Share

Chapter 7

"Maraming Salamat Mr. Timoteo Toccata!" nakangiting sabi ng isa sa mga pipili para gumanap sa musical play.

Nakangiti akong tumango at umalis sa silid kung saan naganap ang auditon.

"Kumusta?" tanong ni Sir Alonzo sa akin.

"Ayos lang naman po. Sana matanggap ako!" punong-puno ng pag-asa ang aking tono.

Binigyan niya ako ng thumbs up at matamis na nginitian. "Sigurado akong makukuha ka."

"Salamat po Sir, sana nga po."

Nagpaalam din kaagad ako kay Sir para puntahan si Juancio sa canteen. Kaya nga lang, nakita ko kaagad ang katabi niyang si Lea. Iiwas na sana ako at nagdesisyong solo na lang na kakain kaso lang ay tinawag na niya ako.

"Tim!" nakangiti niyang sigaw.

Bumuntong hininga ako bago siya titigan at marahang ngumiti.

"Oh ayan na pala si Tim!" bungad ni Juancio nang makalapit ako. "Kanina ka pa niya hinihintay!"

Pilit akong ngumiti at umupo sa tabi nila.

"Hi. May chocolate akong dala para sa'yo. Umuwi kasi si Mom galing Dubai."

Hindi ko alam pero nakakairita ang boses niya.

"Chocolate? Hindi healthy 'yan! Ito Tim, hati tayo sa baon kong kanin." Nagulat na lang ako nang tumabi na rin si Ruby sa akin.

Mas lalo akong naubusan ng hininga. Tssss.

"Wow! Mukhang papalusugin ka ng mga dilag mo!" pang-aasar ni Juancio.

Umiling ako at nagtangkang tanggihan ang alok nila.

"Isa lang ang dilag ko Juancio," mariin at seryoso kong sabi. "At wala dito ang babaeng 'yun."

Nakita ko ang pagkagulat sa kanilang mga mukha. Marahan akong ngumisi dahil sa naging reaksyon nila.

"Isa lang? Sino naman?" nagtatakang tanong ni Juancio. "Grabe! May girlfriend ka na pala?" dagdag niya pang tanong.

Nakita ko ang pag-irap ni Ruby at naiinis na binalik sa lalagyan ang pagkaing dala. Samantalang si Lea ay nanatiling nakatitig sa'kin- gulat at mukhang ayaw tanggapin ang sinabi ko.

"Alam mo Tim, hindi ko alam kung bakit gustong-gusto mo 'yang Lyra na 'yan! Hello? Hindi naman siya maganda!" malakas at may halong pang-aasar niyang sabi.

"Lyra?" mahinahong tanong ni Lea at Juancio.

"Oo! 'Yung kababata niyang hindi na maimulat ang isang mata!" sagot ni Ruby.

" 'Yung babaeng kasama mo noong nakita ka namin sa simbahan?" tanong ni Lea.

Iniwas ko ang tingin sa'kanila dahil gustong alisin ang inis.

Ang laitin si Lyra ang isa sa pinaka-kinaiinisan ko.

"Pabigat lang naman sa'yo ang babaeng 'yun. Isa pa wala kang mapapa-"

Tinitigan ko nang matalim si Ruby habang hinawakan nang mahigpit ang braso niya. Nakita ko ang gulat ni Juancio kaya hindi na niya ako nagawang awatin. Samantalang si Lea ay napatakip sa bibig.

"Huwag mong pagsasabihan ng hindi maganda si Lyra. Mas mukha ka pang may deperensiya kaysa sa'kanya."

Binitawan ko siya at padabog na tumayo para iwan sila sa canteen.

Mabilis akong naglakad palabas ng paaralan dahil wala naman ng klase.

Hindi ako sanay manakit ng tao lalo na kapag babae dahil respeto ko na lang sa Mama ko at kay Lyra. Pero kapag isa sa kanila ang sinabihan ng masama, hindi ako magdadalawang isip manakit.

Hindi naalis ang galit ko hanggang sa matanaw ko ang aming bahay. Hindi pa ako nakakaapak sa loob ng bakod ay nakasalubong ko na kaagad si Mama.

"Ma?" tawag ko at pilit binago ang mood.

Nagmano ako at marahan siyang hinalikan sa ulo.

"Saan po kayo pupunta?" tanong ko.

"Sa bayan. May pupuntahan lang," nakangiti nitong sagot.

"Huh? Hapon na po ah. Napapadalas ang pag-alis niyo sa bahay Mama," nagtatakang  sabi ko.

Niyakap niya ako mula sa gilid.

"May tinatrabaho kasi ako anak. Alam mo naman malapit na ang fiesta at maraming pinapagawa si Mayor kaya tumutulong ako. Sayang kasi ang bayad. Babalik din ako kaagad, may biglaang utos lang ang tauhan ni Mayor."

Tumango ako at tinugon ko ang yakap niya. "Mag-ingat ka Mama," sabi ko .

