Share

II - Utang na Loob

Elaine's Point of View

“Aba'y lumayas-layas na kayo sa apartment ko, mga walang silbi. Pabigat! Magbayad kayo ng renta hindi puro kayo bukas!” asik ni Mang Pedro habang gigil na gigil sa amin ni Itay. Ang totoo niyan ay wala kaming sapat na pera para ipambayad sa renta dahil nagtatrabaho lang si Itay bilang tricycle driver dahil natanggal siya sa trabaho niya noon.

Kuwento nga nila ay maginhawa ang buhay namin noong nagtatrabaho pa sila sa mga Montemayor kaya lang, sa kasawiang palad, napalitan sila ng ibang mga trabahador na galing sa Pransya na ikinalugmok ni Itay kung kaya't nabaon siya sa utang sa mga ito. Ngunit nang masawi si Ina ay ro’n na rin ito nagsimulang magbago at winaldas ang pera sa kung saan-saan. Mabuti na lamang ay may natira pa sa akin kahit isa sa gamit namin at 'yon ang kwintas na binigay sa akin ni Ina.

“Mang Pedro, bigyan n’yo pa po kaming isang tsansa. Magbabayad rin po kami ngayon, pakiusap po,” wika ko habang lumuluhod na upang makiusap lamang na huwag muna kaming palayasin dahil hahanap ako ng mapagkakakitaan kahit kaunti. Hindi rin sapat ang kinikita ni Itay para sa aming dalawa, mabuti at nakatulong nang kaunti ang pagiging scholar ko sa paaralan namin. Kapalit nga lamang nito ay kailangan kong mag-aral nang mabuti, kumuha ng extra curriculum, kaya in the end, nagmukha na akong nerd dahil sa pagtutok lagi sa pag-aaral dahil para sa akin ay ito lang ang makatutulong sa amin na makaahon sa kahirapan.

Edukasyon ang kursong kinuha ko dahil bukod sa mahilig ako sa mga bata ay nais ko rin magbahagi ng iba't ibang lesson na alam ko. Gusto kong ako rin ang magtuturo sa magiging anak ko.

“Anak ng pucha naman, neneng. Ilang buwan ko na kayong pinagbibigyan, ganyan pa rin ang isasagot mo? Aba eh, hindi ko kayo obligasyon, may binubuhay rin akong pamilya kaya layas! Hindi na ako magkaka-anda sa inyong dalawa, mga purita mirasol!” mataray na wika nito habang binuksan pa ang pamaypay niya at pinaypayan ang sarili.

“Omy, may ombre! Sige na, layas. May bago nang uupa sa tinutuluyan ninyo!” wika nito habang dali-daling lumapit sa lalaki na papunta sa direksyon namin.

Ano pa ba ang magagawa ko? Mukhang wala na talagang balak si Mang Pedro na pagbigyan pa kami, ito na ang pang-apat na lipat namin at sana naman ay may tumanggap pa sa amin.

“Sandali, Elaine!” sigaw ng lalaki na lumapit kay Mang Pedro at si Kaizer pala ito, ang crush ko!

“Ah, ikaw pala, Kaizer, anong ginagawa mo rito?” tanong ko habang bitbit ang isang maleta na tinapon ni Mang Pedro sa amin ni Itay na nasa likod ko.

“Mano po, Tito!” sambit ni Kaizer nang makita si Itay na masama ang tingin sa kaniya na agad kong ikinatawa. Si Itay talaga, oo, kahit kailan ay ayaw niya akong makita na kasama si Kaizer.

“Bakit po nasa labas ang mga gamit ninyo?” tanong sa amin ni Kaizer, akmang sasagot pa sana ako nang lumapit si Mang Pedro at hinawakan ang braso nito na parang linta kung makakapit.

“Pinaalis ko na para makarenta ka, pogi. Ano, kunin mo ba?” tanong nito at kumuha pa ng lollipop sa bulsa niya at sinimulang kainin ito na ikinangiwi ko.

Luh, ano iyon?

“Hindi ako rerenta, pabalikin mo na sila sa apartment,” sambit ni Kaizer habang bumibitiw sa kapit ng hawak ni Mang Pedro na parang nandidiri siya rito na hindi ko mapigilang matawa.

“Anong nakakatawa, at saka walang mga anda ang mga 'yan kaya free to go sila!” sigaw ni Mang Pedro habang dinidireksyon palabas ang pamaypay niya. Ilang oras na lang ay may klase pa ako, kailangang maayos ko ito sa mabilis na paraan.

“What did you say, this is my fiancée kaya kung gusto mo pang may uwian ka pa at negosyo. Pabalikin mo sila at huwag kang mag-alala sa bayarin, ako ang magbibigay sa 'yo,” wika niya na ikinagulat ko. Ano raw? Fiancèe niya ako?

