Share

Chapter 5

Pakiramdam niya ay nakalutang siya sa kawalan habang pinagmamasdan ang napakapamilyar na kano na nasa harapan. Kinurot niya ang kaliwang braso para ma-check kung nananaginip lang ba siya ng gising o ano. Habang ginagawa ito ay nawindang na lang siya nang may kumurot din pabalik sa kabilang braso niya. Luminga siya at nakita si Pam na kunot ang noong nakatitig sa kabilang brasong kinukurot niya.

“Anong nangyayari sa'yo, Betsin? Bakit nagse-self abuse ka?” pabulong na pagkakatanong nito.

Akma niya na sanang ibubuka ang bibig upang sagutin ang kaibigan kaya lang natutop niya ang sasabihin dahil sa muling pagsasalita ng kanilang supervisor sa harapan. Sabay silang napabaling ng tingin dito.

“Excuse me, everyone! Finish your current calls and then take the aux,” pahayag ni Benny sa napakapormal na tono.

Napatingin ang mga kasamahan niyang katatapos lang ang tawag sa kanilang supervisor at sa porener na lalaking bisita na nakatayo sa harap. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig na may kasamang yelo mula Antarctica.

Dahil sa takot at panginginig ay hindi niya na namamalayan na unti-unti na pala niyang iniyuyuko ang ulo at isinisiksik ang sarili sa katabing si Pam na titig na titig naman sa bisita.

“Anyare sa'yo, Betsin? Nilalamig ka ba?” may pagtatakang tanong nito nang mapansin ang ginagawa niya.

Umiling-iling lang siya at mas isiniksik pa ang sarili sa kutson— este sa kaibigan! May pagtataka man sa hitsura nito habang tinitingnan siya ay inignora na siya nito at ipinagpatuloy ang pagtitig sa bisita.

May ibinulong si Benny sa bisita at tumango ito sabay tingin sa paligid hanggang sa dumako na nga ang mapanuring tingin nito sa kanila na mga empleyado. Mabuti na lang at nakukubli siya ng katawan ni Pam.

Stay busog, bes! Cheer niya sa isipan.

Nang halos lahat ay nakatuon na ang atensyon sa kanila dahil tapos na sa kanya-kanyang tawag, nagpatuloy si Benny sa pagsasalita.

“Hello everybody! I'd like you to officially meet the founding partner of Global Bank, Mr. Jack Wills!”

Putobungbong! Siya nga talaga!

Tipid na ngumiti si Jack at tumango sa ginagawang pagpapakilala sa kanya ni Benny sa lahat.

“Mr. Jack Wills will be staying with us for a week to check our operation in here. Let's show him how hardworking we are,” pagpapatuloy ng litanya ng kanilang supervisor.

Pasadyang umubo si Jack Wills at pagkatapos ay nagsalita. Tipid itong ngumiti.

“Thank you, Benny. I'll be hanging around here so don't mind me. Just pretend I'm a bug,” pagbibiro nito pero wala ni isa ang natawa. Patuloy lang ang seryosong pagtitig sa kanya.

Sumenyas si Benny sa kanina pa pa lang nasa gilid na si Patrick. Kaagad nitong naintindihan ang gustong mangyari ng kanilang supervisor kaya mabilis itong umaksiyon at kumuha ng upuan para ibigay kay Jack. Halatang-halata pa na nahihirapan ito sa pagbubuhat. Mas mabigat pa kasi ang silya sa kanya. The struggle is real.

Tanging tunog lang ng hinihilang upuan ang namayani sa buong paligid. Pakiramdam tuloy ni Betsy para silang nanonood ng palabas na cartoon. Nang mapansin ni Jack na naghihingalo na ang kanilang TL, tinulungan niya ito sa pagbubuhat ng silya. At walang kahirap-hirap niya itong nabuhat.

Nakabibingi ang katahimikan ng paligid. Mas napaunat ang pagkakaupo ng lahat. Nagtinginan ang bawat isa. Hindi inaasahan na magpipirmi pala ang bisita sa loob ng opisina. Para silang mga estudyanteng binisita ng prinsipal sa silid.

