Share

Slow Dance Beneath The Stars
Slow Dance Beneath The Stars
Author: Ernie Bueno

Chapter 1

ANG akala ng iba madali lang maging mobile school teacher for indeginous children of Cordillera. Hindi. Hindi ito ganoon lang kasimple. Marami kasing obstacle, idagdag pa ang mental at physical struggle.  Kaya marami sa kanila ang sa una lang magaling, agresibo,  pero hindi naman pala tatagal. Konting hirap lang gusto na agad umayaw. Tulad ni Guen, pangatlong araw pa lang niya ito sa pagtuturo ay parang gusto na agad niyang sumuko. Pagkakita pa lang niya sa naghihintay na bangka – sa gagawin na naman niyang pagsasagwan – ay parang gusto na niyang bumalik sa shelter, magpaalam sa kanyang mga co-teacher at  umuwi sa Maynila.

“Titser,” kumakaway na tawag ni Amihan, 12 anyos na katutubo, laging may nakasakbat na paslit sa likuran.  Kanina pa ito nakapuwesto sa bangka, hawak ang sagwan. “Lika na po, Titser,  baka naghihintay na po sila.”

Urong-sulong, nagdadalawang-isip na sumakay si Guen sa bangka.

Pero dahil sa unti-unti na ngang nababawasan ang determinasyon niya sa ginagawa, halos hindi pa man lang sila nakakalayo ay nakaramdam na agad siya ng hirap, ng pagod, ng pananakit ng braso. Humihingal na tumigil siya sa pagsasagwan upang tanungin ang sarili kung hanggang kelan siya ganito, kung hanggang kelan siya tatagal.

“Sabi ko naman po kasi sa inyo, Titser, ako na lang magsasagwan…” natutuwang sabi nito dahil sa kakatwang itsura ng dalaga. “Kayang-kaya ko naman po magsagwan kahit mag-isa.  Sanay po ako.”

“Okay lang,” aniya. “Mas mabilis kasi kung dalawa tayong nagsasagwan.”

“Mabilis nga, pagod naman po kayo. “patuloy ng bata. “ Alalahanin nyo, titser, aakyat pa po tayo sa bundok…”

“Hindi bale,” sabay buntunghininga. “Bukas naman sa Ampico na ko.  May trak daw ng minahan na dumadaan sa paanan ng bundok, puwede akong makisakay.”

Gumuhit ang lungkot sa mukha ni Amihan. Ang ibig kasing sabihin niyon ay sa lunes na ulit ang klase nila  sa bundok ng Badion.

Ganoon kahirap ang ruta ni Guen. Ahon-lusong siya sa matatarik, mabato at masusukal na mga bundok. Mula lunes hanggang Miyerkules sa Badion ang schedule niya; huwebes hanggang sabado sa bundok ng Ampico; pahinga ang araw ng linggo.  Pero sabi nga ng matagal na sa gawaing ito, hindi talaga pahinga ang araw na yon dahil pagkatapos nilang mamalengke, maglaba at gumawa ng lesson plan,  ang natitirang oras ay iniuukol nila sa patuloy na pag-aaral  ng tradisyon at kultura ng mga katutubo para mas madali nilang magampanan ang bokasyon.

NA KUNG TUTUUSIN ay hindi naman talaga kailangan ni Guen na pagtiisan ang lahat ng iyon. Anak mayaman siya, at hindi lang basta mayaman, old rich kumbaga. Bukod kasi sa ospital na pag-aari ng pamilya nila, marami pa rin silang ibang negosyo na may koneksyon sa medisina. Kaya tulad ng tipikal na kagaya nila, ang nakagisnan niyang magulang ay ang kanyang yaya.

“Gising na,” anito habang inihahanda ang isusuot niya. “Maligo ka na, tapos ready na ang breakfast. Maaga ang piano lesson mo ngayon, di ba?”

Pupungas-pungas na bumangon ang batang si Guen.

“Tapos, mamaya…” patuloy nito. “aalis tayo.”

“Yey! Punta tayo sa ospital Yaya? Puntahan natin sila Papa?“

“Hindi,” pagtutuwid nito. “Bawal ang bata doon, di ba? Baka mamaya mahawa ka pa ng sakit doon. Sabi ng mama mo i-enroll daw kita sa ballet class.”

Dismayado, nagmamaktol na pumunta siya sa banyo.

