Share

UNLUCKY LUKE (Tagalog)
UNLUCKY LUKE (Tagalog)
Author: twtl_trtd

CHAPTER 1

    "LUKE?" Umabot ng ikalimang tawag at saka pa lamang naagaw nang tuluyan ni Ethan ang atensyon ni Luke. Nakatulala ito sa isang tabi at halos hindi makausap. Nag-aalala siya para sa kaibigan. Hindi madali ang pinagdadaanan ni Luke ngayon.

Mula sa pagkawala ng foster parents nito hanggang sa scholarship grant na unti-unting nag-ba-bye-bye, alam niyang dapat ngang maging aligaga ito. Gayunpaman ay hindi niya maiwasang mainis sa pagkakataon. Bakit ngayon pa at bakit kay Luke pa ito nangyari? Hindi nito deserve ang patong-patong na kamalasan!

"Luke, kanina pa tayo wala sa klase ni Ma'am Geneva pero hanggang ngayon nakanganga ka pa rin."

"Oh," usal ni Luke, "I'm sorry."

Umiling si Ethan at itinuro ang malapad na plaza ng kanilang campus. "Gusto mong mag-warm up? Alam ko may tatlong oras ka pa bago 'yong sideline mo sa burger shop."

Kaagad na umayos si Luke nang banggitin niya ang pagtakbo. Marahas itong umiling. "Huwag na. Okay na `ko, Ethan."

Ngumisi si Ethan. "Ayaw mo lang mag-exercise, e."

Nagkibit-balikat si Luke subalit maging ito rin ay napatawa. Saglit na nawala sa kaniyang isip ang problema patungkol sa darating na interview mamayang hapon. Iyon ay para sa kaniyang ikalawang trabaho—ang pagiging babysitter.

Hindi na bago kay Luke ang trabahong ganoon. Naging waiter na siya minsan, salesman kung maaari at hardinero tuwing Sabado noong nabubuhay pa ang kaniyang foster parents. Kinailangan niya kasing suportahan ang mag-asawa dahil matatanda na ang mga ito kaya naman natuto siyang maging praktikal.

Hindi siya kinakabahan sa magiging gawain at kung gaano ito kabigat. Kinakabahan siyang harapin ang taong rason kung bakit namaalam nang maaga ang kaniyang mga 'magulang'.

Hindi naging mabait ang mga ito sa kaniya ngunit sila na lamang ang mayroon siya. Inubos pa noong pamilya ng taong iyon.

Pagkatapos ng lahat, ito pa ang kaniyang magiging amo. Pagsisilbihan pa niya ito.

"Ethan, mauna na 'ko sa `yo. May gagawin pa `ko."

Suminghap ang lalaki. "H'wag mo sabihing tutuloy ka pa rin sa pag-bi-babysit, ha, Luke?"

"Para namang may choice ako." Napapikit si Luke dahil sa pag-aalangan na nadarama. May parte sa kaniya ang nakakaramdam ng kaunting pag-iimbot. Nais niyang makaganti, kahit kaunti man lang.

"Luke, kung wala ka ng budget, h'wag kang mahihiyang lumapit sa 'kin. `Yong mga kasamahan ko sa basketball, mapagbigay sila."

Wala sa oras na napamulat si Luke. 'Mapagbigay nga, ayaw naman nila sa mga binabae! Huwag na lang.' Isa pa ay ayaw niyang magkautang sa ibang tao ngayon. Sa haba ng listahang naiwan sa kaniya, ayaw niyang madagdagan pa ang mga pangalan doon.

"Sige. Sasabihan kita, Ethan," sabi niya nang may kaunting pagngiti. Nakita niya kung paano bumuntong hininga ang kaniyang kaibigan kaya alam niyang hindi niya ito napapaniwalang hihingi siya ng tulong kapag kailangan. Kung mayroon man siyang isang bagay ngayon na hindi niya hahayaang maubos, `yon ay ang dignidad. "Una na 'ko, ha."

"Tigas pa rin talaga ng ulo mo, Luke."

