Share

Kabanata 7

What happened in 1995 

Pinagmasdan ko ang susing binigay sa akin ni Atty. Ocampo kahapon. Mukha lamang itong ordinaryong susi kung titingnan maliban lamang sa gintong letrang M

na naka ulit dito. Ang sabi ni attorney ay binigay ito ni Lola sa kanya dalawang buwan na ang nakalipas at maaari lamang itong mapunta sa akin kapag namatay na siya. 

Ang opisina ay malilipat sa pangalan ko tatlong buwan simula ngayon, ngunit ang pinagtataka ko lang ay bakit sa nag ngangalang Benedict Marshall nakapangalan ang bahay ni lola gayong kahit kailan ay hindi ko naman nakita ang taong iyon. Maging sa burol ni Lola ay hindi man lang ito nagpakita. Imposible namang hindi nito nabalitaan ang kamatayan ni Lola gayong nasa pahayagan ito at napabalita rin sa telebisyon.

Natigil ako sa pag iisip nang bumukas ang pinto ng sekretong kwartong ito at pumasok ang bagong ligong si Levi. Mukhang nagkaroon siya ng maayos na tulog kagabi dahil hindi na nagingitim ang paligid ng kanyang mga mata. 

 "Wala naman sa plano mo ang mag drop out sa school, ano?" aniya bago nilapag ang dalang bag at nilabas ang dalawang tupper ware at dalawang bottled water. 

"Inayos ko lang ang mga gamit ko sa bahay nila Gabby," pagdadahilan ko bago humugot ng malalim na hininga. 

Ang totoo ay natatakot akong pumasok dahil sa panaginip ko kay Gabby. Ayaw kong sumugal at mag baka sakaling hindi totoo ang panaginip kong iyon, at isa pa, kahit si Levi ay ganoon ang naging panaginip. Papatayin ko si Gabby sa hallway at alam ko sa sarili kong wala na akong kontrol sa sarili ko sa ngayon.   

"Hinanap ka ni Gabby sa akin kanina. Maaga ka pa daw umalis sa inyo." 

Now I'm busted. Buong araw lang talaga akong nandito sa opisina ni lola at naka-tunganga. Nasa akin na ang susi ngunit hindi ko pa rin nagawang buksan ang kabinet. Hindi ko alam, siguro ay natatakot lang ako na mag isang gawin ito.  

Hindi na ako sumagot kay Levi, bagkus ay lumapit nalang ako sa kabinet at kabadong pinasok ang susi doon.

Agad kaming nagkatinginan kami ni Levi nang bumukas iyon. Una kong kinuha ang kulang abong libro sa ibaba. Medyo luma na ito ngunit hindi pa naman sira.

"Diary rin siguro ito," sabi ko at binuksan sa unang pahina.

Cursive rin ang pagkakasulat ng bawat salita subalit nagsisimula sa petsa at lugar kung saan ito sinulat kaya imposibleng kay Lola Kristel ang isang ito.

July 15, 1995 Timog Cotabato, Pilipinas

   

 Nawa'y nag tagumpay kaming ikulong si Teodore sapagkat buhay ni Amelia ang kabayaran niyon. Hindi niya kinaya ang orasyon, dinugo siya. Wala sa amin ang nakakaalam na nagdadalang tao pala siya.  

     Hindi ko alam kung sinadya ba niyang ilihim sa amin iyon o talagang hindi lang din niya alam. Alam kong isusumpa ako ni Roman kapag nalaman niya ito. Palihim kong inilibing ang kanyang mga labi sapagkat mas mainam na manatiling lihim ang lahat ng nangyari ngayong gabi. 

     Alam kong hindi ako patatahimikin ng aking konsensya. Nais ko mang pagsisihan lahat ng iyon ay huli na ang lahat. Dadalhin ko hanggang kamatayan ang nangyari kay Amelia at ang inosenteng buhay sa kanyang sinapupunan.

