Aliara: Ang Kaharian
Aliara: Ang Kaharian
Author: crayeo
Kabanata 1

MARAHAN akong naglalakad habang nagmamasid sa mga nilalang na dumadaan sa aking harapan, nandito ako ngayon sa pinakamalaking pamilihan ng Farianio. Iba't-ibang uri ng nilalang ang aking nakikita sa paligid dahil talagang dinadayo ito, kilala ang kahariang ito sa pakikipagkalakalan kaya hindi na ako nagtataka pa.

Mula sa labindalawang kaharian ay ikalawa ang Farianio sa pinakamalaking kaharian dito sa Exo Losairos kaya maunlad ang pamumuhay dito, na siya namang binabalikan ko sa lugar na ito. Kapag maunlad, ibig sabihin ay maraming mayayaman at maraming kayamanan.

Ibinaba ko ang talukbong ng aking balabal at marahang inayos ang buhok ko dahil sa ginoong nakatingin sa akin, mukhang mayaman dahil sa marangya niyang kasuotan, nabibilang sa maharlikang antas. Binigyan ko siya nang tipid na ngiti na siyang nagpakislap sa mga mata niya.

Pasalubong ang aming landas kaya sinadya kong marahan siyang banggain.

"Paumanhin, Ginoo," kunwari akong nagulat at agad na ngumiti bilang paumanhin.

"Hindi mo kailangang humingi nang tawad, magandang binibini," umiling ito at matamis na ngumiti.

Alam kong maganda ako kaya hindi mo na kailangan pang banggitin iyan.

Nais ko siyang irapan ngunit hindi ko inalis ang ngiti sa labi ko. "Mauna na ako, Ginoo. Nawa'y maging maayos ang iyong pamimili."

Nang akmang magsasalita pa siya ay agad na akong tumalikod at ipinagpatuloy ang paglalakad, wala akong planong makipag-usap pa sa kaniya dahil nakuha ko na ang gusto ko. Nakangiti kong inilabas mula sa balabal na tumatakip sa aking buong katawan ang hawak na supot, nang buksan ko ito ay lalong lumapad ang aking ngiti dahil puno ito ng gintong barya.

Hindi nga ako nagkamali, mayaman ang ginoong iyon. Masyado siyang nahumaling sa akin kaya hindi niya namalayang ninakawan ko siya. Hangal.

Napatingin ako sa aking balikat nang dumapo dito ang aking alagang ibon na nagsasalita, isang loro.

"Magandang Binibini, Magandang Binibini," wika niya sa kaniyang maliit at matinis na tinig.

"Siyang tunay, Vivi, hinding-hindi maipagkakaila," nakangiti kong wika dito. Gusto ko sanang humalakhak ngunit baka isipin ng mga nilalang na makakakita ay isa akong baliw.

Kumuha ako ng isang gintong barya at itinago na ang supot sa mas malaki pang supot na nakasabit sa aking baywang.

Ang gintong baryang ito ay kayang bumili ng sampung kaban ng bigas o kaya ay isang magarang kasuotan. Pinaikot-ikot ko ito sa aking daliri habang patuloy na pinagmamasdan ang mga nilalang sa paligid. Pasimple akong kumuha ng isang mapulang mansanas at dalawang pirasong seresa sa dinaanan kong tindahan, abala ang manininda sa mayayaman niyang mamimili kaya hindi niya ako napansin.

Nakangisi kong ipinakain ang seresa kay Vivi at pinahid sa aking damit ang mansanas at agad na kinagatan, masarap at matamis.

Napatingin ako sa gilid nang makita ko ang batang marungis na nakatingin sa akin, tila nakita ang ginawa ko. Babae ito, hawak niya ang isa pang bata na mas maliit sa kaniya.

Lumapit ako dito at inabot sa kaniya ang hawak na gintong barya habang patuloy na kinakain ang mansanas. Nagtatanong ang mga mata niyang tumingin sa akin, nag-aalinlangan, ngunit tumango ako upang iparating na kunin niya.