"Oo anak. Ikaw na muna ang bahala kay Lyra huh. "

Tinanaw ko siya hanggang sa makalayo bago pumasok sa bahay. Ngunit hindi pa ako nakakalingon ay tinawag na kaagad ako ni Lyra.

"Tim!" puno ng energy ang boses niya.

Pakiramdam ko lumalakas ako kapag naririnig ko ang masaya niyang pagtawag. Dahan-dahan ko siyang nilingon at nakita ko ang malawak nitong ngiti.

Ang ngiting matagal ko yatang hindi nakita.

"Oh? Mukhang masaya ka ah!" natutuwa kong bungad sa'kanya.

Tumango siya at kinuha ang bag na dala ko.

"Ako na rito. Naghanda ako ng meryenda mo."

Marahan niyang hinawakan ang pulsuhan ko kaya naman tinitigan ko 'yun at mabilis na nawala ang pagod at inis na nararamdaman.

Dinala niya ako sa kusina at pinaupo doon. Nakita ko ang banana cue sa lamesa.

"Wow! Ikaw ang nagluto?" tanong ko.

"Oo nilutuan ko kayo ni Ninang. Ang saya nga niya eh." Nakangiti pa rin siya.

Umupo siya sa harapan ko, itinabi ang bag na kinuha niya mula sa akin at masaya akong tinitigan habang kumakain.

"Kumain ka na ba?" tanong ko

"Oo kumain na," sagot niya. "Sige na, ubusin mo huh?"

Tinitigan ko siya at nginitian.

"Bakit ang saya mo?" tanong ko

Nagkibit balikat siya bago sumagot.

"Na-realize ko lang na dapat maging masaya ako dahil meron akong kayo. Mga taong hindi nagsawa sa'kin at hindi ako iniwan sa panahon ng madilim kong buhay."

Mapupungay ang mga mata niya nang titigan ko siya. Naramdaman ko ang marahan niyang paghawak sa aking kamay.

"Thank you Tim ha?" Puno ng sinseridad ang mata niya. "Hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin kung wala kayo ni Ninang..."

"...kung wala ka," dugtong niya.

Parang kinikiliti ang puso ko dahil sa ginagawa niya. Ito 'yung pakiramdam na ayaw mong matapos. 'Yung sana paulit-ulit na lang mangyari dahil hindi ako magsasawang tanggapin at yakapin ang sitwasyon na ito, lalo na kung siya ang kasama ko.

"Masyadong busy si Ninang ngayon ah!" sabi ni Lyra sa'kin isang araw nang sabay naming tanawin si Mama paalis ulit para pumuntang bayan.

"Malapit na kasi ang fiesta," sagot ko at kinuha ang hose para diligan ang mga halaman at ang bulaklak na santan sa aming bakuran.

"Gusto ko pumunta sa Fiesta Tim. Punta tayo ah?" paanyaya niya sa akin.

Sa lumipas na araw, nakita ko na ang unti-onting pagsaya ng kaniyang mga mata at mukha. Nagiging energetic na rin siya at palatawa. Marahil ay sa wakas, pinili na niyang kumawala sa mapait na nakaraan.

"Oo naman!" nakangiti kong sabi dahil naalala ko na bukas ko na malalaman kung pasok ba ako sa audition para sa musical play o hindi.

"Excited na akong makapanuod ng mga sayawan o kantahan!" sabay umikot- ikot siya habang hawak ang bulaklaking bistida.

Tumawa ako dahil sa ginawa niya.

Hintayin mo, kapag ako nakapasok sa musical play, papalakpak ka talaga!

Tinigil ko ang pagdidilig kaya naman napahinto rin siya sa ginagawa.

Nilapitan niya ako at malalim na tinitigan bago kuhain ang hose na hawak ko.

"Bakit ka ganyan makatingin?" sabi niya at siya na ang gumawa ng ginagawa ko kanina.

Inumpisahan niyang diligan ang mga santan.

"Wala. Ang ganda mo," pagbibigay ko ng compliment sa'kanya.

Nakita ko ang pagkatigil niya at tinitigan ako habang nakanguso.

Lumapit ako sa mga santan at pumitas doon.

"Ako? Maganda? Hindi kaya!" hindi pagsang-ayon sa sinabi ko.

"Tsss. Maganda ka para sa akin." Tinitigan ko siya nang sabihin ko 'yun.

Nakita ko ang mas lalong pagnguso niya habang namumula ang mukha kaya tahimik akong natawa.

Lumayo muna ako saglit para umpisahan ang nais gawin.

Gamit ang bulaklak na santan, gumawa ako ng koronang sasakto sa ulo ni Lyra. Marahan at maingat ang pagkakagawa ko rito dahil mabilis masira.

Ilang minuto lang din ang lumipas at natapos ko ito. Lumapit muli ako kay Lyra na patuloy pa rin nagdidilig.