Hindi ko mapigilang mapangiti sa sinabi niya, pero bigla akong siniko ni Itay na kanina pa masama ang tingin sa akin, “Umayos ka, anak. Tandaan mo, hindi ganyan kumilos ang inay mo noon,” sambit niya na ikinatango ko na lang.

Ang akala ko ay pagagalitan niya ako dahil sa ginawa ni Kaizer ngunit mukhang hindi.

“At bakit naman ako matatakot sa 'yo? Mas mayaman ang mga kaibigan ko at hindi mo makukuha ang apartment na ito. Pogi ka sana kaya lang masyado kang mayabang. Sayang ang discount mo!” sigaw nito nang may hinugot si Kaizer sa bulsa niya at iniabot ito kay Mang Pedro. Isa itong makakapal na isang libo na nakasulat ang ₱100,000 sa papel na ikinagulat ko, sobra-sobra na ito.

“Kaizer, hindi mo kailangang gawin 'yan!” bulalas ko subalit ngumiti lang siya sa akin at nagsalitang muli, “Now, if you will excuse me. Hahanap pa kami ng magandang apartment ng fiancèe ko,” wika niya at akmang aalis na sana nang pigilan kami ni Mang Pedro.

“Sandali, ibibigay ko sa kanila ang malaking silid rito,” wika niya habang dahan-dahan kaming pinapasok muli sa apartment.

Magrereklamo pa sana ako na roon na lang ulit sa dati nang biglang sumigaw si Mang Pedro.

“Bonjing, Patrick! Buhatin n’yo nga itong dalawang maleta na ito!” sigaw ni Mang Pedro at lumabas doon ang dalawang lalaki na naghihikab pa habang nakatingin lamang sa amin. Pinukpok sila ni Mang Pedro ng pamaypay sa ulo at dali-daling pinabuhat ang mga maleta na hawak namin ni Itay.

Lumapit sa amin si Kaizer at bumulong kay Itay, “Ano, Tito, dagdag pogi points ba?” tanong niya na ikinaiwas ni Itay ng tingin. Kung kailan naman dumada-moves si Kaizer sa akin saka ayaw ni Itay.

“Kaizer, salamat nga pala, ah. Hahanap din ako ng trabaho para mabayaran kita,” wika ko habang nakayuko at nauna nang pumasok si Itay sa aming dalawa.

“Ano ka ba, kapag naging mag-asawa tayo. Hindi mo na kailangang gawin 'yan, pero kung iba ang mapapangasawa mo, ayos na ba ang kalahating milyon? Dadagdagan ko pa ng interest kaya dapat ako ang mapangasawa mo, maliwanag ba?” wika niya habang naiwan akong tulala sa labas. Ano raw? Agad naman akong napatalon sa kilig at nang ma-realize ko kung anong oras na ay agad akong nagpaalam sa kanilang dalawa na papasok na ako sa school.

“Hatid na kita,” sambit niya ngunit tututol pa lang sana ako nang tumango si Itay na agad ko na lamang sinagot ng sige.

“Kaizer, pasensya ka na. Naistorbo pa kita,” wika ko habang nasa loob kami ng sasakyan niya. Nagkakilala kami ni Kaizer sa isang panciteria ni Aling Kikay dahil madalas akong tumambay ro’n para kumain ng paborito kong bihon hanggang one time, bigla na lang niya akong hinila at hinalikan na ikinagulat ko. Pagkayari no’n ay sinampal ko siya nang malakas, pero ang sagot pa niya sa akin ay, “Ayaw mo ba?” Na ikinabaliw ng sistema ko hanggang sa tumagal ay naging magka-close na kami. Kasa-kasama namin laging gumala ay sina Venice at si Baklang Elena na lagi naming sinusuportahan sa mga pageant niya.

“Ano ka ba? That's fine, lalo na kapag ikaw,” wika niya habang seryoso sa pagmamaneho at bigla na lang lilingon sa akin para mag-flying kiss.

“Oo, kapag nabangga tayo, hindi ka na makagaganiyan!” sambit ko na ikinatawa niya.

“Chill, madame,” sagot niya at makalipas ang ilang minutong pag-aasaran namin ay nakarating na rin kami sa paaralan.

“Sige, ba-bye. Salamat talaga, Kaizer!” sigaw ko habang binubuksan ang pinto ng sasakyan. Nagulat ako nang bigla siyang bumaba upang pagbuksan ako ng pinto at hinalikan pa ang kamay ko.

“Ano ka ba, sige, bye!” sambit ko na lang habang mabilis na tumatakbo dahil sa namumulang pisngi ko na dapat kong itago sa kaniya. Kung hindi ay tutuksuhin niya na naman ako.

Pagkapasok ko pa lang sa room namin ay nando’n na nag-aabang si Venice at si Baklang Elena habang nagme-makeup sila. “Oh, ayern na pala si Rapunzel,” wika niya habang hinawakan pa ang buhok ko at sinuklay-suklay pa.

