Share

Chapter 2

“Hulaan mo kung sino ako?” natatawang sabi ko kay Lyra pagkatapos takpan ang kanyang mata na kanina lang ay nakapikit habang bahagyang nakangiti. Bagay na minsan na lang makita sa kanya.

 “Tigilan mo na yan Tim,” mahinhin niyang sabi at hinawakan ang mga kamay ko para alisin sa kanyang mata. Kakauwi ko lang galing sa paaralan at mahigit dalawang oras ang nilakad ko kaya naman pagod na pagod ako ngayon. Pero tiniis ko para lang mapasaya si Lyra. Naabutan ko kasi siyang nakaupo sa labas ng aming bakod at nakaharap sa bundok na katapat ng aming bahay.

“Ano ang iniisip mo? Bakit naka-pikit ka pa?” tanong ko at tinabihan siya.

Huminga siya nang malalim bago ako malungkot na nginitian. “Nangangarap lang,” mahinang sagot niya at inalalayan akong tanggalin ang backpack na dala ko para ilapag ito sa natitirang espasyo ng upuang gawa sa kahoy.

 “Ano naman ang pangarap na naiisip mo?” tanong ko.

“Iniisip ko na kasama ko pa sila Mama at Papa. O di kaya'y masaya kaming nagkakasama sa langit,” pahina nang pahina niyang sabi.

Ngumuso ako at malungkot na tumango.

 “Alam ko naman na imposible kaya nga hanggang pangarap na lang,” dugtong niya.

“Bakit mo pinapangarap kung alam no na palang imposible?”  tanong ko.

Tiningnan niya ako bago muling tumingin sa bundok. "Dahil pwede ka nitong pasayahin kahit panandalian," sagot niya at tinitigan ulit ako.

 “Ikaw ba Tim, ano ang pangarap mo?” tanong niya.

Ngumiti ako bago sumagot.

“Pangarap kong maging isang aktor sa Teatro. Tapos magiliw akong kakanta sa harapan ng maraming tao. Hahanga sa akin ang mga sikat at popular na tao dahil sa galing ko!” nae-excite kong kwento.

Nakita ko ang maliit niyang pagtawa dahil sa naging ekspresyon ko. Pero kaagad din 'yun nawala.

"Pero parang imposible no?" tanong ko kaya naman binatukan niya ako.

 “Hindi 'yun!” sagot niya sa akin kaya naman nginitian ko siya. “Pero alam mo, kapag may pangarap ka tapos alam mo sa sarili mo na hindi 'yun matutupad, ipikit mo lang ang iyong mata at iguhit mo sa iyong imahinasyon na kunwari nakikiayon ang tadhana sa gusto mo. Pagbigyan mo ang sarili mong maging masaya kahit sa isipan lang,” mahabang paliwanag niya sa akin habang nakatitig sa mga mata ko.

Tumango ako at marahang ipinatong ang ulo ko sa kanyang balikat. Nakita ko ang pag-angat ng kanyang balikat pero hindi na siya nagreklamo dahil nasanay na rin siguro. Panandalian kaming nanahimik at sabay na tinitigan ang pagtatago ng araw sa bundok.

“Tim?” Binasag niya ang ilang minutong katahimikan. Tiningala ko siya at panandaliang nakita ang kaliwang mata niyang habang buhay nang nakapikit. Pero para sa akin maganda pa rin siya.

“Tingin mo may tatanggap pa rin sa akin?” malungkot niyang tanong.

“Tatanggap?" tanong ko.

Huminga siya nang malalim at sinalubong ang pagdilim ng kalangitan. “May tao pa kayang magmamahal sa akin kahit hindi ko na maimulat ang isa kong mata?” tanong niya pa at tiningnan ulit akong nasa balikat pa rin niya ang ulo.

“Meron ‘yan,” mahinang sagot ko.

Nakita ko ang pag-nguso niya.

 “Paano kapag wala?”

Umiling ako para ipakitang hindi ako sang-ayon sa sinasabi niya.

 "E'di ako na lang!" masayang suggest ko.

 Binatukan niya ako kaya inalis ko ang ulo sa balikat niya.

“Tigilan mo nga ako!” singhal niya sa akin.

“Bakit? Ayaw mo ba sa akin?” tanong ko. “Gwapo naman ako tsaka mabait ah!” pangungumbinse ko pa.

Umiling siya at halatang may tinatagong ngiti.

 “Kapag twenty three na tayo tapos hindi ka pa nagkakaroon ng nobyo, ako na lang ang pakasalan mo!” suggest ko sa kanya at kinindatan pa siya. “Tanggap kita! Tsaka magsisikap ako para maiahon ko kayo ni Mama sa hirap.”

 Nakita ko ang maliit niyang pag-ngiti at parang sobrang na-touched siya sa sinabi ko. Pero alam ko na hindi siya sang-ayon doon.

 “Hindi mo ako deserve Tim,” mahinang sabi niya sa akin kaya naman pinagsalubong ko ang dalawa kong kilay.

 “Bakit naman?” tanong ko.