“Aba…”

“E ayoko naman ng ganoon, e.”

“Ano gusto mo?”

Hindi na sumagot si Guen. Hindi rin niya alam ang gusto niya. Basta ang alam lang niya, hindi masaya ang ganoon.

Kaya habang nasa harap  siya ng piano at tumitipa ng Do-Re-Mi sa tiklado, hindi niya maiwasang tumingin sa bintana. Doon sa gawi ng patio. Nandoon kasi si Yaya,  tinuturuan ng ABC ang anak nito sa pagkadalaga, si Roy.  Mas gusto niya ang ganoon. Parang ang saya. May kiss pa si Roy pag tama ang basa.

BAGAY na pinagseselosan niya. Naiinggit kasi si Guen sa tuwing magkasama ang dalawa. Sa paglalaba, sa pagtulog, at marami pang iba. Kaya nang minsang papunta sila sa ballet school at magkatabi sila ni Roy sa backseat ng sasakyan, tinyempuhan niyang hindi nakatingin si Yaya at nanggigigil na kinagat niya ito sa tenga.

“Aray!”

“Bakit?” Biglang lingon si Yaya. “Anong nangyari sa inyo dyan?”

“W-Wala po,” ani Roy habang hawak ang kinagat na tenga. “May langgam po.”

Sa isang banda’y pinagsisihan din ni Guen ang kamalditahan niya. Naisip na kung nagsumbong si Roy ay siguradong mapapagalitan siya ni Yaya. Hindi lang yon, baka nag-alsa balutan pa ang mga ito at iwanan siyang mag-isa.  At ayaw niyang umabot pa sa ganoon. Mahal na mahal niya si Yaya at ayaw niyang mawala ito sa kanya. Ayaw niya mapag-isa.

KAYA mula noon ay naging mabait na siya kay Roy. Lagi silang magkasama, hanggang pre-med ay magkaklase sila.  Pabor naman iyon sa mga parents niya para kahit wala daw si Yaya ay may mag-aalaga sa kanya.  May mag-aasikaso,  may driver…  Sa madaling salita, may bantay siya. Bantay na sa tuwing iba ang binabantayan nito ay nagagalit siya. Nagseselos, lalo na kung maganda din ito na tulad niya.

“Sorry na, “

“Hmp!”

“Kaya ko lang naman siya kinakausap kasi…”

“Kasi, ano…”

“May modelling agency daw kasi sila,” paliwanag ni Roy. “Puwede daw ako doon.”

“Hindi,” aniya. “Ayoko”

“Pero…”

“Basta,” patuloy na giit ni Guen. “ Sabi ni Papa magdodoktor tayong dalawa.”

PERO naging mapilit si Roy.  Sa kabila ng pagtutol ng lahat ay sinunod pa rin nito ang gusto. Ipinagpalit ang kursong medisina para sa pagmomodelo.

“Lagot ka pag nalaman ‘to ni Papa.”

“Sasabihin mo ba?”

“Ano ba kasi talaga problema, sagot naman nila papa pag-aaral mo, a?”

“Yon na nga, e. Nahihiya na ako sa mga parents mo,” katuwiran nito. “Pero mag-iipon lang ako, tapos itutuloy ko rin ang pagdodoktor.”

“Talaga?”

“Oo.” Ani Roy. “Promise…”

                                     

DANGAN nga lamang at hindi nito natupad ang pangako.  Sa iba kasi nito inilaan ang lahat ng ipon. Kaya nang bigla itong lumuhod sa gitna ng katatapos lang na graduation ni Guen sa kursong medisina at ilahad ang  isang mamahaling singsing, lahat ng pagtatampo ng dalaga ay naglahong parang bula. Tuwang-tuwa siyang napaluha.

“Will you marry me?”

Yes ang paulit-ulit na sigaw ng mga naka-togang nakapalibot sa kanila. Kanya-kanyang kuha ng picture, ang lahat ay natutuwa sa nagaganap na eksena.

“ Please...…”

“Yes!” sa wakas ay sagot niya

Nagsigawan sa tuwa ang lahat.

Maging si Yaya ay hindi napigilan ang mapaluha. Tuwang-tuwa ito para sa dalawa.

Pero hindi ang mga magulang ni Guen. Walang lingon-likod na umuna na ang mga ito papunta sa sasakyan.

