Share

Chapter 3

Ava Sofia's POV

"Lintik kang bata ka! Bakit tulog ka pa?!" 

Napabalikwas ako ng bangon nang maramdaman ang malamig na tubig na tumapon sa akinat makarinig ng malakas na sigaw.

"N-Nay!" Napasigaw ako at gulat na gulat sa nangyari. Nakita ko pang hawak ni Nanay ang isang tabo na naglalaman ng pinambuhos niya sa akin. Nahilamos ko ang mga kamay sa  aking mukha. 

"Ayan! Buti naman at nagising ka na! Sinabi kong maaga ka magising para makapag-igib pero anong oras na at tulog ka pa rin! Tulog mantika! Wala talaga kwenta!" sigaw niya.

Napapikit pa ako ng ibato niya ang tabo at tumama iyon sa cabinet na nasa kwarto ko. Dali-Dali akong bumangon at tinanggal ang bedsheet at punda ko na nabasa. 

"Walang kwenta! Bilisan mo at mag-igib ka!" 

Hindi na lang ako kumibo sa sigaw niya at napansin ko ang paglabas niya ng kwarto ko. Napatingin ako sa orasan at nakita kong alas otso na ng umaga. 

Kinuha ko ang isang unan, binuksan ang zipper ng punda para kunin ang phone ko at tiningnan kung meron bang texts or emails. Buti na lang at after lunch pa ang pagpunta ko sa building kung saan andoon ng iinterviewhin ko. Mabilis ko ring kinuha sa punda ang wallet ko at binilang ang laman no'n. Napabuga ako ng hangin nang makitang kompleto iyon. 

Kinuha ko na lang ang dalawang libo at limandaan, isinuksok sa bulsa ko ang phone at wallet. Nagpalit muna ako ng pang-itaas at lumabas na ng kwarto ko na dala-dala ang nabasa dahil sa pagkakabuhos ni Nanay. Habang pababa ng hagdan ay dinig ko ang pagtalak niya. 

"Wala na ngang iniwan sa akin ay iniwanan pa ako ng walang kwentang bata!" Nilagay ko sa isang basket 'yung dala ko at lumapit kay Nany sabay abot nung dalawang libo. 

Agad namang nagliwanag ang mata niya pagkakita no'n at nabasa pa niya ang daliri bago bilangin. Dumaan naman ang pagkadismaya sa mukha niya nang mabilang 'yung inabot ko. 

"Bakit dalawang libo lang?" 

"Kakabigay ko lang po sa'yo nung isang araw ng tatlong libo," malamig kong sambit at tinalikuran siya para magsipilyo at hilamos sa banyo. 

"Syempre gumagastos ako kaya nauubos!" narinig ko pang sambit nito nailing na lang ako at hindi siya pinansin. Kinuha ko muna ang dalawang timba at lumabas ng bahay. 

Gumagastos daw siya, eh alak naman lagi niyang binibili at pinangsusugal. Ako naman nagbabayad ng ilaw, tubig, at saka nabili ng kinakain niya. Tinalo pa niya 'yung madaming gastusin kung manghingi. Halos lingo-linggo ko naman siyang binibigyan. Agad akong dumiretso sa isang poso na walang tao at agad na binomba iyon para malagyan ang timba ko. 

Kung andito lang si Tatay ay hindi ako gaganunin ng madrasta ko. Kapag andito si Tatay ang bait niya, akala mo anghel, kung hindi ko lang alam totoong ugali niya baka masamba ko pa siya sa lagay na 'yon. 

"Uy, Ava! Ano kaya mo ba iyan?" Nakita ko ang paglapit ni Totoy na kapitbahay namin at nilapag niya ang ilang timba na hawak. 

"Oo naman! Mas malaki pa nga katawan ko sa'yo!" nakangisi kong sambit. 

Natawa naman siya at nailing na lang. "Late ka na nag-igib, feeling ko nasermunan ka na naman ng nanay mo!" Ako naman ang natawa sa narinig at tinuloy ang pagbomba sa poso. 

