Share

Chapter 2

MADALAS maiwan sa paglalakad si Amihan. Lagi kasi nitong inaayos ang kargang bata sa likuran. Pero wala itong reklamo,

Parang kakambal  ang ituring dito. Pakiramdan tuloy ni Guen siya ang nahihirapan para sa magkapatid.

“Bakit mo ba kasi laging isinasama yan, “aniya “ Paano ka makapag-aaral mabuti kung lagi kayong ganyan. “

“Naku, Titser, lalo po akong hindi makakapag-aral pag di ko to isinama. “ anito. “Wala po kasing mag-aalaga.”

“Bakit, asan ang nanay mo?”

“Nasa taniman po, tumutulong kay Ama “

Nakauunawang ipinagpatuloy nila ang paglalakad.

Hindi nagtagal ay narating din nila ang maliit na komunidad ng Badion. Mahamog ang lugar, talagang napakataas ng kanilang kinalalagyan. Halos nasa tuktok na sila ng bundok. Abot-tanaw ang buong kapaligiran. Sa gitna ng nakapalibot na bale ng mga katutubo ay nakapuwesto ang kubol na kung ituring ng mga ito ay eskuwelahan.

“Andyan na si Kibaweg” pasigaw, paulit-ulit na pagbabalita ng mga bata. “Kagabi daw po siya dumating!”

Sa malaking pagtataka ni Guen, pati matatanda’y kinakitaan niya ng tuwa. Ng galak. Ng pag-asa. Pakiramdam tuloy niya, napaka-espesyal na tao ni Kibaweg sa mga ito.

“Kumusta daw ang lakad niya sa Maynila, “salubong ni Apo Dulay, ang pinuno ng tribo. “Naayos na daw ba niya ang tungkol sa kooperatiba?”

“Ho?”

“Wala siyang nabanggit?”

“Hindi po kami nakapag-usap,” aniya. “Dumiretso na  po kasi kami agad papunta dito. “

Tumangu-tango ang matanda.

“Sige po,” paalam ni Guen

“Mabuting tao si Kibaweg,” habol ni Apo Dulay. “Siya ang gumawa ng paraan para magkaroon kami dito ng eskuwelahan, pati na doon sa iba pang lugar. Wala siyang pinipiling tulungan. Para siyang sugo ng aming mga anito. 

Minabuti ni Guen na ituloy na ang naudlot na paghakbang upang hindi na humaba pa ang usapan. Dumiretso siya sa kubol. Sa loob nito ay nandoon din ang matatandang nahihiya  magpaturo kaya kunyari ay binabantayan ang mga bata.

“Good morning, class “

“Good morning din po, Titser!” mas malakas ang boses ng matatanda.

“Warm up muna tayo, ha…” panimula ni Guen. “Balikan natin sandali yung lesson  kahapon para doon sa mga hindi nakapasok dahil nasa taniman “

Naglabas siya ng picture ng prutas.

“A is for…?” aniya

“Atis! “sabay-sabay na sagot ng mga ito

“B is for…?” isang uri ng reptile ang ipinakita ni Guen.

“Bayawak!”

“K is for…” pinakita niya ang picture ng kalabaw.

“Kibaweg!” umiibabaw ang boses ni Amihan

“Teka, teka…” natatawang sabi ni Guen. “Ba’t pati si Kibaweg nasali na naman dito?” 

“Kasi po para siyang kalabaw,” ani Amihan. “Mabait, pero pag nagalit nanunuwag.”

Tawanan, pati matatanda ay naghagikgikan.

PABABA na sila ng bundok pero hindi pa rin  maintindihan ni Guen kung bakit parang iba ang saya ng mga katutubo kanina. Nakakahawa. Parang hindi tuloy siya nakaramdam ng pagod. Maaliwalas na maaliwas ang kanyang aura.

“Ikaw na magsabi … “ anas ng isa kay Amihan.

“Ba’t ako…”

“Basta…”

“Titser, “  saglit na inayos ni Amihan ang natutulog na bata sa likuran. “Puwede po bang dumaan tayo sandali sa bale ni Kibaweg?”

Tiningnan ni Guen ang kanyang relo. Malapit na dumilim. Hindi pa niya gamay ang pasikut-sikot ng kagubatan pauwi sa shelter nilang mga mobile school teacher. Siguradong mahihirapan siyang maghanap kung aasa lang sa flashlight.

“Sandali lang po tayo,” pakiusap nito. “Sandaling-sandali lang po…”

Binalingan niya ang mga bata. Higit na mas marami ang mga ito ngayon kesa kanina. Pare-parehong nakikiusap ang mga mata.

