Share

In Love with the Boss - Chapter 3

Gayon na lang ang pagkagulat niya nang si Zane ang tumambad sa harapan niya matapos mabuksan ang gate.

Hindi niya napigil ang panghihilakbot at ang biglang pag-atras na para bang tatakbo nang palayo.

"Sandali lang, Avery. Huwag mo sana akong pagsarhan ng pinto," pigil ng lalaki. He looked earnest and humble.

"A-ano po ang kailangan n'yo?" tanong ni Avery. Hindi na siya dapat pang makipag-usap sa lalaki ngunit nangangamba siyang baka mangulit ito.

Inilantad ni Zane ang isang pumpon ng mapuputing rosas na nakabalot sa plastik. "Gusto kong patawarin mo ako, Avery."

Parang nangunti ang dalaga ngunit hindi niya alam kung bakit. She was suddenly shy dahil ngayon lang siya inalayan ng bulaklak ng isang lalaki.

Kumuyom ang mga palad niya. Nagpipigil na kunin ang iniaabot. "N-nakalimutan ko na ang nangyari, sir."

Bumuntonghininga si Zane. "Nagsisinungaling ka, Avery."

Hindi kumibo ang dalaga. Tumingin lang siya sa lupa.

"Maaari bang tumuloy?"

"Bakit pa?" Muli siyang nag-angat ng mukha.

"Masama bang magpakilala sa pamilya mo ang iyong amo? Mag-wawalong taon ka nang nagtatrabaho sa akin, hindi ko pa sila nakikilala."

"Hindi sakop ng trabaho ang personal na buhay, sir."

"Paano kung gusto kong sakupin pati ang personal na buhay mo, Avery?"

Umiling si Avery. "Huwag na po, sir. Hindi po magiging maganda ang resulta."

"Ano'ng gagawin mo? Magre-resign ka?"

Gustong tumango ni Avery ngunit nasa likuran niya ang mga dahilan kung bakit hindi siya dapat mawalan ng trabaho.

She sighed instead. "Bakit ako ang napapagdiskitahan ninyo ngayon, sir? Naubos na ba ang mga babae sa alta sosyedad?"

"It's not like you to speak like that, Avery," Zane chided her use of sarcasm. "I've been wanting you secretly for a long time. Kanina lamang ako nawalan ng kontrol dahil sa pangambang baka maunahan pa ako ng iba--katulad ni Gary Villa. Baka dahil sa kahihintay ko ng isang magandang tiyempo, lalo akong mawalan ng tsansa sa iyo."

Disbelief registered on her fair face. "Hindi ako naniniwala sa inyo, sir. Kailanman, hindi n'yo ako mapapaniwalang attracted kayo sa isang katulad ko!"

Masyado siyang involved sa pakikipagtalo sa lalaki kaya hindi niya namalayan na lumilipas ang mga sandali.

"Avery! Tawag ka ni Mama. Kakain na yaw. Tino daw ang bitita?" Si Teo ang naka-frame sa bukas na pintuan.

Nilinga ni Avery ang paslit bago ibinalik ang atensiyon sa kaharap. "Umalis na kayo, sir," wika niya rito, may himig-pakiusap na. "Hindi na kayo dapat nagpunta dito."

"Avery? Ineng, sino raw ba ang bisita? Lumalamig ang pagkain." Inaaninag sila ni Nana Pilang.

Nalito si Avery. "Sir, please!"

Hindi tuminag si Zane. "Gusto kong makilala ang pamilya mo, Avery," ang mariing pahayag nito.

"Avery?" ulit ni Nana Pilang.

"S-sandali na lang po, Nana. Uh, p-papatuluyin ko lang po ang bisita." Napilitan siyang magpatianod. "P-pasok kayo, sir," anyaya niya, pigil ang emosyon sa mababang tinig.

Magalang na bumati ang lalaki sa kanyang Mama Nena. Kapuri-puri ang hindi nito pagtingin sa paligid ng kabahayan.

