Share

Kabanata 4

"SA susunod na malaman kong muli kang dumakip ng Kozanian ay puputulin ko ang iyong sungay," may diin kong banta sa kaniya. Alam kong isang insulto at kahihiyan sa kanilang lahi ang maputulan ng sungay at hindi ako mag-aatubiling gawin iyon sa susunod sa galitin niya ako.

Tumayo ako at naglakad pabalik sa aking mga kasama ngunit napahinto ako nang magsalita siya.

"Sa tingin mo ay susundin ko ang iyong gusto? Dadakpin ko kung sino ang gusto kong dakpin dahil mahihina sila at walang pinunong magtatangol sa kanila, sa mga katulad mo."

Agad na kumunot ang noo ko. Muli akong lumapit sa kaniya, nakatayo na siya ngayon ngunit hirap dahil sa iniinda niyang sakit mula sa pagkakabugbog ko.

"Ako, ako ang magtataggol sa bawat Kozaniang magdurusa sa kamay ng mga tulad mo." Tiim bagang kong wika at malakas na sinuntok ang kaniyang mukha dahilan upang mawalan siya ng malay at matumba sa lupa.

Huminga ako nang malalim upang maibsan ang umuusbong na galit sa akin dahil sa mga sinabi niya. Ayokong tanggapin ang mga katotohanang iyon.

Isa ang Kozania sa tatlong kahariang bumagsak dahil sa mga digmaan at agawan sa kapangyarihan ngunit hindi ibig sabihin nito ay wala na kaming karapatang mabuhay ng malaya sa kamay ng mga tulad niya, ng mga malulupit na Losairon. May karapatan din kami sa mundong ito at may kakayahang ipagtanggol ang aming sarili at ang mga kalahi namin.

"Kung hindi lang kita kakailanganin sa hinaharap ay matagal na kitang pinaslang," bulong ko habang masamang nakatingin sa nakahandusay niyang katawan.

Gamit ang aking bilis ay agad akong nakarating sa aking mga kasama, natalo na ang mga kalaban at isa-isa nang pinapakawalan ni Matias at Suri ang mga kababaihan mula sa mga kadenang nakakabit sa kanilang kamay.

"Ligtas na ang mga binibini, ligtas na ang mga binibini," wika ni Vivi habang dumadapo sa balikat ko.

"Lulusubin natin ang Subastahan," wala sa sarili kong wika. Agad na napatingin sa akin si Matias, tila hindi makapaniwala.

Imposible nga naman ang nais kong mangyari dahil mga makapangyarihang nilalang ang aming makakalaban at makakabangga kung gagawin namin iyon.

"Hindi natin kakayanin, Aliara. Maraming malalakas na nilalang ang nagbabantay doon, isama mo pa ang mga bisita nila."

"Kakayanin natin, Matias. Kung mayroon tayong tamang plano," giit ko.  "At isa pa ay malalakas tayo, alam kong kakayanin natin."

Umiling-iling siya, sapo ang kaniyang noo ay nagpaikot-ikot siya sa harap ko na tila nag-iisip ng malalim.

Pinanood ko siya hanggang sa muli siyang bumaling sa akin, ang mga kasama namin ay nakamasid lang sa aming dalawa.

"Kung ganoon ay kailangan natin nang mahabang panahon para sa nais mong iyan," aniya, tumango ako.

Hindi ko na ulit hahayaang may mga Kozanian pang mabibihag upang ipagbili sa mga maharlikang walang magawa sa kanilang kayamanan. Matagal na kaming nagdurusa sa kanilang mga kamay, sa mga katulad nila, panahon na nang pagbabago. Hindi ko na matitiis pa ang lahat ng ito. At sisimulan ko ito sa pagpapabagsak ng Subastahan at Bahay Aliwan na ipinagmamalaki ni Dardo.

"Sa susunod na kabilugan ng buwan natin gagawin ang pagsalakay," determinado kong wika. Tinanaw ang nagliliwanag na buwan sa kalangitan.

