Share

Chapter 3

“Pssst . . . Betsin! Psssst . . .” paninitsit ng engkanto niyang katabi. Iniwas ni Betsy ang kanyang ulo sa kabilang banda. Pinipilit niyang hagilapin ang naudlot na magandang panaginip dahil sa nang-iistorbong engkanto. Nasa kalagitnaan na siya ng pagbibilang ng maraming pera nang marinig na naman niya ang paninitsit nito sa kanang tainga niya.

“Beeeeetsin … Hoy!” Naging agresibo na nga ang engkanto.

Unti-unti siyang dumilat. Nakaidlip pala siya ng sandali sa kinalalagyan niyang kyubikel. Inangat niya nang bahagya ang ulo mula sa pagkakasampa nito sa ibabaw ng mesa. Pinukol niya ng masamang tingin ang kanina pa na nang-iistorbo sa kanya.

“Bakit ba, Paminta?” iritado niyang tugon sa malusog na matalik niyang kaibigang si Pam. Magkatabi lang sila ng kyubikel kaya madali lang siya nitong naiistorbo.

Paminta ang tawag nila kay Pam at Betsin naman ang tawag nila kay Betsy. Ganito ka kalog ang mga miyembro ng kanyang team sa call center agency na pinagtatrabahuhan niya. May kanya-kanya silang palayaw. TeamPla ang tawag sa kanilang team.

“Gala tayo mamaya sa may Alabang pagkatapos ng shift. May bagong bukas na restawrant do’n. Check natin pagkain nila,” pag-imbita ni Pam habang may nginunguyang malutong.

Nagtagpo ang kilay ni Betsy at mariin itong pinagmamsdan.

“Kumakain ka na naman? Baka pag nabisto ka ni Patis eh, parusa na naman ang aabutin mo. Hindi ka na talaga nadala.”

Ang tinutukoy niyang Patis ay ang baklang TL o Team Leader naming si Patrick.

“Tse, alam mo namang inggit lang 'yang patis na ‘yan kasi kahit anong kain niya, hindi pa rin siya tatablan,” pabirong pangungutya ng kanyang kaibigan sa payat ngunit ubod ng istrikto nilang TL.

Umismid si Betsy at umayos na sa pagkakaupo. Idinampi niyaang isang palad sa bibig para ma-check kung may laway ba o ano. Inikot niya nang kaonti ang inuupuang swivel chair para maharap si Pam nang maayos.

“Alam mo namang bawal kumain sa loob at saka pa'no mo ba naipasok ‘yan?" tanong niya sabay turo sa hawak nitong chicharon. Mariin na ipinagbabawal ang pagdadala ng pagkain sa loob ng opisina dahil siyempre maraming computer equipments sa loob nito.

Ngumisi si Pam sabay turo sa sariling dibdib.

“Susmaryusep! Napakabalahura mo talaga!” Humagikgik na si Betsy.

Mas lalo lang na lumapad ang ngisi ng kanyang kaibigan at nagpagpag pa ito ng kamay sa harap niya.

“So, gala tayo mamaya? Critical condition tayo sa food, fifty-fifty dahil malayo pa ang petsa trenta. Libre ko na pamasahe ng taxi pauwi.”

“Hindi ako pwede mamaya,” pagtanggi ni Betsy at napahikab. Kulang talaga ang trenta minutos nilang break time.

Bakas ang kaguluhan sa hitsura ni Pam. “Bakit? May raket ka na naman? ‘Di ba kagagaling mo lang sa New York no’ng isang linggo para

Mas mabilis pa sa kidlat ang ginawang pagtakip ni Betsy sa bibig ni Pam gamit ang kanyang palad. Salamat na lang sa gulong ng swivel chair at mabilis siyang nakalapit nang husto rito.

“Shh . . . Sabi ko naman sa'yo na ‘wag na ‘wag mong babanggitin ang bagay na ‘yan.  Alam mong ilegal yo’n!” matinis na bulong niya sabay tingin sa paligid kung may nakikinig ba. Mainam na lang at pansin niyang masyadong abala ang karamihan sa pagtatanggap ng tawag mula sa foreign clients. Hindi rin sila pinapansin.

