Share

Chapter 9: Keen’s lab

“Rain, sure ka bang okay ka lang?” Tanong ni Ayesha pagbalik na pagbalik namin sa kwarto, tumango lamang ako bilang sagot. Mabuti na lang at may dumating na gwardya kanina bago pa man lumala ang nangyaring gulo, pero dahil doon ay hindi na rin itinuloy ang party kahit hindi pa man nagtatagal. Pakiramdam ko tuloy ay kasalanan ko, ako raw kasi ang dahilan kung bakit nasira ang party at hindi ko naman iyon maitatanggi. Sa akin nag-umpisa ang alitan sa pagitan ng DARK at ng mga third year.

“Wait, ikwento mo naman kung paano naging kayo ni Jiro. I’m so kinikilig kaya kanina. I can’t believe na kayo na pala.” Nakangiting sabi ni Ayesha habang nagpapalit ng pang tulog

 “We’re not dating, Ayesha. Wala pang isang linggo kaming magkakilala.” Dipensa ko at kahit gusto ko mang kiligin dahil sa sinabi ni Jiro para iligtas ako, mas nangingibabaw sa isipan ko ang ginawang paghalik sa akin ni Thunder. Tuwing sasagi iyon sa isipan ko ay pakiramdam ko ay kusang namumula ang pisngi ko. Hindi ko tuloy maiwasang isubsob ang mukha ko sa unan dahil sa hiya. That was my first.

“Uy, anong nangyari sa’yo? Okay ka lang?” Ramdam kong lumapit sa akin si Ayesha kaya naman naupo ako at niyakap ang unan ang hawak.

“Nahalikan ka na ba?” Tanong ko at bigla na lang siyang ngumiti ng wagas. Naupo pa siya sa kama ko na tila may nakakagulat akong sinabi.

“Oh my god! Don’t tell me may humalik sa’yo sa lights off kanina?”  Hinawakan niya ang magkabila kong balikat at naghihintay sa isasagot ko. Paano naman niya nalaman iyon?

“Ah....ano kasiㅡ”

“Alam mo ba na kung sino raw ang hahalik sayo sa light’s off, siya ang makakatuluyan mo?” Sa hindi malamang dahilan ay napatayo ako dahil sa sinabi niya. Sure naman ako na pamahiin lang iyon dito sa eskwelahan nila pero hindi ko pa rin maiwasan ang mailang.  “So may humalik nga sa’yo, tell me who?”

“W-wala.” Dali-dali akong tumakbo at pumasok sa banyo para magpalit ng damit. Imposibleng totoo ang sinabing iyon ni Ayesha pero pagharap ko sa salamin ay hindi ko maiwasang hindi hawakan ang labi ko. ‘Yung first kiss ko. Maganda sana kung mas romantic iyon, eh.

Kinabukasan ay Friday at masasabi ko na sobrang nakaka-stress ang unang lingo ko rito sa Academy. Tinignan ko ang schedule habang nagt-toothbrush at napansin na oras at building lang ang nakalagay roon, walang naka-include na subject. Nakakapagtaka.

“Ayesha saan ‘tong Keen’s laboratory?” Tanong ko nang idura ko ang laman ng bibig at magmumog. Sinilip ko naman siya mula sa pintuan habang nag-aayos siya ng buhok.

“Oo nga pala. Tuwing friday kasi ay nag-gagather lahat ng estudyante dipende sa kind na kinabibilangan nila. Bali puro keen lang ang mga makakasalamuha mo tuwing friday.” Tumango lang ako at nagpatuloy sa pag-aasikaso. Maigi na iyon, ayoko muna kasing makita ang mukha ni Thunder. Naiinis ako na naiilang, parang pag nakasalubong ko siya sa daan ay kusa na lang ako magpapakain sa lupa. Hindi pa ako handing harapin siya matapos ng nangyari kagabi.

Lumipas ang ilang minuto at tinatahak ko na ang daan papunta sa sinabing direksyon sa akin ni Ayesha papunta sa keen’s lab. Hindi naman ako nahirapang hanapin iyon dahil kulay asul iyong building. Obvious na obvious na ito nga ang hinahanap ko, at isa pa nakita ko na ito noon nung unang dating ko rito sa Academy.

