Share

Chapter 2

Apat na magkakasunod na katok ang bumulabog sa aking pintuan at atubiling binuksan iyon agad ni Jing-Jing habang ako'y abala sa pagpupumilit na pagkasyahin sa isang camping backpack ang aming mga kailangang dalhin.

"Nandito na pala si Jing-Jing eh...," manghang nasambit ni Max sa kasama nang si Jing-Jing ang sumambulat sa pag-uwang ng pinto.

Pinsang lalaki ko si Max. 5'5". Kayumanggi ang balat, nasa ikalabing pito na ang edad, may tamang tindig subalit namimintog ang mga pisngi. Kasama niya ang isa ko pang pinsang babae. Si Kat na bestfriend ng aking kasintahang si Jing-Jing. 5'3". Labing-walong taong gulang. Tabain naman siya, may kulot na buhok at mahilig sa mga normal na floral blouse at maong pants.

"Tara na, Bhy...nandito na sila...," lingang pag-aya sa akin ni Jing-Jing.

"Coming!," maagap kong bigkas sabay hablot sa itim na jacket na nakasampay sa sandalan ng silya. Sakbit ko na rin ang backpack habang isang maliit na sling bag lamang ang bitbit ni Jing-Jing na kikay kit niya ang nilalaman. Naunang lumabas si Jing-Jing habang ako ang nagpinid ng pinto.

Nagkatinginan si Kat at Max nang mapuna nilang kapwa bagong ligo kami ng aking irog.

"Alam na!," bulong ni Max kay Kat sabay lihim silang nagkangitian.

"Good Morning, Bes...," bati ni Kat kay Jing-jing nang masulyapan sila nito ni Max na nagkakangisian.

"Hoy, ano tinatawa n'yo diyan ha?," tamang duda ni Jing-Jing sa kanila.

"Wala Bes, ang ganda-ganda mo kasi eh," pabirong banat ni Kat sa kanya sabay pisil sa magkabila niyang pisngi.

"Kuya Hardy!," agaw pansing bulyaw ng isa pang binatilyo mula sa di kalayuan na may ilan ring kasabay maglakad sa kanyang likuran.

Si Ian ang binatilyong iyon. May bente taong gulang na at pinakamatipuno ang pangangatawan. Medyo may kaitiman dahil sa laging bilad sa araw bunga ng pagiging delivery boy. Kasunod niya ang pangalawa kong kapatid na si Chadie na pareho ni Ian sa taas na 5'7" subalit mistisuhin. Naroon din ang 3rd brother ko na si Emong na artistahin sa keempee styled na buhok at may pangangatawang tulad kay Max. Hindi rin nalalayo sa tangkad ng unang dalawa. Sa likod niya naman ay si Carey. May makinis na balat, 5'2", may straight na buhok na hanggang balikat at may pagkatomboyin pumorma. Mas maputi siya kumpara sa sister niyang si Kat.

Kapwa mga hingal itong naglalakad papalapit sa amin dala ang kanya-kanya nilang backpack.

"Nasaan na daw yung van?," agad kong urirat sa kanila nang sila'y makadatal sa aming kinatatayuan.

"Nagkadiperensya daw yung sasakyan, Kuya Hardy....inaayos pa daw nung driver...," tugon ni Ian.

"Naku, one hour na tayo delayed sa usapan...," pagsingit ni Jing-Jing. "Daanan na lang daw natin sila Eloisa sa kanila, kasama na niya mga kaklase ko," patuloy nito.

"Sabihan mo na lang mag-almusal muna sila, matatagalan pa yata yung van...,"maagap kung bilin.

Makalipas ang mahigit isa pa muling oras, dinatnan kami ng driver na si Kuya Bobby na para bang mga basang sisiw na naghihintay ng limos sa bungad ng aking inuupahan kwarto.

Bakas ang mga ngiting may kasamang "Yehey!" ng mga pininsan ko't kapatid sa pagdating ni Kuya Bobby. Agad siyang bumaba at lumapit sa amin.

"Pasensiya na kayo ha...malala sira nung van ko kaya nanghiram na lang ako sa kaibigan ko, mabuti na lang wala siyang byahe...," paghingi ng tawad ng driver na may kalakihan ang tiyan, kaunting uban, may maiksing bigote, at umeedad na sa mga singkwenta.

" Ganun ba, Kuya?....Sige, okey lang po...at least nagawan po ng paraan," makagaang loob na usal ko sa kanya.

"Tara na po kina Eloisa, kanina pa po sila naghihintay...," pagmamadali ni Jing-Jing habang nakaangkla sa aking kaliwang braso.

"Ah sige tara na...pakituro na lang sa akin ang daan papunta sa bahay niya ha...," pagsang-ayon at pakisuyo ni Kuya Bobby.

Para kaming mga paslit na mabilisang naglundagan sa kanya-kanyang pwesto sa loob ng sasakyan dahil sa pagkasabik.

Ilang minuto lamang ang nagdaan at natunton na namin ang tirahan ni Eloisa kasama ang kanilang mga kaklase.

Bungisngisin si Eloisa ngunit sa pagkakataong ito, halatang aburido sa pagkainip ang bungad ng mukha nito.

19 years old si Eloisa. Mistisa, kulot ang buhok, tabain at medyo asset niya ang kanyang dibdib at labi. Kontra lamang iyon sa nanlalaki niyang eyebag.

Kasama ni Eloisa sa paghihintay ang kanyang boyfriend na si Pete. Kung susumahin, si Pete yung tipong Amboy at nahahawig kay Daniel Padilla. In short, gwapito. Pero mas bata ng dalawang taon si Pete sa kanyang girlfriend at nag-aaral sa pagkapiloto.

"Akala namin bukas pa kayo darating eh...," biro ng isa pang babaeng mataba at may pagkalahing intsik. Siya si Chyna, 5'6", tipong smart dahil sa kanyang eyeglass at laging nakapusod pataas na buhok.

Si Kuya Bobby ang sumagot para sa amin: "Sorry sa inyo ha, nasira kasi yung van ko kaya nanghiram muna ako sa kaibigan ko".

"Yun naman pala eh...," paglahok ng isa namang morenang babae na may maiksing buhok na hanggang ilalim ng tainga. Ito naman si Ira, isang batang ina sa edad na 20 ngunit may maaliwalas na mukha. Magkasintaas lang din sila halos ni Chyna at magkasintaba. "Okey lang po yun kuya, at least makakaalis na tayo...," patuloy na salita ni Ira.

"Hi, Jing...!," pagbati ng isang chubby na lalaking kayumanggian rin ang balat. Siya naman si Brix. Istilong rapper sa pormahan at may hikaw sa kanang tainga. 5'6" at waring may sinabi ang pamilya.

"Hello...sakay na kayo," simpleng ganti ni Jing-Jing na medyo nagpataas ng kilay ko.

"Okey...let's go!," excited na bigkas ni Chadie.

Nang makaupo na ang lahat, humarurot na ang aming van.

"Bataan...here we go!," dugtong ni Max sa pagkaexcite ni Chadie.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status