Share

HARA CHAPTER 4

Unang gabi sa hacienda at hindi makatulog ang dalaga.  Naisipan niya kaninang lumabas ng silid para magpahangin. Nakita niya si Mia na papalabas ng mansyon kaya sinundan niya ito. Ilang sandali pa ay tumigil ito sa may puno ng manga. Naabutan niyang kausap nito si Xandro. Gusto niya sanang makipagkwentohan sa pinsan niya pero dahil sa binata ay padabog siyang pumasok na lamang ulit ng mansiyon.

"Ang lakas ng loob ng lalaking iyon na asarin ako. Sampid lang naman siya rito."

“Hindi ka ba makatulog iha?” tanong ng lolo niya na naabutan niyang nagkakape sa sala.

“Gusto ko lang po sanang magpahangin lolo kaya lang sobrang lamig sa labas kaya pumasok na lang ako ulit. Gabing-gabi na iyang pagkakape mo ah. Hindi mo dapat yan ginagawa lolo. Mahihirapan kang makatulog niyan.”

“Naku itong batang ito. Hindi ako lalo makakatulog apo kapag hindi ako nakapagkape. Hinahanap-hanap na ito ng katawan ko.”

“Sana nagbabasa ka na lang po ng mga libro bago matulog.”

“Hara, bisyo na iyan ni lolo. Hindi namin mapigilan iyan. Mabuting andito ka na baka sakaling makinig iyan sayo,” mabining sabi ni Mia na kakapasok lang din. Kasunod ito ni Xandro na nakangiti naman sa kaniya.

“Anong nginingiti-ngiti mo diyan? Parang nakakaloko ka ah!” Mataray niyang sita sa binata.

Inilagay ng dalaga ang kamay sa bewang niya dahil mainit talaga ang ulo niya sa preskong lalaking ito. Masyadong feeling close na ang lalake at naiinis siya.

“Don Ernesto, hindi n'yo po nasabi sa akin na may apo po pala kayong parang leon sa tapang. Kanina sa talon gusto na akong lapain niyan.” Umupo ang lalake sa tabi ng lolo niya. Pinandilatan niya ito ng mga mata dahil baka kung ano pa ang masabi nito.

“Aba! Sino ba iyang ulopong na iyan lolo at kung umasta akala mo isa ring Del Puedo?”

“Hara, mula ngayon ay siya ang magiging body guard mo. Huwag mong awayin si Xandro. Mabait na bata iyan. Tingnan mo sila ni Mia, magkasundong-magkasundo sila. Bawasan mo muna apo ang katarayan mo ha,” malumanay na sabi ng lolo niya.

“Ayaw ko ng body guard lolo. Andiyan naman si Klein, Kuya Ryan, si Mia at iba pang kamag-anak natin. Hindi nila ako pababayaan. Isa pa, kapag may body guard ako ay ibig sabihin lang noon ay takot pa rin ako hanggang ngayon. Kaya ko na po ang sarili ko.”

“Oo nga lolo, siguro naman ay hindi na mauulit ang nagyari five years ago,” wika ni Mia.

“Mabuti ng nag-iingat tayo mga apo. Si Xandro ay parang kamag-anak na rin natin. Mapagkakatiwalaan mo siya Hara.”

“Ako lang ba ng may body guard? How about Mia? Pwede bang iba na lang lolo huwag na po siya?”

“Ikaw lang Hara kasi ikaw lang ang saksi sa naganap noon. Hindi naman nanganib ang buhay ng mga pinsan mo kahit kailan.”

“Nakakulong na po ang salarin lolo,” protesta ng dalaga. Ayaw niya talagang may nakabuntot palagi sa kaniya. Hindi siya sanay na trinatratong parang espesyal. Ang Hara Del Puedo na kilala ng lahat ay isang babaeng hindi umaastang mayaman. 

“Kahit na apo. Gusto ko pa ring matiyak ang kaligtasan mo.”

