Share

Chapter 7

SINUNDAN ni Sahara si Baste doon sa bakanteng mesa sa dulong bahagi ng fast food. Tapos na ang klase nila, alas kuwatro na ng hapon. Maraming tao sa loob at kinailangan pang makipag-agawan ni Baste para lamang may maupuan sila. 

“Ano nang balak mo?” tanong nito sa kanya nang tuluyan na silang nakaupo. Iniayos ni Baste ang order nila sa ibabaw ng mesa – dalawang soda, dalawang fries at dalawang burger. Matapos nitong ilapag ang tray sa katabing mesa ay naupo na rin ito at iniabot sa kanya ang ilang piraso ng tissue. “Kailangan mong mag-summer niyan.”

“Hindi ko na kayang mag-summer. Wala na kong budget,” sagot niya na parang wala lang. Kumuha siya ng fries at isinawsaw iyon sa ketsup na si Baste pa mismo ang nagbukas para sa kanya.

“Eh paano, hindi ka ga-graduate?” 

“Ga-graduate.”

Kinunutan siya ng noo ni Baste at tiningnan siyang mabuti. “Paano? Sabi nga ni Del Mundo, hindi uso sa kanya ang special exams at projects. Ano’ng gagawin mo? Papakiusapan mo siya? E hindi naman nadadaan sa pakiusap ‘yon, eh.”

“Ako nang bahala,” nakangiti niyang sagot. “Relax ka lang, okay? Grabe, parang ikaw ang bumagsak, masyado kang praning.”

Napakamot sa ulo si Baste at umiiling-iling na inumpisahan na rin ang pagkain. “Mag-summer ka na lang. Papahiramin na lang kita ng pang-tuition.”

“At saan ka naman kukuha ng pera, aber? Huwag na. Para na lang sa mga nanay mo ‘yang iipunin mo. Ang dami ko nang utang sa’yo, ‘yung iba nga hindi ko pa nababayaran.” May ilang beses na rin kasi siyang pinahiram ni Baste sa tuwing kinukulang siya ng pera, lalo na kapag may emergency sa probinsiya at kailangan ng nanay niya ng pambili ng maintenance nito para sa sakit sa puso. “Baka mabaon na ‘ko sa utang sa iyo niyan. Baka namatay na ko’t lahat, hindi pa ko tapos magbayad sa mga utang ko.”

“Ano ka ba, Sahara? Magkaibigan tayo, normal lang naman na magtulungan. Kapag kinulang ka, pahihiramin kita at kapag ako naman ang nangailangan, papautangin mo rin naman ako, diba?”

Malakas na tawa ang itinugon ni Sahara. “Saan naman ako kukuha ng ipapahiram sa iyo?”

Nagkibit balikat si Baste dahil alam nito na wala naman talaga siyang maipapautang rito kung sakali. “Basta, pahihiramin kita ng pang-tuition sa summer.”

“Thanks, but no thanks. Sabi ko naman, ako nang bahala, diba? Don’t worry, sabay pa rin tayong ga-graduate.”

“Paano nga?” naguguluhan nitong tanong. 

“Hay, ang daming tanong. Leave it to me,” sabi niya sabay kindat. “Wala ka bang tiwala sa akin?”

“Wala,” mabilis pa sa alas kuwatro ang sagot ni Baste. “Kung anu-ano na namang plano ‘yang nasa isip mo. Baka ikaw pa ang mapahamak. Tanggapin mo na kasi ang alok ko.”

Napabuntung-hininga na lang si Sahara. Talaga ngang kilalang-kilala na siya ng kaibigan.  “Eh sa’n ka nga kukuha ng pera?” naiinis niyang tanong. 

“Ako na ngang bahala. May ipon ako, baka akala mo,” sabi ni Baste, sabay turo sa sarili.

“Eh alam ko namang may pinaglalaanan ka no’n.”

“For emergency nga. Eh ano ba’ng tingin mo sa sitwasyon mong ‘yan ngayon, hindi ba emergency ‘yan?” 

