Share

Chapter 3

ANG HINDI alam ni Guen, hindi ordinaryong katutubo lang si Kibaweg.   Ni hindi nga niya alam na madiim pa lang ay lulan na ito ng 4X4. Pangiti-ngiti sa sarili habang binabaybay ang maalikabok na daan papunta sa taniman.

Malayo pa ang kanyang sasakyan ay nakita na agad niyang kumakaway si Amihan, itinuturo kung saan siya puwede pumarada.

“Ama! Ina! Nandito na  po si Kibaweg,”

Mula sa silong ng bale ay lumabas ang ama ni Amihan, naghanda ito ng mauupuan.

Pagkababa ni Kibaweg sa sasakyan ay meron na kaagad siyang pasalubong na candy para kay Amihan.

“Salamat po,”

“Magbihis ka na, “aniya “ihahatid kita sa shelter para makita ko si Titser.”

“Huwebes po ngayon,” anito “Sa Lunes na po uli ang pasok namin.”

Napakamot ng ulo si Kibaweg, dismayadong hindi niya makikita ang dalaga

“Pero puwede po natin siyang abangan mamaya,” pasaring ng bata. “Makikisakay daw po siya sa trak ng minahan. “

“Talaga?”

“Yon po ang sabi niya kahapon.”

Tiningnan niya ang relo. Alas sais pa lang ng umaga, May isang oras at kalahati pa bago dumaan ang trak papuntang minahan.

“Ahoy,” tawag ni Lakay, ama ni Amihan.” Akala ko ba e tutulong ka sa pag-aani? Bat ganyan ang bihis mo, para kang luluwas ng Maynila?”

Napakamot ng ulo si Kibaweg. Napapahiya sa sariling lumapit sa matanda.

“Kape?” alok ng matandang babae na sumungaw sa pinto ng bale.

“Opo,“ aniya. “Kaya nga po ako nagpunta dito para makikape.”

“Nakow, “may himig pagbibirong sabi ni Lakay. “Nalintikan na naman ang tinitipid-tipid kong kape. Para sa bisita lang iyon, iho.”

“Aba’y bisita rin naman po ako, a” pakikipagbiruan niya. “Tsaka pag hindi nyo ko pinakape, hindi ko sasabihin sa inyo ang resulta ng ginawa ko sa Maynila.”

Nagkakatuwaang nagyakapan ang dalawang lalaki.

Ang kasunod ay parang walang katapusang kuwentuhan, biruan at kumustahan.

Pagkatapos magkape ay sama-sama na silang nagpunta sa taniman. Panay ang pasimpleng ngiti ni Amihan, panay ang tukso, panay ang palihim na senyas kay Kibaweg tungkol sa aabangan nilang trak na papunta sa minahan.

MALAYO NA ang nalalakad ni Guen nang marinig niya ang rumaragasang ugong ng trak sa kanyang likuran. Nabuhayan ng loob na nilingon niya ito. Nagliliparang alikabok ang kanyang nakita. Papalapit nang papalapit.  Agad niya itong kinawayan, pinara.

“Puwede hong makisakay? Sabay ubo dahil sa alikabok. “Dyan lang ho ako sa paanan ng Ampico. “

Dahil may mga kargamentong umuukopa sa tabi ng matandang nagmamaneho ng trak, walang imik na isinenyas nito ang likuran.

“Salamat po. “

Punum-puno ng mga minero ang likuran ng trak. Mataas ang tungtungan, at dahil na rin sa dami ng dala ni Guen ay hindi siya makasampa.

Isang patpating minero ang agad na bumaba upang tulungan siya.

Kung iisipin ay napakamaginoo ng ginawa nito. Pero hindi ganoon ang nadama niya. May pisil kasi ang ginawa nitong paghawak sa beywang niya. Parang inamoy pa nito ang kanyang buhok habang inaalayan siya. .

“Ay…” napatili siya nang maramdamang itinulak ng kamay nito ang puwitan niya.

Muling nagliparan ang alikabok nang umarangkada ang trak.

Habang daan ay napansin ni Guen ang kakaibang tingin sa kanya ng mga minero. Nakakatakot ang ipinahihiwatig ng mga mata nito. Malaswa. Parang siyang hinuhubaran. Kaya minabuti niyang takpan ang kanyang hita.  Wala. Ni hindi man lang nahiya ang mga ito.  Nandoon pa rin ang tensiyon. Parang lalo pang bumangis ang itsura ng mga ito.