Ngayong may estranghero sa loob ng malaking bahay, biglang na-conscious si Avery sa mga malalaking bakas ng mga mamahaling painting na dati'y nakasabit sa mga dingding.

"Magandang gabi po, Mrs. Cruz. Ako po si Zane Dela Cuesta, ang boss ni Avery," pagpapakilala nito nang hindi pa rin umiimik ang dalaga.

Isang masayang ngiti naman ang sumilay sa hapis na mukha ni Mama Nena pagkakita sa matangkad na lalaking naka-business suit pa rin. "Kayo po pala ang butihing amo ng anak ko. Maupo kayo. Sumalo kayo sa aming simpleng hapunan." Nanumbalik ang pagiging gracious hostess nito.

Much as she wanted to intervene, walang puwedeng gawin si Avery kundi ang pumayag sa mga nangyayari. Tahimik siyang kumuha ng isa pang pinggan at table mat para sa nadagdag na puwesto sa lamesa.

She glanced at the man secretly. Gusto niyang makita kung ano ang reaksiyon nito. Amoy sa hangin ang masarap na amoy ng bagong lutong ginisang gulay.

Zane seemed very pleased. Nakangiti ito habang malugod na nagpapaunlak sa imbitasyon ng matandang maybahay. "Maraming salamat po, ma'am. Uhm, maaari po bang makigamit ng telepono?"

"Aba, oo!" Excited na excited si Mama Nena. "Avery, iha, pakituro mo nga kay sir ang telepono natin."

Sinamahan ni Avery ang lalaki. Nakabawi na siya kaya alam niyang blangko na naman ang kanyang ekspresyon. "Nandito po ang telepono, sir," ang pormal na wika niya matapos ituro ang mababang telephone stand.

Nagbalik siya sa tabi ng pintuan upang damputin uli ang laundry basket. "Dadalhin ko lang po ito sa labas, Mama," aniya habang papalabas ng back door.

"I'm sorry, Pierre, hindi pala kami makakarating diyan. Nagbago ang isip ng kasama ko." Naulinigan niya ang boses ni Zane dahil nasa tapat ng malaking bintana ang telepono. "Of course, makikilala mo rin siya pagdating ng araw. Pasensiya ka na lang, ha? Have an early night. Ako na lang ang bahala sa sarili ko pag-uwi ko. Bye."

Sumakit ang kalooban ni Avery dahil sa narinig. Hindi pala sumipot ang babaeng kausap nito kaya nandito ang lalaking ito! Ano kaya ang inihanda ni Pierre, isang magaling na chef, kontra sa pinakbet ni Nana Pilang? she asked herself cattily.

Huminga siya nang malalim nang marinig ang sarili. Nag-iisip siya ng pangit dahil sa pagseselos?

Habang kumakain, ang kambal ang inasikaso ni Avery. Sina Mama Nena at Nana Pilang naman ang umestima kay Zane. Tila wala namang reklamo ang huli. Masayang nakikipag-usap sa mga ito, habang pasulyap-sulyap sa kanya.

"Ako na ang bahala sa kambal," wika ni Nana Pilang nang makitang tapos nang kumain ang mga bata. "Inaantok na ang mga iyan."

"Goodnight, Mama. Goodnight, Avery. Goodnight, sir," ang panabay na paalam ng magkapatid.

Halos sabay-sabay rin nilang sinagot ang mga ito. As she sat listening to Zane's male voice, parang nakaramdam siya ng pangungulila sa nasirang Papa Justo. Kaytagal na nang muling makarinig ng boses-lalaki ang bahay na iyon.

"You have beautiful children, Mrs. Cruz," papuri ni Zane nang sila na lamang ang nasa kumedor.

Nag-blush si Mama Nena. "Salamat, sir. Sila ang mga biyaya ng Panginoon sa akin."

Nagkasabay ng pagsulyap sina Avery at Zane kaya naghinang ang kanilang mga mata. His magnetic eyes pulled at her deepest self and tried to change her. Avery fought the force but could not. 

