Share

Chapter 1

April 1997

“Ang anak ko Agusto!  Nasaan si Ana?”  umiiyak na wika ni Diana sa asawa habang nakahiga sa stretcher sa loob ng isang ospital sa Quezon Province.  Sakay sila ng isang bus na byaheng Maynila ngunit nagkaroon ng karambola ng mga sasakyan sa zigzag road na hinala niyang may kinalaman ang kapatid sa ama na si Octavio.  Kahit ang aksidente sa minahan na pag-aari ng pamilya sa Camarines Norte ay hinihinala niyang kagagawan din ng kapatid – though he still needs to prove his claims. 

“Hahanapin ko si Ana, Diana.  Ipinapangako ko.”  Mabilis namang tumango ang asawa habang panay pa rin ang pag-iyak.  Iniwan niya ito at pinuntahan ang ilang mga nasagip pero wala doon ang anak.  Panay ang dasal niyang hindi sana kasama ang anak sa mga bangkay na nakuha.  Hindi rin mawala ang pag-aalala dahil mula nang magkagulo ang mga tao at mabitawan ang anak ay hindi niya na ito muling nasilayan.

Nasa sitenta katao ang lulan ng bus na iyon kaya’t nahihirapan siyang hanapin ang anak ngayon lalo at may mga kamag-anak na ang iba na nagdatingan.  Lumabas siya sa ospital at naroon naman ang ilang katawan na ideneklara nang patay.  Panay ang tahip ng dibdib niya habang isa-isang sinisipat ang mga naroon.  Ang huli niyang nakita ay ang isang bangkay ng isang babaeng halos kasinggulang ng kanyang anak. 

“Anikka..”  Panay ang iyak ng isang may kabataan babae na marahil ay ina nito habang hawak ang kamay ng bata.  Hindi niya kinaya ang tagpong iyon dahil naiisip niya ang anak at hindi niya kayang isiping ganoon din ang kinasapitan nito.  Hindi niya kayang mawala ang kaisa-isa niyang anak.

Muli siyang nag-ikot para patuloy na hanapin si Ana pero bigo siya.  Hindi rin niya kayang harapin ang asawa dahil lalo itong mag-iiyak.  Sandali siyang umupo sa waiting area ng emergency habang iginagala pa rin ang mga mata.

“Papa…” wika ng isang maliit na tinig na agad nagpalakas ng kabog sa dibdib niya.

“Ana?”  Inilibot niya ang tingin kung saan nanggaling ang tinig ng anak at nakita niyang hawak iyon ng babae na kanina lang ay umiiyak hawak ang bangkay ng isang batang babae.  “Ana!”  Agad siyang yumakap sa anak at nakahinga ng maluwag.  Tumingala siya sa babae at bahagya itong ngumiti. 

“Maraming salamat,”  wika niya dito.  “Ikinalulungkot ko ang nangyari sa…”  Tumango naman ito sa kanya habang lukob pa rin ng lungkot ang mukha.  “Kung may maitutulong ako sabihin mo lang.”

“Kailangan ko lang maiuwi sa amin si Anikka,”  sagot nito sa pagitan ng paghikbi.  Dama niya ang sakit na nararamdaman nito. 

“Tutulungan kita.  Saan ba kayo nakatira?” 

“Sa Nueva Ecija.  May dinalaw lang kaming kamag-anak ng anak ko kaya kami nandito.  Sana’y hindi ko na lang siya sinama.”  Muli itong napaiyak at hinayaan niyang ilabas nito ang pighating nararamdaman. 

“Ako na ang bahala sa lahat.  Hintayin mo ako dito, kailangan ko lang puntahan ang asawa ko dahli nag-aalala na siya kay Ana.”  Tumango naman ang babae.  “I’m Agusto Mondragon.  And you are?”

“Lucila Merced,”  sagot nito.  Tumango siya bago nagpaalam sandali dala ang anak.

