Share

Chapter 7

"ALAS-DIYES na ah, bakit ngayon lang kayo dumating?! Nalimutan niyo na bang may curfew kayo?!"

Napatungo na lamang ako sa tanong na iyon ni Tita. Tiningnan ko si Sheena at agad na tinapik nang makitang mukhang wala itong pakialam. Animo'y may sarili itong mundo. Hawak nito ang labi habang panay ang ngiti.

"Nakikinig ka ba, Sheena?!" Kahit itinanong na iyon ni Tita nang mas malakas ay hindi pa rin nagbago ang hitsura nito.

Napaawang na lamang ang bibig ko nang batukan ni Tita si Sheena. Agad naman itong nanumbalik sa katinuan.

"Aray ko naman, ma! Kapag ako na-bobo huwag kayong magrereklamo sa mababa kong grades."

"Hindi ang pambabatok ko ang magpapababa sa grades mo kundi iyang kalalakwatsa mo!"

Hindi na umimik pa si Sheena. Ngumuso na lamang ito habang pinagdidikit ang dalawang hintuturo. Alam niyang kahit gaano siya kadaldal ay wala pa rin siyang panama sa tunay ng reyna ng bahay na ito.

"Pasensya na po, Tita. Hindi na po mauulit." Tumungo ako, handa na sa mga paninigaw nito.

"Siya sige, ika'y pumanhik na sa kwarto mo. Itong si Sheena ay paghuhugasin ko muna ng plato bago matulog." Napatango na lamang ako at agad na sinunod ito. Umakyat ako ng hagdan. Kapagkuwa'y sinilip ko pa si Sheena na mukhang iiyak na.

"Bakit ako ang maghuhugas? Hindi naman ako kumain, ah. At saka ako ang nagluto ng kanin—" Napatakip sa bibig niya ito. Tss. Sarili lang pala niya ang magpapahamak sa kaniya. Bahala siya diyan.

"Kaya pala nagtataka ako dahil hindi pa kailanman nagkamali sa pagluluto si Rose. Ikaw naman pala ang salarin! Ginamit mo pa ang kapatid mo para pagtakpan ka!" Agad nitong piningot si Sheena.

"O-ouch! My precious ear, mother dear!"

Napailing na lamang ako. Para talagang bata ang ugali ng kapatid kong 'yun. Debut na niya next week pero ganiyan pa rin siya kung umasta. Akala mo ay elementary student kung magreklamo.

Nang makarating sa kwarto ay agad akong nahiga. Pero napabalikwas ako ng bangon nang maalala kong may mga assignment pa nga pala akong hindi pa nagagawa.

Agad kong kinuha ang bag ko at binunot doon ang mga notebook. Sa katangahan ko ay may mga notebook pang nalaglag mula sa bag papunta sa sahig. Irita kong pinagpupulot ang mga iyon.

Onyx Villaverde loves Rosanne Oliveros

Nang mabasa iyon mula sa nalaglag na papel sa notebook ay bigla akong natigilan. Sari-saring ala-ala ang pumasok sa isip ko dahilan para kunin ko ang papel at punitin.

Nakakasira ng gabi, tss.

KINABUKASAN habang nag-aabang ng traysikel ay nagulat kami ni Sheena nang may kotseng pumarada sa harap namin.

"Sakay na kayo!" Ikinagulat naming dalawa ang paglabas ni Angelo sa kotse.

Sa pagkakaalala ko ay hindi ito 'yung kotse niyang ginamit kagabi. Mas maganda ito design-wise kumpara sa sinakyan namin kahapon. Kulay black ito na akala mo ay singdilim ng malalim na gabi.

"Hala, true ba? OMG! Let's go na sister girl, may libre na tayong sakay ngayong umaga!"

Hindi ako nagpahila sa kapatid ko dahilan para tingnan niya ako nang may halong pagtataka. "Tara na, baka ma-late tayo."

"Sakay ka na, Rose," aya sa akin ni Angelo.

Peke ko siyang nginitian. "Huwag na, kayo na lang. Salamat na lang sa imbitasyon."