“Ano na, beks, magkuwento ka na. Nakita namin kayo ni Baklang Elena sa labas no’ng halikan ka niya sa kamay. Uy, kinilig ka, aminin,” sambit ni Venice habang sinusundot-sundot pa ang tagiliran ko. Agad naman akong napabuntong-hininga dahil mukhang wala akong choice kundi magkuwento.

“Nakisabay lang ako kasi si Mang Pedro, alam mo naman 'yon. Pinalayas na naman kami sa apartment,” pagsisimula ko habang nilalagay ang bag ko sa upuan at para silang tanga na sumusunod sa akin. Pagkayari no’n ay naupo sila sa katabing upuan at nagsimula na akong magkuwento. “Ayon nga, parang knight in shining armor kanina si Kaizer no’ng iligtas niya kami kay Mang Pedro sa pagpapalayas sa amin. Tapos sinabi niya na fiancèe niya raw ako,” wika ko habang nagtatakip ng mukha at nagulat ako nang tumili silang dalawa na parang nakakita ng multo. Nakaagaw atensyon tuloy kami sa mga kaklase namin na abala sa ginagawa nila. “Uy, para saan 'yon?” tanong ko, pero agad silang humalakhak na dalawa.

“Tangeks, beks. Kinikilig kami para sa 'yo kaya i-push mo na 'yan kay Fafa Kaizer. Sabi sa 'yo, eh, may gusto rin sa 'yo,” sambit ni Venice habang kinakalabit-kalabit pa ako.

Hindi ba ako nag-a-assume lang, pero baka ginawa niya lang 'yon para maniwala si Mang Pedro, pero bakit hindi ko mapigilang kiligin?

Sabay-sabay kaming tatlo pauwi dahil iisa lang naman ang dadaanan namin, pero pilit silang nag-aaya na overnight daw dahil malaki naman ang apartment at libre daw ng fiancè ko. Aalma pa sana ako, kaya lang, sasabihin daw nila na gusto ko si Kaizer kapag daw hindi ako pumayag kaya ito ako ngayon, papunta na sa apartment na tinutuluyan namin.

“Kumuha muna kayo ng damit bago dumiretso sa amin?” tanong ko na ikinatango nilang dalawa, pero ang totoo ay may trabaho pa ako sa isang restaurant. Mabuti na lamang ay tinanggap nila ako roon para may pangdagdag ako sa utang ko kay Kaizer.

“O siya, sige, beks. Tingnan mo iyong sasakyan na 'yon, oh. Ay potek may guwapong nakatayo. Kaya lang, mukhang natatae,” wika ni Venice na ikinatawa naming tatlo. Tama sila, may sasakyan nga at mukhang nasiraan ito.

“Ang guwapo ng driver. Kaya lang, mukhang natatae, eh, may tao kaya sa loob? Tara, kumaway tayo,” pilyong sambit ni Venice habang nagtawanan pa kaming tatlo at kumaway-kaway. Nag-oppa heart pa ako kahit hindi ko alam kung tama ba ang ginagawa ko, natigil kami nang pumasok ang lalaki sa sasakyan at ilang minuto pa ay umalis na kami na kunwari ay nag-uusap lang.

“Oh, alam mo naman siguro ang gawain ng mga waitress. Kunin mo ang mga order at ibigay sa amin, okay?” sambit ng isa sa chef na ikinatango-tango ko. Narinig ko pa silang nagtatawanan bago ako umalis.

“Napakapangit, ’di ba?” bulungan nila na ikinangiti ko na lamang habang palabas ng lutuan. Sanay na ako sa mga gano'n, madalas ay tinatawag nila akong mukhang basahan dahil sa hitsura ko, pero mabuti na lamang at hindi ako sinasabihan ni Venice, Baklang Elena, at Kaizer ng gano'n kahit totoo naman.

Hindi ko dapat itaas ang expectation ko na magugustuhan ako ni Kaizer lalo na pagdating sa physical appearance. Talo agad ako ng mga actress na ka-partner niya.

“Waiter!” sigaw ng isang babae na pangmodelo ang katawan. Dali-dali akong pumunta roon at pinahid ang luhang nagmula sa mata ko.

Kailangan kong mas mag-focus sa trabaho ko at hindi sa ibang bagay.

“Ano pong order nila, ma'am?” tanong ko habang maarte nitong nililipat ang pahina upang pumili ng pagkain.

“Steak, and you, baby?” tanong nito sa lalaking kasama nito na nakatingin sa akin. May dumi ba sa mukha ko? Pero napakaguwapo niya at mas lalong nagbigay ng kaguwapuhan niya ang kulay blue nitong mata na mahihinoptismo ang kahit sino.

“Baby?” ulit nito habang naghihintay kami parehas ng isasagot niya. Ngunit nagulat kami parehas nang sumagot siya ng wala sa menu.

“I want to order you,” sambit niya na ikinanganga ko. Ano raw? Ano ba itong nangyayari, ni hindi ko nga siya kilala!

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status