Share

Chapter Five

MAAARI ngang ang limang taon ay napakatagal na panahon na para sa marami ngunit para kay Ysmael Lance Madrigal ay hindi sapat ang panahon na iyon para paghilumin ang sugat na nasa kanyang puso mula ng araw na talikuran siya ni Jillian Cordova para sa bestfriend nitong si  Mark Wayne Toledo. 

Hindi niya kasi talaga inasahan na magagawa pa iyon sa kanya ni Jillian dahil damang-dama naman niya ang pag-ibig nito. Nakikita niya ang ningning sa mga mata nito kapag siya'y tinititigan.  Ganoon din kasi ang tingin niya rito. Parang may nakatambay na stars sa kanyang mga matakapag kasama niya ito't kausap. Ngunit, kahit na alam niyang may pagtingin na sa kanya si Jillian, parang hindi pa rin nabubura sa isipan nito na si Mark Wayne ang una nitong minahal.  

Pero, mahal din naman siya ni Jillian. Iyon ang gusto niyang paniwalaan. 

Nang araw kasing sabihin sa kanya ni Jillian na mahal siya nito'y umasa siya na tuluyan na niyang natalo si Mark Wayne sa puso nito lalo na't maraming beses na nitong ibinigay sa kanya ang sarili. Inihanda na nga niya ang magiging wedding proposal niya kay Jillian dahil talagang wala na siyang gusto pang makasama sa habambuhay kundi ito lang. Ini-imagine na nga rin niya na magkakaroon sila ng anak. Na magsasama sila sa isang bubong at magiging maligaya habambuhay.                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                     

Ngunit, parang pinasabog ang lahat ng pangarap niya nu'ng araw na makita niyang magkayakap sina Jillian at Mark Wayne. Dapat ay ipinaramdam niya sa mga ito ang kanyang presensiya pero hindi niya iyon nagawa dahil natakot siya. Naisip niya kasing baka kaya magkayakap ang dalawa ay dahil nagsabi na si Mark Wayne na mahal nito ang bestfriend.

Isang araw kasi ay nilapitan siya ni Mark Wayne para sabihing huwag niyang lolokohin si Jillian. Wala naman talaga siyang gawin iyon dahil mahal na mahal niya ang bestfriend nito pero hindi niya naibulalas. Inamin kasi sa kanya ni Mark Wayne na mahal nito si Jillian kaya kung lolokohin lang niya ay tinigilan na niya. 

Nang sabihin ni Mark Wayne ang mga salitang 'Mahal ko si Jillian' bigla siyang kinabahan. Hindi lang pala kaba ang naramdaman niya, kundi sobrang takot. Sa simula pa lang kasi, alam niyang mahal ni Jillian si Mark Wayne. 

Shit! Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakaramdam siya ng takot na mawala sa kanya ang taong mahal na mahal niya. Kaya naman, lahat ng paraan ay ginawa niya para lang mapaibig niya si Jillian. Bakasakaling ang lahat ng pagmamahal na naramdaman nito kay Mark Wayne ay makalimutan na nito. Ngunit, siya itong hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakalimot. Wala siyang ibang gustong makatabi sa pagtulog kundi ang unan ni Jillian. 

Marahas na buntunghininga ang kanyang pinakawalan niya. Kung may makakaalam lang ng tumatakbo sa kanyang puso't isipan, siguradong mapagtatawanan siya. Hindi naman kasi ang isang Ysmael Lance Madrigal ang dapat na makaramdam ng takot dahil mula pa nu'ng ipinanganak siya ay matuturing ng suwerte siya. Kaya lang, hindi naman lahat ng makapagpapaligaya sa tao ay makukuha sa pagiging guwapo at mayaman niya. 

Bata pa lang siya ay crush na niya si Jillian Cordova kaya kung maaari lang ay ayaw niyang mapahiwalay dito. Kaya naman mula elementary hanggang highschool ay sinikap niyang maging kaklase ito at laking tuwa niya ng kumuha rin ito ng AB Masscommunication dahil iyon ang kursong kailangan niyang kunin dahil nga sa tv station ang pinakamalaking negosyo na pag-aari ng kanilang pamilya na kailangang matutukan ng husto. 

Muli, napabuntunghininga siya. Kahit naman kasi nasa paligid lang siya, ang atensyon pa rin ni Jillian ay na kay Mark Wayne. Walang ibang gustong kausap at kasama si Jillian kundi ang bestfriend nito na para bang ang lalaking iyon lang ang dapat na pagkatiwalaan. Kaya naman sa inis niya ay palagi niyang binu-bully si Mark Wayne. Alam niya kasing iyon lang ang paraan para makuha niya ang atensyon ni Jillian. 

