Share

Kabanata 1

H'wag n'yong hayaan

Na pagdating ng panahon,

Sisihin kayo ng susunod na henerasyon,

Dahil wala kayong ginawa.

1913

NGAYON NA ang huling araw na masisilayan ko ang Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños. 

Ngunit hindi ko tiyak kung ako ba'y lubos na masaya... dahil sa paguwi ko, isang problema ang sasalubong sa akin. 

"Hanggang sa muli, Esmeralda. Magpakabait ka lagi, naiintindihan mo?" sabi ko sa kaibigan kong pusa. Pinangalanan ko s'yang Esmeralda, na ayon sa aking Propesor ay nangangahulugang 'Emerald', dahil kulay berde ang kanyang mata. 

Nilibot ko muna ang tingin sa labas ng Unibersidad bago pumasok sa kalesa. Ito na ang naging tahanan ko sa loob ng 16 na taon. Salamat dahil natakasan ko kahit papaano ang problema ko ngayon sa buhay. 

"Binibini, saan po ang inyong paroroonan?" tanong ng kutsero. Naipasok n'ya na pala ang maleta ko at handa ng paandarin ang kalesa. 

"Sa daungan po papuntang Maynila." Inayos ko ang laylayan ng aking Trahe De Mestiza nang makasakay na sa loob. 

Kinuha ko ang isang kulay-kape na libro mula sa'king maleta. Napulot ko lang ito sa lamesa ng aming silid-aralan at nalimutan ko nang ibalik pa. Sinimulan kong tignan ang unang pahina ngunit blangko iyon, kaya dumiretso na ako sa ikalawa. 

Sa susunod na taon, 1916, ipapasa ng kongreso ng Estados Unidos ang Philippine Autonomy Act o ang Jones Law. 

Ito ang magbibigay sa mga Pilipino ng kalayaang magsarili at pangako ng pagkakaloob ng kasarinlan sa Pilipinas sa lalong madaling panahon kapag nagkaroon na ang bayan ng isang matatag na pamahalaan. 

Natawa ako sa aking nabasa. Tinignan ko ang unahan at likuran ng libro ngunit hindi ko makita kung sino ang sumulat nito. Isang kalokohan. Manghuhula ba ang nagbabasa nito? Ngayon alam ko na kung bakit iniwan lang ito ng aking kaklase sa aming silid.

Pinagpatuloy ko ang pagbabasa, at puro batas ang aking nakita. Hanggang sa matigilan ako sa aking nakita. 

Ang taong 2020. 

Sa taong 2020, tuluyan nang lalawak ang teknolohiya at komunikasyon sa mga tao. Palago ng palago ang ekonomiya at dahil doon ay nakasalalay ang agrikultura.

Maraming tao ang mauuhaw sa kayamanan at lalaganap ang sakit na hindi maiiwasan -- ang pagiging sakim sa lipunan.

Habang ang mga mahihirap ay lalong mamimilipit sa gutom. Maaagawan ng opurtunidad at tatapakan na lamang sa sambayanan habang-buhay.

Hindi ko mapigilang makaramdam ng lungkot. Totoo ba ito? O marahil ito ay isa lamang hula ng manunulat gayong nabigyan na sila ngayon ng laya magsulat. 

"Binibini, narito na po tayo," ani kutsero. 

Bumaba na ako at tinanaw ang nasa harapan kong daungan. Hindi gano'n karami ang pasahero, at ang ilan ay katulad ko ring uuwi sa Maynila pagkatapos magaral. 

Alam kong sa sandaling makauwi na ako, ibang buhay na ang madadatnan ko. 

×××

"Maraming salamat," baling ko sa kutsero at bumaba na sa tapat ng aming hacienda. Dala dala ko ang maleta habang pinapasok ang tahimik naming bahay na ngayon ay ipinagtataka ko. 

Ganito na ba talaga kalaki ang pinagbago nang mamatay si Ate Clarita? 

"Ina?" Nagpalinga-linga ako sa loob ng aming bahay. Nasaan sila? 

"Binibini." 

Napalingon ako kay Lucia, ang kasambahay namin. Sa likod n'ya ay may matandang babae ang diretsong nakatingin sa akin at nakasimangot, mukha s'yang strikto na may madilim na aura kaya't napaiwas ako ng tingin. 

"L-lucia, sino s'ya?" 

"Ah, si Tiya Alondra. S'ya ang bago nating kasambahay, binibini." 

"Ganoon ba? Ngunit sa pagkakaalam ko sapat na ang aming kasambahay," tugon ko pa. 

"Ang inyong i-ina ang nagdesisyon na ipasok s'ya rito, Binibini," aniya. Ako lang ba iyon o nakita ko s'yang umiwas ng tingin sa akin? Nanginginig rin ang kan'yang mga kamay. 