Hanggang sa tuluyan siyang daklutin ng pangamba.

“Para!” may garalgal na ang tinig niya. “Dito na lang po ako! Para! Para! “

Hindi tumigil ang trak, wari’y lalo pa itong bumilis.

“Para!“ ulit niya. Naghihisterikal na ang boses niya. “Parang awa nyo na po! Para! Para!”

Dahan-dahang tumigil ang trak.

Agad na bumaba si Guen, takot na takot.

Malayo na ang trak ay nangangatog pa rin ang kanyang mga  tuhod. Parang nag-uunahan ang tibok ng kanyang puso. Nahihirapan siyang huminga. Parang panic attack ang dumale sa kanya. Hanggang ngayon ay parang nakikita pa rin niya ang mahahalay na tingin ng mga minero sa kanya. Damang-dama tuloy niya ang pag-iisa. Ang kawalan ng magtatanggol sa kanya mula nang iwan siya ni Roy at Yaya.

“Guen!”

Mula sa di kalayuang taniman nila Amihan ay namataan niyang tumatakbong palapit sa kanya ang hubad-barong si Kibaweg. Kaligtasan ang agad niyang nadama. Pero hindi siya makagalaw. Ni hindi niya maikilos ang kanyang mga paa. Takot na takot pa rin siya. Kaya nang makalapit ito ay pasubsob na yumakap siya. Mahigpit. Humihingi ng saklolo ang iyak niya.

“Bakit,” anito. “Anong nangyari?”

“UUwi na ko, “humahagulgol na lalo siyang nagsumiksik sa dibdib nito. “Ayoko na dito. Uuwi na ko!”

“Bakit nga, ano ba   nangyari?”

“Titser!” Humihingal na lumapit si Amihan, sabay ayos sa puwesto ng batang karga sa likuran. “Bakit po, Titser? Bakit po kayo sumigaw?”

Saka pa lang nahimasmasan si Guen. Para siyang napahiya nang makita ang bata. Dahan-dahan siyang bumitaw sa pagkakayakap kay Kibaweg.

“Y-Yung mga minero…” aniya. “Ambabastos nila! Ambabastos nila!”

Nagkatinginan sina Lakay at Kibaweg.

Nakakaintindi sa sitwasyon na yumakap ang bata.

Umiiyak pa rin na gumanti ng yakap ang dalaga. Mahigpit. Mahigpit na mahigpit.

“Lagot sila kay Kibaweg,” alo ni Amihan. “Lagot sila… Di ba, Ama, lagot sila kay Kibaweg?”

“Ssssh…”

Katahimikan.

Matagal namagitan ang katahimikan. Matagal bago tuluyang kumalma ang pakiramdam ni Guen.

“Ama, “binalingan ni Amihan si Lakay. “Puwede po ba, hindi na muna ako tutulong sa pag-aani? Ihahatid ko po si Titser sa Ampico para hindi na siya matakot. “

Hindi nakaimik si Guen. Nasa isip pa rin niya ang plano kanina na huwag nang tumuloy sa Ampico. Sa halip ay mag-iimpake na siya, magpapaalam sa mga co-teacher, at iiwan na niya ang lugar na ito. Uuwi na siya.

“Paano,”sabi ni Kibaweg. “Ano’ng desisyon mo? Saan ka namin ihahatid? Sa Ampico o sa terminal ng bus?”

“Bus?” ulit ni Amihan. Hindi makapaniwala. “Bakit sa bus? Hindi ka na magtuturo, Titser? Wala na naman kaming Titser?

Masusing tinitigan ni Guen ang bata. Pilit niyang sinasalamin sa mga mata nito ang kahungkagan ng buhay kung mawawala siya sa lugar na ito.

Hindi napigilan ng bata ang luha. “Antagal po naming hinintay na may pumalit doon sa dati naming titser, tapos hindi ka rin pala tatagal? Paano kami, sino pa ang magtitiyaga sa ‘min kung lagi kayong ganyan?”

Parang nakakaintindi na pumalahaw ng iyak ang batang nasa likuran ni Amihan. Malakas, palakas nang palakas ang panaghoy, halos makapunit ng damdamin.

“Titser,” pagsusumamo ni Amihan. “maawa naman po kayo sa amin. Kahit ako na lang po ang magsagwan para hindi na kayo mahirapan. Kahit ako na rin po ang magdala ng gamit nyo, pati po paglalaba ng mga damit nyo ako na rin…”

Hindi nakatiis na muli itong niyakap ni Guen.

