Share

Kabanata 10

MAYA-MAYA pa ay nagkatinginan sila at agad na nagtawanan, tila alam na ang sagot sa kanilang mga tanong, lumapit na rin ang dalawa sa aking harap.

"Ano kaya iyon na lubos na nakapagpula ng pisngi ng binibini?" wika ng isa. Kinakausap ang mga kasama ngunit alam kong para sa akin ang tanong, nanunudyo.

"Oo nga, siguro ay maganda ang naganap sa pagitan nila?" gatong pa ng isa.

"Hindi kaya ay naglapat na ang kanilang mga labi?"

"O higit pa."

Agad na kumunot ang noo ko, hindi nagustuhan ang huling narinig. "Hindi! Halik lamang, mga sirena," wika ko ngunit agad na tinakpan ang sariling bibig dahil sa aking kadaldalan.

Muli silang nagkatinginan at nagtawanan. Sumimangot ako, nakakainis ang mga sirenang ito. Kung pagbawalan ko rin kaya sila sa talon na ito.

"Sabi ko na nga ba, hindi mamumula ng husto ang iyong pisngi kung hindi mo pa natitikman ang kaniyang labi," humahagikhik na wika ng may kulay rosas na palamuti.

"Ngayon ay interesado na akong makilala siya. Ang tanging lalaking nagpapula sa pisngi ng ating binibini," wika ng kulay pilak ang buntot. Umiling-iling ako at muling hinilamusan ang mukha ko, sana ay hindi ko na lang sinabi sa kanila, tuloy ay napupuno ako ng kahihiyan sa pinagsasabi ng mga ito.

"Dapat na ba natin siyang puntahan ngayon sa talon upang makilala?" tanong ng isa na agad na nakaagaw ng atensyon ko.

"Magtigil kayo, mga sirena! Huwag na huwag ninyong pupuntahan ang ginoong iyon sa talon," banta ko sa kanila dahilan upang agad na mawala ang kanilang mga ngiti.

"Bakit naman, Aliara? Wala pa man ay ipinagdadamot mo na ang ginoo."

"Marahil ay may pagtingin ka rin sa kaniya?" naghihinila niyang wika na agad na nagpalaki ng mata ko.

"Wala!" mabilis kong sagot.

"Ngunit bakit mo siya iniiwasan? Natatakot ka bang lalong mahulog ang iyong damdamin sa kaniya?" aniya na lubos na nakaagaw nang atensyon ko.

"Sinabi kong wala nga akong pagtingin sa kaniya," giit ko ngunit muli lamang silang nagtawanan. Sumimangot ako at lumapit sa sirena, hindi na pinansin ang kanilang panunuya. "Sa tingin mo ay ganoon iyon, Sirena?" kuryoso kong tanong, napaisip sa kaniyang sinabi. "Ngunit dalawang araw ko pa lamang siyang nakikilala," dugtong ko pa.

Agad na nagtaasan ang kanilang mga kilay.

"Dalawang araw pa lamang kayong nagkikita ngunit naglapat na ang inyong mga labi?" gulat na tanong ng may kulay pilak na buntot.

"Hindi kapani-paniwala."

"Siguro ay makisig nga talaga ang ginoo kaya naigawad niya agad ang kaniyang matamis na halik," humahagikhik na wika ng pinakamakulit sa kanila. "Nasisiguro kong masarap siya hindi ba, Aliara?"

Tila nag-init ang pisngi ko sa sinabi niyang iyon. Sadyang kay sarap, Sirena.

"Masarap, Alicia? Anong tingin mo sa ginoong iyon? Isang pagkain?"

"Bakit? Hindi lang naman pagkain ang masarap." Muli itong humahagikhik.

Agad na lumapit sa akin ang isa. "Tunay nga bang isa siyang makisig na ginoo, Aliara?" puno ng kuryosidad niyang tanong.

Napatitig ako sa kaniya, muling inalala ang mukha ni Sevasti, ang perpekto niyang mukha na kahit sinong binibini ay tiyak na mabibihag, at ang labi niyang kay tamis.