Tumango na lamang ako at dumiretso sa aking silid para makapag pahinga. Marahil ay lumabas sila ina upang mamili sa palengke sa ibang bayan. 

"Binibini." 

Namilog ang mga mata ko nang makita ang bago naming kasambahay rito sa loob ng aking silid. Napatayo ako sa aking kama at nagtatakang tumingin sa kan'ya. Suot n'ya pa rin ang seryosong mukha at madilim na aura.

"Bakit po kayo naririto? H-hindi ba dapat ay kumatok muna kayo bago--" 

"Humayo ka na at magtungo sa plaza. Ngayon na isasagawa ang paghahatol sa iyong nobyo. Mag-iingat ka, binibini." 

"A-ano?! Sigurado ba kayo sa inyong tinuran?" 

Walang reaksyon si Manang Alondra kung kaya't tumakbo ako palabas ng hacienda papuntang Plaza. Wala silang lahat sa aming bahay dahil ngayon na ihahatol kay Isagani ang parusa! Paano nila nagawang magsinungaling sa akin? Sa pagkakaalam ko ay may isang linggo pa ako para samahan ang aking nobyo bago ang paghahatol! 

"Malinaw na malinaw sa ating mga saksi ang nangyaring panghahalay at pagpatay ni Isagani Perez sa panganay na anak ni Heneral Rogelio Fernandez na si Clarita. Ang kanilang bawal na pag-ibig ang naghatak kay Isagani upang gawin ang kanyang ninanais. Malinaw na ang mga patunay kung kaya't nararapat lamang s'yang patawan ng kamatayan!" 

Tinignan ko si Isagani na ngayon ay nakaluhod na sa harapan ng lahat. Ang dating laging naka-Amerikano ay ngayo'y naka-Camiso de Tsino na. At ang dati n'yang makinis at magandang pangangatawan ay ngayo'y marumi at payat na...

"KALOKOHAN!" sigaw ko sa kanilang lahat kaya't napalingon sila sa akin. Bakas sa kanila ang pagkagulat maging ang aking ama na si Heneral Rogelio. "HINDI N'YA PINATAY SI ATE! MGA WALA KAYONG UTANG NA LOOB!" 

"CATALINA!" Tila namumuo na ang galit ni ama ngunit hindi ako nagpatinag roon. 

"Catalina, anak..." Rinig kong hikbi ng aking ina habang yakap ang aking kapatid, si Crustacia. 

Lumapit ako sa kanilang lahat. "Kung hindi dahil sa pamilya Perez ay imposible nang maging maunlad ang bayan natin nga'yon! Ama... Paano mo nagawa 'to? Hindi n'yo po ba ako paniniwalaan? Hindi magagawa ni Isagani na patayin s'ya!" Tuluyan ng tumulo ang mga luha ko dagdag pa nang makita kong muli si Isagani na nanghihina na. Marahil ay araw-araw s'yang pinagkakaisahan ng mga heneral sa loob ng kulungan...

"Tumahimik ka, Catalina! Hindi mo maaaring pakasalan ang lalaking pinagtaksilan ka at ubod pa ng kasamaan! Nararapat lamang ang ganitong pasura, kaya't simulan n'yo na!" 

"HUWAG!" 

Ngunit hindi nila ako pinansin. Itinapat nila ang kanilang mga baril kay Isagani na ngayon ay nararamdaman kong... Wala na s'yang pag-asa pa. 

Isa...

Dalawa...

Tatlo...

"FIRE!" 

Kasabay niyon ang ilang beses na pagputok ng mga baril na tumatagos sa katawan ni Isagani. Ang pag-agos ng kaniyang dugo mula sa kanilang katawan ang lalong ikinahina ko. 

Bago s'ya pumikit at mawalan ng malay, nakita kong ngumiti s'ya sa akin. At para bang may narinig akong bulong sa kan'ya na tanging ako lang ang makaririnig... 

"Salamat... Dahil hanggang sa huli ay ipinagtanggol mo ako." 

Tuloy-tuloy ang pagagos ng mga luha ko. Hindi ko namalayang napaluhod na pala ako dahil sa panghihina. 

At sa araw na iyon, tinitiyak kong hahanapin ko ang hustisya para kay Isagani... Para sa mahal ko. 

×××

Pagkalipas ng dalawang taon...  

1915, Disyembre 21

"Maraming salamat na lang, ama... Ngunit huwag n'yo na po akong pilitin pa bago ako mawalan ng respeto sa in'yo." 

