Share

Chapter 3

Kinuha ko kaagad ang perang ipinadala ng kampo ni Chloe. Bukas ay sisimulan ko nang asikasuhin ang pagkuha ng flight patungong New York. Hindi ko pa sigurado kung magtatagal ako doon pero bahala na. 

Tumayo ako at iniharang ang mesa at upuan sa pinto ng aking kwarto. Tinabingan ko din ng makapal na kumot ang bintana. Mahirap na baka bigla na lamang akong pasukin ng Zid na iyon.

Sabi pa naman niya kanina bago umalis, he will keep an eye on me. Hindi ba't iyon ang ginagamit na linya ng mga kontrabidang lalaki sa pelikula? Kaya't kailangan kong magdoble ingat.

Binuksan ko ang aking laptop at binura ang video ng ChloTan. Binura ko na din ang dummy account ko sa  IG.  Ni-reformat ko din ang aking cellphone at tinapon ang ilang wigs at bagay na ginagamit ko sa pag-disguise. Mahirap na baka kinabukasan paggising ko ay marami nang parak sa labas ng kwarto ko. Mas mabuti nang wala silang ebidensya na makukuha laban sa akin.

Nagsimula na din akong mag-empake ng mga damit. Kaunti lamang iyon upang hindi mahirap dalhin. Ipamimigay ko na lamang ang matitira kay Fredo at sa mga kapatid niya. Kahit naman naiinis ako sa pangbubuking ng baklang iyon sa'kin ay naiintindihan ko pa din naman siya.

Bukas na bukas din ay maghahanap ako ng malilipatan hanggang sa araw ng flight ko. 

Kung hindi ba naman napakademonyo at pakialamero ng lalaki na iyon para pagbantaan ako, 'di sana'y wala akong inaalala ngayon.

Ano ba naman kasi ang mapapala niya kung ipagkakalat niya ang video na iyon? 

Baka naman gustong ipagyabang na pumatol sa kan'ya si Chloe kahit may boyfriend na ito. Para saan? Para patunayan na gwapo siya at malakas ang appeal? 

Gwapo naman talaga siya.

Pero masama ang ugali niya. Kabit pa din siya kahit gwapo pa siya. Mas angat pa din ang taong may magandang pagkatao kaysa sa mala-greek god na pangangatawan at makalaglag pangang itsura ngunit masama naman ang pag-uugali.

Hindi pa sumisikat ang araw kinabukasan ay umalis na ako ng kwartong inuupahan ko. Nag-iwan na lamang ako ng note sa pinto ng bahay ni Madam Ome. Wala naman akong utang na renta sa kan'ya kaya maaari na akong umalis.

Dumaan muna ako sa bahay ni Fredo. Tinawag ko nang malakas ang kan'yang pangalan. Maagang magising ang baklang iyon dahil may pasok pa sa eskwela ang kan'yang mga kapatid.

Nang makita niya ako sa may gate ay hindi niya alam kung lalapit ba siya o isasara muli ang pinto ng bahay nila, ngunit binigyan ko siya ng matamis na ngiti. Alanganin siyang lumapit sa akin at binuksan ang gate. 

Pinagmasdan niya ang mga dala kong gamit at natatakot na tiningnan ako. Akala siguro'y makikitira ako sa kanila.

"Mga damit 'yan, baka may kasya na d'yan kay Fiela," sabi ko sabay abot sa kan'ya ng isang bag. "Saka ito, pambili mo ng pangkilay hindi sa'yo bagay ang kulay itim para kang angry birds," sabay abot sa kan'ya ng dalawang libong pera.

Kung kanina ay natatakot ang ekspresyon na nakikita ko sa kan'yang mga mata ngayon naman ay nagniningning ito sa kasiyahan. Sino ba naman ang hindi sasaya kapag naabutan ng pera nang ganito kaaga?

"Salamat talaga Kai. Saka sorry din sa ginawa ko," sinserong sabi niya.

"Wala 'yon, naiintindihan kita. Huwag na tayo magdramahan, aalis na ako," sabi ko.

"Saan ka na ngayon pupunta niyan?" tanong niya sabay tingin sa isang maleta na hawak ko at bagpack sa aking likod.

"Secret! Matapos mo akong ipagkanulo sa masamang lalaki na 'yon. Huwag mo nang alamin oy! Basta kapag hinanap niya ulit ako sa'yo sabihin mo nasa Bicol o di kaya'y sa Davao ako pumunta. Bahala ka na." Mas mabuti nang wala siyang alam para kapag nagkagipitan ay hindi ako mapapahamak.

