Share

Chapter 4

Tagaktak ang pawis niya nang makababa na siya ng bus. Basang-basa na rin ng pawis ang dilaw na blusang suot niya. Buti na lang at nakapantalon siya, pakiramdam niya ay mas komportable. Paano ba naman, siksikan ang tao, Biyernes kasi. Mabigat pa naman ang maletang kulay pink na dala niya. Tiis lang talaga nang makauwi ng Calamba.

Ang daming tao sa istasyon. Alas singko na ng hapon at rush hour. Kasalukuyan siyang nag-aabang sa gilid ng may masasakyang taxi.

Ilang minuto pa ay may huminto na sa tapat niya. Lumabas ang matipunong lalaki na mukhang ka edad niya lang. Impyernes, medyo pogi ito.

Ngumiti ito habang lumalapit sa kanya. Kilala niya ba ako o talagang nahuhumaling lang siya sa ganda ko? Chos. Baka ganito lang talaga siya sa mga potensyal na pasahero.

Nang patuloy lang ang pagtitig niya sa lalaki ay napakamot ito sa kanyang noo.

“Betsy, ikaw nga. Ako 'to, si Kanor!” pagpapakilala nito.

Kanor? Kilala ko ba ang mala-Luis Manzanong lalaking ito? Baka naman ma-iskam ako nito, ah.

Sinubukan niyang suriin sa memorya kung may kilala ba siyang Kanor ang pangalan. Kaagad siyang nahinto sa pag-iisip nang bigla na lamang itong napakembot nang may buong sigla sa harap niya.

“Ay! Kanor KulangKulang!’ singhap niya. “Ikaw pala. Kamusta ka na?” magalak niyang pagbati nang sa wakas ay naalala na ito. Salamat na lang sa pagkembot nito.

Si Kanor ang naging first ever boyfriend niya noong nasa first year pa lang siya sa high school. Ang sabi nga ng mga tsismosa niyang kapitbahay na puwede ng maging CCTV, ang aga niya raw kumirengkeng. Muntikan pa siyang makalbo ng kanyang Tatang noon dahil sa maagang pagbo-boyfriend. Mabuti na lang at napurnada dahil nakalimutang hasain ni Lolo June ang gunting gamit ang batong panghilod niya sa araw na iyon.

Muli niyang pinagmasdan ang lalaki na nasa harap niya. Malaki na ang ipinagbago ni Kanor. Patpatin ito noon at kulang na lang ay mapalid ng bentilador. At oo, KulangKulang talaga ang apelyido niya.

“Heto, pogi pa rin,” pabiro nitong sagot. “Sumakay ka na sa akin at nang maihatid kita.”

“Aba! Hindi ko yata alam na may gulong ka na ngayon at pupuwede ka ng sakyan!”

Napakamot si Kanor sa batok sabay ngisi. “Ikaw talaga, hindi ka na nagbago. Palabiro ka pa rin. Sumakay ka na sa taxi ko.”

“Sige ba,” sagot niya naman.

Binuhat nito ang maletang dala niya at inilagay ito sa may bandang likuran ng taxi. Pumasok na rin siya sa loob, sa may backseat. Nang makaupo na sila ay pinaandar na ni Kanor ang sasakyan.

“Kumusta ka na?” pagpapatuloy nito habang nagmamaneho. Nasa kalsada lang ang tingin.

“Heto, busy sa pagkayod. Ikaw? Nag-asawa ka na?” usyoso ni Betsy.

“Oo, may lima na nga kaming anak eh he he,” magalak na tugon ni Kanor.

“Wow, masyadong abala ah.”

“Ikaw? Balita ko abala ka raw sa trabaho. Milyonarya ka na siguro,” pang-aasar nito sa kanya.

“Ay hindi pa. Kulang na lang ng sampung piso,” biro niya naman pabalik.

Bumunghalit ito sa tawa at nang maging kalmando na ay nagpatuloy sa pagtatanong. “Kamusta ang lablayp natin? May masuwerting lalaki na ba?”