Kung mayroon mang hindi nagbago sa dalawang taon, iyon ay ang pakikitungo namin sa isa't isa ng aking ama. Marami na akong sinunod sa utos n'ya... Katulad ng pagaaral ng agrikultura sa Unibersidad ng Pilipinas. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi ko na hahayaang sirain pa ni ama ang buhay ko. 

"Wala na bang ikatatalino 'yang utak mo? Catalina, kapag naikasal ka sa may lahing Amerikanong heneral ay magiging malawak ang negosyo at lupain natin, naiintindihan mo?" 

"Hindi pwede! Kung hindi n'yo lang sana ginawa 'yon kay Isagani, sana matagal na kaming tahimik! O kaya... Sana ako na lang ang pinatay n'yo!" 

"Anak, Diyos ko... H'wag kang magsalita ng ganiyan!" Napa-tanda ng krus na lamang si Ina habang kami ay nasa hapag-kainan.

"Ate, h'wag mo nang ulitin iyang sinabi mo..." bulong sa akin ni Crustacia na ngayon ay katabi kong kumain.

Inilapag ko ang aking kutsara't tinidor. Nakita ko namang pinipigilan ni ama ang kaniyang galit dahil nasa harapan kami ng hapag-kainan. Ngunit kung wala ay tiyak na nakaluhod na ako sa bilaong puno ng munggo. 

Narinig kong bumuntong hininga si ama. "Hindi ko na alam ang kahihinatnan ng kabuhayan na'tin. Kung kaya't kahit ano pang sabihin mo, ipagkakatiwala ko kay Heneral Rafael ang iyong kamay." Tumayo na s'ya at tumalikod sa amin. Ngunit bago pa s'ya tuluyang makalayo ay nagsalita s'yang muli. "Dapat isabilis ang inyong kasal, kung kaya't napagdesisyonan kong sa Enero na ganapin iyon." 

Hindi ko na magawang makagalaw sa aking kinauupuan. Nanatili na lamang akong nakatitig sa pagkaing nakaahin sa aking plato. 

"M-magpapahangin lang po ako," pagpapaalam ko sa aking Ina at tumayo na. 

Sa likuran ng aming bahay madalas akong nagpapalipas ng oras, sa pagitan ng dalawang puno na may duyan. Hindi ganoon kalakas ang hangin ngunit ramdam ko ang lamig sa bawat pagtampi nito.

"Marahil naninirahan ka pa rin sa nakaraan, Binibini." Napalingon ako sa nagsalita, si Manang Alondra. Nakatingin lamang s'ya sa kalangitan. "Narinig ko ang usapan niyong mag-ama. Ayaw mong ikasal dahil si Isagani pa rin ang laman ng iyong puso, hindi ba?" 

Napatango na lamang ako kahit hindi s'ya kita. "Mas gugustuhin ko na lamang na ako na ang namatay kaysa sa kanilang dalawa ni Ate Clarita... P-para masaya na silang magkasama ngayon, alam ko naman pong ako lang ang pumapagitna sa kanila." 

Masakit man ngunit kahit na hindi ako kailanman minahal ni Isagani, narito pa rin ako hanggang sa huli n'yang hininga.

"Kung gayon, sumama ka sa akin." 

Naglakad s'ya papunta sa dulo ng hacienda, kaya't sumunod na rin ako. Laking gulat ko nang makakita ng isang bangin, hindi ba't puro kulungan ng hayop ang naririto? 

"M-manang Alondra... Bakit may bangin? Anong nangyari?" 

Pareho kaming nakatingin sa malalim na bangin. Nanginginig ang mga paa ko dahil sa takot na baka ako'y mahulog. Nagulat ako nang hawakan ako ni Manang Alondra, malamig ang kanyang kamay at seryosong nakatingin sa akin. 

"Isasama kita." 

"I-isasama?" 

At wala pang ilang segundo, naramdaman kong itinulak ako ni Manang Alondra sa malalim na bangin. Lumakas ang hangin, ganoon rin ang pintig ng puso ko. Puno ako ng kaba. At nang makitang malapit na akong bumagsak sa matitilos na bato, naramdaman kong nadapa ako. 

Para akong nahilo kung kaya't napatungo ako sa isang patag na semento. Nawala na rin ang malamig na hangin. Unti-unti akong tumingala... At sa harapan ko ay may isang salamin. 

Ang suot kong Trahe De Mestiza ay naging maikling tela na hindi ko malaman kung ano. Malayong malayo sa baro't saya at napayakap ako sa sarili dahil kitang kita na ang balat ko. 

Nakalugay na ang aking buhok. At nang tignan ko pang maigi ang sarili sa salamin... 

H-hindi ako ito...

Sa tabi ng salamin, mayroong kalendaryo. 

N-nandito na ako sa taon kung saan nabasa ko ang kakaibang prediksyon...

Narito ako sa taong 2020!

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status