Share

Chapter Nine

WHAT'S wrong with my heart? naiinis na tanong ni Jillian sa puso niyang parang nakikipagkarerahan. Mabilis na mabilis na tumitibok iyon dahil lang sa nagkasalubong ang mga mata nila ni Lance.

Well, si Ysmael Lance Madrigal ay hindi lang ordinaryong lalaki dahil nga ito ang ama ng kanyang anak. At iyon ang dahilan kaya masyado siyang kinakabahan ngayon. Magkaharap din kasi ang kanyang mag-ama ngayon. 

Bigla tuloy siyang kinabahan. Naniniwala kasi siya sa lukso ng dugo. Paano kapag naramdaman ni Lance iyon kapag tinitigan nito si Apple. Para tuloy gusto na lang niyang hilahin si Apple at umalis ngunit kapag ginawa niya iyon, mas malalaman ni Lance na may itinatago siya rito. Kaya, kahit kabado siya ngayon, kailangan niyang harapin ang kanyang ex-boyfriend. 

Relax, mariin din niyang sabi sa puso niyang parang ayaw pang makampante dahil lang nndito sa harapan niya ang ama ng kanyang anak. 

Anak ni Mark Wayne si Apple, gusto sana niyang sabihin. Kahit naman kasi tingnan sa mga papeles at lahat ng dokumento ay si Mark Wayne ang ama ni Apple. Na isa itong Toledo. Ngunit, dahil nga wala naman siyang sakit na kalimot ay hindi niya magagawang ipagkaila sa sarili ang katotohanan. 

Ngunit, hindi naman ibig sabihin nu'n ay mahal pa niya si Lance, hindi ba?

Bahagi na lang ito ng nakaraan niyang gusto na niyang ibaon sa limot.

"Long time no see, Jillian," nakangiting sabi sa kanya ni Lance. 

Ang inaasahan niya ay may lungkot siyang makikita sa mga mata ng lalaki. Ngunit hindi iyon kababakasan ngayon ng kalungkutan. Para ngang bituin na nagniningning ang mga mata nito ngayon kaya parang bumigat ang kanyang dibdib. Para kasing sinasabi noon na matagal na siya nitong nakalimutan. 

Bakit, sineryoso ba siya nito talaga para hindi siya makalimutan agad? sarkastikong tanong niya sa sarili. 

Malalim na buntunghininga lang ang kanyang pinawalan nang maisip niyang madali nga lang pala para kay Lance na makapag-move on sa pang-iiwan niya rito dahil hindi naman nito sineryoso ang relasyon nila noon. Kahit naman siguro naikama siya nito ay hindi sapat na dahilan iyon para masabi niyang minahal nga siyang talaga ni Lance lalo pa't sa simula pa lang ay pinlano nitong gamitin siya laban kay Mark Wayne. Maaari pa ngang kaya siya sineduce nito ay dahil gusto talaga nitong may maipagmalaki kay Mark Wayne. 

"Hi," tipid niyang  sabi. 

"Your daughter?" tanong nito nang bumaba ang tingin kay Apple. 

Napahigpit ang pagkakaakbay niya sa anak nang sumagot siya ng 'yes'. Para kasing may boses na nagsasabi sa kanya na kailangan niyang protektahan na hindi malaman ni Lance ang tunay na pagkatao ni Apple. Bigla tuloy siyang napatingin kay Mark Wayne. 

Nais niyang lumapit sa kanyang asawa para yumakap dahil talagang kailangan niya ng karamay ng mga sandaling iyon lalo pa't hindi pa bumabalik sa normal ang pintig ng kanyang puso. 

Dahil para siyang itinulos sa kanyang kinalalagyan, si Mark Wayne na ang lumapit sa kanya at ipinulupot sa kanyang beywang ang kamay nito. Alam niyang nais din nitong ipakita kay Lance na masaya ang kanilang relasyon kaya naman humilig pa siya sa dibdib ng kanyang asawa. Talaga kasing kailangan niya ng suporta para hindi siya bumagsak. 

Pakiramdam niya talaga ay babagsak na siya dahil nanlalambot na ang kanyang tuhod. Sa lahat naman kasi ng ayaw niya ay iyong nabibigla gayung ang layunin niya kaya niya pinuntahan si Mark Wayne sa opisina nito ay masorpresa ito. Ngunit, ngayon, mundo niya ang nayanig sa pagtatagpo nilang iyon ng dating karelasyon. 

"Our daughter," mariing sabi ni Mark Wayne. 

Hindi pinansin ni Lance si Mark Wayne. Sa halip ay tinitigan siya nito bago nagkomento. "Carbon copy mo."