Hindi naman niya gustong laging napipikon o naiinis sa kanya si Jillian ay mas okay na iyon para sa kanya kaysa naman hindi nito pansin na nag-i-exist pala siya sa mundong ibabaw. But things become different mula nang makita ni Jillian na may kahalikang ibang babae si Mark Wayne. Hindi niya tuloy napigilang mag-alok dito ng 'tulong' pero iba naman talaga ang kanyang intensyon. 

Ang gusto niya talaga ay maibaling ni Jillian sa kanya ang pag-ibig nito dahil talagang mahal na mahal niya ito. Hindi lang niya alam kung paano niya iyon sasabihin sa dalaga dahil hindi siya nakasisigurado kung papaniwalaan siya nito o mababasted lang siya. Kaya, ang pinili pa niyang idahilan dito para magkaroon sila ng kunwaring relasyon ay para ma-realize ni Mark Wayne na mahal nito si Jillian. 

At sa tingin nga niya ay iyon ang nangyari kaya parang gumuho ang mundo niya ng makitang nakayakap dito si Jillian. Para kasing ang ibig sabihin nu'n ay kinalimutan na rin ni Jillian ang mga pinagsamahan nila. Ang pagsasabi nito na mahal siya. Ang maiinit nitong yakap at halik sa kanya. 

Nang mga sandaling handa ng siyang lulunin ang kanyang pride ay saka ipinamukha sa kanya ni Jillian na si Mark Wayne ang talagang mahal nito. Simula noon ay nag-iwasan na sila at hindi na nag-usap. Ngunit, dahil ibig niyang pagselosin si Jillian ay sinadya rin niyang maging sweet sa ibang babae kapag nakikita niya ito. Ngunit, mas magseselos pala siya kapag nakikita niyang ka-holding hands nito si Mark Wayne. Tapos biglang nag-alsa balutan ang mga ito papuntang America at matapos lang ang ilang buwan ay nagpakasal na ang mga ito. Nang malaman niya iyon ay nagkadurog-durog ang kanyang puso. 

Kahit tuloy mahal na mahal pa rin niya si Jillian ay ginusto na niya itong patayin sa kanyang puso dahil alam niyang balewala na ang pagmamahal niya rito. Kasal na ito at Mark Wayne at may anak na ang mga ito. May mga pagkakataon kasi na hindi niya napipigilan ang sariling alamin ang nangyayari sa buhay nito. Ewan nga lang kung bakit napapangiti siya kapag napagmamasdan niya ang mag-ina. 

Marahil dahil minsan ay pinangarap niyang dalhin ni Jillian ang kanyang magiging anak. Iyon nga lang, hindi nangyari iyon dahil sa huli ay pinili nito si Mark Wayne. Kaya, naman hindi niya alam kung hanggang kailan ba siya makaka-recover sa pagkabigo. Ayaw naman niyang ituon lang ang atensyon niya sa pag-inom dahil alam niyang wala naman iyong magiging epekto sa kanya. Saka, ayaw din niyang magpakita ng kahinaan sa iba. 

Ang atensyon niya tuloy ibinuhos na lang niya sa pamamalakad ng kanilang tv station. Isa na siyang CEO kaya naman kailangan niyang magseryoso sa buhay. Gayunpaman, pinili niyang umiwas sa mga babae dahil kahit anong gawin niya, iisang mukha lang ang gusto niyang makita at maangkin. 

Damn!

"May naisip na ba kayong paraan para maitaas naman ang rating ng  news program sa hating gabi." maawtoridad niyang tanong sa kanyang mga tauhang bumubuo ng Midnight News. Dapat ay sa negosyo niya ituon ang kanyang atensyon para naman hindi bigla-biglang sumusulpot sa isip niya ang ex-girlfriend na mahal na mahal pa rin niya hanggang ngayon. Naalala niya kasing kapag may problema sa kanilang group project ay laging may solusyon si Jillian. 

Kung ang ibang programa ay pasara sa mga oras na iyon, siya ay pinili pang magkaroon ng huling balita dahil naniniwala siyang marami pa rin naman ang gising kahit alas-dose na. Iyon ay ang mga taong mayroong insomia. Bagamat alam niyang iilan na lang halos iyon ay pinili pa rin niyang sumugal. Marahil, dahil gusto pa niyang magkaroon ng maraming pera dahil sa palagay naman niya ay doon na lang siya magaling. Sa paggawa ng maraming pera. At alam din naman niyang marami pa rin siyang taong nabibigyan ng trabaho. 