“Sige,” aniya. “Para sa inyong magkapatid. Sige, hindi na ko aalis…”

Giba pa rin ang mukha na sinilindro ni Amihan ang naghalong luha at sipon.

“Tara, “aya ni Kibaweg sa dalaga. “Ihahatid kita sa Ampico. Ako’ng bahala sa ‘yo “

“Hindi, “mabilis na tutol ni Lakay. “Ako ang maghahatid sa kanya.”

“Pero…”

“Delikado,” diin ng ama ni Amihan. “Alam mo naman yon, di ba? Di ba?”

Hindi nakaimik si Kibaweg.

“Ang mabuti pa ay pumunta ka sa minahan, “mungkahi ni Lakay. “Alamin mo kung ano talaga ang nangyari para hindi na ‘to maulit “

Tumututol man ang kalooba’y walang nagawa si Kibaweg

KAYA ganoon na lang ang pagkataranta ng unipormadong guwardiya nang malayo pa lang ay bumubusina na si Kibaweg. Paulit-ulit. Halatang galit. Hindi tuloy malaman nito kung paano mapapadali ang pagbubukas sa gate.

“Tawagin mo ang lahat ng sakay ng trak!”

“Alin pong trak?”

“Yung kdarating lang dito.”

“B-Bakit po?”

“Dalian mo!”

“Opo! Opo! Ngayon din po!”

Halos magkandarapa sa pagsunod ang unipormadong guwardiya. Takot na takot. Pati tuloy iba pang tauhan ng minahan kinabahan.

BAGAY na kabaliktaran naman ng nararamdaman ngayon ni Guen. Panatag na ang loob niya,  Nakukuha na niyang ngumiti sa tuwing naalala ang nangyari kanina.  Para kasing may magic.  Takot na takot siya tapos niyakap lang siya ni Kibaweg nawala na.

“ Mamayang uwian,” sabi ni Lakay. “babalikan na lang kita.”

“Naku,” bulalas niya. “kahit wag na po. Kaya ko na po”

“Sigurado ka? “

“Opo!”

“Bahala ka.”

Habang naglalakad ay napansin ni Guen na mas matarik ang bundok na ito kumpara sa  Badion. Kitang-kita niya ang malaking pagkakaiba ng dalawa. Sa dinanaan nila ay nagkalat ang di mabilang na bakas ng mga pinutol na troso. Damang-dama ng kalikasan ang walang humpay na pagsasamantala ng mga taga-rito.

“Lakay,” hindi nakatiis na sabi ni Guen.

“O…?”

“Bakit po delikado kay Kibaweg na pumunta dito?

Hindi nakaimik si Lakay. Abot-tanaw na nila ang maliit na komunidad ng Ampico. Kumakaway na ang mga katutubong naghihintay sa kanila.

“Lakay…”

Paika-ika, hirap na hirap maglakad na sumalubong si Aliw-Iw. Nakatukod ang kili-kili nito sa pinutol na sangang ginawang saklay.

“Magandang umaga po, Titser,” anito. “Naiayos ko na po sa kubol ang lahat ng mga gagamitin nyo sa pagtuturo.”

“Naku, nag-abala ka pa.”

Ngiti ang itinugon ni Aliw-Iw, pagkuwa’y hinarap nito si Lakay. “Kumusta po?”

“Mabuti naman…”

“S-Si Kibaweg po ba…?”

“Hindi pa kami nagkakausap ulit, ” pagtatakip nito. “Hayaan mo, babanggitin kita pag nagkita kami.”

Biglang nagliwanag ang mukha ni Aliw-iw. Parang nakakita ng pag-asa,

Sa nakitang reaksyon nito, naisip ni Guen  na iyon marahil ang dahilan kung bakit nakita ito ni Amihan kahapon sa gawi ng bahay ni Kibaweg. May gusto ito sa binata.  Nagbabakasakali na makita ito kahit sandali..

“Tayo na po, Titser, naghihintay na ang mga bata.”

“Sige,”

Akmang susunod na sana si Lakay nang pasimple itong pigilan ni Guen. Humihingi ng paliwanag ang kanyang mga mata.

”Naghihintay na sila,” sa halip ay tugon nito.

“Pero…”

“Titser,” kumakaway na tawag ni Aliw-iw “Halika, ipapakilala kita sa aking ama”

Wala nang nagawa si Guen nang akayin siya ni Lakay para ipakilala sa pinuno ng tribo.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status