Mahigpit ang hawak ni Luke sa strap ng kaniyang backpack. Malalaki ang hakbang na binagtas niya ang silahis ng papalubog na hapon palabas ng kaniyang paaralan. Isa siyang studyante ng kolehiyo ngayon sa ikatlong taon. Kurso niya ay ang segundaryang pagtuturo ng Ingles. Hindi naging madali ang paglalakbay niya upang makaabot sa taong ito. Ngayon hindi niya alam kung maitatawid niya pa ba ang sarili sa pagtatapos.

May isang taon pa siyang gugugulin nang mag-isa.

Matapos maglakad ng iilang minuto, agad niyang narating ang eskenita kung saan siya kasalukuyang nakatira. Noong mawala ang kaniyang mga magulang, nawala na rin ang bahay na kaniyang dati'y tinitirahan. Naninibago siya sa buhay kung saan laging maingay, mabaho at kung minsan pa ay may away. Hindi niya matagalan ang ganito pero wala siyang ibang pagpipilian sa panahong ito.

Hindi siya maigagapang ng pagiging maarte. Kailangan niya ngayon ay pang-unawa sa sariling kakayahan. Na hindi niya dapat sisihin ang sarili sa mga pagbabagong hindi naman niya inasam.

Ang mga trahedya ay…sadyang dumarating nang surpresahan. Hindi kaaya-aya.

 

Pumasok si Luke sa isang maliit na barong-barong. May butas man ang bubong ay maayos naman ang bawat pader at sahig ng bahay. Ipinaayos niya na ang kaniyang higaan, saka na ang bubong dahil sa isang taon, minsan lang kung ulanin ang kanilang syudad.

Sa silid ay may kaliitang espasyo. Iyon na ang kaniyang tulugan. Sa gilid ay ang kusina, sa labas ay kinailangan niyang makipila para gumamit ng banyo.

Bumuntong hininga si Luke at nagpasyang maghanda na para sa kaniyang job interview. Isinuot niya ang isang simpleng t-shirt at ang pinakamaayos niyang maong. Matapos isuot ang kaniyang kulay puting jacket ay ikinabit niya naman ang puting cap bilang panlaban sa gitna ng init dahil maglalakad siya papunta ng subdivision.

Naghanda siya ng isang tasa ng kape at malamya iyong sinimsim bago umalis ng bahay. Dala niya ang kaniyang I.D. at clearances na kaniyang kinuha noon pang nakaraan. Wala pang trenta minuto mula noong makarating siya ng bahay ay papaalis na siyang muli.

Binata man ay kung kumayod para bang may tatlong anak at sugarol na asawang sinusuportahan. Ganoon siya kung ilarawan ng kaniyang mga kapitbahay.

Hindi niya ininda ang mga tsismis at paratang sa kaniya ng mga matatanda. Mas malubha pa ang natanggap niya kaysa sa mga salitang iyan noong araw na pinili niyang aminin sa lahat na hindi siya kailanman magkakagusto sa mga babae.

Ang malutong na salita ay hindi tumatalab sa kaniya. Mas masakit pa rin ang matunog na pambubugbog.

Mabilis na nakarating si Luke sa subdivision kung saan nakatira ang kaniyang magiging amo. Ang nagpabagal lamang sa kaniya ay ang gwardyang ayaw siyang papasukin.

"Manong, totoo po. Heto po ang I.D. ko. Talaga pong may naghihintay sa akin sa loob."

Mariing umiling ang mama. "Walang ibinilin si Sir Logan, bata. Isa pa, sinong matino ang kukuha ng isang babysitter na gaya mo? Lalaki ka at ikalawa, 'yang hitsura mo mukhang hindi nag-aalaga ng bata. Mukhang ikaw 'tong aalagain, e!"

Umawang ang bibig ni Luke. Makailang beses siyang napakunot-noo sa kawalan bago nagpasyang sabihin, "Puwede n'yo ho bang tawagan si Sir Logan? Sabihin n'yo po sanang nandito na 'yong mag-a-apply na babysitter, o. Luke Cabrera ho ang pangalan."

Ilang sandali pang pamimilit bago tuluyang tumango ang matanda. "Sige, tatawagan ko si sir. Dito ka lang."

