Share

Unang Kabanata

Napuno ng ingay ng pagkadismaya ang buong kwarto. Sa tinig palang na ginagawa ng mga tao na nandito sa loob, malalaman mo na hindi nila nagustuhan ang sinabi ng aming pinuno. 

"Sir, bakit naman po ganoon? Maghihirap kami niyan," angal ng kasamahan ko sa pagmamaneho, si Sato. 

"Oo nga naman, sir. Alam namam nilang hirap na hirap na kami kahit kami ay may trabaho, tapos ngayon patitigilin niyo kami sa pamamasada? Aba, hindi pupwede iyan," pagsasang-ayon ni Akaro, ang ingat-yaman sa aming grupo.

Napakamot na lamang sa ulo ang aming presidente. Bakas sa mukha nito ang nararanasang stress at pagod. Mukhang nadagdagan pa ito dahil sa pag-aangal namin.

"Sinabi ko na 'yan sa nakatataas, pero isa lang palagi ang isinasagot nila sa akin. Kailangang tumigil ang lahat sa pamamasada dahil nga may pandemya ngayon," paliwanag ng aming pinuno.

"Kaligtasan natin ang iniisip nila. Maaaring mahawaan tayo ng virus na 'yon kapag ipinagpatuloy natin ang pamamasada. Sumunod nalang tayo," dagdag nito.

Sumingit sa usapan ang isa pang kapwa ko driver. 

"Sige! Sabihin nating titigil tayo sa pamamasada, saan naman kami kukuha ngayon ng pambili ng mga kakailanganin namin? Saan kami kukuha ng pera para sa pagkain? Saan kami kukuha ng pangggastos?" tanong nito habang inilalahad ang parehong palad na tila siya ay nagbibigay ng napakagandang argumento.

"Oo nga."

"Magugutom kami niyan."

Sari-sari ang mga salita at bulong nang matapos magtanong ito. Ang aming pinuno ay huminga ng malalim at umayos sa pagtayo. 

Halos isang oras na kaming nandito sa kwartong ito at ang tanging pinag-uusapan lang ay ang tungkol sa tigil-pasada. Lahat kami ay ayaw pumayag sa ipinatutupad ng gobyerno.

"Mga kasamahan, makinig kayo. Nangako ang ating mahal na mayor na sila ay magbibigay ng ayuda para sa ating mga driver. Wala na tayong dapat ipag-alala. Ang mga kapitan din sa ating mga barangay ay may ayuda din na ipagkakaloob sa atin," tugon ng aming presidente.

"Pangakong ayuda? Eh puro pangako lang naman 'yan eh!" sigaw ng kung sino. 

"Oo nga!"

"Wala naman talagang ibibigay 'yan!"

"Mga ayawub!"

"Tahimik na po!" sigaw ng pinuno. "Pagod ho tayong lahat at alam din po ninyo na kahit anong dakdak ang gawin natin, kahit buong araw pa tayong mag-argumento dito sa loob, walang mangyayari. Ang sinabi ng gobyerno ang masusunod. Walang mamamasada, walang taxi, walang jeep, walang kahit anong transportasyon. Isinailalim sa lockdown ang buong bansa. Walang lalabas ng bahay. Maliwanag?" 

Tumango na lamang kaming lahat. Tama siya. Kahit mag-away-away pa kaming lahat dito ay ang sinabi ng nakatataas ang masusunod. Kung sabagay, para rin naman ito sa aming kaligtasan. 

Sana nga lang ay dumating ang sinasabi nilang ayuda. Iyon na lamang ang pag-asa naming mga walang trabaho ngayong may pandemya.

"Mukhang nagkakaintindihan na ang lahat. Sige. Magsi-uwi na kayo at kapag sumapit na ang alas-dose ng gabi, wala ng pwedeng lumabas ng bahay. Mag-ingat kayo," sabi ng aming pinuno bago kinuha ang kanyang mga gamit at lumabas na ng kwarto. 