Pansamantala akong natigil at pinasadahan siya ng tingin. Hindi ko alam pero tuwing ginagawa ko ang bagay na ito, palagi kong iniisip na lahat sa kanya ay gusto kong makabisado.

Simula sa mahahaba at may pagkakulot niyang buhok, ang agaw pansing balingkinitan niyang katawan. Kapag humarap siya, makikita ang matangos niyang ilong at ang magaganda niyang mata kahit pa hindi na makakita ang isa. Maging ang natural at manipis na kulay rosas niyang labi ay alam na alam ko.

Buong siya ay gustong-gusto ko.

Nakita ko ang paggalaw niya, simbolo na haharap siya sa akin kaya naman malawak na ngiti ang binungad ko sa kanya.

"Ano yan?" tanong niya nang mapatay niya ang hose at tinitigan ang nasa kamay ko.

Dahan-dahan kong inilagay sa kanyang ulo ang koronang gawa sa santan.

Pinagmasdan ko ang pagpikit niya habang ginagawa ko 'yun.

"Napakaganda mo Lyra," seryosong sabi ko habang pinagmamasdan siya.

"Totoo?" patanong niyang sabi at nilabanan ang titig ko.

Tumango ako. "Oo totoo," sagot ko. "Mukha kang diyosa," nakangiti ko pang dagdag.

"Kahit hindi ko na maimulat ang isang mata ko?" tanong niya ulit at yumuko.

Marahan akong lumapit sa'kanya at iginiya ang kanyang mukha paangat para matitigan niya rin ako.

"Tanggap mo ako kahit hindi na makakita ang isang mata ko?" tanong niya ulit. "Kahit may deperensiya ako?"

"Walang namang perpekto," marahan kong sabi. "May deperensiya ka man o wala, matagal ko nang tinanggap kung sino at ano ka." 

Unti-onti kong hinalikan ang mata niyang hindi na maimumulat pa pagkatapos ay seryoso ko siyang tinitigan.

Ngumiti siya habang mukhang nahihiya at marahan akong niyakap. Agad ko siyang ginantihan nang mas mahigpit.

Sinulit ko ang oras na 'yun. Pakiramdam ko ayaw ko na siyang bitawan. Ayaw kong tanggalin ang pagkakayakap dahil payapa at masaya ang puso ko sa ganoong kalagayan.

Hindi ako makapaniwala na ang yakap niya ang nagbibigay sa akin ng kapanatagan at pag-asa.

Hindi niya ako binitawan kaya naman naisip kong kantahan at haranahin siya kahit pa walang gitara.

Inumpisahan kong kantahin ang Kahit Kailan ng South Boarders.

Habang binibigkas ko ang mga liriko, naramdaman ko ang paghigpit ng yakap niya at ang pagpapahinga niya sa aking balikat.

Nakapikit ako habang inaawit ko ang kantang para sa'kanya. Iniisip na

kung si Lyra ay isang liriko ng awit, para sa akin ito ay magiging perpekto.

Ang babaeng matagal kong kinukwento sa Diyos at hinihiling ay yakap ko ngayon. Wala na yatang hihigit pa sa sayang nararamdaman ko.

Sana hind matapos.

Sana walang wakas.

Kung ang kwento namin ay isang kanta, sana hindi na lang huminto. Dahil kahit paulit-ulit pa itong patugtugin, hindi ako magsasawa.

"Bakit ka ba ganyan?" nNahihimigan ang pagsinghot niya nang magsalita siya pagkatapos ko kumanta. "Hindi ko deserve 'to Tim," bulong niya.

Umiling ako habang yakap pa rin siya.

"Ikaw si Lyra Callipso. Ang pangalan mo ay deserving sa lahat ng bagay."

Narinig ko ulit ang pagsinghot niya.

"Natatakot ako Tim," marahan niyang sabi. "Natatakot ako na baka matapos ang lahat ng ito."

Hinaplos ko ang likod niya para sabihing hindi dapat siya mag-alala.

Tinitigan ko ang singsing na nakasuot sa aking kamay.

"Kapag nakapagdesisyon ka na. Sabay nating hihintayin ang tamang pagkakataon para sa ating dalawa, Lyra. Mag-aaral akong mabuti at magiging matagumpay para mabigyan ko kayo ng magandang buhay ni Mama." At parang lumilikha pa ako ng imahe sa aking isipan.

Imahe namin sa susunod na mga taon.

Masaya.

Puno ng pag-asa.

"Palagi mong tatandaan , hindi mo man nakikita ang puso ko, pakinggan mong patuloy itong titibok at hindi hihinto para sa'yo. Aalagaan kita. Hindi kita iiwan," bulong ko pa. "Patuloy akong mabubuhay at hindi ako magsasawang haranahin ka,"dagdag ko

Tinanggal niya ang pagkakayakap sa akin at tinitigan ako bago sabihin ang salitang ito.

"Tama Tim," marahan at seryoso niyang sabi. "Patuloy kang mabuhay kahit anong mangyari."

___________________________

🦋

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status