“Sige,” aniya, kay Amihan nakatingin. “Pero ihahatid mo ko mamaya, ha. Baka maligaw ako pauwi.”

“Opo! Opo!”

Tuwang-tuwa na bumilis ang lakad ng mga bata. Pabilis ng pabilis, halos tumakbo na ang mga ito. Pagkuwa’y isa-isang lumihis ang mga ito papunta sa ibang direksyon ng kagubatan.

“Teka,” pigil ni Guen. “Hindi naman dyan ang bangka natin, a.”

“Doon din po ang bagsak natin, “sabi ni Amihan. “Doon po sa kinakitaan ko kay Aliw-Iw kanina. Kay Kibaweg po ang bale na yon!”

“Pero…“Muling tiningnan ni Guen ang kanyang relo

“Mas mabilis po dyan”

Nameywang si Guen, parang sinasabi na kung mas mabilis diyan bakit hindi tayo dyan dumadaan. Aber?

“E kasi po…,” Napakamot ng ulo si Amihan. “bilin po kasi ni Apo Dulay.  Delikado daw po para sa inyo ang daan.  Madulas, malumot… 

“Malumot?”

“Opo, may talon po kasi sa dadaanan natin…”

“Waterfalls?”

“Opo, maganda po doon”

Dahil sa narinig ay naenganyo si Guen na doon sila dumaan. Totoo, medyo delikado nga ang daan.  Bangin ang makipot na daan. Konting pagkakamali ay siguradong sa ilog

ka na pupulutin, sugatan. Pero kung kagandahan ng lugar ang pag-uusapan, ay  grabe.  Ang sarap sa pakiramdam. Preskong hangin, mataas na talon sa di kalayuan, kulay berdeng kapaligiran…  Parang nangangako ito ng walang hanggang kaligayahan. Ganitong lugar ang kailangan niya upang makalimot. Ganito at isang katulad ni…

Umiling siya.

Mali na naman

Ayaw na niyang isipin si Kibaweg. Ginugulo lang nito ang isip niya.

“ Dyan po masarap maglaba,” ani Amihan ”sabay ligo bago umuwi.”

Napaisip si Guen. Tinantiya ang layo nito sa inuuwian ng bata.

“Sabi po kasi ni Ina, dalaga na daw po ako,” anito “Kaya sa tago na ko naliligo”

“Sabagay…”

Libang na libang si Guen sa sobrang kagandahan ng lugar kaya nagulat pa siya nang bigla na lamang sila iniluwa ng kagubatan. Tumambad sa kanilang harapan ang malaking lawa.  Sa gawing kaliwa nito ay ang bahay ni Kibaweg na yari sa tinistis na tabla at sa kanan naman ay ang nakadaong nilang bangka.

“Sige na,” taboy niya sa mga bata. “Puntahan nyo na si Kibaweg. Aantayin ko na lang kayo sa bangka.”

“Pero…”

“Sige na, Amihan, ” pilit niya. “Dalian nyo, ha.”

“Opo”

Saka pa lang tumalima ang mga bata.

Habang papunta si Guen sa bangka ay naisip niyang iyon ang tama. Ang umiwas. Ang lumayo. Layuan ang lalaking hindi niya alam kung bakit sa sandaling pagkakakilala nila ay pinatibok agad nito ang kanyang puso.

DANGAN nga lamang at nang maglabasan ang mga bata sa bahay ng binata ay nakita ni Guen na kasunod ng mga ito si Kibaweg. Malayo pa lang ay nakangiti na ito sa kanya. Bigla tuloy siyang kinabahan.  Naisip na baka magulo ang kanyang buhok.

“Nainip ka ba, “ nasa himig nito ang paghingi ng dispensa. “Natuwa kasi ako sa mga bata kaya…”

“Okey lang,” pasimple niyang ikinubli ang pamumula ng pisngi. “S-Sige, mauna na kami. Halika na, Amihan, baka gabihin na tayo.”

Nakaalalay na hinawakan ni Kibaweg ang bangka para alalayang makasakay sina Guen at si Amihan. Hindi nito inaalis ang tingin sa dalaga.

“Sige po,” paalam ng bata.

“S-Sige,”

Pero ayaw pa rin nitong bitawan ang bangka. Hindi mapuknat ang tingin kay Guen

“Aalis na kami,” aniya

“Ha”

“Ang kamay mo,”dugtong niya” bitawan mo na ang bangka”

“Punta ako sa inyo bukas”

“Ha? Bakit?”