"Makatutulong din po ang pag-interview sa mga matagumpay na tao. Hindi lang dito sa Pilipinas kundi sa ibang bansa." Narinig niyang sabi ng isang segment editor na nagngangalang Arnold.  

"Like whom?" walang kainteres-interes niyang tanong. 

"Jillian Cordova."

"Fuck!" hindi niya napigilang ibulalas nang marinig niya ang pangalan ng kaisa-isang babaeng nakabandera sa kanyang puso. 

Nang mapatingin siya sa nagsalita ay nakita niyang namutla ito. Siguradong dahil sa pagmumura niya. Marahil inisip nito na hindi niya nagustuhan ang sinabi nito. Well, talaga naman kasing hindi nagustuhan ng kanyang puso ang narinig. Bigla na naman kasing pumintig iyon na para bang hinahabol ng maligno. 

"Go on," sabi niya. Hindi dahil sa interesado siyang mapataas ang rating kundi dahil sa gusto niyang makarinig ng update tungkol kay Jillian Cordova na alam niyang sikat na manunulat na rin sa America. Ang hindi lang niya maintindihan kung bakit hindi nito ginagamit sa apelyido ni Mark Wayne sa mga libro nito. 

Kahit noong nag-aaral pa sila ay hilig na talaga ni Jillian ang magsulat at kalimitan nga raw siya ang bida sa mga horror stories na ginagawa nito lalo na kapag bad trip na bad trip ito sa kanya. Hindi naman niya makuhang magalit sa ipinagtapat ni Jillian. Ang totoo ay natuwa pa siya. Biro mo, kahit galit ito sa kanya ay nakukuha pa siya nitong isipin. 

May pagkakataon tuloy na tinutukso niya itong hindi naman talaga ito nagagalit sa kanya dahil palagi niyang inaaway si Mark Wayne kundi dahil noon pa lang ay pinaglalabanan na nito ang attraction na nararamdaman sa kanya. 

"Maraming tao ang nangangarap na maging manunulat kaya kung mai-interview natin si Miss Jillian ay siguradong maraming manonood. Filipino pride din siyang maituturing sa larangan ng pagsusulat. Para ngang si Jillian Cordova ang JK Rowling ng Pilipinas. Kahit iilan pa lang naman ang librong isinulat niya, naging best seller naman."

"Bibiyahe pa ang mga manunulat, reporter at cameraman natin sa America?" sarkastikong tanong niya. 

Si Carmela naman ang sumagot, isa ring segment editor. "Fina-follow ko po si Jillian Cordova kaya alam kong nandito na silang mag-anak sa Pilipinas."

"Nandito na si Jillian sa Pilipinas?" hindi niya napigilang itanong. Bigla tuloy napatingin sa kanya ang mga tauhan niya. Hindi kasi niya nagawang itago ang pananabik sa kanyang boses kaya naman hindi niya napigilang singhalan ang kanyang sarili. Kahit kasi hindi siya nakaharap sa salamin ay naramdaman niyang nag-init ang kanyang mukha dahil alam niyang mistulan siyang teenager na biglang nag-blush.

"Yes, Boss." sagot nito na nakakunot ang noo. Siguro ay nagtaka ito dahil sa inasal niya. 

"M-medyo masama ang pakiramdam ko," nahagilap niyang ikatwiran. Kung naniwala man ang kanyang mga kaharap ay wlala na siyang pakialam. Saka, alam niyang wala naman ni isa sa kanyang mga kaharap na maglalakas ng loob na magtanong sa kanya. "So, bumalik na pala ang mag-asawa."

"Sino pong mag-asawa?" hindi nakatiis na tanong ng isa niyang tauhan. Hindi lang niya natukoy kung sino ang nagsalita. Wala din naman kasi siyang balak kausapin ang kahit sino

"Interesting." Nakangisi niyang sabi dahil ang utak niya ay naglalakbay na sa kung saan. Sa paghihiganting pinlano niya noon pa man. At sisiguraduhin niyang higit na magdurusa si Mark Wayne Toledo. 

"Boss?" wika ng kanyang mga tauhan. Ilang minuto rin kasi siyang natulala.

"Welcome back, My Beloved," hindi niya nabigilang sabihin kaya nakita niyang nagpalitan ng sulyap ang kanyang mga tauhan. 