Hindi na ako pinilit pa ng dalawa. Agad na sumakay si Sheena at agad ding umandar ang kotse palayo. Naiwan tuloy akong nag-iisa rito sa waiting shed.

Nice, Rosanne! Napakahusay mo! Ipagdasal mo na lang na may dumating agad na traysikel kundi ay mali-late ka.

Napairap ako sa kawalan. Okay na rin ang gan'to kaysa makasama sa isang sasakyan ang dalawang iyon. Baka lang masira ang araw ko sa ka-corny'han nilang dalawa.

Ilang minuto na akong naghihintay pero mukhang wala nang dadaang traysikel. Napabuntong hininga ako saka tumingin sa relo. Tss. Anong oras na, oh.

Napagdesisyunan kong maglakad na lang kesa maghintay sa wala. Bakit kasi ngayon pa nawalan ng traysikel dito? Umagang umaga minamalas ako.

Napabuntong hininga ako saka sinimulan ang paglalakad. Ilang beses din akong nagpalinga-linga para maghanap pa rin ng pwedeng masakyan. On a second thought, dapat pala nakisakay na lang ako kila Sheena. Nakakainis.

Sa paglilinga-linga ko at pagtingin sa kaliwa't kanan ay nagulat ako nang may makitang grupo ng tao. Medyo malayo pa sila sa pwesto ko kaya hindi pa nila ako napapansin. Agad naman akong nagtago.

Bakit kailangan ko pa talaga silang makita ngayon? Sumilip ako sa kinapupuwestuhan nila kanina pero ikinagulat ko nang makitang wala sila roon.

Ngunit nang ibaling ko ang ulo sa kabilang gilid ko ay nagulat ako nang makita roon ang grupo nila. Napaawang ang mga labi ko.

"Long time no see, Rosanne." Ngumisi ang lalaki saka lumapit sa akin. Inakbayan ako nito pero agad akong nagkumawala.

"Bakit lumipat ka na ng school? Dahil ba kay Onyx?" Nagtawanan silang lahat. Napakuyom na lamang ang kamao ko.

Isa-isa kong tiningnan ang apat na lalaki. Mukha silang mga estudyanteng sinasabi lang sa mga magulang na pumapasok sila pero ang totoo ay sa bilyaran lang naman ang diretso.

"Bakit naman ganiyan ang hitsura mo? Galit ka ba, baby girl?" Nagsitawanan sila. Pinilit kong huwag pairalin ang emosyon. Oras na paganahin ko ang galit ay paniguradong may mangyayaring wala sa kontrol ko.

"Miss ka na raw ni Onyx, miss na raw niya ang baby girl niya." Lalong lumakas ang tawanan nila.

Napabuntong-hininga na lamang ako saka nagsimula na sa paglalakad. Pero hindi pa man lamang ako nakakahakbang ng dalawa ay hawak na ako sa braso ng isa.

"Bakit ba parang nagmamadali ka? Gusto ka pa naming makausap."

Agad kong hinila pabalik ang braso ko. Blangko ang ekspresyon ko silang tiningnan. Ang mga nakakuyom kong kamao ay pinigilan ko ang panginginig.

"Kalma ka lang, mamaya baka dumating si Onyx. Baka magkaroon kayo sakali ng comeback." Nagsitawanan ulit sila pero walang nakakatawa sa kung anuman ang pinagsasabi nila. Nakakasuka pwede pa.

Maglalakad na sana ako ulit pero hinawakan na naman ako sa braso ng isa. "Bitawan niyo ako," walang emosyon kong sabi.

"Bakit, papalag ka sa amin? Matapang ka talagang babae ka, ah."

"Noon pa man ay matapang na iyang pangit na iyan, akala mo naman ay kaya tayong patumbahin."

Patuloy kong hinila ang braso ko pero mukhang walang balak bumitaw ang isa sa kanila. Talagang sinusubukan nila ang pasensya ko.

"Bitawan niyo siya." Umalingawngaw ang boses na iyon sa eskinitang kinaroroonan namin.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status