Share

Kabanata 8

"ANONG sinasabi mo? Mahal na ginoo? Mas mahal mo na siya ngayon kaysa sa akin, Vivi?" masama ang loob kong tanong. Kaya pala tila ayaw na niyang umalis sa braso ng ginoong iyon.

"Mas mahal kita. Mas mahal kita." Lumingon-lingon siya sa paligid, tila hindi alam ang gagawin, kung aalis ba siya sa balikat ko o kung mananatili.

"Pero bakit mahal kong ginoo ang tawag mo sa kaniya?" muli kong tanong, lalong sumimangot noong hindi siya sumagot. "Bahala ka, kung mas mahal mo siya kaysa sa akin ay sa kaniya ka na lamang sumama. Sa hangal mong ginoo!"

Hinawi ko siya sa aking balikat dahilan upang mabilis siyang lumipad paalis, umirap ako ng tuluyan siyang mawala sa paningin ko. Hindi man lang umangal sa aking sinabi.

"Kapag sumama ka nga sa kaniya ay pagbubuhulin ko kayong dalawa," inis kong wika. Isinarado na ang supot at naglakad patungo sa aking tahanan.

"Ang tagal mong nawala. Akala ko ay maliligo ka lamang ngunit saan ka nagtungo?" wika ni Adrina na biglang sumulpot sa aking tabi. Agad akong napalingon sa kaniya dahil sa gulat.

"Bakit ba bigla ka na lamang sumusulpot kung saan?" inis kong tanong sa kaniya. At daig niya pa si Hurisa kung makapagtanong sa akin, tila laging nakabantay.

"Hindi mo sinagot ang aking tanong," aniya. Hindi pinansin ang sinabi ko. Ang batang ito talaga.

"Totoong nanggaling ako sa talon upang maligo ngunit..." agad kong nakagat ang aking labi nang maalala ang nangyari kanina at pilit pinigilan ang taksil na ngiting nais kumawala dito. "Huwag mo na lamang alamin. Masyado ka pang bata," bulong ko sa huli kong salita upang hindi niya marinig.

Agad na kumunot ang noo niya, tila naghihinala sa aking mga ikinilos at sinabi. "Ngunit ano?"

"Huwag ka nang mag-usisa, Adrina," wika ko, tinig nagbabanta dahil sa panliliit ng kaniyang mga mata. Ipinakita ko ang hawak na supot noong maalala ito. "Bukas ay pupunta tayo sa pamilihan, ibibili ko kayo ni Kera ng bagong kasuotan." Ngumiti ako.

Hindi nagbago ang kaniyang reaksyon kaya umirap na lamang ako. Ang hirap talagang kausap ng batang ito, hindi marunong ngumiti. Tila mas matanda pa sa akin.

"Tila may kakaibang naganap sa talon na iyong pinuntahan. Ano kaya iyon?" nakataas ang kilay niyang wika, tila alam ang hindi ko sinasabi.

Agad na nag-init ang mukha ko sa hindi malamang dahilan. Pilit isinasantabi sa aking isipan ang halik na pinagsaluhan namin ni Sevasti.

"Magpahinga ka na lamang, Bata. Maaga pa ang iyong pagsasanay bukas hindi ba?" nakangisi kong wika. Umismid siya, hindi nagustuhan ang paraan ko nang pagsasalita. "Sige na, magpapahinga na rin ako." Nilagpasan ko na siya ngunit napahinto nang muli siyang magsalita.

"Hindi ka ba kakain?"

Napatingin ako sa kabilang banda kung saan nagluluto ang mga kababaihan, tinutulungan sila ng mga lalaki sa pagkontrol ng apoy upang makapagluto nang maayos.

"Busog na ako," wala sa sarili kong wika, muling may naalala. Tipid akong ngumiti sa kaniya at tuluyan nang naglakad patungo sa aking munting tahanan.

Maliliit lamang ang mga tahanan namin dito, gawa sa tolda, sapat lamang kung ilan kaming nakatira dito. Magkakatabi rin ang mga tahanan o silid para kapag may naramdaman kaming panganib ay madali naming madadaluhan ang isa't-isa. Sa pagkain naman ay isang lutuan lamang ang aming ginagawa, tulong-tulong ang mga babae sa pagluluto at sabay-sabay kaming kumakain sa oras ng kainan.