KAYA nang makauwi sila nang walang imikan sa sasakyan, inaasahan na ni Guen na mahihirapan silang dalawa ni Roy na magpaliwanag sa kanyang mga magulang. Sigurado kasing nabigla ang mga ito kanina. Walang kamalay-malay na silang dalawa na pala.

“Kelan pa ‘to?” Halatang nagpipigil ang Papa ni Guen. “Yaya, alam mo ba ‘to?”

Napayuko si Yaya, hindi makasagot.

“Papa…”

Mangangatuwiran sana si Guen pero pinigilan siya ng ina.

“Kinupkop ko kayo,”patuloy na panunumbat nito. “pinag-aral… tapos, ganito pa ang igaganti nyo sa akin?”

“Mahal ko siya, Papa…”

“Umakyat ka sa kuwarto!”

“Pero…”

Walang nagawa ang pagpupumiglas ni Guen nang sa tulong ng mga katulong ay dalhin  siya ng ina sa kuwarto. Ikinulong siya doon kaya hindi na niya alam kung ano pa ang napag-usapan ng mga ito.  Tanging alam lang niya ay mula sa kanyang bintana ay nakita niyang lumabas ng gate  sina  Yaya at Roy, may dalang gamit.

MULA noon ay hindi na sila nagkita. Sinubukan niyang hanapin ang mga ito. Pati modelling agency na may hawak kay Roy ay pinuntahan niya.

“Sorry,” sabi ng nakausap niya  doon. “Medyo matagal na nga din namin siyang hindi makontak. Lumipat lang ng bahay nawala na. Ang dami pa naman niyang naka-line up na project…”

Maging ang mga dati nilang kaklase,   kaibigan  ay sinubukan din niyang puntahan. Pero wala. Tanging nakuha niyang impormasyon ay may pasabi ito na gagawin daw ang lahat para yumaman. At kapag mayaman na ito, saka siya nito babalikan.

Kaya naghintay siya.

Matagal.

Halos bilangin niya ang bawat minuto, bawat oras, bawat araw, bawat taon.  Damang-dama niya tunay na kahulugan ng kalungkutan.

Kaya nang hindi na niya nakayanan ang pag-iisa, idagdag pa ang kinikimkim na  sama ng loob sa mahabang panahon, naisip ni Guen na iguho ang pangarap ng kanyang mga magulang.

Iniwan niya ang buhay sa ospital.

Nagpakalayu-layo siya.  Palipat-lipat ng lugar, walang tiyak na patutunguhan, tanging hangad ay hindi siya matagpuan ninuman.

Hanggang sa makarating siya sa bulubundukin ng Cordillera.

HINDI nagtagal at natanaw na ni Amihan ang maliit na pantalan sa paanan ng bundok Badion. Tuwang-tuwa na kumakaway sa kanila ang naghihintay na mga  katutubong bata.

“Titser! Titser!”

“Dali, Amihan! Dali!”

Binilisan ni Amihan ang pagkampay sa sagwan.

Pagkadaong na pagkadaong ng bangka ay agad na kinuha ng mga bata ang mga dalang gamit ni Guen sa pagtuturo, pati na ang lagi niyang dalang first aid kit.

“Kami na po ang magdadala, titser…”

“Salamat…”

Nagkakatuwaan na pinangunahan ng mga ito ang maputik at madulas na daan papasok sa masukal na kagubatan.

Pero naiwan si Amihan sa tabi ng bangka. May lungkot sa mga matang nakatingin lamang siya sa nag-iisang bale (bahay ng Igorot) sa di kalayuan. Pagkuwa’y biglang nanlaki ang mga mata niya sa nakita.  Sa gawing likuran ng bale ay may namataan siyang babae na may saklay. Kilala niya ito, hindi siya maaaring magkamali.

“Aliw-iw?”

Lumingon si Guen, saka pa lang niya namalayang naiwan pala si Amihan. Sinundan niya ng tingin ang tinatanaw ng batang may paslit sa likuran.

“Amihan…?

“Si Aliw-iw po, Titser, “ anito.  “Nakita ko po siya…”

“Si Aliw-iw na taga-Ampico?” paglilinaw ni Guen.

“Opo. KIlala nyo po siya?

Tumango si Guen, “Ipinakilala siya sa kin ng mga elders doon sa shelter, siya daw ang coordinator ko sa kabila…”

Muling iginala ni Guen ang kanyang paningin. Wala.