"Thanks," tanging nasagot niya at hindi niya nakayang salubungin ang titig ni Lance. Para kasing may ibig sabihin ang titig nito at ayaw niyang mahagilap nito sa kanyang mga mata ang kasagutan. 

"Do you know what they say?" tanong sa kanya ni Lance. 

Ayaw na sana niya itong kausapin pero parang wala itong balak na tantanan siya. Parang gusto nitong kausapin siya kaya napilitan siyang ibulalas ang katagang, 'Ano?'. Oh, parang gusto na niyang himatayin ng mga sandaling iyon lalo na't titig na titig si Lance kay Apple. 

Nararamdaman ba nitong ito ang tunay na ama ng kanyang anak? Nabuking na ba ang kanyang lihim dahil sa paglukso ng dugo ni Lance habang nakatitig sa kanilang anak? Hindi niya napigilan ang mapasinghap ng mga sandaling iyon dahil talagang hindi niya malaman kung ano ba ang dapat niyang gawin. 

"Sabi nila, kapag daw kamukha ng babae ang kanyang anak, mahal na mahal siya ng kanyang mister."

Kalokohan! Gusto niyang sabihin dito ngunit hindi niya magawa. 

"Mahal na mahal kasi ako ni Mark Wayne kaya kamukha ko ang anak namin," mariin niyang sabi nang siya ay makabawi. Hindi pa niya napigilan ang magpakita rito ng tipid na ngiti. Ayaw naman niyang paniwalaan ang sinabi ni Lance dahil alam niyang hindi totoo ang naging pag-ibig nito sa kanya. 

"Hindi mo ba ako ipapakilala sa anak mo?" tanong ni Lance sa kanya. 

"Who's he?" tanong naman ni Apple. 

"He's Mr. Lance Madrigal," matabang na wika ni Mark Wayne. 

"You can call me Tito Lance, baby," wika nito kay Apple. 

Oh, parang gusto na niyang hilahin si Apple palabas ng opisina ni Mark Wayne dahil hindi niya gustong nagkaka-usap ng ganoon ang dalawa. Pakiramdam kasi niya ay malalaman ni Lance ang tunay na pagkatao ni Apple kung hindi pa mapuputol ang pag-uusap na iyon ni Lance sa kanila. 

Kahit tuloy kinakabahan siya ay nakuha pa niyang balingan si Mark Wayne. "Sorry wrong timing ang pagpunta namin ni Apple dito. Gusto lang naman naming dalhan ka ng lunch. Hindi ko akalain na may ka-meeting ka pala."

"Tapos na rin naman ang meeting namin ni Mr. Madrigal."

"Hindi ko pa nakukuha ang gusto kong sagot. Mr. Toledo at dahil nandito na naman si Mrs. Toledo," anitong pinakadiinan ang mga katagang iyon. "Siguro naman ay magagawa kong makuha ang gusto kong sagot."

Kumunot ang noo niya sa sinabing iyon ni Lance. Pakiramdam niya kasi ay siya talaga ang puntirya nito. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niyang parang nag-aapoy ang mga mata ni Lance kaya bigla siyang napalunok. Kung hindi kasi siya nagkakamali ay may pagbabanta siyang naaaninag sa boses nito. 

"Ano bang itatanong mo?" kunwa'y walang kagana-gana niyang tanong. Ngunit, ang totoo ay kinakabahan na siya. Talaga na kasing pinipilit lang niyang magpakatatag sa takot na mahalata ni Lance na may itinatago siya rito. 

"Be in my company for a month  kung ayaw ninyong i-withdraw ko lahat ng pera ko dito sa banko ninyo," mariing sabi ni Lance. May kalakasan pa ang pagsasalita nito kaya para iyong bombang sumabog sa kanyang pandinig. 

Nagbabanta. 

Kaya't parang sinasabi nitong, wala na siyang pagpipilian pa kundi sundin ang gusto nito. 

"Monday," may diin pa nitong sabi sa kanya pagkaraan. 

Kumunot ang noo niya. "Anong mayroon sa Monday?" maang niyang tanong kay Lance. Sinulyapan din niya si Mark Wayne at parang gusto niyang tanungin ito ng, anong pinagsasasabi nitong enemy mo?

Ngumisi naman sa kanya si Lance nang ibalik niya rito ang kanyang tingin. "Since Friday na ngayon ay sa Monday ka na magsisimula ng trabaho sa akin."

"Ano bang tatrabahuhin ko sa'yo?"