Maypagka Boy Abunda talaga itong si Kanor. Kaya hindi na niya ikinuwento na iniwan siya ng walanghiya niyang ex-boyfriend dahil daw magpa-pari ito. Pero isang araw, nakita niya na lang na may ka-kissing scene ng iba. Ang masaklap pa nito, isa ring fafa. At hayun ang confidence niya, nag-impake at namundok na sa Mount Everest.

“Wala sa ngayon. Magwa-walong buwan na,” sagot niya na lang.

“Weh? Sa ganda mong 'yan?”

Napahaplos siya sa mahaba niyang wavy at maitim na buhok. “Hendenemen mesyedow.”

Umaalik-ik na lang si Kanor dahil sa inasal ni Betsy.

Dahil sa napasarap ang usapan nila, hindi niya na napansin na huminto na pala ang sasakyan sa tapat ng bakal nilang gate. Bumaba na siya ng sasakyan at kinuha naman ni Kanor ang maleta niya na nasa likod ng sasakyan.

Matapos niyang magbayad ng pamasahe na umabot pa ng halos kalahating oras dahil noong una ay ayaw pa nitong tanggapin, pero dahil sa pamimilit niya ay nagbukas din ito ng palad, nagpaalam na siya sa first love kuno niya.

Nang makaandar na ang taxi paalis ay pumasok na rin siya ng gate. Tumambad sa kanya sa may batalan ang tatay niyang si Kulas na naka-shades sa alas singko ng hapon. Abot hanggang balikat ang buhok nito. Nagfe-feeling rakstar kasi. Kaloka talaga.

Naghihimas ito sa manok nitong panabong at halatang kinakausap na naman nito ang manok. Pokus na pokus ito sa ginagawa kaya marahil hindi nito namamalayan ang pagdating niya.

“Mananalo raw ba siya, Tang?” intrada niya.

Inangat nito ang tingin mula sa manok papunta sa kanya at awtomatikong ngumiti.

“Betsy! Ba't di mo sinabi na uuwi ka? Nasundo sana kita,” natutuwang sambit ng kanyang Tatang at humakbang patungo sa kanya. Tuluyan na nitong inabandona ang manok. Parang may humawak sa puso niya nang mapagtantong nangunguna pa rin pala siya sa ranking at nanatiling pangalawa lang ang manok sa puso ng ama.

“Para naman hong may sasakyan kayo, Tang. Saka na ho kapag pupuwede ng sakyan 'yang manok panabong ninyo,” tugon niya.

Umiling lamang ito at kinuha ang maletang hila niya.

Pumasok na sila sa loob ng bahay. Maaliwalas talaga ito kumpara sa apartment na tinutuluyan niya sa Maynila. Malaki ang espasyo at medyo makaluma ang disenyo. Isang masayang lugar. dahil na siguro sa kulay dilaw na pinta. Bago kasi namaalam ang kanyang Nanang sampong taon na ang nakalilipas dahil sa sakit sa puso, inihabilin nito na pinturahan ng dilaw ang buong bahay. Kaya para tuloy silang nakatira sa isang balat ng saging. Mabuti nga at hinog na.

“Si Lolo June ho?” tanong ni Betsy na tinutukoy ang nuwebenta- anyos niyang lolo na ulyanin na.

“Nasa kusina. Binabantayan ang sinasaing niyang bigas,” sagot ng kanyang Tatang habang inilalapag ang maleta niya sa may gilid ng aparador.

Pansamantala niyang iniwanan ang sala upang magtungo sa kusina. Sumunod na rin sa kanya ang kanyang Tatang. Talaga namang naabutan nila si Lolo June na hinihipan ang apoy. Gumagamit na naman ito ng panggatong. Napatingin ito kay Betsy, umaliwalas ang mukha, at ngumiti.

“Oy, may magandang dilag pala tayong bisita,” wika nito na maluha-luha pa ang mga mata dahil sa usok. Halatang hindi siya nakikilala pero hindi naman sumama ang pakiramdam niya dahil nasanay na rin.

“Lo, ba't diyan na naman kayo nagsaing? 'Di ba may rice cooker naman o di kaya'y kalan?” sabi niya sabay kuha sa kamay nito para magmano.

