Share

Chapter 8

Nasa tagong bahagi ng Cansanit ang bahay ni Gideon. Nasa dulo ng isang mahabang peninsula malapit sa Don Virgilio Gonzales. Isa iyong three-storey house na kulay puti ang dingding at asul ang bubong. Malaki ang tarangkahang umiikot sa buong perimeter ng bahay. May malaking garahe sa harap na nasa ilalim ng isang enclosed porch. May patio pa sa gilid malapit sa maliit na pond.

Hindi automatic ang gate kaya iginiya siya si Gideon patungo sa maliit na pinto. Hinayaan na muna ng lalaki ang pick-up sa labas ng tarangkahan. Nag-doorbell ito at may lumabas na isang lalaking nasa mid-50s na nakasuot ng sumbrero. Ngumiti ito pagkakita sa kanila.

"Sir Manasseh, magandang araw. Ito na ba ang asawa mo, Sir?"

"Siya nga, Tang."

Nakangiting bumaling ang lalaki sa kaniya. Ibinaba nito ang sumbrero at inilapat sa dibdib sabay yuko sa harap niya. "Ikinagagalak kitang makilala, Maam. Sana ay maging matiwasay ang pagsasama niyo ni Sir Manasseh."

Hilaw siyang ngumiti. "Uh, thanks?"

"Pasok kayo, Sir."

Niluwagan nito ang bukas ng gate. Humakbang siya papasok at nalanghap niya ang amoy ng rosas at gumamela sa gilid ng tarangkahan. Nakahanay ang mga bulaklak sa buong perimeter ng bahay.

"Ikaw ho ba 'yong nag-aalaga sa mga bulaklak?" tanong niya sa matanda. Naglalakad sa tabi niya si Gideon habang nakasunod sa kanila ang matanda.

"Ako nga, Maam. Minsan lang umuuwi si Sir at ako lang ang nag-iisang bantay ng bahay."

"Kumusta si Iñigo?" tanong ni Gideon.

Narinig niya ang buntonghinga ng matanda. "Hindi niya nakayanan ang sakit, Sir. Namatay siya nang isang araw. Inilibing ko sa likod-bahay."

"Salamat sa pag-aalaga sa kaniya, Tang."

"Walang anuman, Sir."

Nang marating nila ang main door ay doon siya nagtanong. "Sino si Iñigo?"

"K9. Kasama ko sa expidition noon pero tinanggal sa serbisyo. Inampon ko."

Tumango siya. Naunang pumasok si Gideon sa loob. Sumunod siya at natigilan nang makita sa living room ang isang malaking portrait ng mukha niya. Sa tingin niya ay nasa 17 years old pa siya ro'n.

"Sinong nag-paint niyan?" tanong niya. Tumayo siya sa harap ng portrait at namangha sa fine stroke na ginamit. Kapansin-pansin ang pag-iingat sa smallest feature na masali sa kabuuan ng painting.

"May nagpadala rito. Hindi ko alam kung kanino galing pero may nakalagay na sulat. Mi Amore."

Nangunot ang noo niya. "Ba't mo tinanggap?"

"Maganda."

Napatingin siya kay Gideon. Nakangiti ito habang tinitigan ang portrait niya.

"Hindi nagsisinungaling ang portrait. Maganda ka nga." Saglit itong tumingin sa gawi niya at naunang maglakad palayo. "Halika. I'll show you your room."

Kunot ang noong naglakad siya nang mabilis para maabutan ito. "Hindi mo na sana tinanggap."

Sumaludo sa kanila si Tang bago lumusot patungo sa pinto na sa tingin niya ay papuntang kusina. Umakyat sila sa grand spiral staircase patungo sa pangatlong palapag ng bahay. Sa bawat sulok ay may nakatayong snake plant kaya siguro malamig-lamig ang loob.

Nagkibit-balikat si Gideon. "Sabihin mo na sa akin kung bakit ayaw mong ipabalot ang mga gamit mo."

Siya naman ang natahimik. Huminto sila sa isang asul na pinto. Pinihit ni Gideon ang seradura at pumasok sa loob. Sumunod siya.

"Ayoko lang," tipid niyang sambit.

Nilibot ni Gideon ang tingin sa loob bago huminto ang tingin sa kaniya. "Hindi ako naniniwala."

Sumimangot siya at nag-iwas ng tingin. Pinagkrus niya ang mga braso sa dibdib. "May mga libro ako na hindi pwedeng makita."

"By whom?"

Marahas siyang tumingin ulit sa lalaki. "Ni Mama at Papa. Gusto kong si Dalya o kaya si Pedro ang magbalot ng mga libro."

Tumango-tango si Gideon. "And why?"

Lumabi siya at muling nag-iwas ng tingin. Ayaw niyang sabihin dito. Aside sa wala siyang tiwala ay nakakahiya.

"Sabihin mo kung bakit, Jewel."

"Ayoko."

"Ayaw mong sabihin? O ayaw mong aminin?"

Nangunot ang noo niya. Tumingin siya ulit kay Gideon na may nagbabantang tingin. "Anong ibig mong sabihin?"

Ngumiti nang mapait si Gideon. "Narinig kita nang isang gabi. Nasa balkonahe ka at kausap ang kaibigan mo. You've dreamt of s**."

Pakiramdam niya, huminto sa pagtibok ang puso niya. "A-Ano?"

Sumeryoso ang mukha ni Gideon. "I suppose... you've invited the enemy. Let go of what you're hiding from me."

Napaatras siya at tumalikod. "W-Wala akong tinatago."

"Jewel."

"I said wala akong tinatago!"