Itinaas ni Pam ang dalawang kamay sa ere. Parehong nakabukas ang mga palad nito na mistulang anyo ng pagsuko. Sa huli ay tinanggal na ni Betsy ang palad mula sa pagkakalapat sa bibig nito.

“Sorry naman, girl,” anas nito. “Kung makapag-react naman ‘to, akala mo naman may teammate na taga NBI!”

“Ewan ko sa’yo. Uuwi akong probinsya. Para naman maibigay ko 'yong mga pasalubong na pinamili ko,” pagpapaliwanag niya sa kalmanteng boses. Ramdam niya pa sa palad ang lagkit dahil sa kaonting piraso ng natirang chicharon ni Pam na dumikit dito.

Humihingal man si Pam ay nakuha niya pa ring irapan si Betsy. “Kagaya ng pasalubong na bigay mo sa’kin? Isang sabon na Dove?!”

“Hoy, bruha! Imported kaya ‘yon,” depensa ni Betsy. Sosyal kaya iyon dahil sa convenience store sa New York niya nabili. At ah ah ulit, hindi New York Cubao kundi sa ibang bansa.

“Puwede naman akong bumili no’n sa tindahan nila Aling Mersing!” banat ni Pam.

“Sige gawin mo!  Basta isoli mo na lang ‘yong sabon,” hamon ni Betsy rito.

“Ay, no return no exchange policy tayo alam mo 'yan. At saka nagamit ko na, gaga! Aylabyu, Betsin . . . ," pa-sweet nitong pagdadahilan. Halatang bumabawi lang sa pang-aasar.

Maya-maya pa ay nahinto rin sila sa usapan dahil tinapik si Pam sa balikat ng kanyang kapatid na si Sue. Nakaupo naman ito sa kabilang kyubikel sa gawing kanan niya.

 “Oh, Sueka? Bakit?” may bahid na pag-alalang tugon ni Pam sa nakababatang kapatid.

Kung ano ang inilusog ni Pam ay siya rin namang kabaligtaran ng pangangatawan ng kapatid niya. Baguhan pa lamang ito sa trabaho. Suwerte at napasama sa team nila na banking ang account.

“The client just called me dumb,” pahikbing pagsusumbong ni Sue.

“Eh ‘di sabihan mo ng ‘thank you!’” sarkastikong tugon ni Pam na mas lalo lang nagpa-iyak sa kapatid niya. Palihim siyang sinundot ni Betsy sa tagiliran at binalingan niya ng tingin si Sue.

“Sueka, ganyan talaga 'yang mga ‘yan. Masanay ka na. Iritado kasi kapag tungkol sa pera lalo na kung overdraft ang pinag-uusapan,” marahang pagpapaliwanag ni Betsy.

“I can't take this anymore! I can't!” Mala-Vilma Santos ang pagdadabog nito. Ito na yata ang pang-sampong beses na reklamo niya. Hanggang reklamo lang talaga dahil wala naman siyang ibang aksiyon na ginagawa kundi ang magtiis at magdabog na parang aktres sa isang heavy drama na pelikula.

Mahal man ni Betsy si Pam at ang kapatid nitong Inglesera kesyo call center agent daw, minsan talaga ay nauubusan din siya ng pasensiya pagdating sa dramatic session nito na kadalasan ay pang-road to walling na. Hinayaan niya na lang si Pam na pakalmahin ang kapatid na si Sue at pinigilan ang sarili na mag-offer ng sedative o hindi kaya ay tranquilizer.

Ilang sandali pa ay nagsimula ng tumanggap ng tawag si Betsy. Naging sunod-sunod ang mga tawag na natatanggap niya dahil queuing. Paano ba naman, nasa opening ang shift siya. Nakakalula talaga minsan ang trabahong pinapasukan niya. Minsan mapapanganga na lang siya kapag may nakikitang malaking pera mula sa account ng kliyente. Perang kailanman ay hindi magiging sa kanya kahit gaano pa karaming raket ang mayroon siya.

Gumaan ang pakiramdam niya nang nasa panghuling tawag na siya. Nagtanong lang ang customer tungkol sa recent deposit sa account at kung ito ba ay posted na.