"Deserve mo ang babaeng makikita ang buong ikaw. 'Yung makikita ng dalawang mata niya kung gaano ka kagaling at ka-responsableng tao! 'Yung babaeng mamahalin ka at makikita mo sa mga mata niya ang mangha dahil sa husay mo!" paliwanag niya.

Umiling ako para ipakitang hindi ko gusto ang sinabi niya.

"Puso ang nagmamahal Lyra at hindi mata," sincere kong sabi sa kanya.

 Hindi na siya nagsalita pa kaya naman tahimik naming pinagmasdan ang unti-onting paglinaw ng mga bituin sa kalangitan.

"Lyra? Tim? Kumain na tayo!" tawag ni Mama sa amin kaya naman mabilis kaming tumayo para makapasok na sa loob.

 "Lyra?ayos ka lang ba?" tanong ni Mama at hinaplos nito ang buhok ng inaanak. Tumango si Lyra at tipid na ngumiti.

"Opo Ninang," sagot niya.

Kumain kami nang sama-sama at nagkwentuhan. Pilit naming pinapasaya at pinapagaan ang loob ni Lyra sa mga nakalipas na taon para mabilis siyang maka-recover sa nangyari. May improvement man, pero alam ko na walang gabi o sitwasyon na kapag mag-isa siya hindi niya naiisip ang sinapit ng kanyang minamahal na magulang.

“Akin na Tim,” sabi niya sa akin nang matapos kami kumain. Inasikaso niya ang mga hugasin at matiyaga itong hinugasan at nilinisan.

 Lumabas ako sa bahay para umupo ulit sa tambayan namin at sinimulang i-strum ang aking gitara. Kapg mga ganito ang ambiance, palaging Dandansoy ang kinakanta ko.

Nagsimula akong kumanta pero hindi ko pa natatapos ang ibang verse nang umupo sa tabi ko si Lyra.

 “Ang ganda talaga ng boses mo,” compliment niya sa akin.

Tinigil ko ang pag-strum at nakangiting tiningnan siya.

“Talaga?Tingin mo bagay sa theater?” tanong ko.

 Tumango siya bilang pagsang-ayon.

“Pero bakit Dandansoy ang kinakanta mo?” tanong niya sa akin.

“Trip ko lang,” sagot ko.

 “Masydong malungkot ang kantang ‘yan.Wala na yatang mas lulungkot pa sa kantang ang ibigsabihin ay pamamaalam,” sabi niya. “Ayaw kong may nagpapaalam sa akin at hindi na ito babalik pa.” dagdag niya pa.

Tiningnan ko ang malungkot niyang mukha. Kahit ang munting musika lang ay pwedeng magdulot sa kanya ng kalungkutan.

“Sige na. Hindi ko na kakantahin 'yun. Kakantahan na lang kita,” suggest ko kaya naman ngumiti siya dahil ito palagi ang hinihiling niya sa akin, ang kantahan ko siya.

Pinagmasdan niya ako habang inuumpisahang i-strum ang gitara at kantahin ang palagi kong kinakanta sa kanyang With A Smile ng Eraserheads.

 Nakapikit ako habang dinadama ang kantang para sa kanya. Tuwing aawitin ko ito, wala akong ibang gusto kundi maramdaman niya kung gaano siya ka-espesyal at hindi siya dapat mangamba hangga't kasama niya ako. Gusto ko sabihin na siya ang lakas at inspirasyon ko.

 Sa paraan na ito, nararamdaman ko na kahit paano ay sumasaya siya at nakakalimutan ang sakit na dinulot ng kahapon. Kung makikita ko ang masasayang mata niya tuwing gagawin ko ito. Malugod akong kakanta para haranahin siya araw-araw, kahit pa mapaos ako. Hindi ako magsasawang gawin ito sa kanya.

Tinapos ko ang kanta habang diretsong nakatitig sa kanya. Nakita ko ang pgpatak ng luha sa kanyang mata kaya naman agad-agad kong binaba ang aking gitara at nag-aalalang pinunasan 'yun.

 “Bakit?” tanong ko. "Anong problema?"

Umiling lang siya.

“Bakit ka umiiyak?” tanong ko.

“Naisip ko lang-” hindi niya naituloy ang sasabihin.

“Ano?” tanong ko at mas lalo pang nag-alala.

 “Kapag nagkaroon ka na ng girlfriend hindi na ako ang haharanahin mo,” malungkot niyang sabi. “Hindi mo na ako gabi-gabi kakantahan dahil baka magselos 'yun.” Ngumuso siya habang napangiti ako.

 “Sinabi ko naman sayo kanina diba? Kapag wala ka pang boyfriend sa edad na twenty three-“ hindi niya tinapos ang sasabihin ko dahil nagsalita na siya kaagad.

“Paano kapag ikaw ang nagkaroon ng girlfriend?" tanong niya, naninigurado. Tumawa ako dahil sa naging reaksyon niya.

“Hindi yata mangyayari 'yun Lyra,” mahinang bulong ko.

Kumunot ang noo niya.

"Bakit naman?" tanong niya.

Nagkibit balikat lang ako at tumingin sa kalangitan habang nilalagay ang ulo sa kanyang balikat.

Hindi ko kayang iwan ka, Lyra. Iniisip ko pa lang parang sobrang sakit na.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status