Bago makapasok sa loob ng building ay humarang sa aking gwardya. Tinanong nito kung ano pakay ko kaya naman ipinakita ko sa kanya ang schedule ko. Tipid itong ngumiti bago ako pinagbuksan ng pinto. Pagtapa na pagtapak sa loob ay agad kong napansin na airconditioned ang buong paligid, sa unang palapag pa lang ay makikita mo na ang mahabang hallway. Karamihan din ng gamit dito ay gawa sa salamin at kulay asul, habang tinitignan ang paligid ay hindi nakatakas sa paningin ko ang tingin na ibinibigay ng mga Keen gaya ko.

“Siya ‘yung  pabidang babae sa party last night ‘di ba?”

“Oo, ‘yung exchange student. Keen pala siya?”

Huminga ako ng malalim at piniling wag na lang silang panansin. Bakit pa kasi sila bumulong? Sana kinausap na lang nila ako kasi ang lakas din naman ng boses nila, not to mention na nasa harapan lang nila ako. Nilagpasan ko na lamang sila at lumapit sa front office desk.

“Hi. Apelyido?” Tanong ng babae nang mapansin nito ang paglapit ko. Lumabas pa siya roon para lang mas makalapit sa akin.

“Celvero.” Tipid na sagot ko at may kung ano siyang pinindot sa tablet na hawak niya. Pinanuod ko lang siya sa ginagawa hanggang sa huminto siya at ngumiti sa akin.

“Follow me,” Utos niya nang mag-umpisa siyang maglakad patungo sa mahabang hallway, maraming pinto ang makikita sa magkabilang gilid at marami din paintings ang nakasabit. Ang iba ay litrato ng tao at ang iba ay litrato ay mga laboratory equipment gaya ng microscope, bunsen burner, balance scale at kung ano pa. “Ms. Celvero?”

Napatingin ako sa babaeng kasama at nakitang naghihintay ito na pumasok ako sa pintuang binukan niya, napangiti ako ng tipid at humingi ng tawad. Masiyado yata akong nabilib sa ganda nitong Keen’s lab. Pagpasok naman sa loob ng kwarto ay inabutan ako ng isang blue na lab gown ng babae, sinuot ko iyon at doon napansin ang apat na Keen na kaklase ko at iba pang estudyante na hindi ko na kilala.

“Magtanong ka na lang sa kanila kung ano ang gagawin.” Bilin sa akin ng babae at nagpasalamat naman ako sa kanya bago ito lumabas. Tinignan ko ang mga narito sa loob at balak na sanang lapitan ang mga kaklase ko ngunit parang ayaw nila akong kasama kaya lumayo na lang ako at nagpunta sa gilid. Pinanuod ko lang kung paano silang maglipat ng likido at sa erlenmeyer flask at pakuluin iyon.

Napalingon naman ako pintuan nang bumukas iyon at laking gulat nang makitang iniluwa noon si Axel na nakasuot din ng lab gown na katulad ng akin.

“A-anong ginagawa mo rito? Insolent ka, ah.” Puna ko sa kanya, dahilan para makuha namin ang atensyon ng mga kasama rito sa kwarto. Lumapit naman siya kung saan ako naroon at bumulong.

“Shh.. hindi naman ako pure insolent, at isa pa naboboring ako roon kaya rito muna ako,” Medyo naguluhan ako sa sinabi niyang iyon kaya hindi muna ako nagtanong, alam ko rin naman na may sasabihin pa siya. “70% Insolent, 30% Keen.”

“I see.” Tumango lang ako at tinignan siya, kaya pala hindi siya ganoon kasama dahil hindi siya pure Insolent. Eh, si Thunder kaya? Sure akong 200% insolent ang isang iyon. No doubt.

“Cool right?” Tanong niya nang may kuhain siya sa cabinet na nasa likuran namin. Mukhang hindi ito ang unang pagkakataon niya sa kwartong ito. “May alam ka na ba sa gagawin dito?”

Nagpunta siya sa mismong harapan ko at isinuot sa kamay ko ang gloves na kinuha niya. Nabigla ako sa ginawa niyang iyon kaya binawi ko ang kamay ko at pinagpatuloy mag-isa ang pagsusuot ng gloves. Ayokong madagdagan pa ang dahilan para pagtinginan kami.

“Ah eh wala. Bago lang ako rito, remember?” Naiilang na sagot ko nang bahagya akong lumayo sa kanya.