'MUKHANG good mood ang unico hijo ko, ah," nakangiting sabi ng kayang Papang. He's 70 years old pero malakas pa. Alaga rin naman kasi ni Lancelot Madrigal ang katawan nito. Saka, wala naman itong pinuproblema sa buhay. Ngunit, kahit hindi na ito nagpupunta sa Channel 26 ay maaga pa rin itong nagigising gaya niya kaya palagi silang magkasalo sa breakfast. 

Bahagya rin niyang tinapunan ng tingin ang kanyang ina, si Esneralda, na tahimik na kumakain matapos siyang aayain na parang walang kagana-gana. Dalawampung taon ang tanda ng kanyang Papang kaya kahit simple lang ang ayos nito ay lutang na lutang pa rin ang kagandahan nito. Ngunit kahit na mamahalin ang damit nito ay alam niyang wala pa ring dating iyon sa kanyang ina.

Napabuntunghininga siya. Kung noong bata siya'y palagi niyang tinatanong ang sarili kung bakit kahit nakangiti ang kanyang ina ay parang ang lungkot-lungkot pa rin ng mga mata nito, ngayon ay alam na niya ang dahilan. Hindi nito mahal ang kanyang ama. Napilitan lang itong magpakasal sa kanyang Papang dahil nagbanta ang kanyang lolo't lola na itatakwil ito't isusumpa kapag ibang lalaki ang pinakasalan. 

Sa tuwing naririnig niyang nag-aaway ang kanyang mga magulang, nalalaman niyang hindi siya bunga ng pag-ibig. Alright, mahal ng Papang niya ang kanyang Mamang pero may ibang mahal ang kanyang ina at nagawa nitong talikuran iyon dahil kailangan nitong sundin ang mga magulang. 

Ayon sa kuwento ng kanyang Papang, alam daw nitong walang mangyayari kung ang Mamang niya ang liligawan nito dahil may kasintahan ang kanyang ina kaya naman ang lolo't lola niya ang niligawan ng kanyang Papang. At dahil nga multi-milyonaryo ang mga Madrigal ay ginusto ng pamilya ng kanyang ina ang kanyang ama. 

"Marami na naman sigurong perang pumasok sa kanyang bank account," wika ng kanyang ina sa tonong nakikipagkuwentuhan. 

Kahit na walang kabuhay-buhay palagi ang mga mata ng kanyang ina, alam niyang mahal siya nito. Nu'n ngang panahon na na-brokenhearted siya kay Jillian ay ito ang kanyang naging karamay. Nagawa nitong paglinawin ang kanyang utak kahit na dumating na siya sa puntong gusto na niyang kidnapin si Jillian para lang magkaroon ng happy ending ang kanilang lovestory. 

"Kung hindi ka na mahal ni Jillian, tanggapin mo na lang dahil magiging miserable lang ang buhay ninyo kung kayo ang magkakatuluyan."

"Ganyan ba ang nararamdaman mo, Mamang?" tanong niya sa kanyang ina nang balingan niya ito. Masama ang loob niya ng mga oras na iyon kayahindi niya kontrol ang kanyang sarili. Ang nakakatawa lang, para siyang lasing kapag nagseselos siya pero kahit na lumaklak siya ng sangkaterbang alak ay walang epekto sa kanya. Napakataas daw kasi ng alcohol tolerance niya. Gayunman, hindi naman niya piniling magpakalunod sa alak porke hindi siya nalalasing dahil tiyak naman niyang hindi siya si Superman para hindi masunog ang kanyang atay. 

Hindi naman ito kumibo pero nasaktan pa rin siya dahil alam niyang 'oo' ang gustong isagot ng kanyang Mamang. Dahil tuloy doon ay nasabi niyang hindi niya gugustuhing maging miserable si JIllian sa kanyang piling. Kung si Mark Wayne talaga ang mahal nito ay magpaparayan na lang siya. 

"Kung gusto mo talagang maging masaya, kailangan mong maging selfish," sabi naman ng kanyang Papang nu'ng mag-open siya rito. Ito rin ang nagsuhestiyon sa kanyang kidnapin niya si Jillian hanggang sa ma-realize nitong wala itong mahal kundi siya. 

Marahil kung hindi siya Mark Wayne ang lalaking pinili ni Jillian ay talaga ipaglalaban pa niya ang kanyang ex-girlfriend pero dahil sa alam niyang hindi naman sasaktan ni Mark Wayne si Jillian ay pinili na lang niyang magpaubaya. 

Ni hindi na nga niya tinangka pang lumapit kay Jillian kahit na magkaklase sila. Gusto lang niyang magtaka kung bakit kahit na si Jillian ang may kasalanan sa kanya ay parang ito pa ang galit na galit sa kanya. Palagi kasing matalim ang tingin nito sa kanya. 