Sunod-sunod na ring kaming nagsilabas. Ang iba ay tila may ibinubulong pa sa hangin, ang iba naman ay blangko lang ang isip at mata. Lahat ay hindi nagustuhan ang pinatunguhan ng usapan.

"Hanae!"

Napalingon ako nang may tumawag sa aking pangalan. Kumakaway ito sa akin. Kumaway rin ako pabalik.

"Uuwi ka na ba?" tanong ni Sato.

"Hindi pa. Pupunta muna ako sa grocery at bibili ng mga kakailanganin. Hindi na kasi maaring lumabas kapag lockdown na," sagot ko sa kanya. 

Napatango-tango naman ito. Mukhang sang-ayon sa sinabi ko.

"Kung sabagay. Marahil ay kulang ang ibibigay nilang ayuda para sa isang buwan," sambit niya.

"Siya nga pala, totoo ba na siyamnapung araw tayong nasa ilalim ng lockdown?" tanong ko rito habang pumapasok sa loob ng tricycle.

Umupo muna ito sa loob bago sumagot.

"Oo. Hindi mo ba napanood sa telebisyon? Nagdebate ang mga kongresista kung gaano katagal ang lockdown. Siyamnapung araw ang napag-usapan."

Umandar ang tricycle na sinasakyan namin.

"Napakatagal naman. Mukhang kukulangin ang mga bibilhin ko," sabi ko naman.

"Kung ako sayo, mga de-lata na mura at mga noodles na lamang ang bilhin mo. Mas makakatipid ka pa. Saka sa bigas, bumili ka nalang ng kalahating sako. Sapat na 'yun sa loob ng tatlong buwan. Dalawa lang naman kayo ng asawa mo sa bahay niyo," suhestiyon niya.

"Tama ka. Hindi nalang muna ako bibili ng mga dairy products," pagsang-ayon ko.

"Kami nga eh, sardinas na lang ang kakainin. Mas mura pa'yun."

"Naku, ang asawa ko ayaw sa sardinas," sagot ko sa kanya. Masyadong mapili ang asawa ko pagdating sa pagkain.

"Aba, hindi na pwede ang maarte sa panahon na ito. Sabihin mo, kung ayaw niyang kumain ng sardinas, eh 'wag siyang kumain," biro nito sa akin.

Mukhang mahihirapan ako nito, lalo na sa pagkain. Sana naman ay hindi siya magalit. 

-

"Nandito na ako," sigaw ko ng makapasok sa loob ng bahay.

Bitbit ko ang mga nabili ko sa grocery. Karamihan dito ay mga de-lata at noodles gaya ng sinabi ni Sato. Tama nga siya, mas makakamura kung ganito ang bibilhin ko. 

Binalak ko bumili ng karne kanina, kaso ang problema ay hindi ko alam kung paano ko ito itatago sa para sa tatlong buwan gayong wala kaming refrigerator. 

"Oh, nandito ka na. Akin na ang pera," sambit nito at inilahad pa ang kanyang kamay sa akin.

Napangiwi ako. "Pasensya na. Ubos na ang pera eh," sagot ko sa kanya.

"Ha? Anong ubos? Bwisit na 'yan!" sigaw nito at hinampas ang mesa sa gilid dahilan upang mapalayo ako ng kaunti.

"Akin na sabi ang pera! Tinatago mo lang 'yan eh!" sigaw nito ay pilit na inaagaw sa maliit na bag na suot-suot ko.

"Ano ba Aito. Wala na nga sabi," sambit ko. 

"Akin na!" sigaw niya at hinahatak pa rin ang bag.

Napulot ang sling ng aking bag at nakuha na niya ito. Dali-dali niya itong binuksan. Una niyanh kinuha ang wallet, ngunit kita ang laking dismaya sa mukha nito ng makitang iilang barya na lamang ang nasa loob.