Alam ni Don Ernesto kung gaano katigas ang ulo ni Hara ngunit para sa kaligtasan ng dalaga ay desidedo itong gawing bodyguard n'ya si Xandro. Ang ikinaiinis lalo niya ay ang hindi pagtanggi ng binata. Mukhang masaya pa ito na bantayan siya.

“Hmmp! Sige na nga po lolo. Alam ko namang wala akong magagawa.” Sinulyapan niya ang binata sa katabi ng lolo niya. Mas lumapad pa lalo ang pagkakangiti nito sa kaniya kaya lalong inalibadbaran ang dalaga.

“Mia ito bang boyfriend mo may sayad?” Bulong ni Hara sa pinsan niya. Napangiti naman ang katabi niya.

“Lolo, maiwan na namin kayo diyan ni Xandro. Magkwe-kwentohan muna kami nitong si Hara.” Paalam ni Mia sa lolo nila sabay hawak sa braso niya at dinala na siya sa taas ng mansiyon.

Madaling araw na nang bumalik ang dalaga sa kaniyang silid. Napahaba kasi masyado ang kwentohan nila ng kaniyang pinsan.

"Makakatulog kaya ako nito?" tanong ng dalaga sa kaniyang sarili. Sari-saring emosyon ang lumukob kay Hara pagpasok niya sa madilim na silid. Gustong tumulo ng luha ng dalaga ngunit pinipigilan niya ito.

 Pagkuwan ay nagtungo siya sa banyo at naglinis ng kaniyang sarili. Gusto niyang mapreskohan nang sa gayon ay makatulog siya kaagad. Pagkatapos magbihis ng pantulog ay kinuha niya ang kaniyang bible. Habang nakahiga ay binasa niya ito para kumalma siya. Sa loob ng maraming panahon, bibliya ang naging karamay niya.

“Ang ganda talaga ng umaga kapag ganito ang una kong makikita.”

Napaidtad ang dalaga ng marinig niya ang tinig ni Xandro pagbukas niya ng pinto. Hindi niya alam na katapat ng kwarto niya ang silid na tinutulugan nito.

“Ang sama naman talaga ng araw kapag unggoy kaagad ang unang makikita ko,” ganti niya sa binata.

“Unggoy? Kung unggoy ako, ano ka? Ah alam ko na, sabi nila gusto mo raw magmadre. Kaya pala hindi ka tinanggap kasi ang sungit mo. Leon ka, leon.”

“Hoy lalake! Wala kang alam kaya itikom mo iyang bibig mo. Sasamain ka talaga sa akin.”

“Oy namumula na ang pisngi niya. Lalo kang gumaganda mahal kong senyorita kapag nagagalit ka. Alam mo bang hindi ako nakatulog kagabi dahil naaalala ko yung nangyari sa talon.”

“Tumigil ka! Sisiguradohin kong bago ako bumalik sa convient ay mapapalayas ka rito! Sinisira mo ang araw ko!”

“Kahit minsan wala pa akong sinirang araw o buhay senyorita. Ewan ko lang ikaw.”

“Anong ako? Kung pagsalitaan mo ako akala mo kung sino kang…”

“Ang aga-aga. Ano bang ingay iyan?”

Nagulat pa ang dalawa ng makitang lahat ng pintuan sa palapag na iyon ng mansiyon ay nakabukas  na at nakatingin sa kanila ang mga kamag-anak ng dalaga. Nakalapit na rin ang matandang Del Puedo nang hindi nila namamlayan.

“Hara, may problema ba apo?”

“Wala po lolo. Sorry po.” Yumuko siya dahil nahihiya siya sa matanda.

"Xandro, may problema ba?”

“Wala po Don Ernesto. Binati ko lang naman po ang apo ninyo ngunit nagalit siya.”

Nanlaki ang mata ng dalaga sa tinuran ng binata. ‘Ang walang-hiyang ito. Ipinahamak pa ako,’ ngunit hindi na lang tumugon ang dalaga.