"Since writer  ka, gusto ko rin na magsulat ka ng teleserye para sa amin. Kaya, baka mag-extend ang stay mo sa Channel 26 pero huwag kang mag-alala, lahat naman ng gagawin mo para sa aming kumpanya ay may bayad."

"Pumayag na ba ako?" inis niyang tanong kay Lance. 

"May iba ka bang pagpipilian, my Beloved?" sarkastiko nitong tanong sa kanya. 

Bigla naman siyang natigilan. Para kasing may kumiliti sa kanya ng muli niyang marinig kay Lance ang endearment nito sa kanya. Sa isang saglit tuloy ay parang naging blanko ang tingin niya sa paligid. Walang ibang naroroon sa silid na iyon kundi sila ni Lance. At sa pagkakatitig niya sa mga mata nito ay parang nahihipnotismo na naman siya. 

Umayos ka, Jillian! naiinis na saway niya sa kanyang sarili. Minsan na siyang nagpadala sa pambobola sa kanya ni Lance kaya hindi na niya dapat pang ulitin iyon. Ang kailangan niyang gawin ay magpakatatag dahil sa tingin niya'y may kung anong pinaplano na naman si Lance para guluhin ang buhay nila ni Mark Wayne. 

Hah, hindi niya dapat na hayaang mangyari iyon. Kailangan niyang isaksak sa kanyang isipan na ang lalaking kaharap niya ngayon ay hindi dapat na pagkatiwalaan. Sa pagkakataon ito, dapat niyang gamitin ang utak para hindi na siya maisahan pa.  

"Pababayaan mo ba namang mamrublema ang bestfriend mo?" sarkastikong tanong sa kanya ni Lance na parang walang planong ikaila ang talim sa mga mata nito. 

Sa tingin niya ay naalala na naman nito ang 'kasalanan' niya. Ngunit, hindi niya ipinakita ritong naaapektuhan siya. After all, ito naman talaga ang may kasalanan kung bakit sila nagkahiwalay. Saka duda siyang kaya ito nagagalit ay dahil nasaktan ito. Alam niyang nagagalit lang ito dahil hindi nito nakuhang sabihin sa kanila ni Mark Wayne na laro lang naman ang dapat. 

"So?"

"Of course hindi. Ganyan ko kasi kamahal si Mark Wayne," wika niyang hindi rin inaalis ang tingin dito. 

"Then, it settled."

"No problem," wika niya pero natanong niya sa sarili, talaga nga bang walang magiging problema?

HINDI malaman ni Jillian kung kung kakabahan siya o makakahinga nang maluwag nang makaalis na si Lance. Sa mga salita pa lang kasi nito kanina ay parang sinasabi nito na hindi iyon ang magiging huli nilang pagkikita. 

Natural! Gusto ni Lance na manatili siya sa kumpanya nito ng isang buwan kaya't tiyak niyang lagi sila nitong magkikita.

"Hindi mo kailangang gawin ang sinabi niya," wika ni Mark Wayne habang hinahanda niya ang mga dala nila ni Apple. 

Ibig niyang isipin na hindi naman siya apektado sa presensiya ni Lance kaya kailangan niyang kalmantehin ng husto ang kanyang sarili. Ayaw niyang maghinala si Mark Wayne na hindi lang siya ninenerbiyos dahil sa nagkaharap ang mag-amang Lance at Apple kundi dahil sa may kung ano siyang nararamdaman sa kaibuturan ng kanyang puso. 

"Kung hindi natin siya pagbibigyan baka bumagsak ang banko ng pamilya mo," wika niya. Ngunit, talaga nga bang pagtulong lang ang dahilan niya? "Wala namang problema kung gagawin ko ang sinabi ni Lance. Hindi naman siguro kami laging magkikita.At kahit na magkita kami, wala na akong pakialam sa kanya."

Gusto daw ni Lance na tumaas ang rating ng Midnight news ng tv station nito kaya gusto siyang ma-interview. Ang kailangan lang para mas makilala siya ng mga tao -- hindi lang ng manonood kundi ng mga staff ay kailangan din na manatili siya sa kumpanya ng mga ito ng isang buwan. Tulad ng isang ordinaryong empleyado. At dahil nga nais din nitong magsulat siya para sa isang teleserye ay gusto nitong magsulat siya hanang nasa kumpanya nito. 

Parang gusto niyang isipin na may pinaplano talaga si Lance kaya kinukuha nito ang kanyang serbisyo ng isang buwan. Dapat lang na i-turn down niya ang sinasabi nito dahil tiyak niyang magkakaroon lang sila ng problema ni Mark Wayne ngunit kilala din niya si Lance na gagawin nito ang lahat masunod lang ang gusto. Kaya, tiyak niyang kapag hindi siya nakipag-cooperate ay siguradong mawawala ang lahat sa kanila. 