Ibinaba ko na ang lahat ng gamit ko sa mesa at agad na nahiga sa higaan na ako lamang ang kasya, katabi ng higaan ay ang tinutulugan ni Adrina at Kera.

Tumitig ako sa kawalan, hindi na pinigilan pa ang ngiting kanina pa nais kumawala. Kakaiba ang aking pakiramdam sa tagpong iyon, hindi ko maipaliwanag. Nang pumikit ako ay agad na pumasok ang kaniyang imahe sa aking isipan, ang maganda niyang mata na sa tuwing tatama sa akin ay tila mayroong kakaibang kislap. Ang napakaganda niyang labi na binaliw ako kanina lamang.

Ngunit kahit na kakaiba ang aking naramdaman kanina sa kaniya ay nagawa ko pa rin siyang pagnakawan at linlangin dahil alam kong hindi maaaring magtagal ang pakiramdam na iyon sa aking puso, wala iyong puwang sa ngayon.

Dahil baka iyon pa ang maging dahilan upang makalimutan ko ang aking mga hangarin at ipinangakong gampanin sa ngalan ng aking ama. Kaya hangga't maaga pa ay pipigilan ko na.

Hindi na dapat ako bumalik pa sa lugar na iyon.

Bumuntong hininga ako, agad na inalis ang ngiti sa aking labi. Hindi ka dapat mahibang, Aliara! Ang dapat mo lamang isipin ay ang ipinangako mo sa iyong yumaong ama.

NAKATANAW lamang ako kay Adrina habang pinipilit niyang matuto mula kay Hamil, kasalukuyan siyang sinasanay nito katulad ng nais niyang mangyari. Ngunit hindi ko pa siya pinapagamit ng espada o kahit na anong armas dahil alam kong hindi niya pa iyon kakayanin. Maraming oras pa ang kailangan niya upang matutunang gumamit ng mga iyon, nag-uumpisa pa lamang siya kaya ang mga madadaling ensayo lamang ang ginagawa niya. At isa pa ay masyadong mabigat ang espada para sa kaniyang munting mga kamay.

Nasa likod ang dalawa kong kamay, pinagmamasdan maging ang mga kasamahan kong nagsasanay, ang mga kalalakihan at kababaihang kaedad ko, ang iba sa kanila ay ang mga nailigtas namin sa kamay ng mga Verdantes.

Katabi ko si Matias na nanonood lang din. Ilang mga kasamahan na namin ang aming nakatunggali ngayong araw ngunit lagi silang natatalo kaya minabuti na lamang namin na panoorin sila. Kung maglalaban naman kami ay katulad lamang iyon ng mga nagaganap na tunggalian namin, walang nananalo dahil walang gustong magpatalo.

"Desidido talagang matuto ang batang iyan," tipid ang ngiting wika ni Matias.

"Ninais niya iyan kaya paghirapan niya," wika ko.

"Matagal na panahon pa ang kailangan niya bago tuluyang matuto at sumabak sa pakikidigma."

Tumango-tango ako. "Hayaan na lamang natin siya, kung ang nais niya ay matutong makipaglaban kaysa makipaglaro sa mga kasing edad niya."

"Akala ko ba ay dadalhin mo siya sa pamilihan ngayong araw? Malapit ng lumubog ang araw." Agad akong napatingin sa kaniya nang maalala ang ipinangako ko kagabi kay Adrina, ngunit nagtataka rin kung bakit niya alam iyon.

"Paano mong nalaman ang usapan namin ni Adrina?"

"Ibinida niya iyon sa akin kaninang umaga ngunit tila pareho ninyong nakalimutan," nakataas ang kilay niyang wika.

Napatingin ako kay Adrina na tila hindi napapagod sa pakikinig at pagsunod sa mga itinuturo ni Hamil. Bumuntong hininga ako at kumuha ng isang tasa ng tubig sa tapayan at lumapit sa kanila.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status