Share

Kabanata Eight

Bigla akong nanlumo sa inasal ni Lita. Hahayaan niya lang talagang saktan ng mga taong iyan ang isang taong wala naman ginagawa sa kanilang masama? Anong mali ang nagawa niya? Wala naman, ‘di ba? Bakit siya pinaparusahan ng gan’yan? Naramdaman ko ang paghigpit ng pagkakahawak ni Lita sa aking kamay. Ibinalik ko ang aking mga tingin sa binatang patuloy pa rin na binubugbog ng mga guwardiya sibil hanggang sa dumugo ang pisngi nito maging ang mga labi nito. Hindi ko maatim ang kanilang ginagawa rito. Bakit hindi siya lumaban? Bakit hinahayaan niya lang na saktan siya ng mga baliw na guwardiya sibil?

“Ayusin mo ang trabaho mo, Señorito Joaquin!” sabay ngisi nito ng nakaiinsulto.

Señorito? Anong ginagawa ng isang anak ng may kapangyarihan para gawin ang mabigat na gawain na ginagawa niya at pagmalabisan ng mga guwardiya sibil na walang ginagawa kun’di ang yurakan ang kan’yang pagkatao?  Napakunot-noo ako sa aking narinig. Pinagmasdan ko ang kawawang binata na tinawag nilang Señorito Joaquin, walang imik ngunit binigyan niya ang dalawa ng matalim na mga tingin. Isang malakas na sipa ang ibinigay ng matabang guwardiya sibil sa mukha ni Señorito Joaquin dahilan para mapahiga ito sa daan.

“Anong tinitingin mo? Lalaban ka?” singhal nito sa binata. Hindi umimik ang binata at akmang babangon nang bigla siyang hinawakan sa buhok noong matangkad na guwardiya sibil at pinaluhod.

Yumuko ang matangkad na guwardiya sibil at inilapit ang mukha nito sa mukha ng binata. “Tandaan mong hindi na kayo ang kilala at makapangyarihang mga Perez! Buong pamilya mo ay mga alipin na! Kaya ‘wag kang umasta na akala mo may magagawa ka pa para takutin kami.” Sabay tapon sa daan dahilan para mapasubsob itong tuluyan sa lupa.

Tumawa nang nakaiinsulto ang dalawang guwardiya sibil sabay dura sa binata bago nila iniwan ito. Hindi umimik o nanlaban si Señorito Joaquin, napakuyom na lamang ito ng mga kamao at muli, isa-isa niyang pinulot ang mga batong nagkalat sa daan. Lalapitan ko sana ito para tulungan ngunit muli akong pinigilan ni Lita at inalayo sa binata. Hindi ko magawang alisin ang mga tingin ko sa binata hanggang sa nagsimula itong maglakad papaalis habang hila-hila ang kariton na may kargang bato. Patuloy ko pa rin siyang pinagmasdan hanggang sa tuluyan na siya mawala sa abot ng aking mga tingin.

“Binibini,” tawag ni Lita sa aking atensyon.

Napatingin ako sa kan’ya at doon ko lang namalayan nasa harap kami ng isang tindahan na may mga libro at iba pang mga school supplies.

“Halina po sa loob,” ani Lita at sumunod ako sa kan’ya papasok ng tindahan.

“Magandang umaga, Ginoong Huseng!” bati ni Lita sa ginoong nasa 50’s na ata ang edad.

“Magandang umaga, Lita,” nakangiting bati nito kay Lita. “Magandang umaga, Binibining Helena,” bati nito sa akin sabay yuko.

“Magandang umaga rin sa iyo, Ginoong Huseng.”

“Narito ba kayo para kunin ang mga k’waderno, binibini?” tanong nito.

“Opo, Ginoong Huseng,” sagot ni Lita.

“Sandali lamang at kukunin ko ang mga ito,” wika ni Ginoong Huseng at nagsimulang maghanap sa kan’yang mga lalagyan.

Habang abala ang ginoo ay hinawakan ko si Lita sa braso para makuha ko ang kan’yang atensyon.

“Lita, bakit mo ko pinigilan kanina? Bakit ayaw mo akong tulungan ang lalaking iyon?” seryoso kong tanong sa kan’ya.

Napabuntong-hininga si Lita at inalis ang pagkakahawak ko sa kan’ya at tumingin sa labas ng bintana ng tindahan. “Binibini, mas makabubuti kung hindi ka masasangkot sa anumang inyong nakikita lalo na sa mga polista.”

“Polista?”

“Binibini, sila ang mga kalalakihan na sapilitang pinagtrabaho ng pamahalaan ng mga Espanyol para sa pagtatayo ng mga tulay, simbahan at paggawa o pagkumpuni ng mga barkong galyon. Ngunit, iba ang sitwasyon ni Señorito Joaquin.” Ani Lita na may lungkot at pag-aalala sa tinig nito.

Sapilitang pagtatrabaho? Polo y servios?

“Anong pagkakaiba kay Joaquin? Sino ba si Joaquin?” tanong ko na sobrang kinakain ng curiosity.

“Si Señorito Joaquin ay---

“Siya ang anak ng gobernadorcillo ng San Francisco de Malabon.” Sabal na wika ni Ginoong Huseng. “Ito na ang mga k’waderno niyo, binibini,” nakangiting saad nito sabay abot sa akin ng mga k’waderno.

“Teka, hindi ko po maintindihan kung anak siya ng gobernadorcillo bakit siya pinagtatrabaho at binubugbog ng ganoon?” kunot-noo kong tanong.

Napangiti ng mapait si Ginoong Huseng at napayuko si Lita.

Ano bang nangyayari? Anong hindi ko alam sa lalaking iyon?

“Marami ka atang hindi nalalaman para sa isang tulad mo na taga-rito lamang, Binibining Helena,” wika ni Ginoong Huseng.

Shit! Did I get busted? Mag-iisip na sana ako ng idadahilan ngunit biglang tumawa ito ng bahagya. “Ganoon ka siguro kaabala sa mga akdang iyong ginagawa kaya halos hindi mo na namamalayan ang mga nangyari saiyong paligid, binibini.”

“Gano’n na nga, Ginoong Huseng.” Pagsang-ayon ko na lamang.

“Pasens’ya na, Ginoong Huseng, ngunit, anim na buwan nawala si Binibining Helena rito sa ating bayan dahil sa nagtungo ito sa Maynila para ipalimbag ang kan’yang akda.” Paliwanag ni Lita.

“Ganoon ba, Lita,” gulat na wika ni Ginoong Huseng. “Patawad sa aking inasal, Binibining Helena.” Aniya sabay yuko.

“Okay lang ‘yon, Ginoong Huseng, hindi niyo kailangan humingi ng tawad.” Ani ko. Ngunit bigla akong hinawakan ni Lita sa kamay.

“Binibini,” mahinang anas niya. Doon ko lamang napagtanto sa aking sinabi kani-kanina lang.

Crap!

Tumawa si Ginoong Huseng. “Mukhang marami ang natututunan ni Binibining Helena, habang siya’y nasa Maynila.”

Napatawa na lang ako ng bahagya para itago ang katangahan na aking ginawa.

“Siya ngang anak ka ni Don Raul, kapwa kayo’y malawak ang kaalaman.” Wika nito.

Hindi ko alam kung isa ba ‘yong compliment o puna?

“Teka, sino nga ba si Señorito Joaquin?” Mabilis kong pagbabalik ng usapin namin para ma-divert muli roon ang usapan at hindi sa pananalita ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status