Share

Chapter 4

KANINA pa siya nandoon sa bintana. Malayo ang tingin, malalim ang iniisip ni Guen kaya di niya namalayan ang paglapit ni Melba.

“Ganyan din ako noong una, “ sabi nito. “Laging tahimik, tapos ngingiti, tatawa kahit nag-iisa. 

“Ha?”

“Naalala mo siya?”

“Sinong…?

“Siya,” patuloy na panunukso ni Melba, “ yung dahilan kung bakit nandito ka”

Hindi nakaimik si Guen

“Ikaw, ako, silang mga nasa kabilang kuwarto, “patuloy nito. “Pare-pareho tayong may tinatakasan kaya tayo nandito. “

Nananantiyang hinarap ito ni Guen. Mataman niyang tinitigan si Melba.

“Lalaki rin ba ang dahilan mo?” aniya

Lumikot ang mga mata ni Melba, umiwas ng tingin. Agad na humagilap ito ng balabal at tuluyang inilayo ang usapan. Halatang ayaw nitong pag-usapan ang nakaraan.

“May gaganapin nga palang begnas sa tabi ng lawa, “anito. “Pupunta sila, sama tayo. Masaya yon!”

“Begnas?”

“Ritwal,” paglilinaw ni Melba. “Pasasalamat sa magandang ani.”

NAKAPAGSIMULA na ang begnas nang sapitin nila ang lugar.  Sumasalamin sa tubig ng lawa ang malaking apoy na nagbibigay liwanag sa mga sumasayaw sa tunog ng  gangsa.

“Dalawang araw na idadaos yan,” ani Melba. “Noong una daw, sabi ng matatanda, may kainan pa yan.  Pero katagalan nabago ang tradisyon, puro katutubong sayaw na lang ngayon. “

“Walang patid? aniya. “Tuluy-tuloy?”

Isang katutubong babae na walang takip sa dibdib ang lumapit sa kanila. Nag-aayang hinawakan nito ang kamay ni Melba.

“Makibahagi po kayo, Titser, “

Hindi nagkait ang grupo ng mobile school teacher, lalo na yung matatagal na sa bokasyong ito na nakakaintindi na sa kultura ng mga katutubo. Pero dahil nahihiya pa si Guen, pinagkasya na lang niya ang sarili sa panonood.

“Hoy,” kumakaway na tawag ni Melba. “Halika, Sali ka!”

Nakangiting tumanggi siya.

Walang anu-ano”y napako ang tingin niya sa isang lalaking bahag lang ang suot. Kasaliw ito ng iba pa sa gitna ng kasiyahan. Sa mapusyaw na liwanag ay nakilala niya ang malapad na balikat nito.

Si Kibaweg.

Impit na hagikgik ang narinig ni Guen mula sa kanyang likuran. Nilingon niya ito. Kahit nakakubli ito sa dilim ay nahulaan agad niyang si Amihan ito dahil sa batang karga sa likuran.

“Daku!”

Natutuwang niyakap ni Guen ang magkapatid. Pinaghahalikan niya ang mga ito na parang kaytagal nilang hindi nagkita. Napakasarap ng pakiramdam niyang may kayakap sa ganito kalamig na gabi.

“Bat di kayo sumasali sa kanila” aniya

“Kasali po ako kanina, “anito. “Hinahanap po kasi kayo ni Kibaweg kaya sinundo ko kayo. Kaya lang nagkasalisi tayo…”

“Ha? Ako, hinahanap ni…” Pasimple niyang sinulyapan ang binata. “Bakit daw?”

“Uyyy, kunyari pa si Titser?” tukso nito. “Kunyari di alam…”

Tawanan.

Pagkuwa’y walang sabi-sabing hinila nito si Guen papunta sa gitna ng kasiyahan. Sapilitan nitong tinuruan ng katutubong sayaw ang dalaga.

“Ganito po, Titser, gayahin nyo ko…”

Noong una’y nahihiya pa si Guen. Pero di nagtagal ay nagliyab ang kasayahan nang magsimulang sumaliw ang dalaga sa tugtog ng gangsa. Iisang bagay lang kasi ang ibig sabihin niyon para sa mga katutubo, hindi na siya iba. Kapanalig na nila ang dalaga.

“Ayayayayayaaay

Salidugmay, dang-dang-ay,

Salidugmay, insalidugmaaaay…”

Hindi sinasadya’y nagkatingnan sina Guen at Kibaweg. Sa pagitan ng nagliliyab na apoy ay nag-usap ang kanilang mga mata. Hindi napigilan ng dalaga na magpakawala ng matamis na ngiti.

