Share

Chapter 2

"Baa baa black sheep, have you any wool? Yes sir, yes sir, three bags full." Tuwang-tuwa ang mga bata na sumasabay sa nursery rhyme na halos apat na beses kung ituro ni Ruth sa kanila sa loob ng isang linggo.

"Ma'am Ruth, nagugutom na po ako, tama na po 'yan." Hila ni Hannah sa skirt na suot niya. Napangiti siya sa bulol na tono ng bata, namumula ang pisngi at nakatulis na mga labi.

"Hannah, kakatapos lang ng break time," sabi niya. "Balik na sa upuan." Binuhat niya ito pabalik sa puwesto niya.

"O isa pa ulit," sambit niya sa mga bata kaya nagumpisa na naman ulit silang kumanta, kahit umay na umay na siya ay hindi siya nakakaramdam ng pagod. Ang liliit nila, ang kukulit at napakabibo. Hindi lubos maisip ni Ruth na pipiliin niya ang ganitong propesyon.

Pagdating niya sa faculty matapos ma-dismissed ang klase ay napabagsak siya sa swivel chair, napasandal sa pagod.

"Ang mga bwisit na grade four na iyan, nagsisipag-akyatan na naman sa bakod para magsitakas!" galit na galit na sabi ni Mrs. Rodriguez. Fifty-eight years old na rin si Mrs. Rodriguez, nakasalamin at puti na ang kulot nitong buhok.

"Kalma lang po kayo, ganiyan talaga ang mga bata," payo ni Ruth dito na bahagyang natatawa.

"Hay naku Ruth hija, araw-araw ba namang hawakan ang ganiyan katitigas na ulong mga bata tiyak na mamumuti pa ang buhok mo kaysa sa'kin," iiling-iling na sagot nito saka humarap sa lamesa niya at nag-check ng mga test papers.

Napangiti na lamang ang dalaga saka humarap na rin sa table niya. The same Garfield after seven years, nakabusangot pa rin ang staff toy na ito sa lamesa niya.

"Ruth, magandang balita!" Napalingon siya sa malakas na boses na bumungad mula sa pinto ng faculty.

"Congrats Tina hija, narinig ko na rin ang balita!" Napalingon si Mrs. Rodriguez sa kanya.

"Thank you ma'am!" sagot niya na malawak na malawak ang ngiti, habang hindi magkandaugaga na makarating kay Ruth. Naupo siya sa table niya katabi ng dalaga.

"Finally!" hiyaw nito na napapasalikop ang dalawa nitong palad. Napangiti si Ruth, mukang good news nga dahil sa kilos nito. "Nalipat na ako sa isang sikat na university sa Maynila, doon na ako magtuturo!"

Nanlaki ang mga mata ni Ruth. "Talaga?!" Tumango ito kaya pareho silang tuwang-tuwa na napayakap sa isa't isa. "Makakaalis na rin ako sa lugar na ito," bulong niya na tila nakahinga ng maluwag.

Pinagmasdan siya ni Ruth, naalala niya ang sarili mula rito. Kung gaano niya kagustong umalis at lumayo sa lugar na ito noon, napangiti na lamang ang dalaga. Sandaling napawi ang tuwa ni Tina ng mapaisip. "Kaya lang, magkakalayo na tayo. Ikaw naman kasi ilang beses ka na inalok na magtrabaho sa Maynila hindi mo naman tinatanggap," aniya.

Inilapag niya ang libro sa table niya, maski iyon ay nakalimutan niyang nasa kandungan niya pa dahil sa tuwang naramdaman kanina. Kumuha si Tina ng mug at nagtimpla ng instant coffee. Hindi siya sinagot ni Ruth, muli niyang binalingan ang stuff toy sa table niya. Dapat siguro ay labhan niya na rin ito, isang linggo niya na itong yakap-yakap sa higaan at dala-dala dito sa school ng walang laba-laba.

"Dahil pa rin ba sa kanya?"

Napatigil si Ruth. "Ilang taon na rin, Ruth." Napayuko siya dahil sa pagpapaalala ni Tina. Tama siya, ilang taon na nga rin.

"Kung hindi pa rin siya nagpapakita edi ikaw na ang magpakita sa kanya." Tina sips her coffee. Napaaray pa ito ng mahinang mapaso dahil sa init ng kape.

"Tina," tawag ni Ruth dito. Napabaling si Tina sa kanya, hinihintay ang susunod niyang sasabihin. Ilang segundo pa ang lumipas bago nakuhang muling magsalita ni Ruth.

"May klase ka pa, hindi ba?" pagpapaalala niya rito kaya naman nataranta si Tina. "Why the hell I even take a coffee break?" bulong nito habang isa-isang pinupulot ang mga gamit sa susunod niyang klase.

Mas kabisado pa ni Ruth ang schedule ni Tina dahil sobrang makakalimutin ito. "I'll see you later sa bahay," paalam nito saka nagmamadaling lumabas ng faculty.

Napapailing na lang si Ruth ng bumalik pa si Tina ng mamalayang magkaibang pares ng sapatos pala ang naisuot nito. Nagpaalam na rin kalaunan si Mrs. Rodriguez. Naiwan siyang muli na magisa. Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya. Ilang taon na nga at na saan na ba ito?

Alas-otso ng gabi, animo'y binibilang niya ang mga sasakyan na dumaraan sa tulay. Napayakap siya sa sarili nang humampas ang malamig na hangin.

Isinara na ng mga pulis ang isang bahagi ng tulay at ang isang linya na lamang ang nadaraanan ng mga tao, maraming nakikiusyoso para kuhanan ng litrato ang nangyaring aksidente.

"Kawawa naman yung lalaki sa kotse."

"Mabubuhay pa kaya 'yong babae?"

"Grabe, nawalan daw ng preno yung truck."

Naisakay na si Ruth sa ambulansya, napakaraming sugat at galos ang natamo nito. Samantalang sa loob ng ilang oras ay tagumpay ring nailabas ang lalaking sakay ng tumilapong sasakyan. Hinihingian ng pahayag ang driver at pahinante ng truck na nakabangga, nakaposas ang mga kamay nila at paulit-ulit na humihingi ng tawad.

Pinagmasdan ni Ruth ang tahimik na kalangitan, nilamon na ng dilim ang buong paligid. Nakabukas na ang mga ilaw ng tulay, maging ang mga ilaw ng mga kabahayan na tanaw mula sa kinatatayuan niya.

'Kung hindi pa rin siya nagpapakita edi ikaw na ang magpakita sa kanya'

Hindi pa rin nalilimutan ni Ruth ang itsura niya at ang mga pangako niya. Alam niyang darating din siya sa lugar na ito ulit upang tuparin ang pangako nitong babalikan siya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status