“Betsy! Ikaw pala. Haha!” Tumaas ang boses nito sa galak habang hinahawakan ang magkabilang balikat niya. Mabuti at sa wakas ay nakikilala na rin siya.

Niyakap niya nang mahigpit ang Lolo June niya kahit na nangangamoy usok ito. Na-miss niya talaga ito. Magtatatlong buwan na rin siyang hindi umuuwi. Matapos nilang magyakapan ay pinunasan niya ang luhang kusa na lamang tumulo mula sa kanyang mga mata.

Nagdadrama na naman ang lola!

Ibinaling niya ang tingin sa Tatang niya na halatang na awkward. Hindi rin ito ma-emosyonal na tao. Siyempre ayaw nitong masira ang image bilang isang trying really hard rockstar.

Lumapit siya sa kanyang ama at pasekretong bumulong. “Tang, 'di ba sabi ko sa inyo na 'wag hayaang gumamit si lolo ng panggatong para 'di na mahirapan.”

“Kilala mo naman ang Lolo June mo. Kailan ba 'yan nakinig sa'kin!?” depensa ng kanyang ama.

“Bakit pa ba kayo nagbubulungan diyan eh dinig na dinig ko naman kayo? Ulyanin nga ako pero hindi ako bingi,” may pagka-inis na komento ng kanyang Lolo habang tinititigan sila.

Hindi na sila nakapagsalita ng Tatang niya kaya nagsimulang kumulansing ang kanyang Lolo June.

“Noong panahon ko pa, nangunguha lang kami ng panggatong sa bukirin. Pa ray-rice cooker pa kayo eh nakakatamad lang naman 'yan. Nakakapag-iba pa ng lasa ng kanin. Lasang mapait!” ratsada nito.

Magkasabay silang napabuntong hininga ng kanyang Tatang. Paano ba naman, itong si Lolo June niya, napakatradisyunal. Dalawa o tatlong beses nga nang magsaing siya noon gamit ang rice cooker, kinailangan pa niyang ilipat ang lutong kanin sa loob ng kaldero para hindi mahalata ni Lolo June. Para tuloy siyang isang kriminal noon na takot mahuli.

“Oh siya, sige. May dala nga pala akong mga pasalubong galing Amerika,” pag-iiba na lamang niya ng usapan. “Nasa loob ng maleta at bukas ay bibilhan na kita ng bago mong pustiso, Lo.”

Alam na rin ng mga ito ang pagpunta niya ng New York noong nakaraang linggo. Ang sabi niya sa kanila ay pinapunta siya roon ng kanyang kompanya para maging isang representanti. Hindi na niya sinabi ang totoo na nagpanggap siya bilang ibang tao dahil natitiyak niyang hindi nila ito magugustuhan.

“Talaga? May kalamay ba?!” sabik na tanong ng Tatang niya sabay palakpak ng mga kamay.

Hay, ito talagang Tatang niya. Kahit saang lupalop siya manggaling, kalamay pa rin ang inaasahang pasalubong na madadala niya.

“Tsokolate po. Hayaan niyo po, sa susunod na pagpunta ko ng Estados Unidos eh, sasabihan ko po si Tom Cruise na bumili,” masarkasmong tugon niya sabay hakbang papuntang sala.

“Tom Krus?? Bago mo na namang boypren?” anito na biglang tumaas ang boses. Sumunod pala ito sa kanya sa may sala.

“Oho, ikakasal na nga ho kami.” Ngumisi siya sa out of this world imagination niya.

Sinimulan niya na ang pagbubukas ng maleta. Halos hindi niya mabuksan ang zipper nito dahil sa sikip.

“Anong ikakasal?!” halos pasinghal na pagkakasabi ng kanyang ama. “ 'Di ba sinabi ko na sa'yo, Betsy na dapat ay ipapakilala mo muna sa'kin ang pakakasalan mo nang malitis ko. Paano na lang kung mandurugas o walang hiya pala . . ."