“You may continue taking calls now,” utos ni Jack Wills matapos makaupo na nang komportable sa silya.

Pinagpatuloy na ng lahat ang trabaho. Nanginginig pa rin ang mga labi ni Betsy dahil sa kasalukuyang nangyayari. Para siyang wala sa sarili. Nag-aalala siya na baka tumaas pa ang AHT niya at masira ang with flying colorful birds na record dahil sa pagiging kabado!

Pabalik-balik ang sekretong pagsulyap niya kay Jack. Masinsinan itong nakikipag-usap lang kay Benny. Minsan tumatango lang ito habang nakikinig sa sinasabi ng kanilang supervisor na pansin naman ni Betsy ay habang tumatagal padikit nang padikit kay Jack. At paminsan-minsan naman ay sumasabad si Jack dito.

Makalipas ang kalahating oras ay tumayo na si Jack at lumabas ng opisina kasama ni Benny. Akala niya ay iyon na 'yon. Ngunit biglang lumabas ang kaluluwa niya nang mabasa ang nag pop up na mensahe sa group chat ng kanilang team.

Conference Room with Jack Wills in ten minutes!

Hindi siya mapalagay. Habang patuloy lang sa pakikipag-usap si Pam sa customer nito ay ni-mute niya naman ang sa kanya. Nakatitig lang siya sa oras na nasa computer ko.

Anim na minuto.

Pito.

Walo

Siyam----

“Hoy, Betsin! Halika na,” tawag sa kanya ni Pam.

Napakurap pa siya ng ilang beses habang tinitingala ang kaibigan na nakatayo na pala sa gilid niya. Nakakunot ang noo ni Pam habang pinagmamasdan siya.

“Saan?”

“Sa Conference Room.” Iminuwestra ni Pam ang computer ko at nagtaas ng isang kilay. “Hindi mo ba nabasa ang mensahe sa banking team?”

Napipi si Betsy. Baka mahuli siya ni Jack at patalsikin sa kompanya. Saan na siya nito pupulutin? Paano na lang sina Tatang at Lolo June? Eh kung pumasok na lang kaya siya sa showbiz tutal magaling naman siyang artista? Pero baka kapag pumasok siya ay ma-l**k siya kaagad kay Paolo Avelino. Ayaw pa naman niya ng isyu! Harujusko!

Mas lalong dumiin ang pagdikit ng pwet niya sa upuan dahil sa lahat ng tumatakbo sa isipan niya na puweding mangyari kapag tuluyan na siyang mabisto.

“Halika na. Ano ba ang nangyayari sa'yo? Kanina ka pa ganyan,” ani Pam habang hinihila na siya mula sa upuan.

Pilit niyang idinikit ang pwet sa upuan at hindi nagpatinag. Pakiramdam niya ay para na siyang kinakabagan sa matinding kaba. Sa upuan na yata nakasalalay ang kaligtasan niya.

“Hindi na lang ako pupunta. Natatae ako. Kailangan ko magbanyo!” desperadang palusot niya sa determinadong kaibigan.

Napatingin sa kanya ang iba niya pang kasamahan na parang iniisip na nasisiraan na siya ng tuktok. Umasim ang mukha ni Pam habang tinititigan siya. Ilang segundo nitong sinuri gamit ang naninimbang na tingin ang bawat sulok ng mukha niya.

“Tumigil ka. Mataba nga ako pero hindi ako bobita,” ani Pam. “Kilala kita, girl, at hindi ganyan ang mukha mo kapag taeng-tae ka na.”

“Huh? Bakit? Paano ba ang hitsura ko?” seryosong tanong ni Betsy sabay higpit ng hawak sa likod ng swivel chair. Parang naging lifeline niya na talaga ito.

“Ganito.” Ipinikit ni Pam ang kanyang mga mata at nagpalabas ng malalim na hinga na parang nanganganak. Namumula pa ang mukha nito habang lumulubo dahil sa hangin ang magkabilang pisngi.