“Titser,” Sumenyas ng hugis puso si Amihan “ Uyyy”

“Tse!”

Hindi nagtagal ay nakadama ng pagod si Guen. Halos pabagsak siyang naupo sa katig ng nakadaong na bangka. Pangiti-ngiti siya sa sarili habang hindi inaalis ang tingin sa nagaganap na begnas.

“Mabilis ka naman pala matuto, e…” sabi ni Kibaweg

Nakikimi, umiwas ng tingin si Guen. Naiilang siya. Hindi siya kumportableng tumingin sa kaharap na lalaking kapirasong tela lang ang nakatakip sa katawan.

  “ May nasabi ba akong…”

Tuluyang bumulalas ang tawa ng dalaga.

“Ano kasi,” aniya. “Ako ang giniginaw sa ayos mo…”

Napakamot ng ulo ang binata.

“Nasa bahay kasi ang damit ko,” anito. “Nandoon sa kabila ng lawa…

Dahil sa tinuran ay naganyak si Guen na ang tanawin kung gaano ito kalayo. Pero iba ang umagaw sa kanyang pansin. Bilog na bilog ang buwan, gumuguhit ang liwanag nito sa tubig ng malawak na lawa, napakagandang pagmasdan ng buong kapaligiran.

“Sandali,“ anito para mailusong ang bangka sa tubig. “Magpapantalon lang ako.  Huwag ka munang uuwi, ha, sandali lang ako…”

Gusto sana niyang humabol. Gusto sana niyang sumama. Napakaromantiko kasi ng ideya. Sa ilalim ng kabilugan ng buwan ay namamangka silang dalawa sa tahimik na lawa.

“Titser,” tawag ni Lakay.

“Po?”

Pagtingin niya uli sa bangka, malayo na ito. Naiwan na siya bago pa niya nasabi ang kagustuhan niyang sumama.

“Saan pupunta yon?”

“Magbibihis daw po,”

Nakauunawang tumangu-tango ng pagsang-ayon si Lakay.

“ Bulaklak na dating buko,

Pagkuwa’y nagiging bunga,

Ay, salidugmay

Mula bubot ay nahihinog…”

Mula sa gitna ng kasiyahan ay panay ang ngiti ni Amihan kay Guen. Kumakaway ito, sumesenyas, nanunukso.

“Pasensya ka na nga pala doon sa Ampico, “ sabi ni Lakay. “hindi ko masagot ang mga tanong mo.”

“Naiintindihan ko na po, “anito. “Wala tayo sa tamang lugar para pag-usapan yon.”

Patuloy sa panunukso si Amihan kaya palihim niyang iningusan ito. Tse. Pero nakangiti siya. Para kasing patungkol sa kanya ang lyrics ng kanta. Unti-unti’y nahihinog ang damdamin niya kay Kibaweg.

“Mabait na bata yan,” patuloy ni Lakay

At may special ability to move people, gusto sana niya idagdag.

“Ang totoo,” dugtong nito. “Malaking bagay sa min yang si Kibaweg. Alam mo bang nilakad niya sa Maynila na makapagpatayo kami dito ng kooperatiba?”

“May nabanggit po sa kin si Apo Dulay,” aniya. “ Tinatanong nga ako kung naayos na daw po ba?”

“Aba’y, oo!” may pagmamalaking sabi nito. “Baka bukas-makalawa, magtatayo na kami ng pondohan. Lahat ng ani namin na palay, prutas, gulay at mga bulaklak doon na namin ipagbibili. Hindi na kami mababarat ngayon ng mga biyahero “

Kagyat na tumangu-tango ng pagsang-ayon si Guen. Pagkuwa’y naisip niyang samantalahin ang pagkakataong ito upang ungkatin ang tungkol sa tila hindi magandang relasyon ng mga ito sa tribo ng Ampico.

“Para sa lahat po ba ang kooperatiba?” panimula niya,

“Oo,” anito. “Kahit hindi katutubo, basta may kalakal na gustong ipagbili…”

“Kahit taga-Ampico?”

Natigilan si Lakay. Hindi nakaimik. Matagal nitong tinitigan ang dalaga.

“Dandang-ay sidong-alay,

Insalidugmay,

Ay, salidugmay

Dumiwas, salidugmay…”

“Lakay,” giit ni Guen. “Kahit po ba mga taga-Ampico ang magdala ng anil?”

“A…e… Nakausap na nga pala ni Kibaweg ang mga minero, “Paglalayo nito sa ussapan. “Nabanggit na ba niya sa ‘yo?”