 “Hay,” muling buntung-hininga ni Sahara sabay tingin sa kaharap. Sunud-sunod ang ginawa nitong pagkagat ng hamburger. Palagi silang magkasama ni Baste pero hindi siya nagsasawa sa presensiya nito sa buhay niya. Kumbaga, si Baste ang nagsisilbi niyang panghimagas para iwas umay. Sa dami ng pinoproblema niya ngayon, nakapagpapagaan sa pakiramdam na mayroong katulad ni Baste na nariyan lang sa tabi niya.

“O, bakit ganyan ka makatingin?” pagkadaka’y tanong nito.

“Bakit nga ba ang bait-bait mo sa akin?” seryoso niyang tanong sa kaibigan. “Mahal mo na ‘ko, ano?”

Doon hindi na napigilan ni Baste na mabitawan ang hawak na soda at natapon iyon sa mesa. Pareho tuloy silang napatayo. “H-ha?” malakas nitong tanong. Deretso ang pagkakatingin nito sa kanya na tila ba isa siyang bata na may napakalaking kasalanang nagawa. Ni hindi na nito alintana ang dumating na fast food staff para linisin ang natapong soda.

Napangiti si Sahara dahil sa reaksiyong iyon ng kaibigan dahil alam niya na naapektuhan ito sa tanong niya. Matagal na niyang nararamdaman na may pagtingin ito sa kanya at siguro, nahihiya lamang ito at ayaw nitong masira ang pagkakaibigan nila. At siguro, kailangan lang nito ng kaunting push, ika nga.

Oo nga’t hindi si Baste ang tipo niyang maging boyfriend pero sa sitwasyon naman nila ngayon ay parang magkasintahan na rin sila, lalo na sa ipinapakitang kabaitan at pag-aalaga nito sa kanya. ‘Yun na nga lang ang kulang – ang label na ‘girlfriend-boyfriend’ para maging official na ang relationship nila. At hindi na rin naman masama kung magiging nobyo niya si Baste. Simula nang maging kaibigan niya ito noong first year college sila ay malaki na ang ikinagandang lalaki nito. In fact, she’s even considered the idea of having some kind of ‘friends with benefits’ status with him, she just didn’t know how to talk him into it. 

“Eh kung tayo na lang kaya? Wala ka namang girlfriend, diba?” tanong pa niya nang palabas na sila ng fast food restaurant na iyon.

“A-alam mo ba ‘yang sinasabi mo?”

Natawa siya. His face turned bright red. “Grabe ka namang maka-react. Nagbibiro lang ako, ito talaga,” nakangiti niyang sabi. Kinuha niya ang mga libro na binitbit ni Baste para sa kanya. “Sige na, may parating nang jeep, sasakay na ‘ko.” Nang tingnan niya si Baste ay tahimik lang itong nakatingin sa kanya. “Oh, bakit para kang natuklaw ng ahas diyan?”

Umiling lang ito. 

“Okay, sige, kita na lang tayo bukas.”

“T-teka, Sahara.” Hinuli nito ang kamay niya para pigilan sa paglakad palayo pero agad rin nito iyong binitiwan na para bang napaso. 

“Oh, bakit?” patay-malisya niyang tanong. 

“’Yung sinabi mong-“ 

 “Joke lang nga, ano ka ba?” natatawa niyang sabi. Naroon sila sa gilid ng daan at nauunahan na siya ng ibang pasahero na makasakay sa humintong jeep. Kinabig siya ni Baste para iiwas sa pagdagsa ng mga tao. 

“B-bakit mo naisip na…maging tayo na lang? Ibig kong sabihin…a-ano ‘yon? Saan galing ‘yon?”

“Teka, teka. Ang dami mong tanong e, isa-isa lang, pwede?” 