“Paminta, ilabas mo 'yan. Baka magka-cancer ka,” patutsada ni Tonyo nang madaan sa harap nila.

Pansamantala siyang binitiwan ni Pam upang batukan si Tonyo. Namumula na ang mukha ni Tonyo dahil sa madiing pagpilipit ni Pam sa kanyang braso sa leeg nito. Bago pa man tuluyang mag ala-sumo wrestler ang kaibigan niya at mapatay ang kawawang si Tonyo ay inawat niya na. Napansin kaagad ng kanilang team leader ang kaguluhan na nangyayari sa gawi nila kaya lumapit ito.

Tumigil ito sa tapat nila kaya sabay silang napatuwid ng tayo. Lumaki na naman ang butas ng ilong ng kanilang team leader na akala mo ay nag-uusok.

“Why are the three of you still here? The others are in the conference room already.” Napansin siguro nito na sa ilong niya lang nakatitig sina Bersy, mas lalo tuloy itong na high blood.

“What are you waiting for? Christmas?! Move!” singhal nito.

Matulin silang napatakbo palabas ng opisina. Wala na siyang nagawa kundi sumama kaysa naman matsugi pa sa mga kamay ni Patis.

Sila na lang pala ang nahuling pumasok sa loob ng conference room. Ang ibang kasamahan nila ay nakaupo na maliban kay Sue na lumiban. Ang rason nito ay natrangkaso raw, eh ang totoo nag-audition sa Star Hunt.

Umupo na rin si Betsy at patuloy pa rin na nakadikit kay Pam. Mistulan na silang conjugal twins kung titingnan dahil sa sobrang lapit nila sa isa’t-isa. Kabado niyang iginala ang tingin sa mga taong nasa loob ng silid. Napuna niya na wala pa sa loob ang Amerikano kaya panandalian siyang nakahinga ng maluwag.

Kung alam niya lang sana na ito pala ang bisita ay nagpamake-over na siya. Nagpa-bob haircut with matching fringe bangs para hindi makilala. Paano na lang kung mamukhaan siya nito at maalala ang kabalastugan na ginawa niya noon sa New York? Napuno ng pangamba ang isipan niya.

Paglaon ng ilang segundo ay bumukas ang pinto. Pumasok si Benny, Patrick, at walang iba kundi si Jack Wills. Nagtama kaagad ang tingin nilang dalawa. Biglang natigil sa paglalakad si Jack. Bakat ang sorpresa sa mukha nito ngunit madali naman itong nakabawi at nagpatuloy na sa paglalakad. Napansin ni Betsy ang bahagyang pag-iling ni Jack Wills.

Nang makaupo na ito sa silya ay muli niyang sinulyaan si Betsy. Nagpirmi ng ilang segundo ang deretsong titig nito sa kanya. Hindi na tuloy naiwasan ni Betsy ang panginginig ng kanyang tuhod. Kitang-kita siguro nito ang pamumutla niya. Pasimple nitong iniwas ang tingin at binalingan na ang lahat ng empleyadong nakapalibot sa malaking mesa.

“I apologize for this inconvenience. I requested a conference to assess any difficulties you have in some areas,” deretsahan at tuloy-tuloy na pagsalaysay ni Jack.

Naghintay muna ito ng ilang segundo para siguro sa reaksyon ng mga empleyado. Nang mapansin nitong tahimik ang lahat ay nagpatuloy ito.

“Are you always this quiet? Don't be afraid. I don't bite,” anito sa magaang boses sabay kindat.

Napatawa naman ang lahat at medyo nakabawas ito sa nararamdamang nerbiyos o baka naman si Betsy lang 'yon.

“Ha!” halatang pilit na pagtawa ni Betsy na umalingawngaw pala dahil napalingon ang lahat sa kanya. Mabilis niyang itinikom ang bibig at unti-unting yumuko.

Bigla na lang itinaas ni Ashley ang kanan nitong kamay kaya nawala rin ang atensiyon ng lahat kay Betsy.

“I have some concerns, Mr. Wills," apila ni Ashley.