"Sa araw-araw ba naman na ginawa ng diyos, gano’n na siya. Sanayan na lang iyan!" 

"Ewan ko ba diyan kay Aling Maricel, ang init ng ulo sa 'yo, kung tutuusin nga dapat maging mabait siya kahit na anak ka sa iba, mabait ka, nakapagtapos, masipag!" 

Napangiti naman ako sa narinig. Bigla ko siyang naitinulak sa braso. 

"Aray naman Totoy!" Agad naman ako napalingon nang ma-out of balance si Totoy at napahawak siya sa batang nasa gilid niya. 

"Ay potek, sorry! Bakit kasi andiyan ka!" singhal pa ni Totoy sa batang nasagi niya nang matulak ko siya. 

Nailing na lang ako at pinagpatuloy ang ginagawa. Nang matapos ay binuhat ko muna ang isang timba at pinabantayan kay Totoy, sinabi pa niya siya na raw magdadala at dahil mapilit ay hinayaan ko na. Pagkalapag ni Totoy ay sakto ang pagdating ni Nanay at may dala na namang alak. Nanlaki ang mata ko nang makita na binatukan ni nanay si Totoy.

“Aling Maricel naman!” maktol niya. 

Sinenyasan ako ni Totoy na mauna na at tumango na lang ako. 

Nang maayos ang timba ay bumili muna ako ng mga rekados sa palengke at saka nagluto na kahit maaga pa lang. Para hindi na ako magmadali mamaya. Alas dose ako aalis para pumunta sa Five Star Holdings, ngayon kasi ang schedule ko. 

"Ano ulam mamaya?" tanong ni Nanay.

Agad kong kinuha ang kaldero at nilagyan ng bigas, Napansin ko naman sa mesa ang tatlong gin at chicharon. Ang aga-aga umiinom! Kung itinabi na lang niya 'yung mga binibigay ko edi sana nakaipon na siya. Sa laki ba naman ng binibigay ko kada nanghihingi siya, talaga makakaipon siya!

"Menudo po," sagot ko at hinugasan na ang bigas.

"Buti naman, mukhang lumalaki ang sweldo mo sa pinagtatrabahuan mo, ha?" aniya.

Hindi naman ako sumagot. 

"Na-promote ka na ba restaurant na iyan?" tanong pa ni Nanay.

"Hindi pa po," mahinang sambit ko. 

"Aba'y limang taon ka na diyan ha! Hanggang ngayon ba'y waitress ka pa rin?" 

"Oo nay," mabilis kong sagot at dinala na ang kaldero sa kalan. Nang magawa iyon at ginawa ko na rin ang dapat gawin para lutuin ang menudo. 

Nang matapos ay nilabhan ko muna ang bedsheet at punda na nabasa kanina pati ang ilang labahin, kumain at saka naligo. Nagsuot lang ako ng leggings at white tshirt, nilagay ko na rin sa bag ang kailangan dalhin. Umalis ako ng bahay ng tahimik at nanunuod ang Nanay sa tv namin. 

Dalawang jeep ang sasakyan mula sa amin para makarating sa Five Star Holdings. Bago ako tumuloy sa building nila ay dumiretso ako sa mall na katapat no'n at pumunta sa cr para magbihis. 

Hindi alam ng Nanay na sa Make Magazine ako nagtatrabaho, sa limang taon na pumapasok ako ay alam niya na sa isang restaurant ako nagtatrabaho. Hindi ko sinasabi sa kanya dahil mahirap na. Kapag alam niyang maganda ang trabaho ko ay huhuthutan niya ako ng pera. Kaya kapag pumapasok ay binabaon ko ang damit ko pang-office at sa labas na nagpapalit. Kailangan ko rin mag-ipon, walang pera na iniwan ang Tatay mula nang mawala siya. 