“Paano naman siya mapupunta dito e anlayo ng Ampico dito?”

Nagkibit ng balikat si Amihan.

“Lika na kayong magkapatid,” yaya ni Guen kay Amihan.” tatanghaliin na tayo.”

Saglit na inayos ni Amihan ang parang backpack na paslit sa likuran, pagkuwa’y sumunod na ito sa karamihan.

Ahon-lusong ang makipot na daan sa gitna ng kagubatan. Laging nasa unahan ni Guen ang mga katutubong bata.  Masisigla ang mga ito, parang walang kapaguran. Pakanta-kanta, pasipol-sipol, panay ang tawanan.

Maliban kay Amihan.

Nahalata iyon ni Guen kaya kinausap niya ito ng masinsinan.

“Gusto mo bang sumama sa kin bukas sa Ampico?’ ani Guen. “Dapat nga yata doon ka pumapasok, e. Mas malapit kayo doon diba?”

“Ayoko sa kanila,” tanggi nito. “Inaapi nila si Kibaweg!”

“Kibaweg?”

Akmang may sasabihin sana  si Amihan nang mula sa gawing unahan ng kanilang pupuntahan ay nakasalubong nila ang isang hubad-barong lalaki. Pawisang-pawisan ang maskuladong katawan nito, pasan sa balikat ang mga pinulot na panggatong.

“Kibaweg! Kibaweg!”

Halos mag unahan ang mga bata sa pagsalubong. Yumayakap, naglalambitin sa matitipunong braso, mainit na pagtangkilik ang ipinadarama ng mga ito.

“Kelan pa po kayo dumating?”

“Kagabi,”

Pagkuway dumukot ito sa bulsa ng kupas na maong at inilahad sa mga bata ang iba’t ibang uri ng kendi.

May kakaibang tuwa na naramdaman si Guen habang pinapanood niya ang pagkakagulo ng mga bata. Napakasimpleng bagay lang ang natanggap ng mga ito pero kung ituring ay parang napakalaking kasiyahan na. Halos mag-agawan ang mga bata,  pati na yung paslit sa likuran ni Amihan ay pilit umaabot ang kamay. Humihingi.

“Teka, teka…Isa-isa lang,  lahat kayo magkakaroon. “natatawang saway ni Kibaweg. “Mamaya dumaan kayo sa bahay, bibigyan ko ulit kayo!”

“Talaga po?”

“Oo”

Pagkuwa’y binalingan nito si Guen. Sandali itong natigilan nang mapansin ang mestisahing itsura ng dalaga.

Saglit silang nagkatitigan.            

Unang umiwas ng tingin si Guen,

“Tayo na,” aya niya sa mga bata. “Baka hinihintay na tayo ng mga kaklase nyo sa kubol.”

May panghihinayang sa mata ng mga bata. Parang humihiling ang mga ito na manatili pa sila doon kahit ilang sagit pa.

Pero matatag na umiling si Guen.

“Sige po, Kibaweg” paalam ng mga bata. “papasok na po muna kami.”

“Daan kayo mamaya sa bahay, ha.”

“Opo”

Ngumiti si Kibaweg nang mapatapat si Guen.

“Ikaw pala ang bagong nagtuturo sa kanila,”  bati nito, sabay lahad ng pakikipagkamay. “Ako nga pala si Kibaweg...”

Alanganin niyang inabot ang kamay nito. Parang may dumaloy na kuryenteng hindi niya maintindihan kaya agad din niya itong binitiwan.

“S-Sige,” aniya. “mauna na kami. “

Malayo na ang nalalakad nila pero hindi pa rin maalis sa isip ni Guen ang kahali-halinang itsura ni Kibaweg. Paulit-ulit na naglalaro sa kanyang isipan ang matipunong pangangatawan nito,  pati na ang mamula-mulang kutis. Ni sa hinagap ay hindi mo isiping katutubo ito. Napakaguwapo.

Hay, naiinis sa sariling umiling  siya. Pag-iling na sinasaway ang sarili sa kung anuman itong damdaming nag-uumusbong sa dibdib niya. Pakiramdam kasi niya may mali. Noong nagpunta kasi siya dito ay klaro ang dahilan. Upang lumayo. Para makalimot. Hindi para muling umibig at masaktan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status