Umiling si Guen.

“Pasensiya na daw,” patuloy nitong paglalayo sa usapan. “Ngayon lang daw kasi sila nakakita ng artista.”

Napahagikgik si Guen.  Nandoon pa rin ang kilabot sa tuwing naaalala niya, ang pagtayo ng balahibo, pero ewan kung bakit natuwa siya. Siguro ay dahil sa alam niyang kahit maulit iyon ay may magliligtas sa kanya. Hindi na siya nag-iisa.

“Hindi nyo pa po sinasagot ang tanong ko,” pagpapaalala niya habang pinipigil ang pagtawa. “Yung tungkol po sa Ampico…?”

Napabuntunghininga si Lakay, pagkuwa’y hinarap nito sa Guen.

“Mahirap kasi silang kausap,”

“Bakit naman po?

“Kow, “anito. “Mahabang istorya yon, Titser,”

Umayos ng puwesto si Guen at inihanda ang sarili sa pakikinig.

“Sanggol pa lang si Kibaweg nang itakas siya ni Carlo…”

BIgla siyang nalito. Habang hinahalukay niya ang misteryo sa pagkatao ni kibawig ay parang lalong gumugulo. Dumadami ang sangkot na tao. Pero nanatili siyang tahimik at hinayaan itong magkuwento.

Diumano, taga-Maynila si Carlo.  Palibhasa’y mabuting tao, marami Igorota  ang nagkakagusto. At isa na doon ang ina ni Kibaweg. Dangan nga lamang at ipinagkasundo na ito sa iba.   Kaya palihim ang ginawa nilang pagkikita, ang pagtatagpo sa mga tagong lugar. Ganoon nang ganoon hanggang sa mabuntis ito.  Nagalit ang buong tribo dahil sa kahihiyang idinulot ng relasyong iyon kaya minabuti nilang tumakas. Lumayo. Takbo, lakad, tago. Malapit na sila sa naghihintay na sasakyan na gagamitin nila paluwas ng Maynila nang abutan sila ng panganganak sa daan. At dahil may mga humahabol sa kanila, minabuti ng ina na magpaiwan na lang upang iligtas ang mag-ama.  Mula noon ay hindi na sila nagkita. Lumaki ang bata sa malayong lugar, pinabinyagan ng kristiyanong pangalan, doon na rin yumabong ang kaalaman.  Nang mamatay ang ama dahil na rin sa kataandaan, saka pa lang nakabalik  dito si Kibaweg para hanapin ang ina. Pero huli na ang lahat. Wala na ang ugat na pinagmulan. Tanging inabutan ay tinahi-tahing kasinungalingan. 

“K-Kasinungalingan?” ulit ni Guen.

“Sabi kasi ng mga taga-Ampico,” kibit-balikat na paglilinaw ni Lakay. “Kaya daw si Aliw-iw ang nag-alaga sa ina ni Kibaweg ay dahil sa ipinagkasundo na silang dalawa…”

“Po?”

“Natural tumanggi si Kibaweg,“ dagdag nito. “Ano nga ba naman ang malay niya sa usaping iyon.”

“Napahiya si Aliw-Iw kaya nagalit ang mga taga-Ampico,” pagtalon ni Guen sa konklusiyon. “Ganoon po ba?”

“Hindi lang yon,” pagtutuwid nito. “Nagtangka kasi siyang magpakamatay. Nagpatihulog si Aliw-iw doon sa mataas na talon, kaya siya napilay”

Gimbal na napahumindig si Guen. Hindi makapaniwala.  

“Kamuntik na ngang dumanak ang dugo noon,” patuloy ni Lakay.“ Mabuti na lang at nakialam ang matatanda ng bawat tribo. Walang bisa daw ang kasunduan kung hindi ito ipinahayag sa buong kabundukan.”

Minsan pa, namagitan sa kanila ang katahimikan.

“Pero alam mo,“ pagkuwa’y sabi nito. “Mula nang dumating dito si Kibaweg, ngayon ko lang siya nakitang  ganyan kasaya.”

Napatingin dito si Guen, may kislap ang mga mata.

“Laging ikaw ang bukambibig niya.”

Tuluyan na siyang natuwa, parang kinikiliti siya.

Dangan nga lamang at kung bakit ngayon pa siya tinawag ni Melba. Uuwi na daw sila. Hinayang na hinayang tuloy siya sa pagkakataon. Marami pa kasi sana siyang gustong malaman kay kibaweeg at kung bakit ito masaya.

“S-Sige po,” aniya. “tutuloy na po kami.”

“Sige.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status