Hindi niya gugustuhing mawala ang banko nina Mark Wayne. Bahagi rin siya ng pamilya ng mga ito kaya dapat lang na tumulong siya. Saka, ito na rin ang pagkakataon niya para ipakita kay Lance na hindi naman siya apektado sa presensiya nito. 

Hindi nga ba? sarkastikong tanong niya sa sarili. 

"Bakit mo ito gagawin?" tanong sa kanya ni Mark Wayne. 

Sa kaseryosohan na nakikita niya sa mga mata ni Mark Wayne parang gusto niyang isipin na nagseselos ito. 

"Para sa pamilya natin."

"Ako dapat ang gumagawa ng paraan para masolusyunan ang probleman," anitong alam niyang labis na nahihirapan. Tiyak niyang nababasa rin nitong may pinaplanong mangyari si Lance kaya't panay ang buntunghininga nito. 

"Kahit kailangan mong solusyunan ang problema, alam kong iba naman ang pinaplano ng kabilang kampo. Huwag mo akong alalahanin dahil walang epekto sa akin si Lance. Gagawin ko lang ang kailangang gawin para hindi na niya tayo ma-blackmail pa.Ang hiling ko lang sa'yo is to trust me."

Mapagkakatiwalaan nga ba ang puso mo, Jillian?

NAPABUNTUNGHININGA si Mark Wayne. Kita naman kasi niya sa mukha ni Jillian na desidido na itong gawin ang sinabi ni Lance kaya kahit kumontra pa siya ay wala na siyang magagawa lalo pa't ang nais nito ay makatulong sa kanilang pamilya. 

Dahil alam ng mga magulang nila ang naging relasyon ni Jillian kay Lance ay ayaw na sana ng mga itong 'magpagamit' sila kay Lance, ngunit, alam nila ni Jillian ang mangyayari kapag hindi nila sinunod ang gusto ni Lance. 

Hindi man sabihin sa kanya ni Jillian pero alam niyang nagi-guilty ito sa nangyari sa Mabuhay Bank. Alam niyang iniisip nitong kung hindi sila nagpakasal ay magagawa nitong bumalik sa Pilipinas matapos niyang makapag-masteral. Ngunit kahit na magkaroon pa siya ng pagkakataon na baguhin ang ginawa niya'y hindi niya iyon babaguhin dahil ng muntik na mawala sa kanya si Jillian ay miserableng-miserable ang kanyang buhay. 

Kaya, ng magkaroon siya ng pagkakataon na makasama ito habambuhay ay hindi na niya iyon pinawalan pa. At hindi niya hahayaan na magkaroon sila ng problema ngayon ni Jillian dahil sa mortal niyang kaaway. 

"May tiwala ako sa'yo," mariin niyang sabi kay Jillian. "Kay Lance ako walang tiwala."

Natigil sila sa pagsasalita ng mabaling ang tingin nila kay Apple. Nakakunot ang noo nito habang pinaglilipat-lipat ang tingin sa kanila. 

"Are you fighting?" malungkot nitong sabi na parang maiiyak. 

"Of course not," sabay pa nilang sabi ni Jillian. 

Sa tuwing nakikita sila ni Apple na seryosong nag-uusap ay bigla na lamang nitong tatanungin iyon saka iiyak. Nang tanungin nila ito kung anong problema'y sinabi nitong kapag daw madalas na mag-away ang mag-asawa ay pupuwedeng magkahiwalay. Ganoon daw kasi ang sinabi rito ng kaibigan nitong si Mica, kapit bahay nila sa New York na matanda lang dito ng dalawang taon. 

"Bad guy ba 'yung lalaki kanina? 

"Hindi masama ang...Tito Lance mo," gilalas na sabi ni Jillian kaya naman para na namang nilamutak ang kanyang puso. 

Dapat sana ay maunawaan niya si Jillian na ayaw nitong magkaroon ng masamang impresyon si Apple sa tunay nitong ama pero para pa ring may sumuntok sa kanyang dibdib. Para kasing gusto pa ring ipagtanggol ni Jillian si Lance kahit nagawan na ito ng mali ng ex-boyfriend. Naitanong tuloy niya sa sarili, mahal pa ba ni Jillian si Mark Wayne?

Gusto niya sanang sabihing oo dahil alam naman niya kung gaanong nagagalit si Jillian dahil sa panloloko rito ni Lance ngunit hindi ba, gahibla lang din naman ang pagitan ng pag-ibig at galit?