July 26, 1995 Timog Cotabato, Pilipinas

     Isang malaking pagkakamali ang ginawa namin ni Amelia. Hindi epektibo ang orasyon dahil naisagawa pa rin ni Teodore ang ikalawang alay. Tama ako, naisagawa ang unang alay kay Amelia Somerheld. Hinukay ko ang kanyang bangkay kanina at nalaman kong may dumukot sa kanyang puso. Hindi naging epektibo ang pangil na kwentas sa kanya dahil hindi na siya berhen habang suot ito.

     Ang ipinagtaka ko lang ay bakit isang Tuazon ang naging ikalawang alay? Anong tinatagong lihim mayroon ang pamilyang iyon? Bukas ay luluwas ako sa kabilang bayan upang maghanap ng kasagutan sa aking mga katanungan.

July 30, 1995 Timog Cotabato

     Hindi ko alam na may nabuhay pa pala sa linya ng mga Delcan. Ang alam ko ay tuluyan nang nabura ang kanilang pamilya noong nag disesyong pumasok sa semenaryo si Christopher. Ang buong pangalan ng ikalawang alay ay Joana Grace Delcan Tuazon.

     Batid kong alam nila ang tungkol kay Teodore kaya tinago nila ang totoong pagkatao ng mga Delcan subalit huli na ang lahat, napatay pa rin ang panganay na babae sa kanilang pamilya.

     Balita ko'y ang kanilang bunsong anak ang nakaligtas sa bagsik ni Teodore. Dalawang taong gulang pa lamang iyon kaya dalangin ko ang kanyang kaligtasan. Nawa'y pag igihan ng susunod na henerasyon ang pagkukubli sa kanilang angkan upang hindi na maulit ang ganitong karahasan.

     Hindi na ako papayag na maganap ang ikatlong alay. Kailangan kong itakas si Caitlin at Zoe sa lugar na ito o kung hindi man, wala nang ibang paraan kundi ang patayin ang kanyang sisidlan bago pa man maisagawa ang ikatlong alay.

September 18, 1995 City of Nuevo Pacto 

     Dinala ako ng tadhana dito sa Nuevo Pacto. Pagkatapos ng nangyari noong huling linggo ay pakiramdam ko isa akong patay na lumalagi pa sa mundo ng mga buhay. Gulong-gulo ang isip ko ngayon. Gusto ko nalang mamatay.

     Lahat ng mga taong nais kong protektahan ay nawala na sa akin. Nag tagumpay si Teodore na tapusin ang tatlong alay, pinatay niya si Caitlin habang namatay naman sa sunog si Zoe habang nanganganak sa bahay nito. 

     Naganap na ang ikalabin-isang alay. Natatakot ako sa kinabukasan ng pamilyang Somerheld, Marshall at Declan. Natatakot ako kapag tuluyan nang mabuhay muli si Teodore.

     Ngunit kung namatay nga si Zoe at ang anak nitong si Benedict sa sunog, maaaring katapusan na ng linya ng mga Marshall. Wala nang magiging sisidlan si Teodore para sa pinal na alay. 

     Kailangan kong makausap si Kristel sa lalong madaling panahon. Dinig ko ay nandito rin siya sa Nuevo Pacto. Hindi ko maintindihan kung bakit niya kami iniwan sa kabila ng ganitong kagulong sitwasyon ngunit tiyak kong may malalim siyang dahilan.

Natigil ako sa pagbabasa at hinarap si Levi. Hindi ko na napigilan ang sunod-sunod na pag bagsak ng aking mga luha. Maraming tanong na tumatakbo sa isip ko ngunit walang lumalabas sa aking bibig.

Ayaw kong mag salita, ayaw ko sa mga naiisip ko ngayon. Ayaw i proseso ng utak ko ang mga nalaman ko ngayon. 

Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko na pakiramdam ko ay maging utak ko ay magagawa nitong pasabugin. 

"Somerheld, Marshall at Delcan..." pabulong na sabi ni Levi na tila ba may nag mamasid sa amin. Titig na titig siya sa akin na tila ba nang-huhusga ngunit mas lamang ang takot sa mukha niya.  

Tumango ako, marahil pareho kami ng iniisip sa ngayon. Maaaring ako ang sisidlan na tinutukoy dito at si Teodore ang aninong nakikita ni Levi.

This is crazy.

XxXCGTXxX

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status