Patayo na sana siya mula sa kinauupuan nang may biglang sumitsit na naman sa kanya. Maysa engkanto talaga itong mga kasamahan niya.

“Psst! Betsin! Pasa ko sa’yo customer ko ah?” paalam sa kanya ni Ashley a.ka. Asin. Ang nagfe-feeling queen bee sa kanilang grupo. Pinaglihi siguro sa pukyutan, na hindi naman sa panlalait eh kilalang pagmemake-up lang ang alam. Nakapuwesto ito sa tapat ng kyubikel niya.

“Tapos na shift ko. Uwi na ako.” Tanggi ni Betsy kaagad dito.

“Bigyan kita bente,” pabebeng handog ni Ashley naman. Alam niya na kasi ang kalakaran.

Ngumiwi siya. “Ano 'yan, saan aabot ang bente pesos mo? Isang daan.”

“Kuwarenta,” kuripot na tawad nito.

“Singkuwenta,” tugon ni Betsy para lang matapos ang tawaran at baka abutin pa sila ng siyam-siyam.

“Deal!” Ngumisi ito.

Bumuntonghininga si Betsy at tinungo na ang kyubikel ni Ashley. Tinanggap niya ang iniabot nitong telepono at ibinalik ang ni-hold nitong tawag. Sa totoo lang, bawal talaga ang ginagawa nila. Forward or transfer of call dapat ang ginagawa ng isang agent kapag ayaw niyang kausapin ang client o hindi niya na ito ma-handle. Nga lang, makikita kasi ito sa record of calls kaya hindi talaga maiiwasan ang pumuslit paminsan-minsan.

“Hello, Ma'am?” untag niya sa caller na nasa kabilang linya.

“Oh … Dear, finally. I've been in here for like . . . twenty minutes!" sagot ng boses matandang babae na halatang balisa. Mabilisan niyang sinulyapan ang naka-display sa monitor ng computer na impormasyon tungkol sa kliyente. Eighty years old na pala ang matanda.

Binigyan niya ng masamang tingin si Ashley na ngayon ay abalang nakatuon ang tingin sa mga patay nitong kuko.

“I apologize, Ma'am. I'm here to help you now,” malumanay na sagot niya.

Pinakaimportante sa isang call center agent ang mayroong empathy sa callers. Kailangan din naman na maramdaman ng mga kliyente na may care ang agents sa kanila. Tulad na lang ng linya sa pelikula na, “I care about my job, Sir! And I care about you!” Hay naku. Miss niya na tuloy ang mag-movie marathon ulit.

Napailing siya sa paglipad na naman ng isip niya sa kung saan at ibinalik ang atensiyon sa matandang naghihintay sa kabilang linya. Hindi niya man lang namamalayan na kanina pa pala ito nagsasalita!

“Well as I've told you, I'm having a difficulty in this online thing. Ooh, I don't know what to do," mangiyak-ngiyak na sabi ng matanda.

“Don't worry, Ma'am. I'll walk you through it. Are you in front of your computer, laptop or smartphone?"

“Oh yes!  It's laptop, dear," singhap nito.

“Okay. Have you keyed in your account number?”

“What? . . . Wait … What account number, dear?” Dinig niya ang kalituhan sa likod ng boses ng caller.

“It's on the back of your card, Ma'am,” pasensyoso pa ring sagot ni Betsy. Agent of the Month kaya siya at inaamin niya rin na may soft spot talaga sa puso niya ang mga matatanda. Kung parang sa pila lang, priority lane, gano’n.

“Oh! Oh yes, yes. Of course!” Napangiti tuloy siya. Naalala niya si Lolo June sa matanda.

Unti-unti rin naman nitong nakuha ang gagawin. Ipinaintindi ni Betsy rito nang marahan ang pagdadaanang proseso hanggang sa wakas ay natapos din ang krisis ng matanda. Nakangiti niyang ibinaba ang telepono. Matapos iabot ni Ashley sa kanya  ang singkwenta pesos ay bumalik na siya sa kyubikel para magpaalam kay Pam na kasalukuyan ay may kausap pa sa telepono.