Dumaan muna ako sa terminal upang iwan kay Tere ang aking mga gamit bago asikasuhin ang ilang mga papeles na kailangan ko upang makapag-book ng flight patungong New York.

Ang gastos pala. Sana man lang nilakihan ko ang perang hiningi kay Chloe. 

Ginabi na ako sa paglalakad ng mga papeles. Ipinagpasalamat kong nakapagpa-book ako ng pinakamaagang flight sa susunod na linggo.

Isang linggo na lang makikita ko na siya. Na-e-excite ako at natatakot din. Masaya dahil kaytagal kong hinintay ang pagkakataon na makita siya sa personal pero nakakatakot din na baka katulad ng nanay ko, itakwil niya din ako.

Marahas akong bumuga ng hangin mula sa bibig upang alisin ang mga negatibong bagay na pumapasok sa aking isipan. Inabala ko ang sarili sa pagtingin sa mga store na dinaraanan ko patungong terminal.

Katulad ng dati, palaging napapahinto ang mga paa ko tuwing napapadaan sa tindahan ng mga camera. Ang sarap sigurong makahawak nang pinakamahal at latest na version ng camera. 

Kahit simpleng camera lang naman ay ayos na sa'kin, ang mahalaga'y makakuha ako nang napakagandang larawan at makilala din sa buong mundo katulad ng iniidolo kong si Theodore Davis.

"It seems that prey takes her own way to the predator." Tumindig ang balahibo ko nang makaramdam ng kiliti sa aking kanang tainga mula sa bulong ng isang lalaki.

Lumingon ako ngunit mabilisan din napaatras nang makitang kaunting pulgada na lamang ang agwat ng mga mukha namin.

"Mukha ka yatang nakakita ng multo, Miss? Mister?" sabi ni Zid. Tila nalilito pa din kung ano ang itatawag sa'kin.

Dapat ay tumatakbo na ako paalis kaya lang ito na naman 'yong mga titig niyang nakakaparalisa ng mga paa.

"Pumunta ako sa inuupahan mo, umalis ka na daw sabi ng landlady mo." Tumingin siya sa paligid dahilan upang makahinga ako nang maluwag, kanina ko pa pala iyon pinipigilan. 

Subalit muling nabitin sa ere ang paghinga ko nang yumukod siya upang magkatapat muli ang aming mga mukha. Sa sobrang lapit niya ay naamoy ko na ang mabango niyang hininga.

"Para 'atang ginagawa mong biro ang mga sinabi ko sa'yo kahapon." Sinabi niya iyon nang hindi bumibitaw ng tingin sa akin. 

"Where's the video?" tanong niya.

Hindi niya maaaring malaman na nabura ko na ang video dahil baka hindi na ako abutin pa ng bukas. Halos wala ng tao ang naglalakad sa paligid dahil malalim na ang gabi kaya madali niya akong maisasakay sa kan'yang kotse. Baka itapon niya ako sa ilog o di kaya'y ipakulong, parehong ayaw kong mangyari iyon. 

Pero sa paraan ng pagtitig niya sa'kin ngayon, pakiramdam ko'y kailangan kong magsabi ng totoo. Para bang kapag nagsinungaling ako ay mas matindi pa ang sasapitin ko sa kan'ya.

"Kuya Zid? What are you doing?" Napaayos siya ng tayo nang may tumawag sa kan'ya mula sa likod.

Doon lamang ako bumalik sa sariling ulirat. Kinuha ko ang pagkakataon nang lumingon siya upang kumaripas ng takbo palayo.

Nagtago ako sa likod ng nakaparadang kotse sa tapat ng Ayala Mall upang masigurong hindi niya ako nasundan.

Kailangan ko munang manatili dito nang ilang minuto bago maglakad muli, mahirap na baka sumulpot na naman ang epal na lalaking iyon.

Pinagmasdan ko ang aking repleksyon sa bintana ng kotse nang maalalang tinawag akong mister ng Zid na 'yon. Inayos ko ang aking buhok na bahagyang nagulo dahil sa pagtakbo. Tiningnan ko din ang side profile ko. 

Mukha ba talaga akong lalaki?

Tumingin ako sa dibdib ko. Nag-chest out ako at muling pinasadahan ng tingin ang sariling repleksyon nang biglang bumukas ang bintana ng kotse at iniluwa ang mukha ng isang gwapong lalaki na tila pigil ang ngiting tumingin sa akin. 

Nanlaki ang mga mata ko at napaayos ng tayo.

Nakakahiya!

"I'm sorry miss. Nagmamadali kasi ako. Anyway maganda ka na, you don't need my car's window for verification." Tinanggal ng lalaki ang shades niya at kumindat sa'kin.