Pagkatapos niyang madala kay Diana ang anak ay agad niyang tinawagan ang isang kaibigan na tutulong sa kanila para makaalis sa lugar na iyon.  Hindi kailangang malaman ni Octavio kung ano ang kalagayan nila ngayon.  Kailangan niyang mailayo ang pamilya niya sa kasamaan ng kapatid.

“Hindi ko kayang malayo sa anak ko, Agusto,”  wika ng asawa nang ilahad niya ang balak na paglalayo kay Ana sa Rancho Mondragon.

“Kailangang mapalabas nating nawawala si Ana, Diana.  Hindi titigil si Octavio hangga’t hindi siya nakakaganti.” 

Hindi na sumagot si Diana dahil alam nito kung bakit ganoon na lang ang galit ng kapatid sa kanila.  Ito ang unang kasintahan ni Diana at nabuntis niya ito noong mga bata pa sila.  Pero dahil nananakit ito ng babae ay nagpasya si Diana na lumayo dito.  Nang malaman niya ang nangyari sa dalawa ay inalok niya ng kasal ang babae at panagutan ang dinadala nito.  Noon ay nagsisimula nang umusbong ang pagkagusto niya sa dalaga.  Labis na ikinagalit iyon ni Octavio na lalong nagbigay ng dahilan para saktan muli si Diana na naging sanhi ng pagkakalaglag ng bata sa sinapupunan nito.  Ipinangako nitong hinding hindi sila matatahimik dahil sa pagtataksil sa kanya.

Isa lang iyon sa mga galit na kinikimkim ni Octavio sa kanya kung tutuusin.  Isa pang mabigat na dahilan nito’y ang pagkawala ng mana nito sa Rancho Mondragon.  Ang lupang iyon ay pag-aari ng inang si Manuela Mondragon, at nang maunang mamatay ang Papa niya’y tiniyak ng ina na walang karapatan si Octavio dahil anak ito ng Papa Roman niya sa ibang babae.  Isang taon nang namatay ang ina at doon nagsimula ang paunti-unti nitong paghihiganti matapos malaman ang testamento mula sa abogado ng pamilya.

“Ipangako mong walang makakaalam sa lahat ng ito, Diana.  Kaligtasan ni Ana ang nakasalalay dito.  Hindi mo gugustuhing mawalan ng anak sa ikalawang pagkakataon, hindi ba?” 

Isang marahang tango ang pinakawalan nito.  Inakay niya palayo ang asawa sa ospital na iyon nang hindi kasama ang anak na si Ana.

APRIL 2018

“Siguro naman ay puwede na kitang dalhin sa bahay, Nikka,”  wika ng kasintahang si Jude nang sunduin siya nito sa school isang hapon.  Isang taon na rin naman mula ng sagutin niya ito matapos ang walong buwang panliligaw.  Pero tila hindi pa siya handa para mapunta ang relasyon nila sa mas seryosong estado lalo at marami pa siyang lihim na hindi naipagtatapat dito.  Ngayong araw din ang dating ng Papa niya para daw sa isang mahalang bagay na dapat nilang pag-usapan.

“Hindi ako puwede ngayon, Jude.  Next time na lang,” pagdadahilan niya. 

“Lagi ka na lang nagdadahilan.  Hindi ka ba seryoso sa relasyon natin?”  tila may himutok namang wika nito.  Biglang sumakit ang ulo niya sa usapan nila.  Kung tutuusin ay mabait naman si Jude at gentleman.  Ni minsan ay hindi siya nito pinilit na lumagpas sila ng higit sa halikan.  Isa itong call center agent at bente singko anyos na. 

“Nasa bahay na si Papa ngayon at naghihintay na sa akin,”  isa pa niyang pagdadahilan.  “I-set na lang natin sa ibang araw.”

“Gusto na kitang yayain ng kasal, Nikka.  Tapos ka naman na ng college.” 