“Pagpasensyahan mo na si Hara. Magkaiba ang ugali nila ni Mia pero mabait iyan. Sa katunayan nga ay mahal siya ng mga trabahador dito.”

Pagkasabi noon ay pumasok na ulit ang matanda sa kwarto niya gayun din ang iba pa nilang mga kamag-anak. Ang binata naman ay kinindatan siya sabay ngumiti ng ubod tamis bago tumalikod at naglakad na pababa ng mansyon.

Sa sobrang inis ng dalaga ay patakbo niya itong sinundan. At walang ano-ano ay sinipa niya ito sa alak-alakan dahilan upang mawalan ito ng balanse. Tumawa ng tumawa ang dalaga. Gulat na gulat kasi ang lalake sa ginawa niya kaya hindi maipinta ang mukha nito.

Hindi siya papayag na ang isang ampon lamang sa pamilya ang magpapahiya sa kaniya sa mga kamag-anak niya. Kahapon pa niya tinitiis ang kawalang respeto nito. Wala siyang pakialam kung boyfriend ito ng pinsan niyang si Mia.

“Kailan ka pa naging sadista Hara?” Nakita niya ang galit sa mukha ng kaniyang lolo ng mga sandaling iyon. Nakasunod pala ito sa kanila at hindi niya namalayan.

“Binibiro ko lang po siya lolo,” nakangiting sabi niya tsaka mabilis na bumaba ng hagdan.

"Ayos may pagkakatuwaan ako rito. Hindi yata ako maiinip nito," mga katagang naglalaro sa isip ng dalaga.

Habang nag-aalmusal sila ay tahimik lang ang dalaga. Galit ang lolo niya at ramdam niya iyon.

“Hara, anong plano mong gawin dito sa hacienda?” pagkuwan ay tanong ng kanyang papa.

“Ayaw ko muna magtrabaho papa. Gusto ko munang namnamin ang kalikasan.  Isa pa, gusto kong pabuksan ulit ang kaso natin. May mali kasi doon. Alam kong hindi pa talaga natin nakukuha ang hustisya.”

Napanganga ang mga taong nakapalibot sa hapag. Lahat ng mga mata ay napadako sa kinaroroonan ng dalaga. Maging si Xandro ay napamaang sa kaniya.

“Gusto kong makatulong Hara,” mabilis na wika nito.

“Hindi! Tapos na ang bagay na iyan. Sarado na ang kabanata na iyan ng buhay natin Hara. Makakaladkad na naman ulit ang pangalan natin sa eskandalo.” Matigas na pagtutol ng Tito Fausto niya. Ito ang panganay na anak ni Don Ernesto at siya namang ama ni Mia.

“Kung gagawin mo iyan Hara mas makakabuting magmandre ka na lang talaga,” pabirong sabi ni Mia.

“Mga kontrabida kasi kayo.” Natatawang sagot ng dalaga para gumaan ulit ang mood sa hapag-kainan. Alam niyang sensitibong bagay ang binuksan niya.

"Bakit nga ba ako umuwi pa rito? Itutuloy ko ba ang plano ko o magmadre na lang ako at kalimutan na ang lahat?" mga tanong sa isipan ni Hara na hindi niya alam ang kasagutan sa ngayon. Siya man ay nalilito pa rin kung tama bang ungkatin pa ang kahapon o tuluyan na lang itong ibaon sa limot. 

Mga Comments (5)
goodnovel comment avatar
Claudia Rico
kung Ang pakiramdam mo may Mali Hara bakit Hindi mo buksan muli Ang kaso
goodnovel comment avatar
Jenifer Padallan Mendoza
kung pakiramdam mo me mali bakit dimo pabuksan talaga ang kaso
goodnovel comment avatar
Andrea
ang saya......ang kulit ni hara at xandro.........lahat ng kilala qng madre magaganda talaga kaya ikaw hara pasok na pasok k...️...️...️
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status