Nagkatinginan ang mga kasamahan namin ngunit tumango rin bilang pagsang-ayon.

"Kabilugan ng buwan, kabilugan ng buwan," wika ni Vivi. Lumipad siya at umikot ng ilang beses sa ulo ko habang sinasabi iyon. Itinaas ko ang kamay ko upang doon siya dumapo.

Tama, Vivi, susugod tayo sa kabilugan ng buwan, unti-unti nating pupuksain ang kalupitan sa kahariang ito.

UMAGA na nang makabalik kami sa aming kuta, malapit ito sa sentro ng Kozania. Sinalubong kami ng marami pang kasamahan. Agad na lumapit sa akin si Hurisa, ang pinakamatanda sa amin, siya na rin halos ang nagpalaki sa akin.

Kung titingnan ay halos magkaedad lamang kami ngunit mas matanda siya sa akin ng maraming taon. Sa pagtungtong naming mga naninirahan dito sa Exo Losairos sa edad na labing walo ay bumabagal na ang aming pagtanda, kahit umabot pa ang ilang daan taon ay hindi agad kukulubot ang aming mga balat.

"Kumusta ang inyong paglalakbay, Aliara?" Hinawakan niya ang aking kamay upang alalayan ako sa pagbaba sa kabayo, ang isa sa dalawang kabayong dinala namin, ang kabayo ng mga verdantes.

"Nailigtas namin ang mga kababaihan ngunit hindi nila nais sumama dito," wika ko. Bumuntong hininga ako at iginala ang paningin sa mga kasama ko sa paglalakbay na masayang sinalubong ng kanilang pamilya, halata ang pagod ngunit bakas ang ngiti sa labi. "Hindi ko na sila pinilit dahil wala rin naman silang mapapala sa pagsama dito. Pare-pareho lamang tayong magugutom kung wala tayong sapat na salapi."

Muli akong bumuntong hininga at bumaling sa kaniya.

"Huwag mong masyadong isipin ang problemang iyan, Aliara. Tiyak akong magiging maayos sila sa landas na kanilang pinili." Tumingin siya sa mga kasama namin. "Marami naman dito ang naghahanap-buhay upang buhayin ang kanilang pamilya."

"Ngunit hindi sapat, Hurisa. Halos patay na ang buong lupain ng Kozania."

Kung masagana lang ang lupain dito ay hindi na nila kailangan pang maghanap-buhay sa labas ng Kozania, mabubuhay na kami sa pagtatanim at pagsasaka ngunit hindi. Sa aming katayuan ngayon ay kailangan pa naming kumita ng salapi upang bumili ng pagkain sa mga malapit na kaharian.

Wala ring may kapangyarihan sa amin upang muling mapasigla ang aming lupain.

"Balang araw ay muling babangon ang ating kaharian," aniya. Malumanay siyang ngumiti sa akin at hinawakan ako sa braso.

"At sisiguraduhin kong mangyayari iyan, Hurisa," determinado kong wika. Inilibot ko ang paningin sa maliit naming nayon at muling ibinaling ang tingin kay Hurisa.

Kinuha ko ang supot ng salapi na nakuha ko kay Dardo, puro iyon baryang pilak at tanso ngunit malaki rin ang halaga. "Ito ang pambili ng mga pagkaing ipapamahagi sa ating mga kasamahan." at inabot sa kaniya.

Nakangiti siyang tumango. Ilang araw ding kakainin ng mga mamamayan dito ang mabibili ng isang supot na iyon.

"Binibini," nakangiting lumapit sa akin ang mga bata na kanina pa naglalaro sa paligid. Inabot nila sa akin ang mga bulaklak na siyang natitirang tumutubo sa lupaing ito. Patay man ang lupa sa Kozania ngunit panakha-nakhang pa ring tumutubo ang mga bulaklak sa paligid. Marami ring kagubatan dito ngunit wala nang kakayahang magbunga ng mga prutas.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status