Nang makapagpalit ay doon na rin ako naglagay ng light make-up sa loob ng cubicle. Hindi naman ako masyadong naglalagay ng kolorete sa mukha. Tinupi ko ng maliit ang sinuot ko kanina at nilagay sa shoulder bag na medyo may kalakihan. Lumabas ako at tiningnan ang sarili. I just wear a black semi turtle neck at gray checkered trousers tsaka flat sandals. Sinuot ko rin ang ID ko. 

Pagkatapos ay lumabas na ng mall at dumiretso sa katapat na building. Namangha pa ako sa ganda no'n at taas. Napapalibutan pa iyon ng reflective glass. Lobby pa lang ay ang gara na. Agad akong dumiretso sa reception area at pinakita ang appointment slip ko, 'yon kasi ang sabi ni Mrs. Acosta sa akin. Iginaya ako sa isang elevator at doon sumakay. Nasa 40th floor pala ang office no'n. Habang nasa elevator ay bigla na lang kumabog ng malakas ang dibdib ko. 

Napairap na lang ako at kinausap ang sarili. "Bakit naman ako kakabahan? Interview lang naman 'yon. Buti kung si Ji Chang Wook iyon, eh hindi!" sambit ko habang nakatingin sa reflection ko sa pintuan ng elevator. 

Nang tumunog ang elevator ay huminga pa ako ng malalim bago lumipas. Fuck! Huwag kang kabahan, Ava! Tumambad sa akin ang malawak na area, may dalawang mesa sa kanan, may black door sa gitna, sa kaliwa ay may dalawang glass door. Lalaking-lalaki ang interior color, gray and white. May lumapit sa aking babae na nakacorporate attire at binati ako.

"I'm Ava Sofia Hidalgo, from Make Magazine." Pagpapakilala ko. 

Tumango ang babae at ngumiti. Iginaya niya ako sa may sofa at pinaupo. "Let's wait for Mr. Montoya. May meeting pa po kasi siya." 

Tumango na lang ako at nagpasalamat. Nawala ang babae at pagbalik ay may dala nang cake at coffee! 

"Thank you," sambit ko. 

Ngumiti siya ay bumalik sa pwesto niya. Nilapag ko ang bag sa tabi ko at kinuha ang tablet pati digital recorder na kakailanganin for interview.

Habang nirereview ko ang mga questions ay bigla akong nakarinig ng mahinang hagikgik. Lumingon ako sa paligid pati sa babaeng busy sa pwesto niya. Eh? Saan galing iyon? Binalewala ko na lang iyon at binalik ulit ang tingin sa tablet. 

Napatigil ulit ako sa ginagawa nang maramdamang may kumalabit sa kanang braso ko at nakarinig na naman ng mahinang tawa. What the hell? Bigla akong tinayuan ng balahibo at napahaplos sa magkabilang braso. May multo? Grabe naman! Wala pa ngang halloween may nagpaparamdam na sa akin. Baka si Tatay naman iyon? Napapikit ako at mahinang nagdasal. Tay naman, huwag ngayon! Ayan na naman! Naku po!

"She's already scared of me!" 

Napamulat ako ng mata ng may marinig na nagsalita. What the? Boses babae! Napalingon ulit ako at wala naman akong nakita. 

Tumahimik ulit ako at pinakiramdaman ang naririnig. Napalingon ako sa likod ng kinauupuan ko at nakarinig na naman ng tawa. Sumilip ako sa likod ng sofa at nanlaki ang mata ko nang makakita ng bata na may hawak na mga laruan. Nakayuko ito at sinusuklayan ang hawak na malaking barbie. 

Tao ba ito? Baka mamaya multo 'to! Inilapit ko ang daliri ko para ihaplos sa buhok niya. Totoo nga! Umangat ang ulo niya at nagtama ang mata namin, gano'n na lang ang saya ko nang makita kung sino iyon. 

"Ava Bailey?!" bulalas ko. 