Nang dumating ang araw na handa na sana siyang -approach si Jillian ay saka naman niya nalamang umalis na ito papuntang America kasama si Mark Wayne.

"Hindi lang naman pera ang makapagpapaligaya sa tao," walang gana niyang sabi sa kanyang ina. Mahal niya ang kanyang Mamang, alright. Pero, hindi niya mapigilan ang magdamdam dito dahil pakiramdam niya'y hindi nito ginawa ang lahat para mahalin ang kanyang ama. 

"Pero, ang pera ang dahilan kaya makukuha natin ang ating kaligayahan," makahulugang sabi ng Papang matapos sulyapan ang kanyang ina. 

Ang tv station nila ay maayos na maayos niyang napapatakbo kaya bihira na rin itong makialam sa tv station, maliban na lang kung hihingi siya rito ng tulong. Dahil nga sa ayaw niyang laging naaalala ang kabiguan niya sa pag-ibig ay itinuon na lang niya ang kanyang atensyon sa kanilang negosyo. 

Bigla na naman niya tuloy naalala si Jillian. Maging isang mahusay na manunulat ang pangarap nito kaya siguro kung sila ang nagkatuluyan ay...

Hindi na niya dapat pang isipin iyon dahil wala na si Jillian sa kanyang buhay kaya lang parang hindi niya gustong pawalan na lang ito basta-basta. Siguro nga ay masokista siya kaya kahit alam niyang pagmamay-ari na ito ng iba'y gusto pa rin niyang pumasok muli sa buhay nito. Well, ibig din naman kasi niyang tumaas ang rating nila at alam niya malaki ang maitutulong ni Jillian sa Channel 26. 

"Masisingil ko na kasi ang mga taong may utang sa akin," nakangising sabi niya habang naglalagay ng kanin at ulam sa kanyang plato. 

"Kailan ka pa nagpautang?" maang na tanong ng kanyang Mamang. 

"Are you referring to your ex-girlfriend?" nakangising tanong ng kanyang ama.

"And to her husband. Her bestfriend," mariin niyang sabi. Kasabay noon ay bumalik sa kanyang alala ang dahilan kung bakit kailngan muling tumapak nina Jillian at Mark Wayne sa Pilipinas. Dahil iyon ang kondisyon na hiningi niya kay Toledo Sr.

Siya ang dahilan kung bakit kinailangang bumalik nina Jillian at Mark Wayne dito sa Pilipinas. Naglagak siya sa Mabuhay Bank ng 200 milyon, four years ago. Hindi dahil sa malaki ang interes na makukuha niya rito kundi dahil alam niyang isang araw ay magkakaproblema ang banko ng mga Toledo. 

Inakala kasi ng matandang Toledo na good move ang pagbibigay ng malaking interes para dumami ang kanilang depositor. Nangyari naman iyon kaso nasira sila ng husto ng kumuha sila ng endorser tapos nasangkot sa malaking eskandalo. Nagumon sa sugal kaya naman pati ang Mabuhay Bank ay nadamay. Dahil doon maraming depositor ang biglaang nag-withdraw.  At dahil ang promo ng mga Toledo ay maibibigay na ang interes sa unang anim na buwan ay kinailangan nilang maglabas ng pera para mabayaran ang utang. 

At dahil sa malaking na-deposit niya sa Mabuhay Bank ay sobrang nataranta ang tatay ni Mark Wayne nang sabihin niya ritong gusto na rin sana niyang i-withdraw ang kanyang pera. Sigurado kasing mas mababaon ang mga ito dahil malaki rin ang babayaran sa kanya. Kaya naman todo ang pakiusap nitong huwag niyang kunin ang kanyang pera. Pinagbigyan naman niya ito pero mayroon siyang kondisyon. Ibig niyang bumalik sa Pilipinas ang mag-asawang Mark Wayne at Jillian. 

Wala naman siyang planong agawin pa si Jillian kay Mark Wayne lalo na't may anak na ang mga ito. Ang ibig lang talaga niya ay makita rin ni Jillian ang kanyang narating. Hindi dahil sa anak siya ng may-ari ng higanteng network kundi dahil sa nagawa niyang pagyamanin ang kanilang negosyo. 

Iyon nga lang ba ang dahilan? sarkastikong tanong niya sa sarili. 

Ah, siguro nga ay masokista siya dahil gusto pa rin niyang makita at makasama si Jillian kahit na pag-aari na ito ng iba. 

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Iyah Yhang
can't wait na magkita si apple at si lance...
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status