Mula kay Betsy ay inilipat ni Jack ang tingin kay Ashley.

“Oh. Please, just call me Jack. And you are?” tanong ni Jack.

Gumikgik ang queen bee at umakto pang nag-iipit ng tikwas na buhok sa likod ng tainga kahit wala naman dahil mahigpit ang high ponytail niya. Echosera!

“I'm Ashley. You can call me anytime— I mean Ash.”

Isang beses na tumango si Jack. “Well, before we do that, I want to know everybody's names first. Just to get the feel of things.”

Bigla nabilaokan si Betsy sa kinauupuan niya. Mabibisto na talaga siya nito!

“I think we should start with the team leader,” suhestiyon ni Benny na nakatayo na parang guwardiya sa gilid ni Jack. Tipid na tinanguan nito si Pat na nakaupo sa kanang bahagi bilang hudyat na magsimula na.

“Hi, Jack. I'm Patrick Gomez,” pagpapakilala ng kanilang TL na may ngising aso pa. First time  yatang nakita ni Betsy at ng kanyang mga kasamahan ang ngiti nito.

Sumunod naman ang tuwid na tuwid na nakaupo sa gilid nitong si Tonyo.

“I'm Tonyo Makabagbag, Sir. It's a great pleasure to meet you! We all know that you're a legend in the business and truly I am so—“

Natigil sa kadadaldal si Tonyo dahil sa marahas na pasadyang pagtikhim ni Benny. Iminuwestra nito ang kasunod na empleyado.

“Jerry Manlatay,” deretsong pagpapakilala ng katabi ni Tonyo.

Nagpatuloy sa pagpapakilala ang iba pa. Nakayuko lamang si Betsy at kinilabutan nang marinig na nagpapakilala na rin si Pam. Halos mapairap pa siya kundi lang dahil sa nerbyos sa paraan ng pagpapakilala ni Pam sa sarili. Masyado kasing mahinhin na parang isang boses ng dalaga na kabababa lang ng bundok. Ano na ba ang nangyayari sa mga kasamahan niya? Bakit hindi na ito umaastang normal?

“And you are?”

Napaigtad siya matapos marinig ang hindi maipagkakailang baritonong boses ni Jack. Pag-angat niya ng tingin ay tumambad sa kanya ang napaka-asul nitong mga mata. Tila may kuryente na dumadaloy mula sa kalingkingan ng mga paa niya hanggang sa tuhod. Pagtingin niya sa ibaba ay mayroon pa lang charger ng cellphone na naiwang nakasaksak.

Kabote!

Inangat niyang muli ang tingin. Nagsitayuan ang balahibo niya nang mapansing nanatili pa rin ang titig ni Jack sa kanya. Pilit niyang binubuksan ang bibig pero parang may sarili itong utak at ayaw makipag-cooperate sa kanya.

“What's your name?” pag-uulit na naman ni Jack. May kakaibang kislap sa mga mata nito na hindi maintindihan ni Betsy kung ano at para saan.

“I'm Betsy. Betsy Makabayan,” sagot niya sabay lagok. Halos hindi niya na makilala ang sariling boses. Tunog naiipit na daga ito. Ramdam niya na ang pawis na marahang tumutulo mula sa likod ng tainga niya pababa sa leeg.

“Betsy. Ah.” Binigkas ni Jack ang pangalan niya na para bagang sinusubukan itong ipamilyar. Pinalandas nito sa kanyang baba ang hintuturo. Pinilig din nito ang ulo habang tinititigan si Betsy.

Nakatingin lang si Betsy rito na para bang naghihintay ng kanyang kapalaran. Hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya magawang mag-iwas ng tingin sa kabila ng puwedeng mangyari. May tsansa pa naman siguro na hindi siya nito nakikilala.

Umaasa si Betsy na nakalimutan na nito ang nangyari noon sa New York.

Gumuho ang mundo niya nang muli itong magsalita.

“So . . . Betsy, what are your thoughts about Japanese?” nakangising tanong ni Jack sa kanya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status