Narinig niya buntonghinga nito. "You should let it go before it will kill you." Naramdaman niya ang kamay nitong dumapo sa balikat niya. Napatalon siya. Binitiwan siya agad ni Gideon. "Walang banyo rito sa itaas. Nasa gilid lang ang kuwarto ko kaya kung may kailangan ka, pwede kang kumatok sa pintong katabi ng pinto mo. Hahayaan na muna kita para maikot mo ang silid." Akmang hahakbang si Gideon nang muli itong humarap sa kaniya. "Naalala ko, sinabi mong may student permit ka. Bakit hindi mo kayang magmaneho ng kotse?"

Nangunot ang noo niya. "Wala akong student permit. That was a lie, and it's true that I can't drive. Motor lang ang kaya ko."

Tumango si Gideon. Nilampasan siya ng lalaki at agad lumabas ng kuwarto. Huminga siya nang malalim at nilibot ang tingin sa loob. Dominante ang kulay asul. Puti ang bedsheet, unan, at kumot. Napatingin siya sa nakabukas na balkonahe. Nililipad ng hangin ang manipis na kurtina. Naglakad siya papalapit roon at hinawi 'yon.

Napatitig siya sa asul na karagatang kumikinang sa sinag ng araw. Maalat-alat ang hangin at amoy lumot. Naririnig niya ang mabining hampas ng alon sa dalampasigan. Ang nagpaawang sa labi niya ay ang kingfishers sa malayo na lumilipad sa ibabaw ng alon at maya-maya'y lumulusong sa ilalim ng tubig.

Dahan-dahan siyang humakbang palampas sa mga kurtina at humawak sa riles ng balkonahe. Sa ilalim, nakikita niya ang hardin ng mga bulaklak na nakapalibot sa likod-bahay at ang mataas na tarangkahan na kasintaas ng pangalawang palapag. Sa likod ng tarangkahan ay buhangin. Pino at maputing buhangin na dumidiretso hanggang sa sementadong pangpang na sa tingin niya ay daungan ng mga yate. May isang yate nga siyang nakita sa malayo.

Nahinto siya sa pag-usisa nang marinig ang katok sa labas ng kuwarto. Mabilis siyang bumalik sa loob at tumakbo sa pinto. Binuksan niya iyon at nakita si Tang na nakangiti sa kaniya.

"Maam, tinatawag na po kayo ni Sir para sa meryenda."

Umiling siya. "Sabihin mo sa kaniyang busog pa ako."

Bahagyang nabawasan ang ngiti ng matanda. Napabuga siya ng hangin.

"Sige Maam, tawagin -"

"Pupunta na ako."

Mas umaliwalas ang mukha ng matanda at masyang yumukod nang bahagya sa harap niya. "Maraming salamat, Maam."

"Tawagin niyo na lang ho ako na Laine."

"Sige, Maam Laine."

Agad siyang lumabas ng kuwarto at sumunod sa matanda. Narinig niya ang masaya nitong taghoy habang bumababa sa paikot na hagdanan.

"Uhm... Mang Tang?"

Natawa ang matanda. "Tang na lang Maam Laine."

"A, Kuya Tang?"

Humalakhak si Tang. Napangiti naman siya at bahagyang ngumuso. "Kay Gideon ho ba talaga itong bahay?" tanong niya.

Lumingon saglit si Tang sa kaniya bago binalik ang tingin sa harap. "Dawalang taon na nang binili niya ito. Isa akong hardinero sa mansiyon ng Alkalde at kinuha niya para mangalaga sa bahay na 'to."

"Sa tingin niyo ho, makakatagal ako bilang asawa niya?"

Huminto si Tang nang makababa ng hagdan at hinintay siya. "Sa totoo niyan, Maam Laine, salbahe si Sir."

Mabilis siyang napatingin sa matanda. "Ano ho?"

Ngumiti ito. "Salbaheng bata 'yang si Sir pero himalang nagbago matapos ang nangyari sampung taon nang nakakaraan."

"Sampung taon?" Nangunot ang noo niya. "Yon po ba 'yong panahon na nagkaroon nang virus outbreak sa bansa?"

Tumango ito at bumuntonghinga. "Bumagsak ang ekonomiya ng bansa. Nahirapan ang Mayor at ang butihing esposa kaya pinabalik si Sir Manasseh sa Medellin para tumulong sa pagpapalago ng lungsod. Ayaw ni Sir na umuwi pero lumala ang kondisyon ng esposa kaya wala siyang nagawa kung hindi bumalik. At nakakamanghang... biglang nawala ang hilig niya sa mga babae."

Napakurap siya. "Ano ho? Hilig sa babae?"

Ngumiti ang matanda. "Wag na kayong magselos Maam Laine. Wala nang babae si Sir ngayon."

"Teka, hindi ako nagseselos."

Pero natawa lang ito. "Nang unti-unti nang bumalik sa sigla ang Medellin, bumalik na rin sa serbisyo si Sir Manasseh. Bumalik siya sa Dalaguete at nasabi niyang may hinanap daw siyang babae. Angela ang pangalan."

Nangunot ang noo niya. "Wala akong pakialam sa mga babae niya, Kuya Tang. Bakit mo naman kinukwento 'yan?"

Lumaki ang ngiti sa mga labi ng matanda. "E, pinaseselos ko lang kayo, Maam Laine."

Napanguso siya. "Hindi ako nagseselos. Tara na ho at gutom na gutom na ako."

"Akala ko busog pa kayo, Maam Laine?"

Mas lalong nagusot ang mukha niya nang humalakhak ang matanda.

#040120.9.5P

#020221.R

aranew

Hi! You can unlock the locked chapters using your purchased coins. Please do also leave a review so I will know what are your thoughts for this story. Thank you and God bless you!

| 1
Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Nelmajane Hawom
Ang gandang basahin
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status