Natawa rin si Baste sa sarili at napakamot sa ulo. “Bakit kasi-“

“Eh kasi ang tagal-tagal na nating magkakilala, tapos ang bait-bait mo pa sa akin,” sabi niya sabay kurot sa pisngi ng kaibigan. At muli namula ito. “Alam mo bang sa lahat ng lalaking nakilala ko sa buong buhay ko, ikaw lang ‘yung mabait sa akin na mabait lang talaga, ‘yung walang hinihingi o hinihintay na kapalit? Kaya hindi mo rin naman ako masisisi kung minsan maisip ko na baka nga may gusto ka sa akin. Pero hindi ka naman nanliligaw, e.”

“P-paano ako manliligaw e alam ko namang hindi ako ang tipo mo.” Saglit na natahimik si Baste at wala sa loob na kinuha ang dalang mga libro ni Sahara. “Kasi diba ang tipo mo ‘yung…guwapo…’yung malaki ang katawan.” 

“Guwapo ka naman, malaki naman ang katawan mo.”

Umiling si Baste pero namumula ang buong mukha nito, halatang hindi ito sanay sa mga ganoong papuri. “Gusto mo ‘uung…mayaman,” patuloy nito. “‘Yung mga dine-date mo, may mga kotse, may mga negosyo, o kaya mga anak ng mga may negosyo. Eh isang kahig-isang tuka lang ako, kaya ano’ng panama ko sa mga ‘yon?”

Totoo ang sinabing iyon ni Baste pero hindi niya maintindihan ang sarili pero nasaktan siya sa narinig. Especially coming from her best friend. Ganoon na nga ba talaga siya kababaw? Siguro nga. 

Kunwari ay itinuon ni Sahara ang atensiyon sa mga dumadaang sasakyan para iwasan ang mga tingin ni Baste. Hindi niya kayang salubungin ang mga mata nito. “P’wede ba, Baste, huwag masyadong serious,” natatawa pa niyang sabi sabay para sa parating na jeep at kinuha na niya ang mga libro sa kamay ng kaibigan. “Kalimutan na natin ‘yung sinabi ko, na parang wala kang narinig mula sa akin, na parang hindi nangyari.”

“Puwede ba ‘yon?” balik nitong tanong. “Sa tingin mo ba makakalimutan ko nang ganun-gano’n lang ang sinabi mo?”

“Bakit hindi? Unless talagang mahal mo na nga ako dahil hindi ka naman maaapektuhan ng ganyan kung wala kang feelings para sa ‘kin,” sabi niya nang diretsong nakatingin sa kausap. “Ano, mahal mo ba ako, o hindi?” 

They are staring at each other’s eyes now. Parami na nang parami ang mga pasahero sa gilid ng daan na tulad nilang naghihintay ng masasakyan. Pilit binasa ni Sahara kung ano ang nasa mga mata ni Baste. Gusto niyang maniwala na may kaunting pag-ibig doon para sa kanya pero ayaw niyang umasa. At bukod doon, natatakot siya sa posibilidad na magkasakitan lang niya ito pagnaglaon. 

But she must admit that she likes him. Love might be too big a word right at that moment but Sahara was certain that she likes him. Kung sa paanong paraan, hindi pa siya nakasisiguro –  basta ang alam niya, gusto niya ang presensiya nito sa kanyang buhay. 

She continued looking at him and imagining what it’s like kissing his full lips. Would he like it? How would it feel?

And without even thinking, Sahara tugged the collar of his shirt, closed her eyes and kissed him. Alam niyang nabigla ang kaibigan sa ginawa niya, maging siya ay nagulat rin. Pero huli na para bawiin ang halik na iyon kaya pinangatawanan na niya at ninamnam ang bawat sigundo ng paglalapat ng kanilang mga labi. 

Nang iwan niya ang labi ni Baste ay nakita niya ang namimilog nitong mga mata. Nakita rin niya ang ilang tao na nakatingin sa kanila, ang iba’y nangingiti, ang iba’y nakakunot ang noo. Bigla siyang nahiya sa sarili at mabilis na kinuha ang mga gamit mula sa kaibigan. 

Nilingon pa muna niya si Baste bago siya tuluyang sumakay sa jeep. 

~~

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status