“Tara.” Aya niya matapos niyang makapagsuot din ng gloves. Sinundan ko naman siya kung saan pumasok siya sa isang connecting door at napunta kami sa kwartong walang estudyante. Tanging isang malaking flat screen TV lang ang narito at mga upuan. Mukha itong isang modernong classroom. “Dito sa Keen’s lab, malaya kang gawin ang kahit anong gusto mong gawin as long as magagamit mo ang pagiging Keen mo.”

Paliwanag ni Axel kaya naman napalingon ako sa kanya at tumango-tango. Doon ko na-realize na mas attractive siyang tignan kapag lumalabas ang Keen side niya. “Eh sa insolent ba? Anong ginagawa niyo?”

“Sa Insolent? Kung ano-ano lang ang mga activities doon hindi gaya rito sa Keen’s lab na mayroon kang matututunan.. Dito kasi pwede ka mag-experiment ng kung ano,” Sagot niyo at hindi ko maiwasang mamangha, ibang iba ang dating niya ‘pag tungkool sa keen ang pinag-uusapan.

“Did you know that you can sense when someone’s staring at you even when you’re not looking directly at them?” Biglang sabi ni Axel nang hindi tumitingin sa akin, dahilan para mapaiwas na ako ng tingin sa kanya.

“A-alam ko,” Nauutal kong sabi bago makita mula sa peripheral vision ko ang pagtitig niya sa akin. Dahil doon ay ibinalik ko ang tingin sa kanya.

“Did you know that if a man spots a woman he finds attractive, he holds his stare for an average of 8.2 seconds?” Tanong ko at bigla naman siyang ngumisi.

“Yeah, I really find you attractive.” Sabi nito at saka niya binuksan ang monitor na narito. Lumabas doon ang isang documentary about sa Science and technology.

Sa ilang oras na ilinagi ko sa loob ng keen’s lab ay masasabi kong may mga bago akong natutunan sa tulong ni Axel. Halatang marami na siyang experience sa mga gawain ng keen kaya naman sa buong schedule ngayong araw ay siya ang kasama ko.

“Parang mas gusto na Friday na lang araw-araw.” Komento ko nang hubarin namin ang lab gown at isabit iyon sa clothes rack. Hinubad din namin ang gloves na suot at itinapon iyon sa basurahan. Marami pa siyang inexplain sa akin habang naglalakad sa mahabang hallway gaya na lang na may iba’t ibang leader ang bawat kind at kung ano pa.

“Maiwan muna kita, oras na para bumalik sa kuta ng mga Insolent,” Paalam niya nang makalabas kami ng building. Tinignan ko siya at saka tumango habang nakangiti.

“Sige. Thank you, ah.” Nag-thumbs up siya sa akin bago maglakad palayo, medyo natanaw ko rin ang sinasabi niya na kuta ng Insolent. May kulay itim kasi na building sa tinatahak niyang daan at nasa bandang likuran lang iyon ng pulang building.

Nang mapag-isa ay naisipang kong pumunta na lang ng cafeteria, nagbabakasakali na naroon na rin sila Ayesha, pero wrong move. Bakit sa dami ng pwede kong makasalubong ay ang lalaki pang ayaw kong makita sa mga oras na ito? Nanandya ba ang tadhana o trip niya lang kaming pagtagpuin?

“Aaaah, ang sakit ng tiyan ko!” Hinawakan ko ang tiyan ko at nagpanggap na namimilipit sa sakit bago dali-daling tumaliwas ng direksyon.

“Hoy Rain!” Hindi ako nag-abalang huminto o lumingon man lang nang isigaw ni Thunder ang pangalan ko. Alam ko naman kasi na sisirain niya lang ang araw ko.

“Ulan!” Sigaw niya ulit, dahilan para mapahinto na ako. Ano bang problema niya? Inis ko siyang nilingon at nakitang tumatakbo siya palapit sa akin. Mabuti na lang at walang tao rito sa hallway dahil malamang, mapag-uusapan na naman ako.

“Hoy kulog! Wag mo ngang tinatagalog ang pangalan ko!” Reklamo ko nang tuluyan siyang makalapit sa akin. Hindi siya nagsalita at tinitigan lamang ako kaya naalala ko na naman iyong ginawa niya kagabi. “Ah! Aray! Ang sakit ng tiyan ko. Kailangan ko na bumalik sa dorm.”

Muli akong humawak sa tiyan ko at patalikod na sana ngunit laking gulat ko na lang nang buhatin niya ako na para bang bagong kasal. “Yah! Ibaba mo nga ako! Ano bas a tingin mo ginagawa mo? Saan mo ako dadalhin?!”