Mabilis siyang napatitig dito bago mabilis ding tumingin sa labas ng salamin ng kotse nang makitang nakatitig sa kanya ang kasintahan.  Ni hindi pa siya handa na ipakilala siya sa mga magulang nito’y lalo pa ang makasal dito.  Ni hindi pa niya nararanasan ang magtrabaho at magkaroon ng career sa pinili niyang kursong AB in Mass Communication.   

Isang malalim na buntinghininga ang pinakawalan niya habang nakatingin pa rin sa dinadaanan nila.  Nang marating ang bahay nila ay nakita niya ang sasakyan ng ama sa harap ng gate.  Naroon ang ama sa labas kausap ang Nanay Lucila niya na tila ba hinihintay lang siyang dumating.  Agad siyang nagpaalam kay Jude at humalik sa pisngi nito pero sa halip ay humarap pa ang binata para sa labi siya nito mahagkan.  Agad siyang lumayo sa takot na makita iyon ng ama.

“Hindi mo ba ako ipakikilala sa Papa mo?”  tanong nito na tila naghihintay ng magandang sagot.  Dumilim ang mukha nito nang hindi siya nakapagsalita.  “Goodnight,”  wika nito nang hindi tumitingin sa kanya.  Tahimik naman siyang bumaba sa sasakyan nito at mabilis na pumasok sa gate.

“Nariyan na pala si Anikka,”  wika ng Nanay Lucila niya at agad namang lumingon ang ama at sumalubong nang makita siya. 

“Hi, Pa!”  Humalik siya sa pisngi nito at ngumiti. 

“Mabuti at nariyan ka na.   May mahalaga tayong pag-uusapan,”  wika nito na sumabay sa kanya papasok sa bahay.  Maliit lang ang bahay nilang iyon sa may tatlong maliit lang na kwarto.  Inilapag niya ang bag sa study table.  Ang ama ay nanatili lang nakatayo sa pinto at nakapamulsa ang mga kamay.

“It’s time for you to go back, Ana.  I will give you an hour to pack your things.”

“A-ano ho?” gulat niyang tanong sa ama.  Alam niyang sa Camarines Norte sila nakatira dati dahil walong taon na siya noong lisanin nila ang lugar na iyon at nagkaroon pa ng aksidente kung saan namatay ang totoong anak ng Nanay Lucila niya na si Anikka.   Masyado pa siyang bata para maintindihan ang mga bagay-bagay noong mga panahon na iyon; kung bakit kailangan niyang sumama sa isang babaeng hindi niya kilala at palitan ang totoo niyang katauhan.

“Nakapagtapos ka nang kolehiyo, Ana,”  wika ng ama.  Kapag tinatawag siya sa ganoong pangalan ay tila estranghero na sa kanya dahil kinalakihan niyang gamit ang Anikka.   Bagama’t sa eskwelahan ay ipinagamit sa kanya ang totoo niyang pangalan.  Ang Anastacia Mondragon.

“Okay naman ho ako dito, ‘Pa,” wika niya habang hinuhubad ang sneakers.

“Kailangan mo ng harapin ang totoo mong buhay.  Kailangan mo ng pag-aralan ang pasikot-sikot ng negosyo natin pati na rin ang pamamahala ng rancho.  I’m sorry, Anak, pero ikaw lang ang puwede kong asahan dahil ikaw lang ang kaisa-isa naming anak ng Mama mo,”  tuloy-tuloy na wika ng ama.  Sandaling gumuhit sa balintataw niya ang malawak na lupaing sakop ng Rancho Mondragon pati na ang ilang kumpanyang itinatag ng Lola niya. 

“Hindi ba’t nanganib ang mga buhay natin kaya n’yo ako inilayo doon?  Bakit kailangan ko pang bumalik?”  Unti-unting umaahon ang kaba sa dibdib niya. 

“Because your Uncle Octavio wants to claim half of the ranch pati na rin ang kita ng Golden Land Mining Corp.”

“Kung iyon ang makapagpapatahimik sa kanya bakit hindi n’yo na lang ibigay?  Siguro’y may karapatan din naman siya bilang anak ni Lolo,”  pangangatwiran pa niya.  Ang totoo’y hind niya gusto ang ganoon kalaking responsibilidad.   Okay na sa kanya ang simpleng buhay dito sa Nueva Ecija.