"Ikaw ba hindi kakain?" tanong niya kay Jillian. 

Nginitian naman siya ng asawa. "Gusto ko muna kasing masiguro na mabubusog ang mag-ama ko."

Sa katagang mag-ama ay hindi niya napigilan ang mangiti. Para kasi talagang gusto na nitong burahin sa utak nito si Lance at panatilihing ama siya ni Apple habambuhay. Kaya, anumang alinlangan na mayroon siya ay kailangan niyang palisin. Alam naman kasi niyang walang balak si Jillian na iwanan siya para balikan ang ex nito. 

"Ang sweet talaga ng misis ko."

"Siyempre, mahal ko kayo, eh."

Sa sinabi ni Jillian, hindi niya napigilan ang sarili. Nilapitan niya ito saka niyakap ng sobrang higpit. Kailangan talagang gumaling na siya ng tuluyan para naman mabigay na niya ng buung-buo ang sarili kay Jillian. 

KAHIT ilang minuto na nakaupo sa driver seat si Lance, hindi pa rin niya magawang paandarin ang sasakyan. Parang gusto niyang manatiling nakatitig lang sa second floor ng Mabuhay Bank kung saan naroroon si Jillian. 

Buong akala niya kapag nakita na niya ito'y wala na siyang mararamdaman dahil kasal na ito sa itinuturing niyang mortal na kaaway pero hindi iyon ang nangyari. Muli'y naramdaman na naman niyang nagtatalon ang kanyang puso. 

Tanging si Jillian lang talaga ang dahilan kung bakit bumilbilis ang tibok ng kanyang puso. Kaya talagang gagawin niya ang lahat ng paraan para makasama ito. Wala siyang pakialam kung mayroon na itong asawa. 

Marahas na buntunghininga ang kanyang pinawalan. Kailangan niyang patayin ang ideya na itatakas niya si Jillian para lang makasama niya ito. Hindi naman siya ganoon kasama. Hindi niya gugustuhing matulad ito sa kanyang ina. Kasama nga ng kanyang ama pero wala namang buhay ang mga mata. Hindi nga siya magtataka kung idinadalangin na lang nitong mamatay na lang para matakasan ang impiyernong kinalalagyan nito sa piling ng kanyang Papang. 

Ngunit, parang tukso ring pumapasok sa kanyang isipan ang madalas sabihin ng kanyang ama, 'Kung minsan, kinakailangan mong maging makasarili para mabuhay ka'.

Napahigpit ang hawak niya sa manibela. Para kasing tuksong pumapasok sa isipan niya ang mag-anak. Wala man siya sa harap ng mga ito pero parang may nagsasabi sa kanyang na masayang-masaya ang mga ito habang magkakasama. 

Maaari ngang may kinakaharap na problema ngayon sina Mark Wayne at Jillian pero natitiyak niyang nagagawa nitong lampasan ang mga pagsubok lalo na't may inspirasyon ang mga ito -- ang kanilang anak. 

Napabuga siya sa hangin. May sakit siyang naramdaman dahil hindi nagkaroon ang katuparan ang pangarap niya noon na magkaroon sila ng anak ni Jillian. Kung nagkataon kasi, hindi niya hahayaan si Jillian na sumama kay Marak Wayne kahit pa sabihin sa kanya ni Jillian na hindi siya nito mahal at wala itong ibang kayang mahalin kundi si Mark Wayne lang. 

Damn, inis niyang sabi sa sarili. 

Para tuloy nararamdaman niya ang mga damdamin ng mga babae kapag sinasabi niya sa mga itong walang aasahan sa kanya. Gayunman, ayaw naman niyang isipin na nakakarma siya dahil wala naman siyang babae na pinaasa at sinaktan. Gayunman, hindi naman niya maipagkakaila na may mga babae siyang ginamit para pagselosin noon si Jillian. Kaya nga lang, hindi niya nakitang naapektuhan man lang si Jillian. 

Para na namang dinurog ang kanyang puso nang maisip niyang hindi siya pinapansin ni Jillian kapag may kasama at kausap siyang ibang babae dahil ang atensyon nito ay itinutok na lang kay Mark Wayne kaya kahit hindi pa tapos ang klase noon ay minabuti na ni Jillian na umalis sa bansa kasama si Mark Wayne dahil desidido talaga itong mabuhay kasama ang bestfriend nito.  

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Mabel Vieron
Go Lance, ikaw ang manok ko kaya wag mo ko ipapahiyaaaa.🫶🫶
goodnovel comment avatar
Iyah Yhang
kaylangan mo ng magandang plano lance. tsk
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status