Share

PROLOGUE

MADALAS KONG NASISILAYAN ang spaghetti at pancit sa hapag kainan kapag may mga kaarawan ang lahat ng miyembro ng pamilya. Kasiya-siya iyon para sa akin kahit may kulang sa handa sapagkat bumabawi kami sa masayang salo-salo at sama-samang pagdarasal bilang pasasalamat sa bagong taong magdadaan. Isang bagong taong may dalang hamon ng buhay at may bahagharing masisilayan sa ikatlong daan at animnapung limang araw—kung saan ang sangkapat nito'y para sa 'ting saglit na kaginhawaan, ang araw ng paghihintay at paghahanda sa pakikibaka sa tulay ng kinabukasan.

Kahit may masayang tagpo sa ganoong pagdiriwang, nakukulangan pa rin ako. Balewala sa akin ang mga palamuti't lobong nakadikit sa kurtinang ikinabit ng aking nanay, kundi sa kawalan ng BIRTHDAY CAKE. Nakakatawa man iyon para sa iba ngunit malalim ang pinagmulan iyon sa aking sarili.

Hindi ko pa nararanasang umibig ang aking mga mata sa liwanag ng makulay na kandila, ilang minutong nakatayo sa ibabaw ng malambot na tinapay at matatamis na kendi. Ibig kong masilayan ang kumakaway na hugis ng apoy at usok, magpapadala ng kahilingang tutungo sa itaas at nawa'y mariring iyon ng langit at agad akong bigyan o gabayan.

Naiinggit ako sa mga kamag-aaral ko. Nakikita ko sa kanilang mga larawan at video sa social media ang kanilang mga ngiti habang hinihipan ng kanilang bibig ang kandilang nakatayo sa ibabaw ng cake. Nakasuot din sila ng mga damit na naaayon sa kanilang piniling istilo at kulay. Maraming tao ang nakapaligid sa kanila, pumapalakpak nang malakas at may kasiyahan sa nasaksihang tagpo ng buhay.

"PUNTA KA MAVIE sa Linggo ha?" Sabik na paanyaya ng isang kamag-aral na apat na taon ko nang kasama sa kolehiyo.

Tumango lamang ako sa kanya at pilit ngumiti. Sagot iyon ng pag-sang-ayon.

Iniiba ko na lamang ang pagtingin ng aking mga mata sa tuwing nakikita ko ang birthday cake sa kanilang hapag. Kita ko ang asul na katagang "HAPPY BIRTHDAY!" na nakaukit sa ibabaw nito. Nakasindi na ang kandila at handa na itong ihipan ng kanyang bibig. Sumabay akong kumanta ng “Happy Birthday Song” sa mga bisitang kapwa kamag-aral ko rin at pagkatapos ay hiniwa na ang cake sa maraming hati upang pagkasyahin sa mga dumalong bisita.

“Mabuti pa siya”, bulong iyon ng aking isip habang binababa ko ang aking shoulder bag pagkauwi sa aming tahanan.

Pangarap kong magkaroon ng birthday cake sa unang pagkakataon. Nawa'y agad akong bibili sa aking unang sweldo pagkatapos ng aming pagtatapos sa kolehiyo.

Kung hindi man mabibili agad dahil batid kong maraming gastusin sa pamilya, ang kahilingang ko madalas noon sa mga tala sa tuwing aking kaarawan ay may taong magbibigay sa akin ng ninanais kong regalo at yayakapin ko siya nang mahigpit bilang pasasalamat.

Sandali.

Bakit yayakapin agad?

Dahil iyon sa tuwa ng magiging pakikiramdam ko sa hinaharap. Ang pagbibigay ng birthday cake para sa akin ay katumbas ng malalim na pagpapahalaga sa mga taong minamahal at pinahahalagahan nang lubusan. May mga taong unang nasisilayan ang kabutihang loob at mahahalagang aspeto ng buhay ng iba na maaaring gawing regalo sa kaarawan bilang pagpapahalaga at pasasalamat.

Pangarap lamang iyon.

Maaaring imposibleng mangyari ang ganitong pangarap. Itinuring ko na lamang iyon bilang palatandaan ng hinahanap kong kasiyahan.

ALAS ONSE NA...

Ito na naman ako sa bahay. Maaari nang matulog nang mahimbing at humilik habang nananaginip sa birthday cake.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status