"Maraming salamat, Magandang Binibini," tipid siyang ngumiti at kinuha ang barya. Tinitigan ko siya, kay gandang bata, kapansin-pansin ang kayumanggi at kulot niyang buhok, siguradong sa pagtungtong niya sa tamang edad ay maraming ginoo ang mabibighani sa kaniya, katulad ko. Napangiti na lamang ako at napailing.

"Tila ngayon ko lamang kayo nakita dito sa pamilihan."

"Ngunit lagi kitang nakikita dito, Binibini," wika niya na siyang nagpakunot ng noo ko. Umupo ako sa harap niya upang magpantay ang aming paningin.

"Ipinagbabawal ang panlilimos dito, mabuti ay hindi kayo hinuhuli ng mga kawal." Tumingin ako sa batang kasama niya ngunit nang magtama ang aming paningin ay tila takot itong nagtago sa kaniyang likod.

"Ngayon lamang kami pumunta dito upang manlimos, kamamatay lamang ng aming mga magulang at wala kaming ibang kaanak na maaaring kumupkop sa amin."

Lalong kumunot ang noo ko, hindi lang dahil sa sinabi nito kundi dahil sa paraan niya ng pananalita, taas noo at walang takot, kabaliktaran ng kasama niya. Sa tingin ko ay pitong taong gulang pa lamang siya ngunit tila matanda na siya kung kumilos.

"Maaari ko bang malaman kung bakit sila namatay?"

"Tagasilbi sila sa isang maharlikang pamilya ngunit sila ay pinaslang ng mga iyon sa hindi ko malamang dahilan," walang emosyon niyang wika. Gusto kong humanga sa kaniyang katatagan sa murang edad ngunit nanliit ang mata ko dahil sa nalaman, hindi ko alam kung magagalit ba ako o hindi sa kabuktutan ng mga maharlikang iyon.

"Mabuti ay hindi nila kayo pinaslang. Bakit hindi kayo nagsumbong sa mga kawal o sa opisyal?" 

"Alam mo na walang boses ang tulad nating mga mahihirap sa mundong ito, mga alipin lamang tayo sa kanilang paningin," aniya. Napatitig ako sa kanya, maging sa ganitong bagay ay mulat siya.

"Hindi ba kayo tinutugis ng mayamang pamilyang sinasabi mo dahil sa iyong nalalaman patungkol sa ginawa nila sa inyong mga magulang?"

"Tinutugis nila kami para patahimikin ngunit nakakapagtago kami gamit ang aking kapangyarihan. Nagpakita talaga ako sa iyo dahil nais kong sumama sa iyo, Binibini."

"Hindi maaari, hindi maaari," wika ni Vivi ngunit hindi ko ito pinansin dahil sa gulat sa sinabi ng batang ito.

"Ano? Alam mo ba ang iyong sinasabi, Bata? At sa dami ng nilalang ay ako pa talaga ang napili mo." Gusto kong matawa.

"Alam kong isa kang magnanakaw ngunit alam ko rin'g mabuti ang iyong puso," seryosong aniya.

Natawa ako sa sinabi niya, para talagang matanda ang aking kausap.

"Hindi mo alam ang iyong sinasabi, Bata."

"Seryoso ako, Binibini," aniya, tumaas ang kilay ko.

Saglit ako nag-isip bago muling nagsalita. "Nais mo pa bang sumama kahit hindi ako nagmula sa kahariang ito? Malalayo ka sa lugar na pinagmulan mo."

"Oo, nais kong sumama kung papayag ka. At mas mabuti nga na lumayo sa lugar na ito upang hindi na kami mahanap pa ng pamilyang iyon."

Iiling-iling akong ngumisi, hindi ko matanggap na tila mas matanda pa siya sa akin. Tumango din naman ako agad nang maisip ang kanilang kaligtasan, siguradong mapahamak lamang sila dito kung tinutugis nga sila.

"Sige." Tumayo ako. "Isasama ko kayo sa isang kondisyon."

"Ano iyon, Binibini?" halata ang saya sa kaniyang tinig ngunit wala siyang ekspresyon. Doon ko napansin na tila may bayad ang kaniyang ngiti dahil isang beses ko lamang iyong nakita noong ibinigay ko sa kaniya ang gintong barya, kakaibang bata.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
UntreattableWound
May kasunod to?
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status