Nakahinga nang maluwag si Luke. Inalis niya ang cap na suot at ipinamaypay iyon sa sarili. Hindi siya pinagpawisan sa paglalakad pero takaw enerhiya naman ang makipag-usap sa bantay.

Malalaki at magagarbo ang bahay na kaniyang nakikita. Akmang akma para sa mga taong gustong bumukod at magkapamilya. May puting bakod, konkreto't pula ang bubong. Ito ang dream house ni Luke. Isang komportableng tahanan, maalagaing asawa at mabubuting mga anak—kung papalarin.

Napakaimposible na ng bagay na iyon.

Sa ngayon, kahit isang tao lamang na uuwian ay wala siya.

"Luke!" Sumenyas ang guwardiya. "Nasa 047 ang bahay ni Sir Logan. Dumiretso ka rito tapos kapag nakita mo 'yong bahay sa pinakadulo, kumatok ka ro'n."

"Salamat, manong!"

Alanganing ngumiti ito. "Sus! Kuya Roger nalang. Tutal dito ka naman siguro magtatrabaho."

Napahalakhak si Luke. "Gagalingan ko ho sa interview para matanggap ako."

'Napakabilis namang magbago ng damdamin no'ng guwardiyang 'yon!' Ibinalik ni Luke ang cap sa ulo bago muling sumalang sa paglalakad.

Habang nasa daan, sinanay ni Luke ang sarili sa pagsagot sa mga posibleng mahihirap na tanong. Ginalugad niya ang isip upang makahanap ng trick para mapalapit agad sa mga bata para piliin siya ng mga ito. Dalawang bata ang kaniyang aalagaan. Ang isa ay otso anyos na lalaki, at isang limang taong gulang na babae.

Hindi pa niya nakikita ang mga ito subalit i-ni-magine niya ang hitsura nito base sa mga batang nakikita niya sa kalsada. Ano kaya ang posibleng magustuhan ng mga ito?

Dumako ang paningin ni Luke sa hardin ng isang partikular na bahay. Puno iyon ng makukulay na bulaklak. May asul, pula at kulay dilaw. Hindi niya alam kung ano ang gustong laruan ng mga bata ngayon pero hindi naman siguro siya magkakamali sa pagpili ng mga makukulay na bagay.

Nagdadalawang-isip si Luke sa pag-abot ng kahit isang tangkay ngunit nang maalala niya ang tyansang baka magustuhan ito ng mga bata at mapili siya ay tigda-dalawang piraso niya itong dinampot.

Mayamaya pa ay may isang bugkos ng bulaklak na dala si Luke, desididong naglalakad papunta sa bahay na sinabi noong guwardiya. Ilang sandali pa ay nakaharap na niya ang puting-puting bakod ng tahanan.

Ito ang pinakasimple sa lahat. Walang kabuhay-buhay ang malawak nitong lupa sa harapan—walang halaman o kahit anong indikasyon na may batang nakatira sa loob. Binasa niyang muli ang numerong nakalagay sa gate bago napalagay. Tama ang kaniyang pinuntahan.

Buong lakas na pinindot ni Luke ang doorbell, umaasang kapag mas madiin ay mas malaki ang porsyentong siya ay matanggap.

Matapos ang ilang kalabog at sigawan galing sa loob ng bahay, lumabas ang isang malaking mama mula sa pinto.

"Travis, stop!" daing nito. May isang bata sa edad na otso anyos ang nakapulupot sa leeg ng lalaki. Ang kaliwang binti ay may nakakapit na batang babae. "Tama na. Okay, okay. We'll see the babysitter—ouch! Travis, stop biting!"

"Uncle Logan, pupunta tayo ng beach?" tili ng batang babae.

"No, sa gate tayo pupunta at pagbubuksan 'yong tao."

"Uncle Logan is such a bore."

"I know, right." Humagikhik ang batang babae sabay aktong lumingon sa direksyon ni Luke. "Oh, my! We have a visitor!"

Sa wakas ay narating din ng lalaki ang gate dala-dala pa rin ang mga bata sa kaniyang katawan. "Glad you noticed it, Tanya—" Pinagbuksan siya nito. "—Luke Cabrera?"