“A…e… “ Biglang nalito si Kibaweg, ibinaling ang tingin sa bata. “Ang ibig kong sabihin ay… Pupunta ako bukas sa taniman. Tama. Pupunta ako sa inyo bukas, Amihan, sa taniman, tutulong ako sa pag-aani. “

“Talaga po?

“Oo”

“Sige po, makakarating kay ama.”

Akmang magsasagwan na sana sina Guen at Amihan nang pigilan ulit ni Kibaweg ang bangka.

“Hatid ko na kayo”

“”Naku, wag na!” mabilis na tanggi ni Guen. Ewan kung bakit bigla siyang nataranta. Nalito sa nararamdaman. Iniisip pa lang niya ang sitwasyon na tititigan siya nito hanggang sa makauwi sila ay parang hihimatayin na siya. “Nakakahiya, maaabala ka pa”

“Hindi abala yon,”giit nito. “Lalo na sa tulad mong nagmamalasakit sa mga bata.”

“Sa ibang araw na lang,” pilit niya. “Tayo na, Amihan, gagabihin na tayo.”

Nanunukso ang tingin sa dalawa na sinimulan ni Amihan ang  pagsagwan.

Nasa gitna na sila ng malawak na lawa ay kumakaway pa rin si Kibaweg. Inihahatid sila ng tanaw. Wari ay sinisiguro nito ang kanilang kaligtasan.

“Alam mo, Titser” nakikiming sabi ng bata habang nagsasagwan. “Pag ako nagpasakop sa kapangyarihan ng isang lalaki, gusto ko tulad ni Kibaweg.”                       

“Ha?”   

Gulat na tiningnan ito ni Guen. Hindi  makapaniwala sa sinabi ng bata. Hindi niya inaasahang sa edad ni Amihan ay marunong na pala itong humanga. Impit siyang tumawa. Talagang natuwa siya. Ngayon pa lang ay parang nasisiguro na niyang magkakasundo silang dalawa.

“Bakit mo naman nasabi yon?” aniya

“Daku!” Kinikilig na iminuwestra nito ang matipunong pangangatawan ni Kibaweg. “Parang mga bato sa talon ang mga masel. Alun-alon…”

“Gaga!” Tuluyan na siyang napatawa. “Ke bata-bata mo pa…”

HANGGANG sa shelter ng mga mobile school teachers ay dala pa rin ni Guen ang kasiyahang iyon. Gulat na gulat tuloy sa kanya si Melba, kasama sa kuwarto, tanging co-teacher na kumakausap sa kanya at sumasabay sa pagkain.

“Himala!” anito habang gumagawa ng lesson plan. “Ang ganda ng aura mo ngayon, a. Siguro may nakilala ka nang binata sa school mo, no?”

Isa-isang umiwas ng tingin ang mga co-teacher. Halatang ayaw sumali ng mga ito sa usapan nila. Pero hindi na yon pinansin ni Guen. Pangiti-ngiti sa sarili na tumuloy siya sa kuwarto.

“Luto na hapunan, “habol ni Melba. “Kain na tayo?”

“Mauna ka na,”  tanggi niya. “Andaming pinakain sa kin nila Apo Dulay, kung anu-anong prutas. Parang puno pa ang tyan ko. “

“Ikaw ang bahala…”

Tuluyan na siyang pumasok sa kuwarto. Nagpalit siya ng pambahay. Sa malaking pagtataka, maiglas na maiglas pa rin ang pakiramdam niya. Hindi tulad kahapon at noong unang araw niya dito.  Bagsak agad siya sa kama. Matamlay, laging nakatingin sa kisame, magulo ang isip. Sabagay, may dahilan kasi siya noon. May dahilan din kaya siya ngayon?

Sinubukan niyang ilayo ang isipan.

Kinuha niya ang gamit sa pagtuturo para gumawa ng lesson plan.

Pagkuwa’y nalungkot siya. Naisip na sa Ampico ang ruta niya bukas. At ang ibig sabihin niyon ay hindi niya makakasama ang nakakatuwang si Amihan at ang batang lagi nitong karga sa likuran. Hindi niya makakakuwentuhan ang masayahing si Apo Dulay. Hindi niya makikita ang mataas na talon, matagal pa bago niya makita uli si Kibaweg.

Si Kibaweg na naman?

Napabuntunghininga si Guen. Dahil aminin man niya o hindi, gusto niya ang naramdaman kaninang makita ulit si Kibaweg bago siya umuwi. Dangan nga lamang at kailangan niyang pigilan ang sarili.  Nasaktan siya noon dahil mahirap lang si Roy. Tapos ay iibig siya ngayon sa isang katutubo? Parang nakikita na niyang  hahamakin din ito ng kanyang mga magulang.    

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status