Bigla ay ngumiti ang sirena sa harap ko. "Tunay ngang makisig siya," sigurado niyang wika, tumatango. "Iyon ang sinasabi ng iyong mga ngiti, sadyang kay ganda. Ngayon ko lamang nakita ang ganyang kagandang ngiti sa iyong mukha, Binibini," aniya na tila ba matagal na niya akong kilala.

Umiling-iling lamang ako, hindi na itinago pa ang ngiting kaniyang nakikita. "Ano ang inyong ngalan, mga sirena?" tanong ko upang mailihis ang usapan.

"Sa wakas ay naitanong mo na rin iyan, Aliara. Ikaw ang tipo ng nilalang na kahit isang daang beses mo nang nakakausap ang isang nilalang ay hindi mo pa rin tatanungin ang kanilang pangalan."

Ngumisi lamang ako. Naalala ko tuloy ang mga pag-uusap namin noon sa tuwing magtutungo ako sa mga talon dito sa Kozania ngunit kahit minsan ay hindi ko tinanong ang kanilang pangalan. Hindi dahil ayaw ko silang matandaan pang muli kundi dahil kapag tinanong ko ang kanilang pangalan ay nakatatak na sila sa isip at puso ko. Ngayon ay mga kaibigan na sila.

"Ako si Cora," wika ng kulay lila at itim ang buntot.

"Alicia," ang kulay rosas na palamuti.

"Hana," ang may kulay kahel na palamuti.

"Nalani," ang kulay pilak ang buntot.

Ngumiti ako sa kanila. "Kay ganda ng inyong mga pangalan, mga sirena."

"Ngunit ang maipapayo ko sa iyong pag-iwas sa ginoo ay hindi dapat, Aliara. Dahil kapag umiiwas ka ay lalo lamang mahuhulog ang iyong damdamin sa kaniya."

Kumunot ang noo ko sa pagtataka. "Ganon ba iyon, Nalani?"

"Oo, dahil kapag mas lalo mo siyang iiwasan ay mas lalo mo lamang siyang iisipin, hanggang sa hindi mo namamalayan na hindi mo na siya kayang alisin sa iyong isipan," aniyang muli. Napatingin ako sa mga sirena noong magsitanguan sila bilang pagsang-ayon.

"Makinig ka sa kaniya, Aliara, dahil siya ang may pinakamaraming karanasan tungkol sa pag-ibig," nakangiting wika ni Alicia. Agad siyang tinapunan nang masamang tingin ni Nalani.

"Nagsalita ang sirenang nagsasabing hindi lamang pagkain ang masarap."

Napatingin ako sa kawalan. Muling inalala ang matamis na ngiti ni Sevasti nang sabihin niyang araw-araw na niya akong makikita, sadyang kay ganda ng ngiting iyon, kay hirap alisin sa aking isipan.

Tiningnan ko ang kalangitan, ilang sandali na lamang ay sasapit na ang dilim.

Hinihintay niya pa rin kaya ako hanggang ngayon? Nandoon pa rin kaya siya?

"Puntahan mo na siya, tiyak akong naghihintay pa rin siya sa pinakamagandang binibini ng Kozania," nakangiting wika ni Cora.

"Alam naming iniisip mo na ngayon kung naroroon pa ba ang ginoo at nakasisiguro kaming hindi iyon aalis hangga't hindi ka nasisilayan," wika ni Nalani.

Unti-unti akong nahawa sa kanilang mga ngiti. Hindi na ako nagsayang pa ng oras, mabilis kong tinapos ang paliligo at agad na nagbihis upang puntahan ang pinakamakisig na ginoong nakilala ko, si Sevasti.

NANG makarating ako sa talon ay nakita ko agad ang ginoo, nakaupo sa isang malaking bato malapit sa umaagos na tubig habang sa braso niya ay nakadapo si Vivi.

Kaya pala hindi ko siya nakikita ay kasama niya si Sevasti na sa tingin ko ay gustong-gusto niya, dahil hindi siya basta lumalapit sa sinuman.

"Darating ba siya?" tanong niya sa ibon ngunit hindi ito sumagot. "Sana ay dumating siya," wika niyang muli matapos bumuntong hininga.

Malapit ako sa isang malaking puno kaya hindi niya napansin ang pagdating ko, lalapit na sana ako ngunit agad na natigilan nang muli niyang kausapin si Vivi.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status