Napahugot ng hangin si Luke. Halos tingalain niya ang lalaki dahil sa mas matangkad sa kaniya ito ng isang dangkal. "Yes po, sir?"

"Ah, sorry about this." Inayos ng lalaki ang tumabinging salamin sa mata bago pinababa ang bata sa likuran nito. "Ako si Logan Caraig. This is Travis, ito naman si Tanya."

"Hi!" bati ng batang lalaki. Ngumiti lamang si Tanya kay Luke bago nagtago sa likod ni Travis.

"They're my niece and nephew. Luke Cabrera, 'yong mag-a-apply na babysitter nila, tama?" tanong nito. May kaunting ngiti sa labi ng lalaki ngunit lubhang malamig kung makatingin.

"He's our new playmate?" aktong gulat na gulat na ani Travis. Napahagikhik muli si Tanya sa kapatid.

Nakaramdam ng pagkailang si Luke. Hindi maganda ang pakiramdam niya sa bungisngis na iyon. Hindi na bago sa kaniya ang mga batang pilyo. Pinilit niyang ngumiti bago mabilis na itinago ang bulaklak sa kaniyang likuran. "Ah, yes. Hi, kids! Ako si Kuya Luke ninyo."

Habang nagpapakilala si Luke, sa kamay niya nakatingin si Logan. Halos panuyuan siya ng lalamunan noong makita ang mariing tingin nito sa kaniyang pinamitas na bulaklak. Mas lalo niyang isiniksik sa likuran ang kaliwang kamay na hawak ang mga halaman.

"Wait, 'yan 'yong halaman ni Lola Selma, ah!" bulalas ni Travis. "Uncle Logan, see? Ito 'yong halaman ng ugly witch!"

"Travis, stop," agap ni Logan sa pamangkin. "Stop calling her an ugly witch." Ibinaling nito ang tingin sa kaniya sabay sabi, "Bakit mo 'yan pinitas do'n?"

Suminghap si Luke. "Ah—"

"Sorry. Hindi ako komportable kung ikaw ang magbabantay sa mga pamangkin ko." Umiling si Logan. "You can go."

Imbes madismaya ay nakahinga si Luke nang maluwag. Nagkamali siya. Hindi niya kakayanin ang ganitong trabaho. Una, masyado pang bata ang mga babantayan niya at hindi iyon akma. Ikalawa at higit sa lahat, mukhang istrikto ang kaniyang magiging amo.

'Ito 'yong lalaking 'yon…' Natigilan si Luke. Naaalala niya ang namomroblemang expresyon ng kaniyang Nanay Belinda at ang pagmumura ng kaniyang Tatay Ben. Sumaglit sa kaniyang isipan ang mukha ng mga ito bago bawian ng buhay na may sama ng loob na dinaramdam.

Namatay ang mga ito na hindi payapa ang puso.

Napadako kay Logan ang kaniyang paningin at hindi niya mawari kung ano dapat ang kaniyang reaksyon. Gusto niyang magalit dito. Gustong gusto. Kailangan niya rin ng pera. Ito ay perpektong pagkakataon.

Iba ang nakita ng batang lalaki sa kaniyang ekspresyon. Sa isip nito ay labis siyang nalungkot sa desisyon ni Logan kaya naman nagmadali ito sa pagpigil sa papaalis na tiyo. "Uncle Logan, gusto ko siyang kalaro."

"What?" Pinandilatan ito ni Logan. "Travis, no."

"Gusto ko po siyang kalaro." Travis pouted. "Pretty please?"

Namilog ang mga mata ni Luke. Sumentro sa batang lalaki ang kaniyang mga mata. Nagbago ang kaniyang isip. Ang batang ito ay hindi pasaway at napakabait. Hindi pilyo at napakakyut. Gugustuhin niya itong alagaan!

Ngumiti si Luke rito at nag-thumbs up. Noong mag-angat siya ng tingin, nakasalubong niya ang naghahamon na mga mata ni Logan. Mas pinalawak ni Luke ang kaniyang ngiti hanggang sa wala ng nagawa ang lalaki kundi ang mag-iwas ng tingin.

Napakababaw subalit nakaramdam siya ng kaunting pagwawagi.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status