Nagpatuloy sa pagbubunganga ang kanyang Tatang. Manang-mana talaga kay Lolo June. Huminto lamang ito matapos niyang maisaayos ang mga pasalubong na kinuha niya galing sa maleta. Natapos na rin ang pagsasaing ni Lolo June at nakasama na nila ito sa sala.

Matapos niyang ipamigay ang mga pasalubong sa dalawa ay naghapunan na sila. Nagkuwentuhan sila habang kumakain. Ito talaga ang pinakapaborito niyang gawin sa tuwing umuuwi siya ng probinsya. Babalik na naman siya sa trabaho sa Lunes kaya ay sinulit niya na ang panahong kasama ang dalawa.

Lunes na Lunes ay imbiyerna ang bungad ng gabi niya papasok ng trabaho. Kumaripas siya sa pagtakbo nang makalabas na ng elevator. Natuntong na niya ang ika-sampung palapag ng gusali ng Global Bank. Magsasampung minuto na siyang late sa trabaho. Paano ba naman, nakatulog siya sa kama. Alas tres ng hapon na siya bumalik ng Maynila galing Calamba.

Time check 7:40 pm!

Pansin niyang abalang-abala ang ibang empleyado. May tumpok ng supervisors ng iba-ibang departamento ang masinsinang nag-uusap sa may sulok. Nang nasa tapat na siya ng pintuan ng opisina ay nakasalubong niya ang papalabas at tila tarantang naglalakad nilang TL na si Patis. May hawak-hawak itong isang puting folder. Nagdilim siguro ang paningin nito nang makita siya. Bigla itong huminto sa mismong harap niya.

“Betsy Makabayan, you're ten minutes late!” anito sabay duro sa kanya.

Lintik!Nahuli ako ni terminator!Monitor talaga ng bakla ang iskedyul ng bawat isa.

Binigyan niya ito ng matamis na ngiti. Pa-inosente kumbaga.

“Ah eh. It was because I helped an old woman earlier on my way here, Pat. She was having trouble carrying her bag of groceries,” pagsisinungaling niya with matsing fingers crossed sa likod.

Nakatiim ang bagang at nakakuyom ang mga palad ni Pat habang tinititigan lang ang mukha niya.

Ek! Wa epek. Kamyas!

“Excuses!” singhal nito. “Go inside and take your calls! Our very important visitor will come in a few minutes. Now!” utos ni Patis na nag-uusok ang ilong. Parang Mayon lang na paputok na.

Nagmadali si Betsy sa pagtakbo papasok ng opisina. Napuna niyang abala ang lahat sa pagtatanggap ng mga tawag, ni wala man lang pumansin sa pagpasok niya. Lahat ay nakaupo nang deretso. Nakakapanibago dahil wala man lang ni isang nangungulangot. Kahit si Tonyo a.k.a Toyo ay hindi nagke-candy crush.

Nasa tamang departamento ba ako?!

Nawala ang pagka-aburido niya nang makita si Pam na naka-upo na at may kausap sa kabilang linya ng telepono. Pati ito ay deretso ang upo gayong parati naman itong nakadungo. Kalmado na niyang tinungo ang kyubikel at naupo na sa swivel chair. Binalingan niya ulit ang mga kasamahan. Nagtataka talaga siya dahil masyadong seryoso ang mga ito.

Si Hitler ba ang bisita namin ngayon?

Hindi pa man lang siya nagsisimulang tumanggap ng tawag ay bigla na lang bumukas ang pinto at pumasok ang kanilang supervisor na si Benny kasama ang isang Amerikanong nakasuot ng kulay itim na tailored suit. Napabaling kaagad siya sa porener na siguro ay ang inaabangan na bisita. Maaliwalas ang ngiti nito. Guwapo. Maitim ang budhi— este buhok. Tanned ang balat, matangkad, matipuno, matangos ang ilong, strong chiseled face.

Aba, parang pang nobela na ito ah!

At napaka-asul na mga mata.

Asul na mga mata!

Jusko po, Lord!

Kilala ko 'tong mga matang to!

Ano'ng ginagawa rito ng may-ari ng panulat? 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status