Bigla na lang bumukas ang glass door ng opisina. Iniluwa ng pinto ang supervisor nilang guwapo ngunit binabaeng si Benny. May hawak itong folder sa isang kamay. Pustorang- pustora ito sa suot na red stripe longsleeves at dark pants. Pansin rin ni Betsy ang makintab nitong kulay itim na sapatos na siguro ay pati langaw madudulas. Huminto ito sa bukana ng pintuan at isang beses na pumalakpak para kunin ang atensiyon ng lahat.

“Listen up, everyone! Two days from now, the founding partner of Global Bank will be visiting the Philippine branch. Meaning, our branch!” sabik na anunsyo nito. “So I want all of you to straighten up. We have to impress him. Are we clear on that?” Isa-isa sila nitong tiningnan sa mga mata.

“Yes!” sabay-sabay na sagot nilang lahat.

Pagkatapos mag-anunsiyo ay umalis na rin ito. Dinig ni Betsy ang mahinang pagbuntonghininga ng nasa gilid niyang si Pam. Tiningan niya ito at nakitang nakatitig pa rin sa ngayon ay papalayo ng likod ni Benny.

“Hay . . . Ang guwapo niya talaga, nga lang guwapo rin ang hanap niya.”

Napangiwi siya nang may maalala sa sinabi ni Pam. Marahil ay mabilis itong napansin ni Pam kaya agaran siya nitong binalingan.

Suminghap si Pam. “Ay sorry, Betsin! Ang daldal ko talaga. Si Benny kasi, eh . . .”

Kalmado siyang tinapik ni Betsy sa kanyang balikat. “Akala ko ba tulad ni Asin, eh naka-move on ka na kay Benny?”

Tuso itong ngumisi. “Saka na kapag may ibang guwapo na akong makita.”

Tumango lang si Betsy. “Ipagdasal mo sa lahat ng santo. Ilan na nga ulit ang kilala mo?”

Mayabang siyang nginisihan ni Pamela. “Sampo. Mas marami pa kaysa sa kilala mo, girl!”

“Eh ‘di wow.”

Humagkgik ito at pagkatapos ay nagkaroon ng kakaibang kislap ang mga mata.

“Tingin mo may pa-party pagdating no’ng bisita?" excited na tanong ni Pam. Siguro pagkain na naman ang nasa isipan.

“Ewan.” Nagkibit ng balikat si Betsy. Dinudukot na niya ang mga barya mula sa bulsa ng suot na skirt bilang paghahanda ng baryang ipambabayad sa jeep mamaya pag-uwi.

“I don't think so,” sabat naman ni Sue na naging kalmado na. “I've read from an article he's like sixty years old. He's just probably gonna visit and then lie down quickly.” Hindi man lang napansin ni Betsy na kanina pa pala itong tahimik na nakikinig lang sa usapan nila.

“So walang party,” dismayadong sabi ni Pam. Pabagsak itong naupo sa kanyang swivel chair at nagsimula nang magpaikot-ikot nito.

“Mayro’n kaya,” sambit ni Betsy.

Madali itong huminto sa pag-ikot at tumingin sa kanya. “Talaga?”

“Talaga. Kung sixty years old na siya, may party pa rin.” Umangat ang sulok ng labi niya. “Pajama with arinola party.”

Umasim ang mukha ng kanyang kaibigan at nagpatuloy na sa pag-papaikot ng upuan. Bago pa tuluyang malula sa kamamasid sa kanya sa ginagawa ay nagsimula nang magpaalam ulit si Betsy.

“Hm … Sige na, mauna na ako at baka maabutan pa ako ng traffic,” paalam niya. Tinalikuran na niya silang dalawa ni Sue at naglakad na siya patungo sa pintuan.

“By the way, Betsy.” Panandalian siyang napahinto dahil sa pagtawag ni Sue sa kanya. “Thank you for the Cartier pen. I loved it!”

Kumaway lang si Betsy habang nakatalikod at nagpatuloy na sa paglalakd. Bigla niyang naalala ang gusgusin na may-ari ng panulat na kailanman ay hindi niya na makikita.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status