Kikiligin na sana ako kaya lang ay bumalik ang kabang naramdaman ko kanina nang mapagtantong si Tristan ang lalaking kaharap ko ngayon.

Hindi niya naman ako makikilala kaya dapat ay kumalma lamang ako.

"Are you okay?" tanong niya nang mapansin ang panlalaki ng aking mga mata.

Wala sa sariling tumango ako at paatras na lumayo. Lakad takbo ang ginawa ko hanggang makarating sa terminal ng jeep.

Kakaalis lang ng huling byahe ng jeep para sa araw na ito. Wala nang ibang tao doon. Lumapit ako kay Tere na naglalatag ng karton sa may waiting shed, mukhang handa ng matulog.

Kinuha ko ang mga gamit ko na itinago niya sa loob ng banyo at umupo sa kabilang bahagi ng waiting shed.

"Tere, pwede ba ako dito matulog?" tanong ko sa kan'ya na nakahiga na at nakangiting nakatingin sa kan'yang cellphone.

Gabing-gabi na para maghanap pa ako ng mauupahan. Isa pa wala na akong lakas para maglakad ulit.

"Sige lang, may karton pa d'yan." Itinuro niya ang mga nakatuping karton sa may paanan niya.

Rinig ko ang tawa nitong kinikilig habang nagtitipa sa kan'yang cellphone. Marahil ay kausap na naman ang 'kano na nakilala niya sa f******k.

Minsan naiisip kong makipag-chat na lang din sa mga foreigner sa f******k sabi kasi ni Tere minsan daw ay pinapadalhan siya ng dollars.

"Kai, anong ibig sabihin ng, you... are... ha-hardworking that's why I admired you... the most," mahinang bigkas ni Tere. 

Hindi ako magaling mag-english pero sinusubukan ko kasi hindi naman pwedeng magtagalog kapag nasa New York na ako. Paano niya ako maiintindihan kung ganoon?

"Ang sabi niya, masipag ka daw kaya humahanga siya sa'yo," pagpapaliwanag ko kay Tere na kaagad din naman napangiti.

Humiga na ako sa karton na inilatag ko sa sahig ng waiting shed. May kaunting espasyo sa pagitan namin ni Tere pero ramdam ko pa din ang mahinang paghagikhik niya. 

Ang weird pala tingnan ng tao kapag kinikilig. Hindi ko pa naranasan kiligin dahil abala ako sa pagkita ng pera simula ng mawala si lola. 

Si tiya Chona ang kumupkop sa'kin. Kapalit ng pagkain at pag-aaral ko noon ay tutulungan ko siya sa pagtatrabaho sa palengke. Kaya wala akong naging oras sa barkada at 'crush-crush' na 'yan.

Mas pipiliin ko pang magtrabaho kaysa kiligin. Hindi naman ako mabubusog ng mga ngiting maidudulot sa'kin ng matatamis na salita mula sa mga lalaki.

Pinagmasdan ko ang mga bituin sa kalangitan na tanaw mula sa kinahihigaan ko. Ito ang pinakagusto kong parte ng bawat araw kapag lumalabas na ang mga bituin sa langit, ibig sabihin ay maaari na akong matulog. Saglit kong hindi mararamdaman ang mga problema ko.

Sana bukas paggising ko nasa New York na ako nang matakasan ang pangit na buhay na ito.

Kinabukasan ay mukhang nagkatotoo ang aking hiling. Nararamdaman ko na tila isang malambot na kama na ang hinihigaan ko at malamig ang temperatura sa loob ng kwarto.

Pagmulat ko ng aking mata ay bumungad sa akin ang puting kisame. Umupo ako at pinagmasdan ang paligid. Kombinasyon ng dark blue at puti ang kulay ng buong kwarto. Mayroong cabinet sa kanang parte at ilang lakad mula roon ay may isang pinto na sa wari ko'y banyo.

Ang alam ko'y sa waiting shed ako natulog kagabi at tanging karton lamang ang nagsilbing sapin ko.

Nasa New York na ba ako?

Tinapik ko nang paulit-ulit ang aking pisngi at kinurot ang aking kamay, at masakit iyon. Ibig sabihin ay totoo ito.

Anong ginagawa ko dito? Paano ako napunta dito? May amnesia na ba ako?

Tumayo ako at naglakad patungo sa bintana at tinabig ang kurtina. May kataasan na ang sikat ng araw. Kitang-kita mula sa kinatatayuan ko ang bubong ng ilang katabing bahay.

Bumalik ako sa kama at binuksan ang aking cellphone na nasa side table. Alas-onse na ng umaga, Philippine time.

Nasa Pilipinas pa din ako, pero kaninong kwarto ito? Bakit ako andito?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status