“Masakit tiyan mo ‘di ba? Dadalhin kita sa infirmary,”

“Ano? Umaacting lang ako! Ibaba mo na ako!” Saktong pagkasabi ko noon ay bigla na lang niya akong ibinaba kaya naman nawalan ako ng balanse at napaupo sa sahig. Agad kong tiningala at tinignan ng masama bago tumayo habang pinapagpag ang suot na palda.

“Tell me, are you avoiding me?” Tanong niya nang isuksok niya ang parehong kamay sa bulsa ng suot niyang pantalon.

“Oo.Simula kasi nang makilala kita ay palagi na akong nalalapit sa gulo, at isa pa.. a-no,” Nautal ako sa pagsasalita nang mapansing palapit siya ng palapit sa akin hanggang maglapit na ang mukha naming dalawa. Konting hakbang na lang niya ay tiyak na magdidikit na mga mukha namin.

“Rain?” Boses ni Liam kaya naman para akong nabunutan ng tinik. Hindi na ako nag-aksya ng oras at dali-daling tumakbo papunta kung saan siya naroon.

“Uy! Kanina pa kita hinahanap. Buti dumating ka, tara kain na tayo?” Hinawakan ko siya sa balikat at marahang itinulak papasok ng cafeteria. Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko nang saw akas ay makatakas ako kay Thunder.

“Okay ka lang ba?” Tanong ni Liam nang humarap siya sa akin.

“I’m okay. Si Ayesha nasaan?”

“Wala pa, eh. Hmm ang ganda mo pala ngayon,” Sabi niya pag-upo namin sa usual spot naming tuwing breaktime. Namula naman ang mga pisngi ko dahil doon. Ganoon ba talaga siya ka-honest at saka bakit bigla-bigla siyang namumuri?

“Talaga? Bakit? Pangit ba ako kahapon?” Pabiro kong tanong at agad naman siyang umiling kaya napangiti ako.

 “Hindi ko nga nasabi sa’yo na nakakainlove ka kagabi, ang cool lang ng dating mo. You’re wearing a red dress in the middle of fight. Isn’t it amazing?” Nakangiting tanong niya, at sa hindi malamang dahilan ay nailing ako na pag-usapan iyon kaya sinubukan kong ibahin ang topic pero hindi ko nagawa dahil may sinabi pa siya. “Bakit mo nga pala kasama si Thunder kanina? Hindi k aba natatakot sa kanya, Rain?”

Hindi agad ako nakasagot sa tanong niya dahil palaisipan din iyon sa akin, dapat ay natatakot ako kay Thunder dahil delikado siyang tao pero habang lumilipas ang araw na nakakausap ko siya o nakakasama, nag-iiba ang pagtingin ko sa kanya. I mean, hindi ko naiisip na gangster siya. Para sa akin ay isa lang siyang kupal na mahilig mang-asar at manira ng araw.

“Ah nagkasalubㅡ” Hindi ko nagawang tapusin ang pagpapaliwanag nang may boses ang pumutol sa sasabihin ko sana.

“Maistorbo ko muna kayo,” Sabay kaming napatingin ni Liam sa taong iyon at laking gulat ko nang makita ang blangkong ekspresyon ni Jiro habang nakatingin sa akin. “Rain, can I talk to you?”

“Uhm, Liam.Okay lang ba kung iwan muna kita?” Tanong ko at kahit hindi sabihin ay halatang nag-aalala siya. Nakakatuwa lang isipin na sa maigsing panahon ay alam ko na agad ang ekspresyon nila ni Ayesha tuwing nag-aalala. “Don’t worry, I’m okay.”

Labag man sa kalooban ay tumango pa rin siya kaya naman tumayo na rin at sinundan si Jiro nang mauna ito sa paglalakad. Paglabas naman namin ng cafeteria ay agad siyang sumandal sa pader dito sa hallway habang pinaglalaruan niya ang hawak na cellphone. Hinintay ko siyang magsalita dahil wala akong ideya kung ano ang gusto niyang pag-usapan namin, may kinalaman kaya iyon sa nangyari sa party o mayroon akong nagawa na hindi nagustuhan?

Ang mga tanong na nabubuo sa isipan ko ay nawala nang saw akas ay magsalita na si Jiro habang nakatingin sa akin at pinapaikot pa rin ang cellphone sa kamay niya.

“Can you be my girl?”


Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status