“Kung ganoon lang sana kadali, Ana.  Pero kaya ikino-contest ng tiyuhin mo ang mana niya ay dahil kailangan niya ang malaking halaga.  Ipagbibili lang niya ang lupang iyon kung sakali.  We are suspecting he is a druglord and having that piece of land will make him rich and powerful.”

“The more na hindi ako dapat bumalik roon, Papa.  My life was in danger thirteen years ago, it will be in danger now.   Hindi n’yo ba ako ideneklarang patay na?”

“We never declared you dead, Anastacia!”

pagalit na wika ng ama.  “Missing, yes.  Pero may isang nagpapanggap sa mansyon bilang ikaw.” 

Napatitig siya sa ama sa kalituhan sa mga sinasabi nito ngayon.  “A-ano ho ang ibig n’yong sabihin?” 

“Five years after that accident at ipinalabas naming hindi ka pa nahahanap ay may dinala si Octavio sa bahay na isang dalagita na kasing edad mo.  She was claiming she was our daughter.   We accepted her anyway dahil sa pangungulila ng Mama mo sa’yo.” 

Hindi siya makapaniwala sa mga ipinagtapat ng ama.  Hindi rin niya napigilang mapaluha sa kaisipang may ibang umaangkin ng katauhan niya at ito ang kapiling ng totoo niyang mga magulang.  Hindi man nagkulang si Lucila sa pagbibigay sa kanya ng atensyon, hindi pa rin nito kayang punuan ang pananabik niya sa totoo niyang pamilya. 

“So, ginagamit niya ang pangalan ko?”

“No.  Hindi ko kailanman ipapagamit sa iba ang pangalan mo at ng Lola mo.  She’s simply Ana Mondragon.  Kung saan siya nahanap ni Octavio o kung anuman ang rason niya para dalhin ang bata sa amin ay hindi namin alam.  Pero ngayon ay nagkakaroon na ng linaw ang lahat.  Hinala naming anak siya ni Octavio sa ibang babae.   Dahil iisa lang ang anak namin, iisa lang ang magiging tagapagmana.   Kung sakaling totoo na hindi ka namin mahanap ay si Ana ang magiging tagapagmana ng lahat – which will all be in favor for Octavio.”

“At ngayong babalik na ang totoong anak n’yo, ano sa tingin n’yo ang mararamdaman niya?”

“Namuhay siya ng masagana, Ana—“

“Anikka, Papa,” sala niya sa pagtawag nito sa kanya bilang Ana.   “Let her use that name.  Iba na ang katauhan ko ngayon.” 

“You will always be my Ana,” madamdamin namang wika ng ama ngunit hindi niya pinansin.  “Hindi naman siya maghihirap dahil legal namin siyang inampon ng Mama mo.”

“Kung gayon ay nanalo pa rin si Uncle Octavio, Papa, kung legal naman pala ang pag-ampon n’yo sa kanya.”

“No.  Nasa pangalan mo na ang Rancho Mondragon walong taon ka pa lamang.  Kung mayroon man siyang makukuha ay ang shares sa kumpanya pero sapat lang para mabuhay siya ng marangya.”

“Hindi ko napaghandaan ang lahat ng ito, Papa.  Ni hindi ko inaasahan.  Gusto ko muna sana’ng pag-isipan.” 

“Sooner or later you still have to claim what is yours, Anikka.”

“Pero tulad ng sinabi ko’y ito na ang buhay na gusto ko.  Nag-apply na rin ako ng trabaho dito sa isang local radio station.  Nandito ang mga kaibigan ko at may boyfriend na rin ho ako dito,” pagtatapat niya. 

“Nakatakda na rin kitang ipakasal sa anak ng isang matalik na kaibigan, Anikka.”    

“What?!”

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
ANarahNino
ang galing!!!
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status