"Ano 'to? Sampung piso?" pasigaw na tanong nito sa akin. 

Kinuha nito ang barya at itinapon sa kung saan ang aking wallet. Itinuon niya ang tingin niya sa aking bag at pinagtatanggal ang mga laman nito. Binuhos niya lahat ng laman ng akin bag. Nang mapagtantong wala na ito laman, tumayo siya at lumapit sa akin. Hinawakan niya ang aking balikat at niyugyog ito.

"Nasaan na 'yung pera?!" sigaw niya. Tumatalsik pa ang kanyang laway kaya naman napapikit ako.  Ramdam ko ang lagkit ng laway na tumalsik sa aking mukha.

"Wala na ngang pera!" medyo napasigaw ako sa pagsagot sa kanya.

"Wala? Saan napunta? Ha? Sa luho mo?" galit na sabi niya sa akin.

"Anong luho? Pinambili ko ng makakain natin," sagot ko.

Binitawan ako nito at lumapit sa mga binili ko. Binuksan nito ang mga plastik at tinitignan kung ano-ano ang nasa loob.

Tumikhim ako. Gusto kong sabihin sa kanya ang balita.

"Siya nga pala, Aito. Wala muna akong trabaho. Pinatigil kasi kami sa pamamasada dahil lockdown," sabi ko dito kahit siya ay nakatalikod sa akin.

Hindi ito sumagot, bagkus ay tumigil ito sa paggalaw.

"Aray!" sigaw ko at napahawak sa aking mukha ng bigla niya akong sampalin. 

Hinigit nito ang aking buhok at dinuro duro ako.

"Anong walang trabaho? Maghanap ka ng trabaho doon sa labas!" sigaw nito.

"Hindi nga pwedeng lumabas, Aito! Lockdown nga!" sigaw ko pabalik.

"Huwag mo 'kong sigaw-sigawan ah! Humanap ka ng trabaho doon! Mangutang ka nang may pambili ako sa alak!"

Sinampal ko ito. 

Napahawak siya sa kanyang pisngi. Napakalakas ang sampal ko sa kanya kaya naman bumakat pa ang kamay ko.

"Ang kapal ng mukha mo, Aito! Huwag mo kong maduro duro at huwag mo kong utus-utusan na humanap ng trabaho para sayo! Ikaw ang walang ginagawa dito sa bahay! Puro ka alak! Lahat ng sinasahod ko kinukuha mo para sa alak! Sigarilyo! Sugal! Maghanap ka ng trabaho nang hindi ka nagiging pabigat dito sa bahay!" hindi ko natiis ito at nasigawan ko siya.

Namumula ang mukha ang tainga niya. Galit na galit ang mukha nito at ang mga mata niya ay parang nag-aalab. Nagmumukha siyang halimaw na handa akong sunggaban.

"Aray! Aito!" nahihirapang sigaw ko dito. 

Bigla niya na lamang akong sinakal habang hinahatak ang aking buhok. Ramdam ko na parang matatanggal ang aking buhok mula sa aking ulo sa sobrang higpit at lakas ng hatak ni Aito.

"Lalaban ka na? Ha? Huwag mo 'kong sigaw-sigawan, Hanae kung gusto mo pang tumagal," madiin na sambit nito sa aking mukha. 

Akala ko ay papakalawan na niya ako ngunit tinulak niya ako ng malakas, dahipan upang mauntog ako pader ng aming bahay. 

"Mangutang ka doon. Dalian mo," sambit niya bago umaakyat pataas sa aming kwarto. 

Napahawak ako sa aking ulo. Masakit ito dahil sa lakas ng hampas niya sa akin. Nanlalabo ang paningin ko at ako ay nahihilo. Pinilit ko pang tumayo ngunit ang aking paningin ay tuluyan nang nilamon ng kadiliman.

Itutuloy...

DMCA.com Protection Status