"Siyanga pala, Avery, nanggaling dito si Dr. Fredo," pagbabalita ng ina-inahan.

Napapitlag si Avery. Zane's spell was suddenly broken. "Uh, a-ano po ang sabi niya? Na-check-up po ba kayo?"

"Oo. Normal naman daw ang presyon ko. Naikuwento ko ngang regular na naman ang pag-inom ko ng gamot, e."

Napasulyap uli si Avery sa gawi ng lalaki. Ayaw niyang mapag-usapan sa harap ng ibang tao ang anumang domestic problems nila ngunit tila lagay na lagay ang loob ng matandang babae.

"Na-stroke po ba kayo?" sabad ni Zane. Tila interesado sa pinag-uusapan nilang mag-ina.

"Mild stroke lang naman pero malaki ang inihina ng katawan ko, iho. Nahihiya na nga ako sa aking anak na si Avery. Halos nasa kanya na ang lahat ng responsibilidad dito sa bahay."

"Mama," awat ni Avery. "Huwag na po nating pag-usapan ang tungkol diyan."

Ngunit ayaw magpaawat ni Mama Nena. "Anak, malimit akong mawalan ng katahimikan sa tuwing maiisip kong lumilipas ang kabataan mo sa pag-aasikaso sa amin."

Zane was staring at her intensely. He looked like a hawk, waiting for the right time to swoop.

"Mama, please," pakiusap ni Avery.

"Iha, huwag mong sabihin sa akin na ni hindi nasasagi sa isip mo ang makatagpo ng sariling pag-ibig," patuloy lang ng ina-inahan na tila naging manhid na sa kahihiyan ng anak-anakan. "You're not getting any younger."

"Twenty-something pa lang naman po si Avery, a?" Sumali na naman si Zane.

"Twenty-something is twenty-seven going twenty-eight. Nung panahon namin, manang na ang itatawag sa amin pagdating sa ganyang edad!" pahayag ni Mama Nena, parang isang malaking eskandalo ang tungkol sa edad ni Avery.

"Mama, tama na po iyan. Nakakahiya na po kay sir." Ginagap niya ang kamay ng matanda.

Atsaka lang nahimasmasan ito. "I'm sorry, iha," wika ni Mama Nena matapos ang maikling katahimikan. "Nais ko nang magpahinga."

Tumulong si Zane sa pag-alalay sa matanda patungo sa higaan nito kaya madaling natapos ang dati-rati'y nakakapagod na routine sa gabi. Hindi pa pumapanaog si Nana Pilang.

Nagkamali si Avery nang magbalik siya sa kumedor upang magligpit. Sinundan siya ni Zane gayong iniwan niya itong nagtatanong kay Mama Nena tungkol sa naging karamdaman.

"Your mother thinks that you need a husband, Avery," sabi nito, walang abug-abog. "And I think she's right. You need a rich husband... me."

"Y-you're being ridiculous, sir!" bulalas ni Avery nang matagpuan na naman niya ang nawalang boses. "B-bakit naman ganyan ang naging conclusion mo? Ngayon mo pa lamang siya nakilala."

"Don't be a blind martyr, Avery. Kahit na magpakatandang-dalaga ka, hindi pa rin mabibigyan ng kasiguruhan ang kinabukasan ng pamilya mo. Maliliit pa ang mga kapatid mo; ngunit dapat ay nagsisipag-aral na sila sa edad nila ngayon."

Napayuko ang dalaga. Napahiya siya. Tutoo ang mga sinabi ni Zane.

"At dapat ay regular ang pagtustos sa gamot ng iyong Mama upang maging madali at tuluy-tuloy ang kanyang paggaling," patuloy ng lalaki. His tone is matter-of-fact and very businesslike. Iyon ang tonong ginagamit ni Zane Dela Cuesta kapag nagpe-presenta ng bagong ideya sa business venture sa mga ka-sosyong may mga pera ngunit walang imahinasyon. "Sa palagay mo ba, kayang tugunin ang lahat ng iyan ng iyong suweldo bilang sekretarya ko?"

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status