang pinagdadaanan mo, pwede mo 'tong sabihin sa'kin." Malambing na tugon ni Eleonor. Nang makita niya ang muling pag-tubig ng mga mata nito'y agad niyang itinagilid ang ulo upang pigilan ang muling humikbi. Mistulang nakita ni Eleonor ang kaniyang sarili kay Matilda. Sa tuwing mag-isa siya sa silid ay ibinubuhos niya ang lahat ng sakit sa pamamagitan ng tila walang humpay na pag-iyak. Ngunit masakit 'yon kung pipigilan lang nang ganito na tulad ng ginagawa ni Matilda ngayon.

"May dala ka'ng...teka, Tears of Pain ba 'yan?" Para bang walang nangyari nang muli itong magsalita. Wala na'ng bakas ng anumang lungkot sa tono ng boses nito. Tinuro niya ang libro'ng hawak ni Eleonor kaya naman tumango ang dalaga at muling napa-ngiti.

"Alam mo ba na isa sa mga rason kung bakit patuloy ako'ng lumalaban ay dahil sa Author niyan? Simula nang mabasa ko ang mga libro niya, nagkaro'n ako ng inspirasyo'ng patuloy na lumaban." Saad ni Matilda habang hindi na maalis ang tingin sa pocketbook ni Eleonor.

Nag-simula nang magsalita ni Eleonor pagkatapos bumwelo ng isang malalim na buntong-hininga. Matagal din niya'ng inisip nang mabuti ang kaniyang sasabihin.

"Kung magkakaro'n sana ako ng pagkakatao'ng maka-alis ng probinsiya, wala ako'ng sasayangin na oras para tuparin ang mga pangarap ko. Matilda, buo na ang desisyon ko. Wala akong pakealam kung magalit si Papa. Hindi siya, o kung sino man ang hahadlang sa mga pangarap ko. "

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status