Napatayo siya at halatang nagulat pagkakita sa akin. "Tita Ava!" she exclaimed and run towards me. 

Oh my god! Siya ‘yong bata nung isang araw! What is she doing in here? Agad niya akong niyakap sa leeg at hinalikan niya ang pisngi ko. Binitawan ko tuloy muna ang hawak ko at nilapag sa mesa. 

"Baby Ava! Anong ginagawa mo doon sa likod? Bakit andito ka?" sunod-sunod kong tanong. She's wearing a baby blue dress at sandals. Nakasuot siya ng headband na kakulay ng dress niya. 

Tumingin ako sa babaeng bumati sa akin kanina at nakita kong nakangiti siya sa amin. Kilala niya ba 'tong si Ava? Narinig ko ang mahinang hagikgik ni Ava at pilit siyang umuupo sa kandungan ko kaya binuhat ko siya. 

"It's nice to see you again, Tita Ava!" nakangiti niyang sambit. 

This girl's name is Ava Bailey, nung makita ko siya sa lobby nung nakaraan ay bigla na lang siya tinawag ng yaya niya. Napalingon din ako dahil narinig ko ang boses ni Dave, at saka doon ko nalaman na parehas kaming may Ava sa first name pa naming dalawa! 

"Anong ginagawa mo rito? Nawawala ka na naman ba? Where's your yaya?" 

Sunod-sunod naman siyang nailing at ngumiti. Nakita ko ang may bungi niyang ipin.

"Hindi po ako nawawala! My dad is working here!" aniya.

Kumunot naman ang noo ko. "Your daddy?" 

"Yes po!" 

"Talaga? Eh, bakit nasa likod ka ng sofa? Nasaan ang daddy mo?" 

May itinuro naman siya at nakita ko ang sign doon. Conference hall?

"Anong ginagawa ng Daddy mo roon? At saka bakit hindi mo kasama ang yaya mo? Nasaan na siya?" Sumimangot siya at inabot ang ID ko at tiningnan. 

"Daddy fired her!" malungkot niyang sambit. 

"Bakit? Nagkaproblema ba? Pinagalitan ba siya dahil kahapon?" Tumango naman siya at hindi na sumagot. 

Nung nagkabanggaan kasi kami, nawala pala siya sa tabi nung yaya niya nung time na ‘yon. “Yong daddy niya raw ay nasa isang meeting doon sa restaurant na tinuturo niya sa akin. Hindi na lang ulit ako nagtanong at pinakinggan na lang siya dahil tuwang-tuwa siya sa pangalan naming dalawa. 

"Ava Sofia. Ava Bailey." Pag-uulit niya sa pangalan naming dalawa. 

"Hidalgo is your last name?" she asked, smiling

Tumango naman ako. Ngumiti siya at inabot ng maliit niyang kamay isa kong kamay. Pinagdikit niya ito at ginalaw para kaming dalawa ay mag-shake hands. 

"Hi, Tita Ava Sophia Hidalgo! I’m Ava Bailey Montoya, but you can call me Bailey!" aniya. 

Nagpantig naman ang aking tenga sa narinig. "Come again, baby?" 

Tumawa siya ng malakas at inulit ang sinabi. "I’m Ava Bailey Montoya!" she exclaimed. 

I stared at Ava's brown twinkling eyes for a second at umawang na lang ang labi ko nang ma-realize kung sino ang kapareha ng mga mata niya. I opened my mouth and start talking, "I-Is Dominic Montoya your daddy, baby?" 

Umalis si Ava sa kandungan ko at may kinuha na isang magazine. Pinakita niya sa akin ang cover no'n. Ilang beses niya ring binanggit ang pangalan niya pati ng Daddy niya. Hindi ko alam pero parang bumigat ang paghinga ko sa narinig. 

Dominic Montoya.

Ava Bailey Montoya. 

He has a daughter. 

"Bailey?" 

My body stiffened when I hear a baritone voice. A voice na ngayon ko lang muling narinig after so many years. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status